Library
Lesson 139: Mormon 5–6


Lesson 139

Mormon 5–6

Pambungad

Ipinropesiya ni Mormon na ang kanyang talaan ay lalabas sa mga huling araw upang hikayatin ang mga magbabasa nito na si Jesus ang Cristo. Hinikayat niya ang mga magbabasa ng talaan na magsisi at maghanda para sa paghatol ng Diyos sa bawat isa sa kanila. Sa kanyang sariling mga tao, binawi ni Mormon ang kanyang pagbibitiw bilang komandante ng mga hukbo ng mga Nephita, at pumayag na muli silang pamunuan sa digmaan. Gayunman, tumangging magsisi ang mga tao at sila ay tinugis ng mga Lamanita hanggang sa malipol ang lahat ng mga Nephita. Nang makita ni Mormon ang tagpong ito ng pagpatay at paglipol, nagdalamhati siya sa pagbagsak ng kanyang mga tao at sa hindi nila pagbabalik kay Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mormon 5:1–9

Ipinasiya ni Mormon na pamunuang muli ang hukbo ng mga Nephita, ngunit namayani ang mga Lamanita

Banggitin ang isang kalamidad na maaaring maging banta sa inyong lugar—halimbawa, isang lindol, tsunami, pagsabog ng bulkan, o bagyo. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay binalaan sila na ang kalamidad na ito ay darating sa kanilang komunidad sa loob ng ilang araw.

  • Saan kayo hihingi ng tulong?

Ipaalala sa mga estudyante na ganito ring panganib ang kinaharap ng mga Nephita, ngunit ang nagbabantang panganib sa kanila ay esprituwal. Ipaalala rin sa mga estudyante na ang mga Nephita ay nasa digmaan at dahil sa kanilang kasamaan, tumanggi si Mormon na pamunuan ang kanilang mga hukbo (tingnan sa Mormon 3:16).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 5:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung sino ang pinaniniwalaan ng mga Nephita na magliligtas sa kanila mula sa kanilang paghihirap.

  • Kahit totoo na mapapamunuan ni Mormon ang mga Nephita sa digmaan, bakit naniniwala si Mormon na hindi na maliligtas ang mga tao mula sa kanilang mga paghihirap?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa Mormon 5:1–2 tungkol sa kung sino ang una nating dapat hingan ng tulong sa ating mga paghihirap? (Dapat muna tayong bumaling sa Diyos, na tutugon sa mga taong nagsisisi at humihingi sa Kanya ng tulong sa kanilang mga paghihirap.)

Ibuod ang Mormon 5:3–7 na ipinapaliwanag na sa pamumuno ni Mormon, naitaboy ng mga Nephita ang ilang pagsalakay ng mga Lamanita. Ngunit kalaunan ay “niyurakan [ng mga Lamanita] ang mga tao ng mga Nephita sa ilalim ng kanilang mga paa” (Mormon 5:6). Nang umatras ang mga Nephita, ang mga hindi kaagad nakatakas ay napatay.

Ipabasa sa isang estudyante ang Mormon 5:8–9. Sabihin sa klase na alamin ang dahilan ni Mormon kung bakit hindi niya isinulat lahat ang mga bagay na nakita niya.

  • Bakit hindi lubos na inilarawan ni Mormon ang mga bagay na nasaksihan niya?

Mormon 5:10–24

Ipinaliwanag ni Mormon na ang layunin ng Aklat ni Mormon ay hikayatin ang mga tao na maniwala kay Jesucristo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 5:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang tatlong salita na ginamit ni Mormon para ilarawan kung ano ang madarama ng mga tao sa mga huling araw kapag nalaman nila ang tungkol sa pagbagsak ng bansang Nephita. (Sinabi niya na “malulungkot” tayo.)

  • Ano ang nakalulungkot tungkol sa talang ito?

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa pahayag ni Mormon sa Mormon 5:11 na kung ang mga tao ay nagsisi, sila sana ay “niyakap ng mga bisig ni Jesus.”

