Lesson 115
Helaman 15–16
Pambungad
Binalaan ni Samuel ang Lamanita ang mga Nephita na kung hindi sila magsisisi, sila ay malilipol. Ipinahayag niya na pahahabain ng Panginoon ang mga araw ng mga Lamanita, na naging higit na mabubuti kaysa sa mga Nephita. May mga Nephita na naniwala sa mga turo ni Samuel at bininyagan ni Nephi. Si Samuel ay tinangkang patayin ng mga hindi naniwala sa kanya. Ngunit pinrotektahan si Samuel ng kapangyarihan ng Diyos, at bumalik na siya sa kanyang sariling lupain.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Helaman 15
Nagbabala si Samuel sa mga Nephita at ipinaliwanag kung paano naging mga taong tapat sa pangako ang mga Lamanita
Basahin nang malakas ang sumusunod na paglalarawan:
Isang binatilyo ang pinalaki ng mga magulang na hindi mga miyembro ng Simbahan at hindi naturuan ng mga turo ni Jesucristo. Pinayagan nila siya na uminom ng alak, na kinagawian na niya hanggang sa kolehiyo. Pagkatapos ay nakilala niya ang mga missionary na mga Banal sa mga Huling Araw. Pagkaraan ng ilang beses na pakikipag-usap sa mga missionary, nangako siya na titigil na sa pag-inom ng alak. Ilang araw kalaunan, kasama niya ang mga kaibigan. Inalok nila siyang uminom.
Isa pang binatilyo ang lumaki sa pamilyang Banal sa mga Huling Araw. Nagdaraos ang kanyang mga magulang ng family home evening at nag-aaral sila ng mga banal na kasulatan. Nakagawian niya na araw-araw na pag-aralan ang banal na kasulatan at personal na manalangin. Dumalo siya sa Primary, naglingkod sa korum ng Aaronic Priesthood, at nagtapos sa seminary, na nagbigay sa kanya ng kaalaman tungkol sa mga kautusan at paraan ng Panginoon. Habang nasa kolehiyo, nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan. Isang gabi inalok siyang uminom ng alak ng isang kaibigan.
-
Ang pagpayag ba na uminom ng alak ay mas mabigat na kasalanan para sa unang binatilyo o sa pangalawa? Bakit oo o bakit hindi?
Isulat sa pisara ang sumusunod:
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga scripture passage na nakalista sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng dalawang pangungusap—ang isa ay buod ng espirituwal na kalagayan ng mga Nephita at ang isa naman ay buod ng espirituwal na kalagayan ng mga Lamanita. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:
-
Sino sa dalawang binatilyo na pinag-usapan natin sa simula ng lesson ang katulad ng mga Nephita na inilarawan sa mga talatang ito? Sino ang katulad ng mga Lamanita?
-
Kahit matagal na naging masama ang mga Lamanita, bakit sila nakatanggap ng napakaraming pagpapala?
-
Bakit nanganganib na malipol ang mga Nephita?
-
Paano naging tanda ng pagmamahal ng Panginoon ang Kanyang pagpaparusa? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang parusahan o kastiguhin ay pahirapan o pagdusahin ang mga tao para maitama sila.)
Isulat sa pisara ang sumusunod:
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Helaman 15:7, at alamin kung paano nila makukumpleto ang pahayag sa pisara. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong sa ilang estudyante kung paano nila makukumpleto ang pahayag. (Halimbawa, maaaring banggitin ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag nalaman ng mga tao ang katotohanan at naniwala sa mga banal na kasulatan, sila ay nahihikayat na manampalataya at magsisi, na nagdudulot ng pagbabago ng puso.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 15:8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang paglalarawan ni Samuel sa mga Lamanita na nakaranas ng pagbabago ng puso. (Sila ay “matibay at matatag sa pananampalataya.”)
