Library
Lesson 153: Moroni 4–5


Lesson 153

Moroni 4–5

Pambungad

Itinala ni Moroni ang mga tagubilin ng Tagapagligtas sa mga Nephita hinggil sa pangangasiwa ng sakramento, pati na ang mga panalangin na gagamitin ng mga priesthood holder sa pagbabasbas ng tinapay at alak.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Moroni 4–5

Ipinaliwanag ni Moroni kung paano dapat pangasiwaan ang sakramento

Kung maaari, ipakita ang mga tray para sa tinapay at tubig na ginagamit sa sakramento. (Bagama’t angkop na ipakita ang mga bagay na ito, huwag mong tangkaing gayahin sa anumang paraan ang ordenansa ng sakramento.) Bigyan ng papel ang mga estudyante at sabihin sa kanila na isulat sa abot ng maaalala nila ang isa sa mga panalangin sa sakramento. Pagkatapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante, ipaliwanag na bilang bahagi ng kanyang talaan, isinama ni Moroni ang mga panalanging ito tulad ng ibinigay ng Panginoon para sa pagbabasbas ng sakramento. Ipabuklat sa kanila ang Moroni 4:3 o Moroni 5:2 at ipatsek ang mga sagot nila. Pagkatapos ay itanong:

  • Kung may kaibigan kayo na iba ang relihiyon na sumama sa inyo sa sacrament meeting, paano mo ipapaliwanag ang sakramento at ang kahalagahan nito sa inyo?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang isa sa mga layunin ng sakramento, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 4:1–3 at sa isa pang estudyante ang Moroni 5:1–2. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga parirala sa Moroni 4:3 at Moroni 5:2 na nagpapaliwanag kung ano ang sinasagisag ng tinapay at tubig sa sakramento. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan. (Maaari mong ipaalala sa klase na tubig ang ginagamit ngayon ng Simbahan sa sakramento sa halip na alak dahil sa paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith [tingnan sa D at T 27:2].)

  • Ano ang sinasagisag ng tinapay? (Katawan ni Jesucristo. Tingnan sa Mateo 26:26; 3 Nephi 18:6–7.)

  • Ano ang sinasagisag ng tubig? (Dugo ni Jesucristo. Tingnan sa Mateo 26:27–28; 3 Nephi 18:8–11.)

  • Bakit mahalaga sa atin ang katawan at dugo ng Tagapagligtas? (Habang sinasagot ng mga estudyante ang tanong na ito, dapat nilang mabanggit ang pisikal na pagdurusa at kamatayan sa krus ng Tagapagligtas. Dapat nilang mabanggit ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, noong magsama muli ang Kanyang katawan at Kanyang espiritu tatlong araw matapos ang Kanyang kamatayan. Dapat din nilang mabanggit ang Kanyang napakatinding espirituwal na pagdurusa at pagdadalamhati nang Kanyang akuin sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan, na naging dahilan para lumabas ang Kanyang dugo sa bawat butas ng Kanyang balat. Dahil inako Niya ang pisikal na kamatayan sa Kanyang sarili, lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli. Dahil nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan, maaari tayong mapatawad sa ating mga kasalanan kapag nagsisi tayo.)

Isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara: Ang mga sagisag ng sakramento ay tumutulong sa atin na maalaala … Sabihin sa mga estudyante kung paano nila ibubuod ang mahalagang layuning ito ng sakramento. Pagkatapos ay kumpletuhin ang katotohanan sa pisara tulad ng sumusunod: Ang mga sagisag ng sakramento ay tumutulong sa atin na maalaala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong ni Elder David B. Haight ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David B. Haight

Ano ang ginagawa natin bilang mga miyembro ng Simbahan sa pag-alaala sa ating Panginoon at Tagapagligtas, sa Kanyang sakripisyo, at sa ating pagkakautang sa Kanya?” (“Remembering the Savior’s Atonement,” Ensign, Abr. 1988, 7).

  • Ano ang magagawa natin para maituon ang ating isipan sa pag-alaala sa Pagbabayad-sala sa oras ng sakramento?

  • Ano ang nararanasan ninyo kapag taos-puso ninyong pinagninilayan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa oras ng sakramento?

Kapag naibahagi na nang mga estudyante ang mga ideya nila, sabihin sa kanila na isulat sa notebook o scripture study journal ang isang paraan na mas maitutuon nila ang kanilang isipan sa Pagbabayad-sala sa susunod na pagtanggap nila ng sakramento. (Maaari mong tawagin ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga karagdagang layunin ng sakramento, isulat ang sumusunod na chart sa pisara bago magklase, huwag isulat ang mga sagot na nasa panaklong. Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang chart sa notebook o scripture study journal.

