Home-Study Lesson
2 Nephi 11–25 (Unit 7)
Pambungad
Sa linggong ito pinag-aralan ng mga estudyante ang mga piniling kabanata mula sa Isaias na isinama ni Nephi sa kanyang mga isinulat. Ganito ang sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga kabanatang ito ng Isaias: “Huwag tumigil sa pagbasa! Patuloy na basahin ang mahihirap unawaing mga kabanatang iyon ng propesiya ng Lumang Tipan, kahit hindi ninyo ito gaanong maintindihan. Magpatuloy lang, kahit basahin ninyo lang ito nang mabilis at kaunti lang ang inyong maunawaan” (“The Things of My Soul,” Ensign, Mayo 1986, 61).
Sa inyong klase sa linggong ito, hikayatin ang mga estudyante na maging matiyaga sa pag-aaral ng mga salita ni Isaias. Maaari mo rin silang anyayahang ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang mga isinulat ni Isaias na “magkaroon ng sigla sa kanilang mga puso at magsaya” sa kabutihan ng Diyos (2 Nephi 11:8).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 11–25
Binanggit ni Nephi ang mga propesiya ni Isaias tungkol kay Jesucristo
Magdispley ng isang magnifying glass o magdrowing nito sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 25:13. Sabihin sa klase na alamin kung sino ang “ipinagmamalaki” ni Nephi. IpaIiwanag na isang dahilan kung bakit itinala ni Nephi ang mga salita ni Isaias, na matatagpuan sa 2 Nephi 11–25, ay upang ipagmalaki o ikarangal ang pangalan, ministeryo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa buhay ng mga taong magbabasa ng mga salita ni Nephi.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 11:4–8. Ipahanap sa klase ang mga parirala na tumutukoy sa mga layunin ni Nephi sa pagbanggit ng mga salita ni Isaias.
Sa kanilang pag-aaral sa bahay, ang mga estudyante ay sinabihan na markahan ang pangalang “Cristo” sa tuwing makikita ito sa 2 Nephi 25:20–30. Sabihin sa kanila na basahin ang 2 Nephi 25:28–29 at hanapin ang parirala na inulit-ulit sa mga talatang ito. (“Ang tamang landas ay maniwala kay Cristo at huwag siyang itatwa.”)
Itanong sa mga estudyante: Anong mga karanasan sa buhay ninyo ang nagturo sa inyo na ang maniwala at sumunod kay Jesucristo ang tamang landas ng buhay o tamang pamumuhay?
Ang sumusunod na listahan ay naglalaman ng mga katotohanan, doktrina at alituntunin na napag-aralan ng mga estudyante sa 2 Nephi 11–25 sa linggong ito. Isulat ang siyam na pangungusap sa pisara o isama ang mga ito sa handout para sa bawat estudyante. Ipabasa sa mga estudyante ang listahan at ipahanap ang mga katotohanan, doktrina, at mga alituntuning ito sa mga binanggit na talata.
Pag-unawa sa mga Turo ni Isaias sa Ating Panahon
-
Nagtatag ang Diyos ng mga templo upang ituro sa atin ang Kanyang mga daan at tulungan tayong lumakad sa Kanyang mga landas (tingnan sa 2 Nephi 12:2–3).
-
Malilinis tayo sa pagiging di-karapat-dapat sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 16:5–7).
-
Mapapasaatin ang Diyos kapag nagtiwala tayo sa Kanya, kahit sa mga oras ng paghihirap at pangamba (tingnan sa 2 Nephi 17:4, 7, 14).
-
Si Jesucristo ay Diyos ng kahatulan at awa. Ang Kanyang awa ay ibinibigay sa mga nagsisisi at sumusunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa 2 Nephi 19:12, 17, 21; 20:4).
-
Ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo at Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at tinitipon na ngayon ang Kanyang mga tao sa mga huling araw (tingnan sa 2 Nephi 21:10, 12).
-
Sa Milenyo, ang mundo ay magiging payapang lugar dahil ito ay mapupuno ng kaalaman sa Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 21:6–9).
