Library
Lesson 129: 3 Nephi 20


Lesson 129

3 Nephi 20

Pambungad

Sa pangalawang araw ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita, muling pinangasiwaan ni Jesucristo ang sakramento sa mga tao. Pinatotohanan Niya na ang mga tipan at mga pangako ng Ama ay matutupad sa mga huling araw. Ang Israel ay titipunin, at lahat ng bansa sa mundo ay pagpapalain.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 20:1–9

Muling pinangasiwaan ng Tagapagligtas ang sakramento sa mga tao

Upang masimulan ang lesson, ipaliwanag na gusto mong sagutin ng mga kabataang lalaki at mga kabataang babae ang magkahiwalay na mga tanong. Anyayahan ang ilang binatilyo na may Aaronic Priesthood na sabihin sa klase ang tungkol sa kanilang mga responsibilidad sa paghahanda, pagbabasbas, o pagpapasa ng sakramento. Tulungan silang maibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa pagtupad sa mga tungkuling ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila ng mga sumusunod:

  • Ano ang kabuluhan sa inyo ng pagtulong sa pangangasiwa sa sakramento?

  • Paano ninyo maipapakita sa Panginoon na nauunawaan ninyo ang kasagraduhan ng ordenansang ito?

Tulungan ang ilang dalagita na maibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa kasagraduhan ng sakramento sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila ng mga sumusunod:

  • Ano ang nadarama ninyo kapag nakakakita kayo ng mga karapat-dapat na binatilyo na nagbabasbas at nagpapasa ng sakramento?

  • Ano ang ginagawa ninyo sa oras na binabasbasan at ipinapasa ang sakramento na nagpapakita na nauunawaan ninyo ang kasagraduhan nito?

Ipaliwanag na sa pangalawang araw ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita, pinangasiwaan ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga disipulo ang sakramento sa mga tao sa pangalawang pagkakataon. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 20:1. Ituro ang sumusunod na pangungusap: “At iniutos niya sa kanila na huwag silang tumigil sa pananalangin sa kanilang mga puso.”

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “huwag tumigil sa pananalangin” sa inyong puso?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 20:3–5.

  • Sa inyong palagay, paano nakakaapekto ang pagdarasal sa inyong puso sa mararanasan ninyo linggu-linggo sa pagtanggap ng sakramento?

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang manatiling nakatuon sa Tagapagligtas kapag tumatanggap tayo ng sakramento?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 20:8. Sabihin sa kanila na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinisimbolo ng tinapay at alak. (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang ginagamit ngayon ng Simbahan ay tubig sa halip na alak. [Tingnan sa D at T 27:2.])

  • Ano ang sinisimbolo ng tinapay at tubig sa sakramento? (Ang katawan at dugo ng Tagapagligtas.)

Maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang matalinghagang kahulugan ng paanyaya ng Tagapagligtas na kainin ang Kanyang laman at inumin ang Kanyang dugo:

Ang kahulugan ng kainin ang laman at inumin ang dugo ni Cristo ay maniwala sa Kanya at tanggapin Siya bilang literal na Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan, at sundin ang Kanyang mga kautusan. Sa pamamagitan lamang nito mananatiling bahagi ng katauhan ng tao ang Espiritu ng Diyos, maging gaya ng sustansya ng kinain niya na nagiging bahagi ng tisyu ng kanyang katawan” (Jesus the Christ, 3rd ed. [1916], 342; idinagdag ang italics).

  • Ano ang sinisimbolo ng pagkain ng tinapay at pag-inom ng tubig?

  • Ayon sa 3 Nephi 20:8, ano ang ipinangako ni Jesucristo sa mga tumatanggap ng sakramento? (Mapupuspos ang kanilang mga kaluluwa.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng mapupuspos ang kanilang mga kaluluwa, sabihin sa kanila na isipin kung gaano kalaking tinapay at karaming tubig ang karaniwang kinakain at iniinom nila kapag tumatanggap sila ng sakramento. Pagkatapos ay itanong:

  • Kung kayo ay nagugutom at nauuhaw, mabubusog ba kayo nito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 20:9, at itanong sa klase:

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga itinuro ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 20:8–9? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay tumatanggap ng sakramento nang karapat-dapat, mapupuspos tayo ng Espiritu Santo.)