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan kung nakatulong ba ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan para mas lumakas ang pananampalataya nila sa Panginoon. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung nakatulong ba ito para maging matibay at matatag ang pananampalataya nila. Maaari mo ring anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ipaliwanag kung paano napalakas ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Ituon ang pansin ng mga estudyante sa Helaman 15:9–17. Ipaliwanag na sa mga talatang ito, ang salitang kayo ay tumutukoy sa mga Nephita at ang mga salitang nila at sila ay tumutukoy sa mga Lamanita. Basahin nang malakas ang mga talatang ito sa klase, at tumigil kapag kailangan para magbigay ng paliwanag o sumagot ng mga tanong. Pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga estudyante na tingnan muli ang mga talata at sumulat ng isang pangungusap na naglalahad ng katotohanang itinuro sa mga talatang ito.
Sabihin sa ilang estudyante na basahin ang isinulat nila. Maliban pa sa ibang mga katotohanan, maaaring ganito ang maisulat ng mga estudyante: Kung ang mga tao ay naging mapag-alinlangan o walang paniniwala matapos matanggap ang kabuuan ng ebanghelyo, sila ay tatanggap ng mas malaking kaparusahan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Helaman 15:9–17.
Habang tinatalakay ng mga estudyante ang katotohanang ito, bigyang-diin ang malalaking pagpapalang darating kapag naunawaan at ipinamuhay ang ebanghelyo ngayon. Ayon sa mga turo ni Samuel hindi bibigyang-katwiran ang isang bagong miyembro sa Simbahan na nagkasala. Hindi rin nito ipinapahiwatig na matatakasan natin ang pananagutan at kaparusahan kapag hindi natin pinag-aralan ang ebanghelyo. Bagama’t totoo na kapag may alam tayo sa ebanghelyo ay mas malaki ang pananagutan natin kung may nagawa tayong mali, nahihikayat din tayo nito na magsikap at magpakatatag pa na gawin ang tama. At kapag tayo ay sumunod sa kagustuhan ng Diyos at tinulungan ang iba na gawin din iyon, pagpapalain Niya tayo ng kapayapaan at kaligayahan na hindi natin matatanggap sa iba pang paraan.
Helaman 16
Ang mga naniwala kay Samuel ay nagsisi at nabinyagan, habang pinatigas naman ng iba ang kanilang mga puso
Magdispley ng larawan ng kasalukuyang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipalarawan sa mga estudyante ang nakita nila na iba’t ibang paraan ng pagtugon ng mga tao (sa loob at labas ng Simbahan) sa mga mensahe ng propeta.
Sabihin sa klase na basahin nang tahimik ang Helaman 16:1–5, at alamin ang mga ikinilos ng mga taong naniwala sa mensahe ni Samuel. Sabihin sa kalahati pa ng klase na basahin nang tahimik ang Helaman 16:2–3, 6–7, at alamin ang mga ikinilos ng mga taong hindi naniwala sa mensahe ni Samuel. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga scripture reference na ito.) Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa palagay ninyo bakit magkakaiba ang pagtugon ng mga tao sa mga propeta at sa kanilang mga mensahe?
-
Sa palagay ninyo bakit nagagalit ang ilang tao kapag nagbibigay ang mga propeta ng payo na tulad ng mababasa sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Kapag binabanggit ng propeta ang mga kasalanan ng mundo, gusto ng mga makamundo na sarhan ang bibig ng propeta, o kaya’y magkunwaring walang propeta, sa halip na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan. Ang popularidad ay hindi kailanman batayan ng katotohanan. Marami nang propetang pinaslang o itinaboy. Habang papalapit ang ikalawang pagparito ng Panginoon, asahan ninyong ganyan ang mangyayari habang tumitindi ang kasamaan ng mga tao sa mundo, lalo nilang babalewalain ang propeta” (The Teachings of Ezra Taft Benson [1988], 133).
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga taong sumusunod sa payo ng mga propeta kahit hindi tanggap ng iba ang payong iyon?
Sabihin sa mga estudyante na isara ang kanilang banal na kasulatan. Sabihin sa isang estudyante na buksan ang kanyang mga banal na kasulatan at basahin ang Helaman 16:13–14 habang nakikinig ang iba pang mga estudyante. Itanong sa klase kung ano sa palagay nila ang itutugon ng mga hindi naniniwala sa ganitong mga palatandaan at pagpapakita.