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “niyakap ng mga bisig ni Jesus”?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng pariralang ito tungkol sa bunga ng ating sariling pagsisisi? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan ng pagsisisi, tayo ay “[mayayakap] ng mga bisig ni Jesus.” Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa sa isa sa kanila ang sumusunod na pahayag ni Elder Kent F. Richards ng Pitumpu:

“Lahat ng lalapit ay maaaring ‘[mayakap] ng mga bisig ni Jesus.’ [Mormon 5:11.] Lahat ng kaluluwa ay mapapagaling ng Kanyang kapangyarihan. Lahat ng sakit ay mapapaginhawa. Sa Kanya, ‘ma[su]sumpungan [natin] ang kapahingahan sa [ating] mga kaluluwa.’ [Mateo 11:29.] Maaaring hindi kaagad magbago ang ating sitwasyon sa mundo, ngunit ang sakit na nararamdaman natin, pangamba, pagdurusa, at takot ay maaaring mapawi ng Kanyang kapayapaan at nagpapagaling na balsamo” (“Sakop ng Pagbabayad-sala ang Lahat ng Nararamdaman nating Sakit,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 16).

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa isa sa mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito o basahin ito nang dahan-dahan para maisulat ng mga estudyante.)

  • Kailan ninyo nadama na “niyakap [kayo] ng mga bisig ni Jesus”?

  • Ano ang maaari ninyong gawin para mas lubos ninyong matanggap ang pagpapanatag, proteksyon, at kapatawaran ng Panginoon?

Ipaliwanag na ang Mormon 5:12–13 ay naglalaman ng propesiya ni Mormon na ang kanyang mga isinulat ay itatago at pagkatapos ay ilalabas para mabasa ng lahat ng tao. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 5:14–15 at alamin ang nais ng Panginoon na magawa ng mga isinulat ni Mormon para sa mga tao sa mga huling araw. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga parirala na mahalaga sa kanila.

  • Ayon sa Mormon 5:14–15, ano ang mga layunin ng Aklat ni Mormon? (Tiyakin na naipahayag ng mga estudyante na ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang hikayatin ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo, upang tulungan ang Diyos na matupad Niya ang Kanyang tipan sa sambahayan ni Israel, at tulungan ang mga inapo ng mga Lamanita na lubos na maniwala sa ebanghelyo.)

Kapag sumagot ang mga estudyante na ang layunin ng mga isinulat ni Mormon ay hikayatin ang mga tao na si Jesus ang Cristo, ibahagi ang iyong patotoo hinggil dito bilang pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon.

  • Sa anong mga paraan pinagpapala ng pangunahing layunin na ito ng Aklat ni Mormon ang mga taong magbabasa nito?

  • Paano nakatulong sa inyo ang pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon para lubos na maniwala at mahalin si Jesucristo?

Ipaliwanag na sa kasalukuyan natutulungan ng Aklat ni Mormon ang maraming tao na magsisi at “[mayakap] ng mga bisig ni Jesus” ngunit marami pa ring tao ang ayaw maniwala kay Cristo.

Sa pisara sa tabi ng alituntunin tungkol sa pagsisisi na isinulat mo kanina sa lesson, isulat ang sumusunod: Kung hindi tayo magsisisi … Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 5:16–19 at sabihin sa klase na alamin ang ibinunga ng pagtangging magsisi ng mga Nephita. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang nalaman nila sa mga talatang ito para sa pagkumpleto ng pangungusap na nasa pisara. Sa pagsagot nila, maaari mong itanong ang mga sumusunod para matulungan sila na maunawaan ang mga salita at parirala sa mga talata:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “walang Cristo at Diyos sa daigdig”? (Mormon 5:16). (Maaaring kabilang sa mga sagot na ibig sabihin nito ay mabuhay nang walang pananampalataya kay Jesucristo o Ama sa Langit at walang banal na impluwensya at patnubay.)

  • Ang ipa ay isang magaan na balat ng mga butil. Kapag ang mga butil ay inani, ang ipa ay itinatapon. Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “itinataboy tulad ng ipa sa hangin”? (Mormon 5:16).