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga paraan na mapagpapala tayo kapag napuspos tayo ng Espiritu:

Elder Dallin H. Oaks

“Gawin nating karapat-dapat ang ating sarili sa pangako ng Tagapagligtas na sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento ay ‘mabubusog’ tayo (3 Ne. 20:8; tingnan din sa 3 Ne. 18:9), na ibig sabihin ay ‘[mapupuspos tayo] ng Espiritu’ (3 Ne. 20:9). Ang Espiritung iyan—ang Espiritu Santo—ay ating mang-aaliw, pumapatnubay sa atin, nangungusap sa atin, nagpapaunawa sa atin, nagpapatotoo at nagdadalisay sa atin—tunay na gumagabay at nagpapabanal sa atin sa paglalakbay natin sa buhay na ito patungo sa buhay na walang hanggan.

“… Mula sa tila maliliit na gawa ng pagpapanibago ng ating mga tipan sa binyag nang may pagpipitagan ay dumarating ang pagpapanibago ng mga pagpapala ng binyag sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, upang sa tuwina ay mapasaatin ang kanyang Espiritu upang makasama natin. Sa ganitong paraan lahat tayo ay mapapatnubayan, at sa ganitong paraan lahat tayo ay malilinis” (“Always Have His Spirit,” Ensign, Nob. 1996, 61).

  • Ano ang ilang paraan na mapagpapala tayo kapag napuspos tayo ng Espiritu?

  • Kailan nakutulong sa inyo ang pagtanggap ng sakramento upang mapuspos kayo ng Espiritu Santo?

Magpatotoo sa mga pagpapalang natanggap mo sa pagtanggap ng sakramento at pagiging puspos ng Espiritu. Patotohanan na ang pagdarasal sa ating puso ay isang paraan upang makapaghanda tayo na tumanggap ng sakramento at mapuspos ng Espiritu Santo. Hikayatin ang mga estudyante na mag-ukol ng oras sa pagdarasal bago tumanggap ng sakramento.

3 Nephi 20:10–46

Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita ang tungkol sa mga tipan na matutupad sa mga huling araw

Sabihin sa mga estudyante na sumulat sa notebook o scripture study journal ng maikling paglalarawan ng kanilang pinakamahahalagang katangian. Kapag tapos na sila, sabihin sa kanila na tingnan ang mga uri ng mga katangian na pinagtuunan nila. Ito ba ay mga pisikal na katangian? Personalidad? Mga espirituwal na katangian? (Kung may oras pa, maaari mong tawagin ang ilang estudyante na basahin ang isinulat nila.) Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang sinabi niya na dapat naglalarawan sa identidad ng isang tao:

Elder David A. Bednar

“Maaaring nasisiyahan kayo sa musika, palakasan, o mahilig magmekaniko, at balang-araw maaaring makapagtrabaho kayo sa isang negosyo o magamit ang inyong propesyon o sa sining. Kahit gaano pa kahalaga ang gayong mga gawain o trabaho, hindi nito inilalarawan kung sino tayo. Una sa lahat, tayo’y mga espirituwal na nilalang. Tayo’y mga anak ng Diyos at binhi ni Abraham” (“Pagiging Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 47).

  • Paano inilarawan ni Elder Bednar kung sino tayo? Sa inyong palagay, bakit mahalagang makita natin ang ating sarili “una sa lahat” bilang mga espirituwal na nilalang na mga anak ng Diyos?

Ituro na bukod pa sa sinabing tayo ay mga anak ng Diyos, sinabi rin ni Elder Bednar na tayo ay binhi ni Abraham. Ipaliwanag na ang pariralang “binhi ni Abraham” ay maaaring tumukoy sa mga tao na literal na mga inapo ni Abraham. Maaari din itong tumukoy sa mga tao na, sa pagtanggap at pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo, ay tinatanggap ang kabuuan ng ebanghelyo, ang mga pagpapala ng priesthood, at ang mga pangako at mga tipan ding iyon na ginawa ng Diyos kay Abraham.