Ang ipingangako kong gawin

Ang sa palagay ko ay ibig sabihin ng tuparin ang bahaging ito ng aking tipan

Ang gagawin ko para matupad ko ang bahaging ito ng aking tipan

  1. (Pumayag na taglayin sa aking sarili ang pangalan ng Panginoon)

  1. (Lagi Siyang aalalahanin)

  1. (Sundin ang Kanyang mga kautusan)

Ipaalala sa mga estudyante na kapag tumatanggap tayo ng sakramento, tayo ay gumagawa ng mga tipan, o mga sagradong kasunduan, sa Diyos. Ipabasa muli nang tahimik sa mga estudyante ang Moroni 4:3. Sa unang column ng chart ipasulat sa kanila ang tatlong pangakong ginawa nila nang tumanggap sila ng sakramento. Sabihin sa kanila na ipatsek ang sagot nila sa taong katabi nila. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na punan ang pangalawang column nang mag-isa. Pagkatapos ng sapat na oras, tawagin ang ilang estudyante para maibahagi ang isinulat nila. Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang naisulat nila, gamitin ang ilan o lahat ng sumusunod na materyal para matulungan sila na mas mapalalim ang pagkaunawa nila sa bawat bahagi ng tipan.

Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang pagkaunawa nila sa ibig sabihin ng taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Pangulong Henry B. Eyring

“Nangangako tayong tataglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan. Ibig sabihin dapat nating makita ang ating sarili na katulad Niya. Uunahin natin Siya sa ating buhay. Gugustuhin natin ang gusto Niya sa halip na ang gusto natin o ang itinuturo ng mundo na gustuhin natin” (“That We May Be One,” Ensign, Mayo 1998, 67).

Ipaliwanag na kapag ipinapakita natin na pumapayag tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, nangangako tayo na mamumuhay bilang Kanyang mga disipulo. Nangangako tayo na hindi tayo kailanman gagawa ng anumang bagay na magdudulot ng kahihiyan o kasiraan sa Kanyang pangalan. Nangangako tayo na paglilingkuran Siya at ang ating kapwa-tao. Ipinapakita rin natin na pumapayag tayong makilala kasama Niya at ng Kanyang Simbahan.

  • Paano ninyo pinagsisikapan na maipakita na pumapayag kayong taglayin sa inyong sarili ang pangalan ng Panginoon? Ano ang epekto nito sa inyong buhay?

Sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang panalangin sa pagbabasbas ng tinapay sa Moroni 4:3 sa panalangin sa pagbabasbas ng alak sa Moroni 5:2. Itanong kung ano ang mga pagkakaiba at pagkakatulad na napansin nila. Ituro na ang pangakong “lagi siyang aalalahanin o sa tuwina ay aalalahanin siya” ay makikita sa dalawang panalangin.

  • Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ng “lagi siyang aalalahanin o sa tuwina ay aalalahanin siya”?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan at tukuyin ang maaari nating gawin na makatutulong sa atin na laging maalaala ang Tagapagligtas.

Elder D. Todd Christofferson

“Dapat nating unahin ang mga bagay na maaalala natin Siya lagi—madalas na pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pag-aaral at pagninilay ng mga turo ng mga apostol, lingguhang paghahanda na makibahagi ng sacrament nang marapat, pagsamba sa araw ng Linggo, at pagtatala at pag-alala ng itinuturo sa atin ng Espiritu at ng karanasan tungkol sa pagiging disipulo.

“Maaaring pumasok sa inyong isipan ang iba pang mga bagay na akma sa inyo sa sandaling ito ng inyong buhay. …

“… Mapapatunayan ko na sa paglipas ng panahon ay mag-iibayo ang hangarin at kakayahan nating laging alalahanin at sundin ang Tagapagligtas. Dapat tayong magtiyagang isakatuparan ang layuning iyon at laging manalangin na makahiwatig at mabigyan ng tulong na kailangan natin” (“Na Lagi Siyang Alalahanin,” Liahona, Abr. 2011, 20).

  • Ano ang ginagawa ninyo para “lagi siyang aalalahanin”?

  • Paano nakatutulong sa atin ang laging pag-alaala sa Tagapagligtas para maisakatuparan natin ang iba pang mga bahagi ng ating Tipan?

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa atin na tumanggap ng sakramento linggu-linggo?

