Lesson 29
2 Nephi 9:1–26
Pambungad
Sa sermon sa mga Nephita, nagsimula si Jacob sa pagbanggit ng ilan sa mga propesiya ni Isaias tungkol sa pagtubos ng Panginoon sa Kanyang mga pinagtipanang tao. Ang bahaging ito ng sermon ni Jacob ay matatagpuan sa 2 Nephi 6–8 (tingnan sa lesson 28 sa manwal na ito). Ang karugtong ng dalawang araw na sermong ito ay matatagpuan sa 2 Nephi 9–10. Matapos banggitin si Isaias, ibinahagi ni Jacob ang kanyang sariling patotoo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo—sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na iligtas tayo mula sa mga ibinunga ng Pagkahulog at sa mga ibinunga ng ating mga kasalanan. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang 2 Nephi 9 ay naglalaman ng “isa mga nakaaantig na mensaheng naibigay tungkol sa pagbabayad-sala.” Sinabi niya, “Dapat itong basahing mabuti ng bawat taong naghahangad ng kaligtasan” (Answers to Gospel Questions, comp. Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 4:57).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 9:1–9
Ipinaliwanag ni Jacob ang mga epekto ng Pagkahulog
Bago magsimula ang klase, isulat ang kakila-kilabot na halimaw sa gitna ng pisara.
Simulan ang lesson sa pagpapaliwanag na ang 2 Nephi 9 ay karugtong ng sermon na sinimulang pag-aralan ng mga estudyante sa nakaraang lesson. Ipaalala sa mga estudyante na sa unang bahagi ng sermon, na matatagpuan sa 2 Nephi 6–8, binanggit ni Jacob si Isaias para ituro ang awa ng Tagapagligtas at ang Kanyang kapangyarihang iligtas ang Kanyang mga pinagtipanang tao mula sa kanilang pagkawalay at pagkalat. Sa pagpapatuloy ng kanyang sermon, itinuro ni Jacob kung paano tayo tinubos lahat ng Tagapagligtas mula sa ating nahulog at makasalanang kalagayan.
Ituon ang pansin ng mga estudyante sa isinulat mong parirala sa pisara.
-
Ano ang pumapasok sa isip ninyo kapag iniisip ninyo ang isang kakila-kilabot na halimaw?
Sa pagsagot sa tanong na ito, maaaring magbanggit ang mga estudyante ng mga nilalang na kathang-isip lamang. Kung ginawa nila ito, ipaliwanag na may mga bagay na totoo na mas nakakatakot kaysa kathang-isip lamang na mga nilalang dahil nakakapinsala ang mga ito. Ipaalam sa mga estudyante na ginamit ni Jacob ang pariralang “kakila-kilabot na halimaw” para ilarawan ang kalagayan na kinakaharap natin at ang walang hanggang kapahamakang idudulot nito. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 9:10, at ipahanap ang dalawang uri ng halimaw na inilarawan ni Jacob. Kapag ibinahagi ng mga estudyante ang nahanap nila, magdagdag sa pisara ng mga sagot tulad nang nakikita sa ibaba:
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang paggamit ni Jacob ng mga katagang kamatayan at impiyerno, ipaliwanag na ang mga salitang ito ay tumutukoy sa uri ng paghihiwalay. Nang gamitin ni Jacob ang salitang kamatayan sa sermong ito, ang tinutukoy niya ay “ang kamatayan ng katawan,” na pagkahiwalay ng pisikal na katawan mula sa espiritu. Nang gamitin niya ang salitang impiyerno, ang tinutukoy niya ay “kamatayan ng espiritu,” na pagkahiwalay ng tao mula sa presensya ng Diyos. Sa mga banal na kasulatan, ang pagkahiwalay na ito ay kadalasang tinutukoy bilang “kamatayang espirituwal o espirituwal na kamatayan.”
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 9:6. Ipahanap sa kanila ang dahilan ng kamatayang pisikal at kamatayang espirituwal.
-
Anong pangyayari ang nagdulot ng kamatayang pisikal at kamatayang espirituwal sa ating lahat? (Maaari mong ipaliwanag na dahil sa Pagkahulog, lahat ng tao ay nahiwalay mula sa presensya ng Diyos at lahat ng tao kalaunan ay pisikal na mamamatay.)
