Library
Lesson 145: Eter 3


Lesson 145

Eter 3

Pambungad

Bilang tugon sa tanong ng Panginoon—“Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat?”—naghanda ang kapatid ni Jared ng labing-anim na bato at mapagkumbabang hiniling sa Panginoon na hipuin ang mga ito “upang ang mga ito ay kuminang sa kadiliman” (Eter 2:23; 3:4). Dahil sa malaking pananampalataya ng kapatid ni Jared, nakita niya na hinipo ng Tagapagligtas ang mga bato. Pagkatapos ay ipinakita ng Panginoon ang Kanyang sarili sa kapatid ni Jared at naghayag ng maraming bagay. Iniutos ng Panginoon sa kapatid ni Jared na isulat ang mga bagay na nakita at narinig niya at tatakan ang mga isinulat na ito hanggang sa naisin ng Panginoon na ilabas ang mga ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Eter 3:1–20

Hinipo ng Panginoon ang mga bato upang magbigay ng liwanag sa mga gabara ng mga Jaredita at ipinakita ang Kanyang sarili sa kapatid ni Jared

Hilingin sa isang estudyante na siya ang magsulat sa pisara. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante ang sumusunod, at ipalista sa tagasulat ang mga sagot nila sa pisara.

  • Ano ang ilang bagay na taos-pusong idinadalangin ng mga tinedyer?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na isa sa kanilang mga kaibigan ay idinadalangin ang isa sa mga bagay na nakasulat sa pisara. Gustong malaman ng kaibigang ito kung paano mas gagawing taos-puso ang kanyang mga panalangin at ginagawa para makatanggap ng tulong at patnubay ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang kahilingang ito sa pag-aaral nila ng halimbawa ng kapatid ni Jared sa Eter 3 at maghanap ng mga ideya na maibabahagi nila sa kanilang kaibigan.

Ipaalala sa mga estudyante na sa nakaraang lesson, tinalakay nila ang tala tungkol sa kapatid ni Jared na nagtatanong sa Panginoon kung paano magkakaroon ng liwanag sa mga gabara ng mga Jaredita.

  • Ano ang ginawa ng kapatid ni Jared para makatulong sa pagkakaroon ng liwanag sa mga gabara? (Tingnan sa Eter 3:1.)

  • Ano ang hiniling ng kapatid ni Jared na gawin ng Panginoon para magkaroon ng liwanag? (Tingnan sa Eter 3:1, 4.)

  • Ano ang nakaantig sa inyo tungkol sa mga pagsisikap ng kapatid ni Jared?

Bigyang-diin na nagsikap nang husto ang kapatid ni Jared para maihanda ang mga bato. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano kaepektibo ang mga bato sa pagbibigay ng liwanag kung hindi hinipo ng Panginoon ang mga ito. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 3:2–5 at hanapin ang mga pariralang nagpapakita na kinikilala ng kapatid ni Jared na umaasa siya sa Panginoon.

Matapos ang oras ng pagbabasa ng mga estudyante, pagpartner-partnerin sila. Sabihin sa kanila na ibahagi sa isa’t isa ang nahanap nila. Sabihin din na ibahagi nila kung ano ang nakaantig sa kanila sa panalangin ng kapatid ni Jared.

Sa pagbabasa ng mga estudyante ng Eter 3:2, maaaring may mga tanong sila tungkol sa mga pariralang “kami ay di karapat-dapat sa inyong harapan” at ang “aming katauhan ay naging patuloy na masama.” Tulungan sila na makita na nang gamitin ng kapatid ni Jared ang mga salitang ito, ang tinutukoy niya ay ang kalagayang namana natin “dahil sa pagkahulog.” Tayo ay pisikal at espirituwal na nahiwalay mula sa Diyos, at lalo pa nating inihihiwalay ang ating sarili mula sa Kanya kapag nagkakasala tayo. Kumpara sa Kanya, tayo ay mahina at hindi karapat-dapat. Kung wala ang tulong Niya, hindi tayo kailanman makababalik sa Kanyang piling.

Upang matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan ang kahulugan ng mga talatang nabasa nila, itanong ang mga sumusunod:

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa atin na kilalanin na umaasa tayo sa Panginoon kapag humihingi tayo ng tulong sa Kanya?

  • Sa Eter 3:1–5, anong katibayan ang nakita ninyo na nananalig ang kapatid ni Jared na matutulungan siya ng Panginoon sa paglutas ng kanyang problema? (Kung kinakailangan, hikayatin ang mga estudynate na hanapin ang mga parirala na naglalarawan sa pagsisikap ng kapatid ni Jared at ang mga parirala na nagpapakita na nagtitiwala siya sa Panginoon.)