Upang mabigyang-diin ang ating pangako na susundin ang mga kautusan, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan:

“Binigyan kayo ng Ama sa Langit ng karapatang pumili, ang kakayahang piliin ang tama sa halip na mali at kumilos para sa inyong sarili. Kasunod ng pagkakaloob sa inyo ng buhay, ang karapatang piliin ang landas na tatahakin ninyo ang isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa inyo. Habang narito sa lupa, sinusubukan kayo upang makita kung gagamitin ninyo ang inyong karapatang pumili para ipakita ang pagmamahal ninyo sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [2011], 2).

  • Ano ang ginagawa ninyo sa bawat araw para tulungan ang inyong sarili na masunod ang mga kautusan ng Diyos?

Pagkatapos matalakay ng mga estudyante ang mga pangako na pinaninibago natin sa pamamagitan ng sakramento kada linggo, sabihin sa kanila na isulat sa pangatlong column ng chart ang isang bagay na gagawin nila sa buong linggo para mas matupad ang bawat bahagi ng tipan. Sabihin sa kanila na ibahagi ang ilan sa kanilang mga ideya (ngunit tiyaking nauunawaan nila na hindi sila dapat magkwento ng anumang bagay na napakapersonal o napakapribado).

Ipaliwanag na kapag tinupad natin ang mga tipan na ginawa natin sa Panginoon, nangako Siya na pagpapalain tayo (tingnan sa D at T 82:10). Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Moroni 4:3 at Moroni 5:2, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa atin kung tutuparin natin ang mga pangakong pinanibago natin nang tumanggap tayo ng sakramento. Isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara sa ilalim ng chart: Kapag tapat nating tinutupad ang tipan ng sakramento … Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag sa pisara batay sa natutuhan nila sa Moroni 4:3 at Moroni 5:2. (Ang isang paraan para makumpleto ang pahayag ay ang sumusunod: Kapag tapat nating tinutupad ang tipan ng sakramento, mapapasaatin sa tuwina ang Espiritu ng Panginoon upang makasama natin.)

  • Paano naging sulit sa pagsisikap natin na matupad ang tipang ito ang pangakong ito na mapapasaatin sa tuwina ang Espiritu?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang magagawa para sa atin ng Espiritu.

Elder David A. Bednar

“Ang Espiritu ng Panginoon ay maaari nating maging gabay at bibiyayaan tayo nito ng patnubay, tagubilin, at espirituwal na proteksyon sa ating buhay sa lupa” (“Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 31).

  • Kailan kayo napatnubayan, natagubilinan, nagabayan, o naproteksyunan dahil kasama ninyo ang Espiritu Santo? (Bukod pa sa pagbabahagi sa mga estudyante ng kanilang karanasan, maaari mong ibahagi ang sarili mong karanasan.)

  • Tuwing Linggo sa oras ng sakramento, may pagkakataon tayo na pag-isipan kung gaano natin lubos na natutupad ang mga tipang nakasaad sa mga panalangin sa sakramento. Paano ito nakatutulong sa pagsisikap natin na palaging mapasaatin ang Espiritu?

  • Habang pinag-iisipan ninyong mabuti ang natutuhan ninyo ngayon tungkol sa pagtanggap ng sakramento, anong bahagi ng mga panalangin sa sakramento ang pinakamahalaga sa inyo? Bakit?

Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas habang tumatanggap sila ng sakramento. Sabihin sa kanila na rebyuhin ang kanilang chart at gawin ang mga ideya nila para lubos nilang matupad ang tipan ng sakramento. Ipaalala sa mga estudyante ang pangako ng Panginoon sa atin kapag tinupad natin ang tipang ito: laging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin. Patotohanan ang mga pagpapalang darating sa buhay natin kapag inaalaala at tinutupad natin ang tipang ginawa natin kada linggo kapag tumatanggap tayo ng sakramento.

scripture mastery iconPagrebyu ng Scripture Mastery

Maaari kang mag-iskedyul ng huling scripture mastery test o review activity para matulungan ang mga estudyante na lubos na maisaulo at maunawaan ang mga piling scripture passage ng Aklat ni Mormon. Magpasya kung paano mo iti-test ang kanilang kaalaman, at magplano ng aktibidad na akma sa layuning iyan. Maaari kang gumawa ng matching o fill-in-the-blank test na may mga reference at mahahalagang salita o sitwasyon, o maaaring i-test ang mga estudyante kung gaano nila kahusay na naisaulo ang mga scripture passage. Ang isa pang paraan ay pagturuin ang bawat estudyante ng maikling lesson o sabihin sa kanila na magbigay ng mensahe gamit ang mga scripture mastery passage. Anuman ang ipasya mong gamitin para ma-test sila sa mga scripture mastery passage, bigyan ang mga estudyante ng oras na mag-aral at maghanda. Ang haba ng lesson sa araw na ito ay maaaring magbigay ng oras para masimulan ang paghahandang ito.