Sabihin sa mga estudyante na sa natitirang bahagi ng 3 Nephi 20, pag-aaralan nila ang mga itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita tungkol sa mga tipan at pangakong ginawa kay Abraham at sa kanyang mga inapo (ang sambahayan ni Israel). Sabihin sa mga estudyante na malalaman nila ang tungkol sa mga tipang ito kapag pinag-aralan nila ang mga salita ni Isaias. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 20:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na mangyayari kapag natupad ang mga salita ni Isaias. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang mga salita ni Isaias ay matutupad sa mga huling araw.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 20:13, at sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano tutuparin ng Ama sa Langit ang Kanyang mga tipan sa sambahayan ni Israel sa mga huling araw. Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga katotohanang natutuhan nila sa 3 Nephi 20:11–13. (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Tutuparin ng Panginoon ang Kanyang tipan na titipunin ang sambahayan ni Israel sa mga huling araw. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Ayon sa 3 Nephi 20:13, anong kaalaman ang mababatid ng sambahayan ni Israel bilang mahalagang bahagi ng pagtitipong ito? (Sila ay magkakaroon ng “kaalaman ng Panginoon nilang Diyos, na siyang tumubos sa kanila.”)

Para matulungan ang mga estudyante na makita kung paano naging mahalagang bahagi sa pagtitipon ng Israel ang pagkakaroon ng kaalaman kay Jesucristo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung ano ang kailangan sa pagtitipon ng Israel.

“Ang pagtitipon ng Israel ay nangyayari sa paniniwala at pagtanggap at pamumuhay ayon sa lahat ng ibinigay noon ng Panginoon sa kanyang sinaunang mga piniling tao. Kabilang dito ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, pagpapabinyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Kabilang dito ang paniniwala sa ebanghelyo, pagsapi sa Simbahan, at pagpasok sa kaharian. Kabilang dito ang pagtanggap ng banal na priesthood, pagtanggap ng endownment sa mga banal na lugar sa pamamagitan ng kapangyarihan mula sa langit, at pagtanggap ng lahat ng pagpapala nina Abraham, Isaac, at Jacob, sa pamamagitan ng ordenansa ng selestiyal na kasal. Maaaring kabilang din dito ang pagtitipon sa isang itinalagang lugar o lupain para sumamba” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 515).

  • Bakit mahalagang bahagi ang paniniwala at pagsunod kay Jesucristo sa pagtitipon ng Israel?

Ibuod ang 3 Nephi 20:14–22. Ipaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita na bilang bahagi ng pagtitipon ng Israel, at bilang katuparan ng tipan ng Panginoon kay Abraham, ibinigay ng Ama sa Langit sa mga inapo ni Lehi ang lupain bilang kanilang mana na pinanahanan nila. Ipinaliwanag rin Niya ang isa pang paraan kung paano napagpala ang mga Nephita bilang mga anak ng tipan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 20:23–24 at alamin kung sino ang tinukoy ni Moises na magpapala sa sambahayan ni Israel. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipabasa sa kanila nang tahimik ang 3 Nephi 20:25–26. Sabihin sa kanila na alamin kung paano napagpala ang mga inapo ni Lehi dahil sa tipang ginawa ng Panginoon kay Abraham. Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang nalaman nila, bigyang-diin na sinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo upang dalawin ang mga inapo ni Lehi at mailigtas sila mula sa kasalanan “dahil [sila] ay mga anak ng tipan.”

  • Paano tayo napagpala ng mga tipang ginawa natin sa ating Ama sa Langit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 20:27, at sabihin sa klase na tukuyin ang isang responsibilidad na kaakibat ng mga tipang ginawa natin sa Panginoon.

  • Kapag nakipagtipan tayo sa Panginoon, ano ang responsibilidad natin sa iba pang mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Bilang binhi ni Abraham, may responsibilidad tayo na tuparin ang ating tipan na pagpalain ang lahat ng tao sa mundo. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Sa inyong palagay, paano tayo magiging isang pagpapala sa lahat ng tao sa mundo? (Kung isinulat mo ang doktrinang ito sa pisara, idagdag dito ang mga salitang “sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanila.”)

Ibuod ang 3 Nephi 20:29–46 na maikling ipinapaliwanag na bukod pa sa pagtuturo sa mga Nephita tungkol sa mga pagpapala at responsibilidad nila bilang mga anak ng tipan, sinabi ng Tagapagligtas na ang magiging lupaing mana ng mga Judio ay Jerusalem. Binanggit niya ang mga propesiya ni Isaias, na naghahayag tungkol sa panahong ibabalik ang mga Judio sa lupaing kanilang mana matapos silang maniwala kay Jesucristo at nanalangin sa Ama sa Kanyang pangalan.

