Library
Pambungad sa Mga Salita ni Mormon


Pambungad sa Ang Mga Salita ni Mormon

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Sa pag-aaral ng Mga Salita ni Mormon, mapapalakas ng mga estudyante ang kanilang pananampalataya na “nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay” (Mga Salita ni Mormon 1:7) at ginagabayan Niya ang Kanyang mga tagapaglingkod upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. Bilang ulat na pangkasaysayan, ang aklat ay nagdurugtong sa maliliit na lamina ni Nephi (1 Nephi–Omni) at sa pinaikling ulat ni Mormon mula sa malalaking lamina ni Nephi (Mosias–4 Nephi). Ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan kung aling mga talaan ang pinaikli ni Mormon nang kanyang pagsama-samahin ito sa Aklat ni Mormon. Ipinaaalam din nito sa mga estudyante ang pananampalataya at mga nagawa ni Haring Benjamin.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Si Mormon ang sumulat ng aklat na ito. Siya ay isang propeta, tagapag-ingat ng talaan, at ang nagpaikli at nagtipon ng mga tala sa Aklat ni Mormon. Isa rin siyang mabuting ama at pinuno ng hukbo ng mga Nephita. Anak niya ang propetang si Moroni.

Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?

Isinulat ito ni Mormon para sa mga makakabasa nito sa hinaharap, umaasang ang kanyang mga isinulat at ang mga isinulat ng kanyang anak na si Moroni “ay mapakinabangan nila” (Mga Salita ni Mormon 1:2). Sumulat siya lalo na para sa kapakinabangan ng mga Lamanita. Tungkol sa kanila ay sinabi niya, “Ang panalangin ko sa Diyos ay hinggil sa aking mga kapatid, na muli silang makarating sa kaalaman ng Diyos, oo, ang pagtubos ni Cristo; na muli silang maging mga kaaya-ayang tao” (Mga Salita ni Mormon 1:8).

Kailan at saan ito isinulat?

Isinulat ni Mormon ang aklat na ito noong mga A.D. 385, pagkatapos “[m]asaksihan ang halos buong pagkalipol ng [kanyang] mga tao, ang mga Nephita” (Mga Salita ni Mormon 1:1). Hindi itinala ni Mormon kung nasaan siya nang isinulat niya ang aklat na ito.

Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?

Sumingit ang maikling aklat na ito sa pagkakasunod-sunod ng mga aklat sa simula ng Aklat ni Mormon. Isinulat ito ni Mormon mahigit 500 taon na ang nakalipas pagkatapos tapusin ni Amaleki ang aklat ni Omni. Sa aklat na ito, maikling ipinaliwanag ni Mormon ang pagtitipon at pagpapaikli niya ng ulat tungkol sa kanyang mga tao. Para maunawaan ang kanyang paliwanag, makabubuting alalahanin na inutos ng Panginoon kay Nephi na gumawa ng dalawang uri ng mga lamina para sa “natatangi” at “matalinong” layunin (tingnan sa 1 Nephi 9:3, 5). Ang isang uri ng mga lamina, na madalas tawaging malalaking lamina, ay naglalaman ng mga sekular na kasaysayan ng mga Nephita, samantalang ang isa pang uri ng mga lamina, na madalas tawaging maliliit na lamina, ay naglalaman ng sagradong talaan ng mga pangangaral, paghahayag, at propesiya ng mga Nephita (tingnan sa 1 Nephi 9:2–4; Jacob 1:3–4).

Natuklasan ni Mormon ang maliliit na lamina ni Nephi pagkatapos niyang makagawa ng pinaikling ulat mula sa malalaking lamina (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:3). Pinatnubayan ng Espiritu ng Panginoon, isinama ni Mormon ang maliliit na lamina sa kanyang pinaikling ulat mula sa malalaking lamina. Ginawa niya ito “para sa isang matalinong layunin,” ayon sa kalooban ng Panginoon (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:4–7).

Makalipas ang maraming taon, naging malinaw ang isang dahilan para sa inspirasyong ito. Nang simulang isalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, nagsimula siya sa pinaikling ulat ni Mormon mula sa malalaking lamina ni Nephi–ang sekular na kasaysayan. Nawala ni Martin Harris, na tagasulat ng Propeta para sa bahaging ito ng pagsasalin, ang 116 na pahina ng manuskrito. Ipinahayag ng Panginoon kay Joseph Smith na nakuha ng masasamang tao ang mga pahinang iyon at binago ang mga salita (tingnan sa D at T 10:8–10). Kung isinalin muli ni Joseph ang materyal na iyon, sasabihin ng mga taong iyon na siya ay hindi propeta dahil hindi niya naisalin nang pareho ang aklat (tingnan sa D at T 10:11–19). Sinabi ng Panginoon kay Joseph na huwag nang isalin muli ang bahaging iyon at ang isalin ay ang maliliit na lamina na isinama ni Mormon sa pinaikli niyang ulat mula sa malalaking talaan (tingnan sa D at T 10:30–45). Sa gayon, ang mga Salita ni Mormon ay nakatutulong sa atin na makita kung paano naghanda ng paraan ang Panginoon para mahadlangan ang plano ng masasamang tao at para maisama ang mga banal na kasulatan na hindi lamang saklaw ang panahong tulad sa nawalang manuskrito kundi nagbibigay din ng “mas malawak na pananaw sa ebanghelyo [ng Panginoon]” (D at T 10:45). Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Talagang magiging masaya kung balang araw ay matatagpuan ng isang tao ang nawalang 116 na pahina ng orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon. Ngunit anuman ang nilalaman ng mga pahinang iyon, hindi iyon mas mahalaga o mas pangunahin sa layunin ng Aklat ni Mormon kaysa sa turong … nakatala sa maliliit na lamina” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 35–36).

Bukod pa sa pagbabahagi ng mga kaalaman tungkol sa pagtitipon ng mga sagradong talaan ng kanyang mga tao, nagbigay si Mormon ng maikling paglalahad tungkol sa paglilingkod ni Haring Benjamin (tingnan sa mga Mga Salita ni Mormon 1:10–18). Ang paglalahad na ito ay nakatulong na maikonekta ang maliliit na lamina ni Nephi sa pinaikling ulat ni Mormon mula sa malalaking lamina. Nabanggit si Haring Benjamin sa pagtatapos ng aklat ni Omni, na huling aklat sa maliliit na lamina (tingnan sa Omni 1:23–25). Ang aklat ni Mosias, ang unang aklat sa pinaikling ulat ni Mormon mula sa malalaking lamina, ay nagsisimula sa paglalahad ng pagtatapos ng pamamahala at paglilingkod ni Haring Benjamin (tingnan sa Mosias 1:1, 9).

Outline

Mga Salita ni Mormon 1:1–9 Natuklasan ni Mormon ang maliliit na lamina ni Nephi at isinama ang mga ito sa kanyang pinaikling ulat mula sa malalaking lamina.

Mga Salita ni Mormon 1:10–18 Ibinuod ni Mormon ang pamamahala ni Haring Benjamin.