Para mabigyang-diin ang kapangyarihan ng pananampalataya ng kapatid ni Jared, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Tunay ngang mapapahanga nang lubos ang Diyos, gayon din ang mga mambabasa, sa lalaking ito na ang pananampalataya ay napakatindi at tila katulad sa isang musmos. ‘Masdan, O Panginoon, magagawa ninyo ito.’ Marahil wala nang mas nakaaantig na pagpapahayag ng pananampalataya na binigkas ng tao sa banal na kasulatan kaysa sa isang taludtod na ito. … Gaano man ang pag-aalinlangan ng propeta sa kanyang sariling kakayahan, wala siyang pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos” (“Rending the Veil of Unbelief,” sa Nurturing Faith through the Book of Mormon: The 24th Annual Sidney B. Sperry Symposium [1995], 12).

Ipakita ang larawang Nakita ng Kapatid ni Jared ang Daliri ng Panginoon (62478; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 85). Ipabasa sa isang estudyante ang Eter 3:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung ano kaya para sa kapatid ni Jared ang karanasang ito na nakatala sa talatang ito.

Nakita ng Kapatid ni Jared ang Daliri ng Panginoon
  • Ano ang maiisip o madarama ninyo kung naranasan din ninyo ang naranasan ng kapatid ni Jared?

Ibuod ang Eter 3:6–8 na ipinapaliwanag na nang makita ng kapatid ni Jared ang daliri ng Panginoon, siya ay “nagpatirapa sa harapan ng Panginoon” (Eter 3:6). Namangha siya nang makita niya na ang daliri ng Panginoon ay “tulad ng daliri ng tao, tulad ng laman at dugo” (Eter 3:6). (Nalaman kalaunan ng kapatid ni Jared na nakita niya ang isang bahagi ng katawang espiritu ng Panginoon [tingnan sa Eter 3:16].)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 3:9 at alamin ang dahilan kung bakit nakita ng kapatid ni Jared ang daliri ng Panginoon.

Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag:

Kapag tayo mapagkumbabang nanalangin sa Panginoon, pagpapalain Niya tayo ayon sa ating … at ayon sa Kanyang kalooban.

Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng mga salita na magagamit para makumpleto ang pahayag na ito. Dapat imungkahi ng mga estudyante na ang salitang pananampalataya ang kukumpleto sa pangungusap. Maaari din silang magmungkahi ng mga salita tulad ng pagsisikap, pagpapakumbaba, mga pangangailangan, at katapatan. Tulungan sila na makita na lahat ng salitang ito ay nagpapahayag ng ating pananampalataya. Pagkatapos ay kumpletuhin ang pahayag sa pisara: Kapag tayo ay mapagkumbabang nanalangin sa Panginoon, pagpapalain Niya tayo ayon sa ating pananampalataya at ayon sa Kanyang kalooban.

Tukuying muli ang mga nakasulat sa pisara sa simula ng lesson. Pumili ng isa o dalawang aytem sa nakasulat. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya kung paano makapagpapakita ng pananampalataya sa Panginoon ang isang tao sa mga partikular na sitwasyong iyon. Pagkatapos makapagbahagi ang mga estudyante, banggitin ang alituntunin na isinulat mo sa pisara.

  • Ano ang mga karanasan ninyo na nakatulong sa inyo na malaman na totoo ang alituntuning ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang alituntuning ito, sabihin sa kanila na mag-isip ng isang sitwasyon kung saan kailangan nila ang tulong ng Panginoon. Bigyan sila ng oras na maisulat sa notebook o scripture study journal ang isang paraan na mas mananampalataya sila kapag mapagkumbaba nilang hiningi ang tulong ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na gawin ang isinulat nila. Maaari kang magbahagi ng isang karanasan tungkol sa mga pagpapalang natanggap mo dahil nanampalataya ka sa Panginoon.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag, kung saan ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland na ang ating mga karanasan noon ay makapagpapalakas ng ating pananampalataya.

“Nabubuo ang pananampalataya sa pamamagitan ng mga pangyayaring naranasan noon—ng mga bagay na natutuhan, na naglalaan ng batayan para sa paniniwala” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 18).

