Lesson 33
2 Nephi 17–20
Pambungad
Sa 2 Nephi 17–20, itinala ni Nephi na sinikap ni Isaias na hikayatin ang hari ng Juda at kanyang mga tao na magtiwala sa Panginoon sa halip na sumanib at makipag-alyansa sa mga bansa. Gamit ang paghahalintulad at pagsasagisag, ipinropesiya ni Isaias ang mga mangyayari sa kanyang panahon, ang pagsilang ni Jesucristo, at ang pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 17–18; 19:1–7
Ang mga tao ng kaharian ni Juda ay hindi nagtiwala kay Jesucristo
Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na isulat ang lahat ng mga titulo ni Jesucristo na alam nila. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang 2 Nephi 17:14. Idagdag ang titulo o pangalang Emmanuel sa listahan sa pisara o bilugan ito kung naroon na. Ipahanap sa mga estudyante ang kahulugan ng pangalang ito sa Mateo 1:23 o sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
-
Ano ang ibig sabihin ng titulo o pangalang Emmanuel? (“Sumasa atin ang Dios.”)
Ipaliwanag na ang lubos na kahalagahan ng propesiya ni Isaias tungkol kay Emmanuel ay matatagpuan sa Mateo 1:18–25. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang scripture passage na ito.
-
Paano natupad ang propesiya ni Isaias tungkol kay Emmanuel?
-
Kailan ninyo nakita ang Panginoon bilang Emmanuel, o “sumasa atin ang Dios,” sa inyong buhay?
Ipaliwanag na ang 2 Nephi 19:6–7 ang isa sa mga kilalang propesiya tungkol sa Tagapagligtas. Basahin nang malakas ang scripture passage na ito. Ipaliwanag na ang scripture passage na ito ay naglalaman ng ilang titulo ni Jesucristo. (Kung wala pa sa pisara ang alinman sa mga titulong ito, idagdag ito sa listahan.)
-
Alin sa mga titulong ito ang lubos na naglalarawan ng nadarama ninyo sa Tagapagligtas? Bakit?
Bago mo ituro ang natitira pang bahagi ng lesson na ito, bigyan ang mga estudyante na ilang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng 2 Nephi 17–18. Ipaliwanag na ang mga kabanatang ito ay madalas na tumutukoy sa tatlong malilit na bansa—Juda, Israel, at Siria—at ang mga hari nito, pati na ang Imperyo ng Asiria, na naghangad na sakupin ang tatlong mas maliliit na bansang ito. Kung ang mga estudyante ay may Latter-day Saint edition ng Biblia, makatutulong sa kanila na makita ang mga mapa 1, 3, at 5, na nagpapapakita ng mga lugar na tinukoy sa mga kabanatang ito. Maaari mo ring tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng mga kabanatang ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng sumusunod na chart (mula sa Victor L. Ludlow, Isaiah: Prophet, Seer, and Poet [1982], 140). Tingnan ito kung kailangan sa buong lesson.
Bansa |
Juda |
Siria |
Israel |
Kabiserang Lungsod |
Jerusalem |
Damasco |
Samaria |
Teritoryo o pangunahing lipi |
Juda |
Aram |
Ephraim |
Lider |
Achas (hari), ng sambahayan ni David |
Resin (hari) |
Peka (hari), anak ni Remalias |
Isulat ang pagsasanib o alyansa sa pisara.
-
Ano ang pagsasanib o alyansa? (Kasama sa posibleng sagot ang samahan, kapisanan, kasunduan, o pagkakaisa.)
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit nakikipagsanib ang isang bansa sa iba pang mga bansa?