-
Ang Panginoon ay magiging maawain sa Kanyang mga tao, ngunit masasawi ang masasama (tingnan sa 2 Nephi 23:22).
Mga Turo ni Nephi
-
Dahil kay Jesucristo, maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya sa kabila ng lahat ng ating magagawa (tingnan sa 2 Nephi 25:23).
-
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan (tingnan sa 2 Nephi 25:26).
Pagkatapos ng sapat na oras, itanong ang mga sumusunod:
-
Anong mga tema ang nakikita ninyo sa mga itinuro nina Isaias at Nephi? (Ang mga posibleng tema ay: Ipinadala ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, upang magbigay ng kaligtasan at kapayapaan sa Kanyang mga anak. Mapagtitiwalaan natin ang Diyos sa anumang kalagayan. Ang mga templo ay nagtuturo sa atin tungkol sa Diyos.)
-
Alin sa siyam na pahayag na ito ang pinakamakabuluhan sa inyo? Bakit?
Mag-assign sa bawat estudyante ng isang doktrina o alituntunin mula sa listahan sa itaas, at ipagawa sa mga estudyante ang sumusunod:
-
Basahin ang scripture passage na pinagkuhanan ng doktrina o alituntunin.
-
Sagutin ang tanong na ito: Paano makatutulong sa inyo ang doktrina o alituntuning ito na “malugod” sa Panginoon? (Tingnan sa 2 Nephi 11:4–6.)
-
Umisip ng isang sitwasyon kung saan magdudulot sa inyo ng pag-asa at lakas ang pagkakaroon ng kaalaman sa doktrina o alituntuning ito.
Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga naiisip. Kapag nagbahagi na sila, maaari mong itanong, “Sino pa ang may patotoo o ideya tungkol sa itinuro ngayon?” Ang pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magbahagi ng ideya at patotoo ay magpapatunay ng mga katotohanan sa kanilang puso at sa puso ng mga kaklase nila. Pasalamatan sila sa kanilang pakikibahagi.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 25:13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga dahilan kung bakit nalugod si Nephi sa pagmamalaki o pagpaparangal sa pangalan ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na patotoo ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Naniniwala akong hindi maiisip ng sinuman ang buong kahalagahan ng ginawa ni Cristo para sa atin sa Getsemani, ngunit nagpapasalamat ako araw-araw sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin.
“Sa huling sandali, maaari pa sana Siyang umatras. Ngunit hindi Niya ginawa. Nagpailalim Siya sa lahat ng bagay upang mailigtas Niya ang lahat ng bagay. Sa gayong paraan, binigyan Niya tayo ng buhay nang lampas sa buhay na ito. Sinagip Niya tayo mula sa Pagkahulog ni Adan.
“Sa kaibuturan ng aking kaluluwa, nagpapasalamat ako sa Kanya. Itinuro Niya sa atin kung paano mabuhay. Itinuro Niya sa atin kung paano mamatay. Tiniyak Niya ang ating kaligtasan” (“Sa Paghihiwa-hiwalay,” Ensign, Mayo 2011, 114).
Itanong: Anong mga pagkakatulad ang nakita ninyo sa mga salita ni Nephi sa 2 Nephi 25:13 at sa mga salita ni Pangulong Monson?
Tapusin ang lesson ngayon sa pagsasabi sa mga estudyante na ilahad ang mga paraan na maipagmamalaki o mapararangalan ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw ang pangalan ng Panginoon. Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, hikayatin silang ipagmalaki o ikarangal ang pangalan ng Panginoon araw-araw.
Susunod na Unit (2 Nephi 26–31)
Sa susunod na unit, pag-aaralan ng mga estudyante ang ilan sa mga propesiya ni Nephi tungkol sa mga huling araw. Nakita ni Nephi na lalaganap ang mga huwad na simbahan at lihim na pagsasabwatan. Nakita rin niya na gagawa ang Panginoon ng “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” (2 Nephi 27:26) at marami ang hindi tatanggap sa Aklat ni Mormon dahil sila ay may Biblia na. Bukod pa riyan, ipinaliwanag din ni Nephi ang doktrina ni Cristo.