Lesson 25
2 Nephi 3
Pambungad
Ang 2 Nephi 3 ay naglalaman ng mga salita ni Lehi sa kanyang bunsong anak na si Jose. Isinalaysay ni Lehi ang propesiya ni Jose ng Egipto tungkol sa tungkuling gagampanan ni Propetang Joseph Smith, ang paglabas ng Aklat ni Mormon, at ang Panunumbalik ng ebanghelyo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 3:1–25
Isinalaysay ni Lehi ang propesiya ni Jose ng Egipto tungkol kay Propetang Joseph Smith
Bago magklase, idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram.
Para maihanda ang mga estudyante sa pag-unawa ng mga turo sa 2 Nephi 3, ipaalam sa kanila na kabilang sa kabanatang ito ang impormasyon tungkol sa apat na lalaki na magkakapareho ang unang pangalan. Sabihin sa mga estudyante na mabilis na hanapin ang scripture reference sa ibaba ng bawat stick figure sa pisara para malaman kung sino ang kinakatawan ng bawat stick figure. Kapag nalaman na ng isang estudyante ang sagot, ipasulat ito sa kanya sa pisara. (Ang unang stick figure ay kumakatawan sa anak ni Lehi na si Jose. Ang pangalawa ay kumakatawan sa propetang si Jose na ipinagbili sa Egipto mga 1,700 taon bago isinilang si Jesucristo. Ang pangatlo ay kumakatawan kay Propetang Joseph Smith. Ang pang-apat ay kumakatawan kay Joseph Smith Sr.)
Magdispley ng larawan ni Propetang Joseph Smith, tulad ng Brother Joseph (62161; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 87). Ipaalam sa mga estudyante na malaking bahagi ng 2 Nephi 3 ay nakatuon sa propesiya ni Jose ng Egipto tungkol kay Propetang Joseph Smith.
Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 3:6–8. Sabihin sa klase na tukuyin ang mga salita at pariralang ginamit ni Jose ng Egipto para ilarawan si Propetang Joseph Smith at ang gawain na isasakatuparan niya. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na noong banggitin ni Jose ng Egipto ang pariralang “bunga ng aking balakang,” ang tinutukoy niya ay ang kanyang mga inapo.) Sa pisara sa ilalim ng stick figure na kumakatawan kay Joseph Smith, ilista ang mga salita at parirala na nakita ng mga estudyante. Dapat matukoy nila ang mga pariralang tulad ng “piling tagakita sa bunga ng aking balakang,” “bibigyan ng malaking pagpapahalaga,” “sa pagdadala sa kanila sa kaalaman ng mga tipan,” at “gagawin ko siyang dakila sa aking mga paningin.”
-
Sa napag-aralan natin sa 2 Nephi 3:6–8, ano ang nalaman ninyo tungkol kay Propetang Joseph Smith? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ibinangon o inihanda ng Panginoon si Propetang Joseph Smith para makatulong sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 3:11–15. Sabihin sa kanila na maghanap ng mga karagdagang parirala tungkol sa mga bagay na isasakatuparan ng Diyos sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Kapag napag-aralan na nila nang sapat ang mga talatang ito, itanong kung ano ang nalaman nila. Idagdag ang kanilang mga sagot sa listahan sa pisara sa ilalim ng stick figure na kumakatawan kay Propetang Joseph Smith. (Maaaring kasama sa sagot ang “isiwalat ang aking salita,” “mula sa kahinaan siya ay gagawing malakas,” “sila na nagnanais na siya ay pinsalain ay malilito,” at “tatawagin … sa pangalan ng kanyang ama.”)
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan at mapag-isipan ang tungkuling ginagampanan ni Propetang Joseph Smith sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, basahin nang malakas ang 2 Nephi 3:11 na binibigyang-diin ang pariralang “kapangyarihang isiwalat ang aking salita.”
-
Ano ang ilang halimbawa ng salita ng Diyos na isiniwalat ni Joseph Smith? (Maaaring kasama sa sagot ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, ang Mahalagang Perlas, ang Pagsasalin ni Joseph Smith, at ang sariling mga mensahe ng Propeta.)
Sa pagtatalakayang ito, tiyakin na mabigyang-diin na ipinropesiya ni Jose ng Egipto na si Propetang Joseph Smith ang maglalabas ng Aklat ni Mormon. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na binanggit sa 2 Nephi 3:12 ang dalawang aklat: ang aklat na isinulat ng mga inapo ni Jose ng Egipto ay ang Aklat ni Mormon; ang aklat na isinulat ng mga inapo ni Juda ay ang Biblia. Maaari mong imungkahi na isulat ng mga estudyante ang mga paliwanag na ito sa kanilang banal na kasulatan.
Sabihin sa mga estudyante na hanapin sa 2 Nephi 3:12 ang mga parirala na naglalarawan ng magiging epekto sa mundo ng Aklat ni Mormon at ng Biblia kapag “magsasama” ang mga ito. (Halimbawa, maaaring tukuyin ng mga estudyante ang “ikalilito ng mga maling doktrina,” “pag-aalis ng mga pagtatalo,” at “pagtatatag ng kapayapaan.”)