Ipaliwanag na noong panahon ng paglilingkod ni Isaias sa kaharian ng Juda, gusto ng mga hari ng Israel at Siria na makiisa sa kanila si Haring Achas ng Juda laban sa makapangyarihang imperyo ng Asiria. Nang tumanggi si Haring Achas, sinalakay ng Israel at Siria ang Juda para pwersahang makabuo ng alyansa at makapaglagay ng bagong mamumuno sa trono ng Juda (tingnan sa 2 Nephi 17:1, 6). Inilahad sa 2 Nephi 17–18 ang ipinayo ni propetang Isaias kay Haring Achas sa panahong sinisikap alamin ng hari kung paano ipagtatanggol ang Juda laban sa mga pagbabanta ng Israel, Siria, at Asiria.
Ipabasa sa isang estudyante ang 2 Nephi 17:1–2.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ang puso [ni Achas] ay nanginig, at ang puso ng kanyang mga tao, na tulad ng mga punungkahoy sa kakahuyan na pinakikilos ng malakas na hangin”? (Si Achas at ang kanyang mga tao ay natakot at hindi malaman ang gagawin matapos silang salakayin ng Israel at Siria.)
Ipaliwanag na dahil natakot si Achas sa Israel at Siria, ipinasya niyang makipag-alyansa sa Asiria para protektahan ang kanyang kaharian (tingnan sa II Mga Hari 16:7). Sinabi ni Isaias kay Achas na kung mananampalataya siya (Achas) sa Panginoon sa halip na makipag-alyansa sa mga bansa, poprotektahan ng Panginoon ang kaharian ng Juda.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 17:3–8. (Kung may Latter-day Saint edition ng King James Version ng Biblia, ipahanap sa mga estudyante ang Isaiah 7:4, footnote a. Kung wala, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang sulong umuusok ay sulo na wala nang apoy. Parang sinasabi ng Panginoon na, “Huwag kayong matakot na salakayin kayo. Kaunti na lang ang apoy ng dalawang haring iyon.” Naubos na ng Israel at Siria ang kanilang lakas. Di-magtatagal mapapabagsak na sila ng Asiria at hindi na magiging banta sa Juda.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 17:9, 17–25. Habang nagbabasa sila, ipatukoy sa klase ang ipinahayag ng Panginoon na mangyayari sa mga tao ng Juda kung aasa sila sa mga alyansa o pagsasanib-pwersa ng mga bansa sa halip na magtiwala sa Panginoon.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang mangyayari kung hindi magtitiwala si Achas sa Panginoon? (Mawawasak ang Juda.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 17:10–12. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na noong sabihin ni Isaias kay Achas na humingi ng palatandaan, hinihikayat niya talaga si Achas na humingi ng payo sa Panginoon para sa problema nito. Nang tumanggi si Achas, sinabi niya na hindi niya kailangan ang tulong ng Diyos at gusto niyang umasa sa sarili niyang pagpapasiya.)
Ipabasa sa isang estudyante ang 2 Nephi 17:13–14. Sabihin sa mga estudyante na pansining muli ang salitang Emmanuel sa 2 Nephi 17:14 at ang kahulugan nito na, “sumasa atin ang Dios.”
-
Bakit mahalaga na hangarin ni Achas na sumakanya ang Diyos sa panahong nasa krisis ang kanyang bansa?
-
Bakit mahalaga na lumapit tayo sa Panginoon sa halip na asahan lamang ang sarili nating karunungan?
Basahin nang malakas ang 2 Nephi 18:5–8 sa mga estudyante. Sa pagbasa mo ng talata 6, ipaliwanag na ang salitang Siloa ay tumutukoy kung minsan kay Jesucristo. Kapag binasa mo ang talata 8, ipaliwanag na ang pariralang “hanggang sa leeg” ay nagsasaad na ang ulo, o kabiserang-lungsod, ng Juda ay Jerusalem. Ipinropesiya ni Isaias na magtutungo ang Asiria sa mga pader ng Jerusalem—sa madaling salita, sa leeg ng lungsod. Natupad ang propesiyang ito nang sumalakay ang 185,000 kawal ng Asiria sa Jerusalem, at tumigil sa mga pader ng lungsod. Ipinagtanggol ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa pamamagitan ng pagsugo ng anghel na lilipol sa papasalakay na hukbo. (Tingnan sa II Mga Hari 19:32–35.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 18:9–10, at alamin ang babala ng Panginoon sa mga bansang magtutulung-tulong laban sa Juda.