Para tapusin ang lesson, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 20:46. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang isang paraan na mapagpapala nila ang buhay ng ibang tao sa pamamagitan ng ebanghelyo sa susunod na linggo. Iplanong i-follow-up ito sa mga estudyante sa susunod na klase para mabigyan sila ng pagkakataon na maibahagi ang kanilang ginawa. Patotohanan ang kahalagahan ng pagtupad sa ating responsibilidad na tumulong sa pagtipon ng Israel.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

3 Nephi 20:16. “Kagaya ng isang batang leon sa mga kawan ng tupa”

Tinutukoy ang mga turo sa 3 Nephi 20:16, itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang mga salitang ito ng ating Panginoon sa mga Nephita ay mula sa Mikas 5:8–9 at tumutukoy sa kapanglawan at pagkasunog na lilipol sa masasama sa Ikalawang Pagparito. Maliban sa ilan na mga mapagkumbabang tagasunod ni Cristo, ang mga Gentil ay hindi magsisisi. Sila ay magpapakalulong sa kanilang mga karumal-dumal na gawain at magkakasala laban sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at sila ay masusunog sa liwanag ng pagparito ng ating Panginoon samantalang ang mabubuti—tinawag dito na mga labi ni Jacob—ay mananatili sa araw na iyon. At pagkatapos, sa matalinghagang paglalarawan ng propeta, ito ay magiging parang paggapi ng mga labi ni Israel sa kanilang mga kaaway kagaya ng isang batang leon sa mga kawan ng tupa” (The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man [1982], 248).

3 Nephi 20:26. Mga anak ng tipan

Nagsalita si Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga pagpapala ng kaalamang tayo ay mga anak ng tipan:

“Kapag natatanto natin na tayo ay mga anak ng tipan, nalalaman natin kung sino tayo at ano ang inaasahan ng Diyos sa atin. Ang Kanyang batas ay nasusulat sa ating mga puso. Siya ang ating Diyos at tayo ang Kanyang mga tao. Ang matatapat na anak ng tipan ay nananatiling matatag, maging sa gitna ng kagipitan. Kapag ang doktrina ay nakatanim na mabuti sa ating mga puso, maging ang tibo ng kamatayan ay madaling tiisin at ang ating espiritu ay lalong tumitibay” (“Mga Tipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 88).

3 Nephi 20:26–27. Tuparin ang tipang Abraham

Nagsalita si Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo makatutulong sa katuparan ng tipang Abraham:

“Responsibilidad nating tumulong upang matupad ang tipang Abraham. Atin ang binhing inorden na noon pa at inihanda upang pagpalain ang lahat ng mga tao sa mundo. Kaya nga kabilang sa tungkulin ng priesthood ang gawaing misyonero. Pagkaraan ng 4,000 taon ng paghihintay at paghahanda, ito ang takdang araw kung kailan ang ebanghelyo ay dadalhin sa mga tao sa mundo. Ito ang panahon ng ipinangakong pagtitipon ng Israel. At kabahagi tayo! Hindi ba’t kapana-panabik? Ang Panginoon ay umaasa sa atin at sa ating mga anak na lalaki—at lubos ang pasasalamat Niya sa ating mga anak na babae—na karapat-dapat na naglilingkod bilang mga misyonera sa dakilang panahong ito ng pagtitipon ng Israel” (“Mga Tipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 88).

3 Nephi 20:27. Tungkulin ninyong ibahagi ang ebanghelyo

Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ating tungkuling ibahagi ang ebanghelyo sa iba:

“Kayo at ako, ngayon at sa tuwina, ay dapat pagpalain ang lahat ng tao sa lahat ng bansa sa mundo. Kayo at ako, ngayon at sa tuwina, ay dapat magpatotoo tungkol kay Jesucristo at ipahayag ang mensahe ng Panunumbalik. Kayo at ako, ngayon at sa tuwina, ay dapat imbitahin ang lahat na tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan. Ang pangangaral ng ebanghelyo ay hindi pansamantalang obligasyon ng priesthood. Hindi lang ito basta isang aktibidad na panandalian lang nating sinasalihan o assignment na kailangan nating kumpletuhin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa halip, ang gawaing misyonero ay pagpapamalas ng ating espirituwal na identidad at pamana. Tayo’y inordena noon pa sa buhay bago ang buhay sa lupa at isinilang sa mortalidad para tuparin ang tipan at pangako ng Diyos na ginawa kay Abraham. Narito tayo ngayon sa lupa para gampanang mabuti ang ating tungkulin sa priesthood at ipangaral ang ebanghelyo. Iyan tayo, at iyan ang dahilan kung bakit narito tayo—ngayon at sa tuwina” (“Pagiging Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 47).