Ipaliwanag na sa 2 Nephi 9:7–9, itinuro ni Jacob ang mangyayari sa atin kung walang Pagbabayad-sala at ang pananatili magpakailanman ng mga epekto ng Pagkahulog. Para maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng mga talatang ito, maaari mong ibigay ang kahulugan ng ilang salita sa talata 7: Nang banggitin ni Jacob ang tungkol sa “unang kahatulang sumapit sa tao,” ang tinutukoy niya ay ang mga ibinunga ng Pagkahulog nina Adan at Eva. Nang banggitin niya ang “kabulukan,” ang tinutukoy niya ay ang ating mga katawang mortal, na mamamatay. Nang banggitin niya ang “walang kabulukan,” ang tinutukoy niya ay ang ating mga katawan na nabuhay na mag-uli, at mabubuhay magpakailanman.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 9:7–9. Sabihin sa klase na hanapin ang mga pariralang naglalarawan ng mangyayari sa ating mga katawan at espiritu kung mananatili magpakailanman ang kamatayang pisikal at espirituwal.
-
Kung walang Pagbabayad-sala, ano ang mangyayari sa ating mga katawan?
-
Kung walang Pagbabayad-sala, ano ang mangyayari sa ating mga espiritu?
Upang mabigyang-diin kung ano ang magiging kapalaran natin kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol.
“Kung permanente na tayong mahihiwalay sa Diyos at mananatiling patay ang ating katawan, wala nang halaga kung malaya man tayong pumili nang tama. Oo, malaya tayong pumili, ngunit para saan pa? Anuman ang gawin natin ay wala namang maiiba sa resulta nito sa huli: kamatayan na walang pag-asang mabubuhay na muli at walang inaasahang langit na kalalagyan. Mabuti man tayo o masama, sa bandang huli lahat tayo ay magiging ‘mga anghel ng diyablo.’ [2 Nephi 9:9.]” (“Moral Agency,” Ensign, Hunyo 2009, 50).
2 Nephi 9:10–26
Itinuro ni Jacob na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, iniligtas tayo ng Tagapagligtas mula sa mga epekto ng Pagkahulog at handang magbigay ng kapatawaran sa ating mga kasalanan
Ipabasang muli sa mga estudyante ang 2 Nephi 9:10.
-
Ayon sa talatang ito, ano ang inihanda ng Diyos para sa atin?
Bigyang-diin na ang pangunahing mensahe ni Jacob sa sermon na ito ay naghanda ang Diyos “ng daan upang tayo ay makawala mula sa mahigpit na pagkakahawak ng … kamatayan at impiyerno.” Ang pagtakas na ito—mula sa kamatayang pisikal at espirituwal na dulot ng Pagkahulog—ay tiniyak dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.
Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Ipabasa nang tahimik sa unang grupo ang 2 Nephi 9:5, 19–21, at ipahanap ang mga paglalarawan sa sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin. Ipabasa nang tahimik sa pangalawang grupo ang 2 Nephi 9:11–12, 15, 22, at ipahanap ang mga parirala tungkol sa pagliligtas sa atin ni Jesucristo mula sa kamatayang pisikal. (Maaaring makatulong kung isusulat sa pisara ang mga scripture reference na ito.)
Pagkatapos magbasa ng mga estudyante, itanong sa unang grupo ang mga sumusunod:
-
Ano ang handang pagdusahan ng Tagapagligtas upang iligtas tayo mula sa kamatayang pisikal at espirituwal? Anong mga paglalarawan ang nahanap ninyo na mahalaga sa inyo?
-
Binigyang-diin ni Jacob na pinagdusahan ni Jesucristo ang mga pasakit ng lahat ng tao. Ano ang ibig sabihin nito sa inyo? Paano naiimpluwensyahan ng kaalamang ito ang damdamin ninyo tungkol sa Tagapagligtas? (Para matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan ang kahalagahan ng sakripisyo ng Tagapagligtas, maaari mong itigil sandali ang talakayan at bigyang-diin na pinagdusahan ng Tagapagligtas ang mga pasakit ng lahat ng mga nabuhay at mabubuhay sa mundo. Para matulungan ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti ang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa bawat indibidwal, maaari mong sabihin sa kanila na isulat ang kanilang pangalan sa margin sa tabi ng 2 Nephi 9:21, bilang paalala na pinagdusahan ng Tagapagligtas ang lahat ng kanilang mga pasakit.)