  • Ano kaya ang mangyayari kung nakasakay kayo sa isang barko na walang timon o angkla? (Tingnan sa Mormon 5:18.) Paano natutulad ang sitwasyong ito sa sitwasyon ng mga Nephita?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga salita ni Mormon tungkol sa mga taong ayaw magsisi? (Dapat maipahayag sa mga sagot ng mga estudyante na ang hindi pagsisisi ay hahantong sa pagkawala ng patnubay mula sa Panginoon. Kumpletuhin ang pahayag sa pisara sa pagsulat sa sumusunod na katotohanan: Kung hindi tayo magsisisi, lilisan ang Espiritu at mawawala sa atin ang patnubay ng Panginoon.)

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila nakita ang alituntuning ito sa kanilang buhay o sa buhay ng iba.

Sabihin sa mga estudyante na mabilis na rebyuhin ang Mormon 5:11, 16–18 at ang dalawang alituntunin na isinulat mo sa pisara.

  • Sa sarili ninyong mga salita, paano ninyo ipaliliwanag ang pagkakaiba ng kahihinatnan ng tapat na pagsisisi at ng kahihinatnan ng hindi pagsisisi?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mormon 5:22–24 at alamin kung ano ang ipinayo ni Mormon na gawin ng mga tao sa mga huling araw. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

Patotohanan ang katotohanan ng dalawang magkaibang alituntunin na nasa pisara.

Mormon 6

Inilahad ni Mormon ang huling digmaan ng mga Nephita at nagdalamhati sa pagkalipol ng kanyang mga tao

Itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang madarama ninyo sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay na tapat sa Diyos sa buong buhay niya?

  • Ano ang madarama ninyo sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay na hindi masunurin sa mga kautusan ng Diyos sa buong buhay niya?

Ipaliwanag na nakadama ng labis na kalungkutan si Mormon sa pagkamatay ng lahat ng kanyang mga tao dahil alam niya na hindi sila handa sa pagharap sa Diyos. Ibuod ang Mormon 6:1–6 na ipinapaliwanag na tinulutan ng mga Lamanita ang mga Nephita na magtipon sa lupain ng Cumorah para sa digmaan. Nagsimulang tumanda si Mormon, at alam niya na ito na ang “huling pakikipaglaban ng [kanyang] mga tao” (Mormon 6:6). Ipinagkatiwala niya ang ilan sa mga sagradong talaan sa kanyang anak na si Moroni, at itinago niya ang iba pang mga talaan sa Burol Cumorah. Itinala niya ang kanyang nasaksihan na pagkalipol sa huli ng kanyang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 6:7–15 at isipin ang maaaring nadama ni Mormon nang isulat niya ang mga salitang ito.

  • Sa inyong palagay, bakit hinintay ng mga Nephita ang kamatayan lakip ang “kakila-kilabot na takot”? (Mormon 6:7).

Basahin nang malakas sa mga estudyante ang Mormon 6:16–22 habang tahimik silang sumusunod sa pagbasa sa kanilang banal na kasulatan. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isulat sa notebook o scripture study journal ang naisip nila nang mabasa at marinig nila ang mga talatang ito. Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mo silang bigyan ng pagkakataon na ibahagi ang ilan sa mga naisip nila na isinulat nila.

Patotohanan sa mga estudyante ang pagmamahal ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, ng mga propeta, lider, at mga magulang para sa kanila. Hikayatin sila na manampalataya kay Jesucristo at magsisi ng kanilang mga kasalanan upang sila ay “[mayakap] ng mga bisig ni Jesus” (Mormon 5:11).