  • Simula sa Tore ng Babel, ano ang ilang karanasan ng kapatid ni Jared na maaaring nagpalakas ng kanyang pananampalataya sa Panginoon? Sa inyong palagay, paano siya naihanda ng mga karanasang ito na manampalataya nang labis nang dalhin niya ang mga bato sa Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner at talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga karanasan ang nagpalakas sa inyong pananampalataya sa Panginoon? Paano kayo naihanda ng mga karanasang iyon na higit pang manampalataya sa darating na panahon sa inyong buhay?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Eter 3:9–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Nang magtanong ang Panginoon ng “Maniniwala ka ba sa mga salitang sasabihin ko sa iyo?” sinabi ng kapatid ni Jared, “Oo, Panginoon” (Eter 3:11–12). Sa inyong palagay, bakit mahalagang lubos na maniwala ang kapatid ni Jared sa mga salita ng Panginoon bago niya marinig ang mga ito?

Ipaliwanag na pagkatapos ituro ni Elder Holland ang tungkol sa pananampalataya na nakabatay sa mga naranasan noon, itinuro niya ang tungkol sa mas lubos na pananampalataya na kailangan nating taglayin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland:

Elder Jeffrey R. Holland

“Ang pananampalatayang nakapagliligtas ay dapat madalas maipakita sa mga pangyayaring mararanasan pa lang sa hinaharap—na walang-katiyakan, na nagbibigay ng pagkakataon para mangyari ang mga himala. Ang pinakamatinding pananampalataya, ang pananampalatayang nakapagpapalipat ng bundok, ang pananampalatayang tulad ng sa kapatid ni Jared, ay nauna munang naipakita bago nagkaroon ng himala at kaalaman. … Ang pananampalataya ay pagsang-ayon nang walang pasubali—at agad-agad—anuman ang kundisyong hingin ng Diyos ngayon o sa hinaharap.

“Ang pananampalataya ng kapatid ni Jared ay ganap at lubos” (Christ and the New Covenant, 18–19).

Hikayatin ang mga estudyante na isiping mabuti kung sapat ba ang pananampalataya nila sa Panginoon para lubos na paniwalaan at sundin ang ihahayag Niya bago pa man Niya ito ihayag.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 3:13–20 at alamin ang pagpapalang natanggap ng kapatid ni Jared dahil sa kanyang pananampalataya. Maaari mo silang bigyan ng oras na maisulat ang tungkol sa mga katotohanang natutuhan ng kapatid ni Jared at ang naranasan nito. Kapag nakapagsulat na sila, maaari mong tawagin ang ilan sa kanila para maibahagi ang isinulat nila.

Sa simula ng lesson na ito, nang mabasa ng mga estudyante ang tungkol sa kapatid ni Jared na nakita ang daliri ng Panginoon, itinanong mo kung ano ang madarama nila kung maranasan din nila ito. Ngayon, pagkatapos nilang mabasa at malaman pa ang tungkol sa karanasan ng kapatid ni Jared, maaari mong muling itanong iyon.

Magpatotoo na kapag nanampalataya tayo tulad ng kapatid ni Jared, mas mapapalapit tayo sa Panginoon.

Eter 3:21–28

Iniutos ng Panginoon sa kapatid ni Jared na isulat ang mga bagay na nakita niya at tatakan ang kanyang talaan

Ipabasa sa isang estudyante ang Eter 3:25–26, at sabihin sa klase na tukuyin kung ano ang ipinakita ng Panginoon sa kapatid ni Jared sa pangitain. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natukoy nila.

Ibuod ang Eter 3:21–24, 27–28 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa kapatid ni Jared na isulat ang mga bagay na nakita at narinig niya at tatakan ang kanyang mga isinulat. Ipinaliwanag din ng Panginoon na maghahanda siya ng paraan na maisalin ang mga isinulat ng kapatid ni Jared sa hinaharap—sa pamamagitan ng dalawang bato. Ang dalawang batong ito ay bahagi ng bagay na tinatawag na Urim at Tummim (tingnan sa D at T 17:1; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Urim at Tummim”).