Itanong sa pangalawang grupo ang mga sumusunod:
-
Anong mga parirala ang nakita ninyo tungkol sa pagliligtas sa atin ni Jesucristo mula sa kamatayang pisikal?
-
Ayon sa 2 Nephi 9:22, sino ang mabubuhay na muli at dadalhin pabalik sa kinaroroonan ng Diyos?
Patingnan muli sa pisara ang pariralang “kakila-kilabot na halimaw.” Sabihin sa mga estudyante na ipahayag, gamit ang sarili nilang mga salita, ang itinuro ni Jacob tungkol sa kung paano tayo maliligtas mula sa “halimaw” na ito. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, iniligtas ni Jesucristo ang lahat ng tao mula sa kamatayang pisikal at espirituwal na idinulot ng Pagkahulog. Ipasulat sa isang estudyante ang katotohanang ito sa pisara.
Ipaalala sa mga estudyante na bukod sa pagliligtas sa buong sangkatauhan mula sa kamatayang pisikal at espirituwal na dulot ng Pagkahulog, maililigtas tayo ni Jesucristo mula sa kamatayang espirituwal na dulot ng ating sariling mga kasalanan.
Ipaliwanag na inilarawan ni Jacob ang kalagayan ng mga taong humaharap sa Diyos nang may kasalanan. Ipahanap sa mga estudyante ang mga paglalarawang ito habang binabasa nang malakas ng isang estudyante ang 2 Nephi 9:15–16, 27.
-
Paano inilarawan ni Jacob ang kalagayan ng mga taong haharap sa Diyos nang may kasalanan?
Ipaliwanag na inilarawan din ni Jacob ang kalagayan ng mga taong haharap sa Diyos nang dalisay. Ipahanap sa mga estudyante ang mga paglalarawang ito habang binabasa nang malakas ng isang estudyante ang 2 Nephi 9:14, 18.
-
Paano inilarawan ni Jacob ang kalagayan ng mga taong haharap sa Diyos nang dalisay?
Ipaliwanag na bagama’t ang kaligtasan mula sa mga ibinunga ng Pagkahulog ay kaloob sa lahat ng tao, ang kaligtasan mula sa ibinunga ng ating mga kasalanan ay depende rin sa ating mga hinahangad at ginagawa. Isulat sa pisara ang sumusunod: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, madaraig natin ang mga bunga ng ating mga kasalanan kung tayo ay …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 9:21, 23–24. Ipahanap sa klase ang mga pariralang kukumpleto sa pangungusap sa pisara.
-
Ayon sa mga talatang ito, paano ninyo kukumpletuhin ang pangungusap na ito? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na mga salita na kukumpleto sa pangungusap: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, madaraig natin ang mga bunga ng ating mga kasalanan kung tayo ay may pananampalataya kay Jesucristo, magsisisi, mabibinyagan, at magtitiis at magpapakatatag hanggang wakas. Habang nagbibigay sila ng mga sagot, kumpletuhin ang pahayag sa pisara.)
Tapusin ang lesson na ito sa pamamagitan ng pagpili ng isa sa mga sumusunod na aktibidad. Layunin ng dalawang aktibidad na ito na tulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang ibig sabihin sa kanila ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ibahagi ang nadarama nila tungkol sa Kanya.
-
Ipabasa nang mabilis sa mga estudyante ang 2 Nephi 9:1–22 at ipahanap ang lahat ng talata na nagsisimula sa salitang O. Ipabasa nang malakas sa mga estudyante ang unang pangungusap ng mga talata na iyon.
Magpasulat sa mga estudyante ng kahalintulad na mga pahayag sa kanilang scripture study journal o class notebook, na naglalahad ng kanilang personal na pasasalamat sa Tagapagligtas at sa Kanyang sakripisyo para sa kanila. Sabihin sa kanila na tularan ang pamamaraan ni Jacob, at simulan ang bawat pahayag sa salitang O at magtapos sa tandang padamdam. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga pahayag kung nararapat. Tiyakin na nauunawaan nila na hindi nila kailangang magbahagi ng kanilang mga nadarama o karanasan na napakapersonal o napakapribado.
-
Bilang klase, awitin o basahin ang mga salita sa “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115) o iba pang himno tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng mga linya mula sa himmo na nagpapakita ng nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Hayaan silang sabihin sa klase ang mga linyang napili nila at ipaliwanag ang dahilan kung bakit mahalaga sa kanila ang mga linyang iyon.