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mormon 5:11. “Niyakap ng mga bisig ni Jesus”

Ipinaliwanag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kaugnayan ng salitang Pagbabayad-sala sa pariralang “niyakap ng mga bisig ni Jesus”:

“Mahalagang kahulugan ang matatagpuan sa pag-aaral ng salitang pagbabayad-sala sa mga wikang Semitic sa panahon ng Lumang Tipan. Sa Hebreo, ang pangunahing salita para sa pagbabayad-sala ay kaphar, isang pandiwa na ibig sabihin ay ‘akuin’ o ‘patawarin.’ Ang may malapit na kaugnayan ay ang salitang Aramaic at Arabic na kafat, na ibig sabihin ay ‘mahigpit na yakap’—walang alinlangang may kaugnayan sa yakap na panseremonya ng mga taga-Egipto. Ang pagtukoy sa yakap na iyan ay makikita sa Aklat ni Mormon. May nagsabi na ‘tinubos ng Panginoon ang aking kaluluwa … ; namasdan ko ang kanyang kaluwalhatian, at ako ay nayayakap magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal.’ [2 Nephi 1:15.] Ipinahayag naman ng isa pa ang maluwalhating pag-asa kapag tayo ay ‘niyakap ng mga bisig ni Jesus.’ [Mormon 5:11.]” (“The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 34).

Mormon 5:16. Kapag lumisan ang Espiritu ng Panginoon

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee:

“Inilarawan ni Mormon ang ilang tao, ang kanyang mga tao, na kung kanino lumisan ang espiritu ng Panginoon [tingnan sa 2 Nephi 26:11]. … Tila malinaw sa akin na ang tinutukoy niya ay hindi lamang ang hindi pagiging karapat-dapat at kawalan ng kakayahang makasama ang Espiritu Santo o makamtan ang kaloob na Espiritu Santo, kundi ang sinasabi niya ay ang liwanag ng katotohanan [ang Liwanag ni Cristo] na taglay ng bawat taong isinilang sa mundong ito at mananatili sa kanya maliban kung mawala ito sa kanya dahil sa sarili niyang pagkakasala” (sa Conference Report, Abr. 1956, 108).

Mormon 6:16–22. Huwag tanggihan ang bukas na mga bisig ni Cristo

Nagdalamhati si Mormon sa pagkamatay ng kanyang mga tao at nalungkot na hindi sila nagbago ng kanilang landas. Sinabi niya na kung iwinaksi nila ang kanilang kapalaluan at nagsisi sa kanilang mga kasalanan, ang pagkikita nilang muli ng Tagapagligtas ay magiging masaya sana (tingnan sa Mormon 6:17). Inilarawan ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan ang kagalakang madarama natin kung ihahanda natin ang ating sarili sa pagtayo sa harap ng Panginoon sa Araw ng Paghuhukom:

“Inaasam natin ang kahuli-hulihang pagpapala ng Pagbabayad-sala—ang makaisa Niya, makapiling Niya, ang matawag sa ating pangalan habang malugod Niya tayong tinatanggap sa Kanyang tahanan nang may ngiti, dalawang kamay tayong yayakapin nang buong pagmamahal. Magiging napakamaluwalhating karanasan ito kung madarama nating karapat-dapat tayong makapiling Siya! Ang libreng handog ng Kanyang dakilang pagbabayad-sala para sa atin ang tanging paraan upang tayo ay mapadakila nang sapat para tumayo sa Kanyang harapan at makita Siya nang harapan. Ang nakapupuspos na mensahe ng Pagbabayad-sala ay ang perpektong pagmamahal ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin. Isa itong pagmamahal na puno ng awa, tiyaga, biyaya, katarungan, mahabang pagtitiis, at, higit sa lahat, pagpapatawad.

“Ang masamang impluwensiya ni Satanas ay sisira sa anumang pag-asa nating madaig ang ating mga kamalian. Ipadarama niya sa atin na naliligaw tayo at wala nang pag-asa. Ang totoo, tinutulungan tayo ni Cristo upang umangat. Sa pamamagitan ng ating pagsisisi at ang handog na Pagbabayad-sala, makapaghahanda tayong maging karapat-dapat na tumayo sa Kanyang harapan” (“Ang Pagbabayad-sala: Ang Ating Pinakadakilang Pag-asa,” Liahona, Ene. 2002, 20).