Tapusin ang lesson na hinihikayat ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila sa araw na ito—maghanap ng mga paraan na maipakita ang kanilang pananampalataya at pagtitiwala sa Panginoon. Ibahagi ang iyong patotoo na kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, pagpapalain tayo ng Diyos tulad ng pagpapala Niya sa kapatid ni Jared.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Eter 3:7, 9. Nagtanong ang Panginoon sa kapatid ni Jared

Itinanong ng Panginoon sa kapatid ni Jared: “Bumangon, bakit ka nagpatirapa?” (Eter 3:7). “Nakakita ka ba ng higit pa rito?” (Eter 3:9). Nakapaloob sa mga banal na kasulatan ang maraming halimbawa ng pagtatanong ng Panginoon kahit alam na Niya ang mga sagot sa mga ito. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit nagtatanong nang gayon ang Panginoon:

“Pangunahing saligan na sa teolohiya ng mga Banal sa mga Huling Araw na ‘nalalaman [ng Diyos] ang lahat ng bagay, at walang anumang bagay na hindi niya alam.’ [2 Nephi 9:20.] Ang mga banal na kasulatan, kapwa noong unang panahon at ngayon, ay puno ng pagpapatibay sa walang hanggang karunungan ng Diyos. Gayunpaman, ang Diyos ay patuloy na nagtatanong sa mga mortal, karaniwan para subukin ang kanilang pananampalataya, sukatin ang kanilang katapatan, o dagdagan ang kanilang kaalaman” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 19–20).

Eter 3:15. “Kailanma’y hindi ko pa ipinakita ang aking sarili sa tao”

Nagbigay ng posibleng paliwanag si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol para sa pahayag ni Jesus na kailanma’y hindi pa Niya ipinakita ang Kanyang sarili sa tao bago niya ipakita ang Kanyang sarili sa kapatid ni Jared:

“Ang sinasabi ni Cristo sa kapatid ni Jared ay, ‘Kailanma’y hindi ko pa ipinakita ang aking sarili sa tao sa ganitong paraan, nang hindi ko kinusa, kundi dahil lamang sa pananampalataya ng nakakita.’ Karaniwang ang mga propeta ay inaanyayahan sa harapan ng Panginoon, at hindi makapapasok sa Kanyang presensya nang wala siyang pahintulot. Taliwas dito, tila biglang inilusot ng kapatid ni Jared ang kanyang sarili sa tabing, hindi bilang isang inaayawang panauhin, kundi marahil isang panauhing hindi inanyayahan. … Malinaw na inuugnay ng Panginoon mismo ang walang katulad na pananampalataya sa walang katulad na pangitaing ito na hindi pa namalas kailanman noon. Kung hindi man kakaiba ang pangitain, kung gayon ang pananampalataya at ang paraan ng pagtamo ng pangitain ay hindi mapapantayan. Ang tanging paraan na maaaring lubhang kagila-gilalas ang pananampalataya ay ang kakayahan nitong dalhin ang propeta, nang walang paanyaya, sa lugar na hindi mapuntahan kung walang pahintulot ng Diyos” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 23).

Eter 3:16. “Ang katawang ito … ang katawan ng aking espiritu”

Binigyang-diin ni Elder Cecil O. Samuelson ng Pitumpu na sa pamamagitan ng tala tungkol sa kapatid ni Jared, nalaman natin ang tungkol sa premortal na katawan at pagiging Diyos ng Tagapagligtas:

“Wala nang mas malinaw pang tala sa mga banal na kasulatan ang ibinigay tungkol sa katangian ng katawang espiritu ng Panginoong Jesucristo at, katunayan, tungkol sa mga katangian ng ating sariling espiritu. Hindi lamang nakita ng kapatid ni Jared ang daliri ng hindi pa mortal na si Jesucristo kundi pati ang Kanyang espiritung katawan (tingnan sa Eter 3:6, 13). Ang maunawaan ang pagiging Diyos ni Jesucristo bago Siya maging mortal at ang ating espirituwal na identidad bago tayo isilang sa mortalidad ay isang malaking pagpapala at kapakinabangan. Ang mga kaalamang ito na lumalampas sa mga hangganan ng mga tradisyon ay ang direktang ibinunga ng hindi nalilimitahang pananampalataya ng kapatid ni Jared” (“The Brother of Jared,” sa Heroes from the Book of Mormon [1995], 185).

Eter 3:23–24. “Ang dalawang batong ito”

Ang dalawang bato na ibinigay ng Panginoon sa kapatid ni Jared ay bahagi ng bagay na tinatawag na Urim at Tummim. Binabanggit sa mga banal na kasulatan ang mahigit sa isang Urim at Tummim, ngunit ipinabatid sa atin na ginamit ni Joseph Smith ang isa na ginamit ng kapatid ni Jared (tingnan sa Eter 3:22–28; D at T 10:1; 17:1). Sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:35, bahagyang inilarawan ni Propetang Joseph ang Urim at Tummim na ito. Ginamit niya ito sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon at sa pagtatamo ng iba pang mga paghahayag.