Lesson 37
2 Nephi 27
Pambungad
Sa madalas na pagbanggit sa mga salita ni Isaias, ipinropesiya ni Nephi na ang Panginoon ay “gagawa ng kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” sa mga huling araw. Ang dakilang gawaing ito ay ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang sentro ng propesiya ni Nephi ay ang paglabas ng Aklat ni Mormon. Sinabi ni Nephi na makikita ng mga saksi ang Aklat ni Mormon at magpapatotoo sa katotohanan nito. Pinatotohanan din niya ang mahalagang bahagi ng Aklat ni Mormon sa gawain ng Panginoon sa mga huling araw—na ito ay magiging mapaghimalang kaloob sa daigdig. (Paalala: Ang 2 Nephi 27 ay halos pareho ng Isaias 29. Sa Latter-day Saint edition ng Biblia sa Ingles, ang mga footnotes Isaiah 29 ay may mga ideya na makatutulong sa pag-aaral ng dalawang kabanatang ito.)
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 27:1–5
Ipinropesiya ni Nephi na ang mundo ay mapupuno ng kasamaan sa mga huling araw
Idispley ang mga sumusunod na aytem: lalagyan ng deodorant, toothpaste tube, at isang bareta o lalagyan ng sabon. Ipaliwanag na ang bawat aytem ay ginawa para maging solusyon sa problema. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang problemang nilulutas ng bawat aytem. (Maaaring ibang aytem ang gamitin mo na maituturing na solusyon sa mga partikular na problema.)
Ipaliwanag na ang propesiya ni Nephi sa 2 Nephi 27 ay naglalahad ng mga problema na iiral sa ating panahon. Itinuro niya na espirituwal na matitisod ang mga tao dahil sa kanilang kasamaan, na daranas sila ng epirituwal na pagkabulag, at hindi nila tatanggapin ang mga propeta. Ipinropesiya rin ni Nephi ang gagawin ng Diyos para malutas ang mga problemang ito.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 27:1–5. Ipahanap sa klase ang mga salita at parirala na naglalarawan ng ilang mga problema sa mga huling araw. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga pariralang nahanap nila. Para matulungan ang mga estudyante na masuri ang mga pariralang ito, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “malalango sa kasamaan”?
-
Sa 2 Nephi 27:3, may mga tao sa mga huling araw ang itinulad sa nagugutom na tao na nananaginip na kumakain o sa isang nauuhaw na nananaginip na umiinom ngunit nang siya ay magising ay nadamang walang laman ang kanyang kaluluwa. Ano ang matututuhan natin dito? (Ang kasiyahan sa pagkain o pag-inom sa panaginip ay hindi nagtatagal at walang katuturan, dahil naroon pa rin ang gutom o uhaw matapos ang panaginip. Gayon din, ang lahat ng “kumakalaban sa Sion” ay hindi magtatagal ang kasiyahan, ni hindi makagagawa ng anumang bagay na makabuluhan.)
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “ipinikit ninyo ang inyong mga mata”?
Para matulungan ang mga estudyante sa pagtukoy ng mga katotohanan ng ebanghelyo sa 2 Nephi 27:1–5, sabihin sa kanila na ibuod ang mga natutuhan nila sa mga talatang ito. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na sa mga huling araw, maraming tao ang mapupuno ng kasamaan at hindi tatanggapin ang mga propeta.
-
Sa palagay ninyo bakit mahalaga na malaman ang propesiyang ito at ang katuparan nito?
2 Nephi 27:6–23
Ipinropesiya ni Nephi ang paglabas ng Aklat ni Mormon
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 27:6–7. Sabihin sa klase na alamin ang isang bagay na ilalaan ng Panginoon para makatulong sa paglutas sa mga problemang pang-espirituwal ng mga tao sa mga huling araw.
-
Ano ang ilalaan ng Panginoon?
-
Ano ang nilalaman ng aklat?
-
Anong aklat ang sa palagay ninyo ay inilalarawan ng mga talatang ito? (Para matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong imungkahi na tingnan nila ang mga scripture reference na nakalista sa 2 Nephi 27:6, footnote b. Maaari mo ring ipaliwanag na ang pariralang “mga yaong nagsitulog” ay tumutukoy sa mga pumanaw na propeta na nag-ingat ng mga talaan na siyang naging Aklat ni Mormon.)
Ipakita ang isang kopya ng Aklat ni Mormon. Ipaliwanag na ibinigay ng Panginoon ang aklat na ito upang makatulong sa paglutas ng mga problema sa mga huling araw at magbigay ng liwanag sa madilim na daigdig. Ipinahayag ng Panginoon sa mga sinaunang propeta ang mga detalye tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Itinala ni Nephi ang mga detalyeng ito sa 2 Nephi 27. Ipaliwanag na isang katulad na propesiya ang matatagpuan sa Isaias 29. (Maaari mong ipaliwanag na may mga tao na magdududa sa Aklat ni Mormon at magtatanong kung bakit hindi ito nabanggit sa Biblia. Ipaliwanag na ipinapakita ng propesiya sa Isaias 29 na totoong pinapatotohanan ng Biblia ang Aklat ni Mormon.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 27:12–14. Sabihin sa klase na alamin kung sino ang sinabi ni Nephi na tutulutang makita ang aklat.
-
Sino ang tatlong saksi na tinulutang makita ang Aklat ni Mormon “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos”? (Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris. Tingnan sa “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi,” Aklat ni Mormon.)
Sabihin na binanggit ni Nephi na may “ilan” na iba pa na tutulutang makita ang aklat.
-
Sino sa palagay ninyo ang iba pang mga saksing ito? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang walong karagdagang saksi sa Aklat ni Mormon. Tingnan sa “Ang Patotoo ng Walong Saksi,” Aklat ni Mormon.)