Para matulungan ang mga estudyante sa pag-iisip kung paano nakaimpluwensya sa kanilang buhay ang Aklat ni Mormon, itanong:
-
Kailan ninyo naranasan ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon sa inyong buhay o nakita ang impluwensya nito sa buhay ng inyong mga kaibigan o kapamilya?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 3:15. Sabihin sa klase na pagtuunang mabuti ang pariralang “magdadala sa aking mga tao sa kaligtasan.”
-
Sa anong mga paraan nakatutulong ang Aklat ni Mormon na madala sa kaligtasan ang mga tao?
-
Ano ang nagawang kaibhan ng Aklat ni Mormon sa inyong buhay?
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan at mapahalagahan na itinalaga na noon pa man ang misyon ni Propetang Joseph Smith, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young:
“Ito ay ipinahayag na sa mga kapulungan ng kawalang-hanggan, bago pa man ilatag ang mga saligan ng mundo, na siya, si, Joseph Smith, ang tao, sa huling dispensasyon ng daigdig na ito, ang maghahayag ng salita ng Diyos sa tao, at tatanggap ng kabuuan ng mga susi at ng kapangyarihan ng Priesthood ng Anak ng Diyos. Ang mga mata ng Panginoon ay nakatuon sa kanya, at sa kanyang ama, at sa ama ng kanyang ama, at sa kanilang mga ninuno mula kay … Adan. Binantayan niya ang pamilyang iyan at ang dugong iyon na dumadaloy mula sa pinagmulang bukal hanggang sa pagsilang ng taong iyan. Siya ay tinalaga na noon pa man sa kawalang-hanggan na mangulo sa huling dispensasyong ito” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 108).
Ibuod ang 2 Nephi 3:16–24 na ipinapaliwanag na ikinumpara ni Jose ng Egipto si Joseph Smith kay Moises. Ipahanap sa mga estudyante ang mga salita at mga parirala na naglalarawan kay Propetang Joseph Smith sa 2 Nephi 3:24. Habang ibinabahagi nila ang mga salita at parirala na nahanap nila, idagdag ang kanilang mga sagot sa listahan sa pisara.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga katotohanang ipinahayag sa pamamagitan ni Joseph Smith:
“Babanggit ako ng ilan sa maraming doktrina at gawaing nagpapatangi sa atin sa ibang simbahan, at lahat ng ito ay nagmula sa paghahayag sa batang Propetang [si Joseph Smith]. …
“Ang kaalaman … tungkol sa Diyos. …
“Ang Aklat ni Mormon. …
“… Ang ipinanumbalik na priesthood. …
“… Ang plano para sa walang hanggang buhay ng pamilya. …
“Ang kawalang-malay ng mga batang paslit. …
“… Ang dakilang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay. …
“Ang likas na kawalang-hanggan ng tao. …
“… Ang alituntunin ng makabagong paghahayag. …
“… Sa loob ng maikling 38 at kalahating taon ng kanyang buhay, dumating sa pamamagitan [ni Propetang Joseph Smith] ang walang katumbas na pagbuhos ng kaalaman, mga kaloob, at doktrina” (“Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 80–83).
Sabihin sa isang estudyante na idagdag ang listahan ni Pangulong Hinckley sa listahan sa pisara.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 135:3. Ipaliwanag na si Elder John Taylor ng Korum ng Labindalawang Apostol, na kalaunan ay naging pangatlong Pangulo ng Simbahan, ang sumulat ng mga salitang ito pagkamatay ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa klase na maghanap ng mga bagay na nagawa ni Joseph Smith sa talatang ito na maidaragdag nila sa listahan sa pisara. Idagdag sa listahan ang mga sagot nila.
Bigyan ng oras ang mga estudyante na rebyuhin ang listahan sa pisara. Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang natutuhan nila tungkol sa tungkuling ginampanan ni Propetang Joseph Smith. Anyayahan sila na pag-isipan ang nalalaman at nadarama nila tungkol sa Propeta sa pamamagitan ng pagsulat ng sagot sa isa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang scripture study journal o class notebook:
-
Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon na nagpalakas sa iyong patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith?
-
Ano ang ginawa, itinuro, o ipinanumbalik ni Joseph Smith na sa palagay mo ay “malaki ang kahalagahan” (2 Nephi 3:7) sa iyo?
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Hikayatin sila na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith. Kung may oras pa, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magpatotoo sa buong klase. Ibahagi ang sarili mong patotoo na ibinangon o inihanda ng Diyos si Joseph Smith upang isagawa ang Panunumbalik. Anyayahan ang iyong mga estudyante na mapanalanging maghanap ng paraan na maibahagi sa iba ang kanilang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon, lalung-lalo na sa kanilang mga kaibigan at pamilya.