Library
Lesson 15: 1 Nephi 14


Lesson 15

1 Nephi 14

Pambungad

Natapos sa 1 Nephi 14 ang tala tungkol sa pangitain ni Nephi. Sa bahaging ito ng pangitain, sinabi kay Nephi ang tungkol sa mga pagpapalang ipinangako sa mga magsisisi at makikinig sa Panginoon, at ang sumpang darating sa masasama na pinatigas ang kanilang puso laban sa Panginoon. Ipinakita rin kay Nephi na tutulungan at pangangalagaan ng Panginoon ang mga taong namumuhay nang matwid at tumutupad sa kanilang mga tipan at lilipulin Niya ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan ng diyablo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 14:1–7

Nakita ni Nephi ang mangyayari sa mga darating na henerasyon kapag sinunod o sinuway nila ang Panginoon

Sabihin sa mga estudyante na buksan ang kanilang banal na kasulatan sa 1 Nephi 14. Ipaliwanag na sa araw na ito patuloy nilang pag-aaralan ang pangitain ni Nephi. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila kukumpletuhin ang sumusunod na pangungusap:

  • Kung susundin ko ang Panginoon, …

  • Kung hindi ko susundin ang Panginoon, …

Kapag nakasagot na ang mga estudyante, ituro na ang salitang kung ay nagpapahayag ng pagpili. Depende sa kung ano ang pinili natin, magkakaibang resulta ang mararanasan natin. Ipaliwanag na nakita ni Nephi ang mga darating na henerasyon at sinabing kung sila ay magiging matwid, sila ay pagpapalain; o kung pipiliin nila ang kasamaan, sila ay isusumpa. Sabihin sa klase na pag-isipan nila sa buong lesson kung paano sila pinagpala nang piliin nilang maging masunurin sa Panginoon.

Iguhit ang sumusunod na diagram sa pisara:

If Then Diagram

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 14:1–2. Sabihin sa klase na tukuyin (1) ang sinabi ni Nephi na maaaring piliing gawin ng mga Gentil, at (2) ang mga pagpapalang nakita ni Nephi na darating sa mga Gentil kung iyon ang pipiliin nilang gawin. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, punan ang mga patlang sa pisara para mabasa nang ganito:

If Then Diagram 2

Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, ang pariralang “batong kinatitisuran” (1 Nephi 14:1) ay madalas na tumutukoy sa mga balakid na humahadlang sa mga tao sa pagsunod sa Panginoon. Ang ibig sabihin ng “[maibilang] sa sambahayan ni Israel” (1 Nephi 14:2) ay maisama sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon.

  • Bakit mahalagang mapabilang sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon? (Para matanggap ang mga pagpapala ng tipang ginawa kay Abraham [tingnan sa D at T 132:30–31].)

  • Ano ang ibig sabihin ng “makikinig … sa Kordero ng Diyos”?

  • Sa mga pagpapalang nakasulat sa pisara, alin ang pinakamakabuluhan sa inyo? Bakit?

  • Kailan kayo nakinig sa Panginoon at nakita ang Kanyang mga pagpapala sa inyong buhay? (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi nila kailangang magbahagi ng mga karanasang napakapersonal o napakapribado.)

Sa kabilang bahagi ng pisara iguhit ang sumusunod na diagram:

If Arrows

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 14:5–7. Sabihin sa klase na alamin ang (1) mga pagpapapalang dumarating sa mga nagsisisi at ang (2) masasamang pangyayari na dumarating sa mga taong pinatitigas ang kanilang puso. Kumpletuhin ang diagram, tulad ng ginawa mo sa naunang aktibidad. (Kung magsisisi ang mga tao, ito ay “makabubuti sa kanila” [1 Nephi 14:5] at sila ay tatanggap ng “kapayapaan at buhay na walang hanggan” [1 Nephi 14:7]. Kung patitigasin ng mga tao ang kanilang mga puso, sila ay “masasawi” [1 Nephi 14:5] at “[ma]dadala … sa pagkabihag” at “pagkawasak” [1 Nephi 14:7].)

Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang “dakila at kagila-gilalas na gawain” na binanggit sa 1 Nephi 14:7 ay tumutukoy sa panunumbalik ng priesthood, ng ebanghelyo, at ng Simbahan ng Panginoon sa mga huling araw.

  • Paano naging “dakila at kagila-gilalas na gawain” ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw para sa inyo? Paano ito nagdadala ng kapayapaan sa inyo? Paano ito nagdadala sa inyo ng pag-asa para sa buhay na walang hanggan?