Sabihin na binanggit sa 2 Nephi 27:14 na “pagtitibayin [ng Panginoon] ang kanyang salita” sa “bibig ng kasindami ng mga saksing inaakala niyang makabubuti.”
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ni Nephi nang sabihin niyang, pagtitibayin ng mga saksi ang salita ng Diyos? (Ang mga tinuruan at tumanggap ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon ay ibabahagi ito sa iba at magpapatotoo sa katotohanan nito.)
-
Sino kaya ang mga saksing ito?
-
Para tulungan ang mga estudyante na mapahalagahan na maaari din silang maging mga saksi sa katotohanan ng aklat ni Mormon, maaari mong sabihin sa kanila na isulat ang kanilang mga pangalan sa margin sa tabi ng 2 Nephi 27:14. Ano ang maitutulong ng bawat miyembro ng Simbahan, kabilang na kayo, para mapagtibay ang katotohanan ng Aklat ni Mormon?
-
Kailan ninyo ibinahagi sa iba ang inyong patotoo sa Aklat ni Mormon?
Sa naunang lesson, maaaring hinikayat mo ang mga estudyante na ibahagi sa iba ang kanilang patotoo sa Aklat ni Mormon. Kung nagawa mo ito, i-follow-up ang assignment na iyan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa ilang estudyante na ibahagi ang ginawa nila. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na humanap ng mga pagkakataong maibahagi sa iba ang kanilang mga patotoo sa Aklat ni Mormon, kabilang na ang mga nasa ibang relihiyon.
Isulat sa pisara ang sumusunod na chart. (Para makatipid sa oras, maaari mo itong gawin bago magklase.)
Ang propesiya ni Nephi tungkol sa gagawin ng lalaki |
Pangalan ng lalaki |
Ang katuparan ng propesiya | |
---|---|---|---|
Unang Lalaki (“hindi marunong”) | |||
Pangalawang Lalaki (“ibang tao”) | |||
Pangatlong Lalaki (“marunong”) |
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipaliwanag na pag-aaralan ng bawat magkapartner ang isang propesiya tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon at ang katuparan ng propesiyang ito. Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang chart sa kanilang scripture study journal o class notebook at isulat ang mga sagot gamit ang mga ibinigay na scripture reference. (Maaari mong ipaliwanag na ang mga salitang mga titik, na makikita sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:63–65, ay tumutukoy sa mga nakaukit na tala sa mga laminang ginto kung saan isinalin ang Aklat ni Mormon.) Kapag natapos na ang mga estudyante, anyayahan silang sabihin sa klase ang mga sagot nila.
-
Ayon sa 2 Nephi 27:15 at Joseph Smith—Kasaysayan 1:64, sino ang taong marunong na pinagdalhan ni Martin Harris ng mga salita sa aklat? (Charles Anthon.)
-
Sa anong paraan maaaring higit na nararapat magsalin ng Aklat ni Mormon ang isang tulad ni Joseph Smith, na walang pormal na edukasyon kaysa sa iskolar na tulad ni Charles Anton?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 27:20–21 at ipahanap ang parirala na inulit-ulit sa bawat talata. (“May kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain.”)
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng pariralang “May kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain”?
-
Paano napatunayan ng Panunumbalik ng ebanghelyo at ng paglabas ng Aklat ni Mormon na kayang gawin ng Diyos ang Kanyang sariling gawain?
-
Ano ang ilang alituntunin na itinuro sa mga talatang ito? (Habang nagbabahagi ang mga estudyante ng kanilang mga ideya, bigyang-diin na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang paraan na maisasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga huling araw.)
-
Paano nagpalakas sa inyong patotoo sa Aklat ni Mormon at sa gagampanan nito sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Panginoon ang katuparan ng propesiyang ito?
2 Nephi 27:24–35
Ipinropesiya ni Nephi ang magandang epekto ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at ng Aklat ni Mormon
Basahin nang malakas ang 2 Nephi 27:24–26 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang mga estudyante sa kanilang banal na kasulatan.
-
Natatandaan ba ninyo kung narinig na ninyo dati ang mga salitang ito? Kung oo, saan? (Kung nahihirapang sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na ginamit din ng Panginoon ang mga salitang iyon nang kausapin Niya si Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan, tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:19.)
Hawakan ang isa sa mga bagay na idinispley mo sa simula ng lesson na ito, at ipaalala sa mga estudyante na ginawa ito upang solusyunan ang isang partikular na problema.
-
Sa 2 Nephi 27:25, anong mga bagay ang tinukoy ng Panginoon na magiging problema ng mga tao sa mga huling araw? (Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Ipaalala sa mga estudyante ang iba pang mga espirituwal na problema sa mga huling araw na binanggit sa 2 Nephi 27:5. (Maaari mong idagdag ang kasamaan, espirituwal na pagkabulag, at hindi pagtanggap sa mga propeta sa nakalista sa pisara.)
-
Paano nakatutulong ang Aklat ni Mormon at ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa paglutas ng mga problemang ito?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 27:29–30, 34–35, at alamin ang sinabi ng Panginoon na mga paraan na mapagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo at ng Aklat ni Mormon ang mga tao sa mga huling araw. Ipasulat sa isang estudyante ang mga pagpapalang ito sa pisara.
-
Ayon sa 2 Nephi 27:29, ang Aklat ni Mormon ay tutulong na “[makakita] ang mga mata ng bulag mula sa kalabuan at mula sa kadiliman.” Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin nito?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Aklat ni Mormon at ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay magdudulot ng galak at pang-unawa sa mga taong pinag-aaralan at tinatangggap ang mga ito. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng solusyon sa kanilang mga problema sa Aklat ni Mormon at ibahagi sa iba ang kanilang mga patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.