-
Ano ang mangyayari sa mga kakalaban sa Juda?
-
Ayon sa 2 Nephi 18:10, bakit wawasakin ang mga bansang ito?
Ipaalala sa mga estudyante na natakot si Haring Achas sa banta ng Israel at Siria, at iniisip niya na makipagsanib-pwersa sa Asiria. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 18:11–13.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa nararapat ba o hindi na bumuo ng kilusan o makipag-alyansa (sumanib sa Asiria) ang Juda?
-
Ayon kay Isaias kanino dapat magtiwala ang mga tao?
Para matulungan ang mga estudyante na maiangkop sa buhay nila ang mga kabanatang ito, itanong:
-
Anong mga panganib ang idinudulot ng pagtitiwala natin sa lakas at impluwensya ng daigdig sa halip na sa Panginoon? (Hikayatin ang mga estudyante na umisip ng mga sitwasyon na maaaring matukso sila na magpasyang gawin ang isang bagay dahil sa takot.)
-
Kailan kayo humingi ng lakas sa Panginoon matapos kayong matukso noong una na sa iba humingi ng tulong? Paano kayo tinulungan ng Diyos? Ano ang natutuhan ninyo mula sa karanasang iyon?
Magpatotoo na sasaatin ang Diyos kapag nagtiwala tayo sa Kanya, kahit sa oras ng paghihirap at pangamba. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
2 Nephi 19:8–21; 20:1–22
Inilarawan ni Isaias ang pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito
Ibuod ang kasaysayang nakapaloob sa 2 Nephi 19–20 na ipinapaliwanag na tinanggihan ni Achas ang payo ni Isaias at nagpasiyang sumanib sa Asiria (tingnan sa II Mga Hari 16:7–20). Nasakop ang Juda, at nagbayad ng buwis sa Asiria para maproteksyonan laban sa mga pagbabanta ng Siria at Israel. Tulad ng ipinropesiya ni Isaias, kalaunan ay nasakop ng Asiria ang maliliit na kahariang ito—Damasco (Siria) noong 732 B.C. at Samaria (Israel) noong 722 B.C. Nasakop din ng Asiria ang buong lupain ng Juda, maliban sa Jerusalem, noong 701 B.C.
Ipaliwanag na noong masakop ng Asiria ang Siria at ang Israel at nilusob ang kabiserang lungsod ng Juda, ang Jerusalem, hindi na si Achas ang hari ng Juda. Isang mabuting hari, si Ezechias, ang siya nang namumuno. Dahil nagtiwala si Ezechias sa Panginoon, ipinagtanggol ng Panginoon ang lungsod ng Jerusalem sa paglusob ng hukbo ng Asiria. Sa gabi, isang anghel ng Panginoon ang nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria. Kinaumagahan, 185,000 kawal sa hukbo ng Asiria ang natagpuang patay (tingnan sa II Mga Hari 19:34–35; II Mga Cronica 32:21; Isaias 37:36).
Ang mga propesiya ni Isaias sa 2 Nephi 19–20 ay nakatuon sa mga kaparusahan na darating sa Israel at Juda sa mga kamay ng Asiria. Nagbabala si Isaias na di-magtatagal mawawasak at mabibihag ang Israel, at sinabi rin niya na sasalakayin kalaunan ang Juda. Ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas sa 2 Nephi 17–18 ay mas binigyang-diin sa 2 Nephi 19–20. Ang propesiya patungkol sa Emmanuel ay mas pinalawak sa 2 Nephi 19 nang ipangako ni Isaias ang bagong liwanag at isang bagong pinuno: Sa kasaysayan ni Ezechias, at sa propesiya sa Mesiyas. Ito ay halimbawa ng propesiya na dualismo o may dalawang katuparan. Ito rin ay halimbawa ng paghahalintulad, ibig sabihin ang isang pangyayari ay nagsisilbing propesiya ng isang pangyayari sa hinaharap. Ang propesiya ni Isaias sa pagkalipol ng Asiria na nakatala sa 2 Nephi 20 ay isang paghahalintulad sa pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito.
Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara: 2 Nephi 19:12, 17, 21; 20:4. Ipatukoy sa mga estudyante ang pariralang inulit-ulit sa mga talatang ito. Isulat sa pisara ang parirala. (“Sa lahat ng ito ang kanyang galit ay hindi napapawi, [ngunit] nakaunat pa rin ang kanyang kamay.”) Ipaliwanag na sinasabi sa mga talatang ito ang mga mangyayari sa mga taong naghimagsik sa Panginoon at hindi nagsisi. Ipinapahayag nito na hindi nalulugod ang Panginoon sa mga taong patuloy na nagkakasala.
Ipaliwanag na sa ibang mga scripture passage, gayon din ang mga ginagamit na salita para ipahayag na naaawa ang Panginoon sa mga magsisisi. Bagama’t Siya ay Diyos ng katarungan, Siya ay patuloy na magiging maawain sa mga lalapit sa Kanya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 28:32. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sa lahat na nag-iisip na kayo ay naliligaw o nawawalan ng pag-asa, o iniisip ninyo na matagal na kayong nakakagawa ng mabibigat na kasalanan, sa lahat sa inyo na nag-aalala na nabalaho kayo sa malamig na kapatagan ng buhay at nasiraan ng handcart bunga niyon, muling ipinaaabot ng kumperensyang ito ang walang-humpay na mensahe ni Jehova, ‘Laging nakaunat ang [aking] kamay’ [tingnan sa Isaias 5:25; 9:17, 21]. ‘Laging nakaunat sa kanila ang aking bisig,’ wika Niya, ‘[at kahit na] itatatwa nila ako; gayon pa man, magiging maawain ako sa kanila, … kung magsisisi sila at lalapit sa akin; sapagkat nakaunat ang aking bisig sa buong maghapon, wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo’ [2 Nephi 28:32]. Pangwalang-hanggan ang Kanyang awa at nakaunat pa rin ang Kanyang kamay. Taglay Niya ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, ang pag-ibig na hindi nagkukulang, ang habag na nagtitiis kahit mawala pa ang lahat ng iba pang lakas [tingnan sa Moroni 7:46–47]” (“Mga Propetang Naritong Muli sa Lupa,” Liahona, Nob. 2006, 106–7).
Sabihin sa mga estudyante na ipahayag sa sarili nilang mga salita ang isang katotohanang nalaman nila mula sa mga talatang ito. (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na si Jesucristo ay Diyos ng kahatulan at awa. Ang Kanyang awa ay ibinibigay sa mga nagsisisi at sumusunod sa Kanyang mga kautusan.)
-
Paano ninyo maipamumuhay ang alituntuning ito?
Nakita ni Isaias na sa mga huling araw ang mga tao ng Panginoon ay magbabalik sa Kanya at hindi na aasa sa masasamang samahan para sa seguridad at kapayapaan. Kung may Latter-day Saint edition ng King James Version ng Biblia ang mga estudyante, maaari mong ipabasa sa kanila ang Isaiah 10:20, footnote c, at ipaliwanag ang kahulugan ng salitang titiwala. Maaari mong ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang titiwala ay sasandalan, aasahan, o pagtitiwalaan ang isang bagay o ang isang tao. Sabihin sa mga estudyante na kapag nagtiwala tayo sa Panginoon, hindi tayo matatakot sa mga kahatulang darating sa mga tao sa mundo hanggang sa Ikalawang Pagparito.