Maaari mong bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na tahimik na makapag-isip kung aling landas na nakaguhit sa pisara ang tinatahak nila sa kasalukuyan. Magpatotoo na ang pagsunod sa Panginoon at pagsisisi sa ating mga kasalanan ay humahantong sa malalaking pagpapala. Maaari mo ring patotohanan na ang pagpapatigas ng ating puso laban sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan ay humahantong sa espirituwal na pagkabihag at pagkawasak.

1 Nephi 14:8–17

Nakita ni Nephi ang digmaan ng Simbahan ng Kordero ng Diyos at ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nakasama sila kamakailan sa listahan ng mga lalaban sa digmaan.

  • Ano ang gagawin ninyo para makapaghanda sa digmaan?

Ipaliwanag na itinuro ng anghel kay Nephi ang tungkol sa malaking digmaan na magaganap sa mga huling araw.

Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 14:9–11. Sabihin sa klase na tukuyin ang dalawang grupong maglalaban. (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan ay tumutukoy sa anumang indibidwal o grupo na naglalayo sa mga tao mula sa Diyos at sa Kanyang mga batas.)

  • Anong mga salita at mga parirala ang ginamit ni Nephi para ilarawan ang “makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan”?

  • Ayon sa pangitain ni Nephi, saan matatagpuan ang “makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan” sa mga huling araw?

Sabihin sa tatlo pang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 14:12–14. Sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit maaari tayong magkaroon ng pag-asa tungkol sa hinaharap.

  • Ayon sa 1 Nephi 14:12, anong simbahan ang may mas maraming tao?

  • Bakit mas kakaunti ang mga tao sa Simbahan ng Kordero kaysa sa makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan?

  • Ayon sa 1 Nephi 14:13, ano ang layunin ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan sa pangangalap ng maraming tao?

Magpatotoo na kabilang tayo sa digmaan na inilarawan ni Nephi—isang espirituwal na digmaan laban sa kasamaan sa mga huling araw. Bilang mga miyembro ng Simbahan ng Kordero, kakaunti lamang tayo, at kailangan natin ng tulong kung gusto nating magtagumpay laban sa pwersa ng diyablo.

  • Ano ang nabasa ninyo sa 1 Nephi 14:14 na nagbigay sa inyo ng pag-asa?

Bigyang-diin na ang mga pangakong ibinigay sa mga banal na kasulatang ito ay para sa mga taong gumagawa at tumutupad ng kanilang mga tipan sa Panginoon. Ipaalala sa mga estudyante na nakipagtipan sila sa Panginoon noong sila ay binyagan. Ituon ang pansin ng mga estudyante sa pariralang “nasasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos” sa 1 Nephi 14:14.

  • Para sa inyo, ano ang ibig sabihin ng pariralang “nasasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos”?

  • Kapag tayo ay “nasasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos,” paano ito natutulad sa pagkakaroon ng baluti at mga sandata sa pakikipaglaban natin sa kasamaan?

  • Kailan ninyo naramdaman na “nasasandatahan [kayo] ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos”? Ano ang naramdaman ninyo?

Itanong sa mga estudyante kung paano nila ibubuod ang mensahe sa 1 Nephi 14:1–14. Tiyakin na nauunawaan nila na kung mamumuhay tayo nang matwid at tutupad sa ating mga tipan, tutulungan tayo ng kapangyarihan ng Diyos na magtagumpay laban sa kasamaan.

Sabihin sa mga estudyante na suriin ang kanilang buhay at isipin kung ano ang maaari nilang gawin upang lalo pang masandatahan ng kabutihan. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang inspirasyon na natanggap nila. Tiyakin sa kanila na kapag nanatili silang tapat, magkakaroon sila ng pagkakataon na makapasok sa mga sagradong templo at makagawa ng mga karagdagang tipan sa Panginoon. Ang mga pangako at mga tipang ginawa nila roon ay magdadala ng malaking kapangyarihan at proteksyon sa kanilang buhay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 14:3–4. Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang 1 Nephi 14:15–17.

  • Ano ang mangyayari sa makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan?

  • Ano ang magiging wakas ng digmaan ng Simbahan ng Kordero ng Diyos (ang kaharian ng Diyos) at ng mga pwersa ng diyablo?

  • Paano makatutulong na alam ninyo ang wakas ng digmaang ito?

Basahin sa klase ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Maliit na bahagi lang tayo [na mga miyembro ng Simbahan] kung ihahambing sa bilyun-bilyong tao sa mundo. Ngunit tayo ay tayo, at alam natin ang alam natin, at dapat tayong humayo at mangaral ng ebanghelyo.

Pangulong Boyd K. Packer

“Nililiwanag ng Aklat ni Mormon na hinding-hindi tayo gaanong darami. Ngunit taglay natin ang kapangyarihan ng priesthood [tingnan sa 1 Nephi 14:14]. …

“Maiimpluwensyahan natin ang buong sangkatauhan, at sa takdang panahon ay tiyak na magagawa natin iyan. Malalaman nila kung sino tayo at kung bakit tayo ganito. Maaaring tila wala itong pag-asa; napakahirap nito; ngunit hindi lang posible kundi tiyak na magwawagi tayo sa digmaan laban kay Satanas” (“Ang Kapangyarihan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 7).

Tiyakin sa mga estudyante na ang kaharian ng Diyos ay magtatagumpay sa mga huling araw. Ipahayag ang iyong matibay na paniniwala na mapagkakatiwalaan nila ang Diyos at madadaig ng Kanyang kapangyarihan ang lahat ng kasamaan. Hikayatin sila na maging mabuting impluwensya sa ibang tao.

1 Nephi 14:18–27

Nakita ni Nephi si Juan ang Tagapaghayag

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Sino sa Labindalawang Apostol ng Tagapagligtas ang nakita ni Nephi sa pangitain?

Ano ang isusulat ng Apostol na ito?

Bakit inutos kay Nephi na huwag isulat ang nalalabi sa kanyang pangitain?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 14:18–27. Pagkatapos ay sandaling talakayin ang mga sagot sa mga tanong na nasa pisara.

Ipaliwanag na ang mga talatang ito ay tumutukoy nang bahagya sa mga isinulat ni Juan sa aklat ng Apocalipsis. Ang pangunahing tema ng aklat na iyan ay magtatagumpay ang Diyos sa mga pwersa ng diyablo. Tulad ni Juan, nakakita rin si Nephi ng pangitain tungkol sa katapusan ng daigdig, ngunit siya ay inutusang huwag itong isulat dahil ibinigay kay Juan ang responsibilidad na isulat ito. Kung may oras pa, maaari mong tapusin ang lesson sa sandaling pagtalakay tungkol sa pagtutulungan ng Biblia at ng Aklat ni Mormon na “[pagtibayin ang] katotohanan” ng isa’t isa at maging “isa” (1 Nephi 13:40–41).

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

1 Nephi 14:7. “Dakila at kagila-gilalas na gawain”

Inilarawan sa mga banal na kasulatan ang Panunumbalik ng ebanghelyo at ang pagkakatatag ng Simbahan bilang “dakila at kagila-gilalas na gawain” (1 Nephi 14:7; 3 Nephi 21:9). Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang dakila ay mahalaga at makabuluhan, at ang ibig sabihin naman ng salitang kagila-gilalas ay kahanga-hanga at kamangha-mangha. Ang salitang gawain ay tumutukoy sa pagkilos o paggawa.

1 Nephi 14:14. “Nasasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos”

Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo “[m]asasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos” (1 Nephi 14:14):

“Suriin natin ang ating sarili. Para sa Simbahan, kapwa ipinapahiwatig sa mga banal na kasulatan ang pagpapaibayo ng kadalisayan at espirituwal na pag-unlad at pagdami ng bilang ng mga miyembro—kapag nangyari ito ang mga tao ng Diyos ay ‘[m]asasandatahan ng kabutihan’—hindi ng mga armas—at ibubuhos sa kanila ang kaluwalhatian ng Panginoon (1 Nephi 14:14; tingnan din sa I Ni Pedro 4:17; D at T 112:25). Matibay ang determinasyon ng Panginoon na magkaroon ng mga taong matatag, dalisay, at subok na sa lahat ng bagay (tingnan sa D at T 100:16; 101:4; 136:31), at ‘walang anumang bagay ang isasapuso ng Panginoon mong Diyos na gawin maliban kung kanyang gagawin ito’ (Abraham 3:17)” (“For I Will Lead You Along,” Ensign, Mayo 1988, 8).

“Ang mga miyembro ng Simbahan ay may espesyal na tipan na tutuparin, mga kapatid. Nakita ito ni Nephi. Sinabi niya na balang-araw, ang mga pinagtipanang tao ni Jesus, ‘na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo,’ ay ‘[m]asasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.’ (1 Ne. 14:14.) Mangyayari lamang ito, kapag mas maraming miyembro ang naging mas mabuti at mas banal ang pag-uugali” (“Repentance,” Ensign, Nob. 1991, 32).