Sabihin sa mga estudyante na buksan ang kanilang banal na kasulatan at tahimik na sumabay sa pagbasa habang binabasa mo ang Helaman 16:15–16 sa kanila. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na kunwari ay pinahintulutan silang magsalita sa mga tao sa Zarahemla noong ibigay ang mga palatandaaan. Sabihin sa kanila na mag-isip ng mga tanong na gusto nilang itanong sa naniniwala o sa hindi naniniwala. Pagkatapos na makapag-isip ng mga tanong ang mga estudyante, sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi sa klase ang kanilang mga tanong.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong at huwag itong sagutin nang malakas:
-
Kung naroon kayo at nasaksihan ang mga palatandaan at kababalaghang iyon, ano kaya ang magiging reaksyon ninyo?
Matapos makapag-isip ang mga estudyante, itanong:
-
Ayon sa Helaman 16:16, bakit may ilang tao na hindi naniwala sa katuparan ng mga propesiya ng mga propeta, pati na sa mga palatandaan mula sa langit?
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na mabasa nang tahimik ang Helaman 16:17–21, at alamin ang mga karagdagang pangangatwiran ng masasama sa hindi paniniwala sa mga propesiya ni Samuel. Magtawag ng ilang estudyante para sabihin ang mga pangangatwirang nakita nila sa mga talatang ito.
-
Sa palagay ninyo, alin sa mga pangangatwiran o argumentong ito laban sa mga propeta ang pinaka-karaniwan sa ating panahon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 16:22–23, at sabihin sa klase na alamin ang nangyari nang patuloy na balewalain ng maraming tao ang mga babala ni Samuel. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang mangyayari sa atin kapag hindi natin tinanggap ang mga propeta ng Panginoon sa mga huling araw?
Kapag nakasagot na ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag hindi natin tinanggap ang mga saksi ng Panginoon, pinahihintulutan natin si Satanas na mahawakan ang ating puso. (Maaari mong isulat sa pisara ang pahayag na ito.)
Sa pagtatapos ng lesson sa araw na ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano talaga ang pinipili natin kapag hindi natin tinatanggap ang payo mula sa Diyos, na karamihan ay ipinararating sa pamamagitan ng mga propeta sa mga huling araw:
“Kapag hindi natin tinanggap ang payo na nagmula sa Diyos, hindi natin pinipiling maging malaya sa mga impluwensya sa labas. Ibang impluwensya ang pinipili natin. Hindi natin tinatanggap ang proteksyon ng mapagmahal, pinakamakapangyarihan, pinakamarunong sa lahat at perpektong Ama sa Langit, na ang buong layunin, tulad ng sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, ay mapagkalooban tayo ng buhay na walang hanggan, maibigay ang lahat ng mayroon Siya, at madala tayong lahat kasama ang ating mga pamilya sa Kanyang piling. Sa hindi pagtanggap sa Kanyang payo, pinipili natin ang impluwensya ng ibang kapangyarihan o ni Satanas, na ang layunin ay gawin tayong kaaba-aba at ang motibo ay pagkapoot. Tayo ay may kalayaan na kaloob ng Diyos. Sa halip na karapatang piliin na maging malaya sa impluwensya, ibinigay ng Diyos ang karapatang kumilos ayon sa mga kapangyarihang iyon na pinili natin” (“Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25).
-
Ayon kay Pangulong Eyring, ano talaga ang pinipili natin kapag hindi natin sinusunod ang payo mula sa Diyos at mula sa Kanyang mga propeta?
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung pinatigas ba nila ang kanilang mga puso sa anumang paraan laban sa mga payo na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta at apostol. Hikayatin sila na maging matibay at matatag sa pamumuhay ng ebanghelyo at sa pagsunod sa payo ng Panginoon mula sa Kanyang mga propeta. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo sa lesson na ito.
Pagrebyu ng Aklat ni Helaman
Maglaan ng oras na tulungan ang mga estudyante na marebyu ang aklat ni Helaman. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang natutuhan nila mula sa aklat na ito, mula sa seminary at sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Sabihin sa kanila na mabilis na irebyu ang ilan sa mga chapter summary sa Helaman para tulungan silang makaalala. Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng isang bagay mula sa Helaman na nagbigay ng inspirasyon sa kanila o nakatulong sa kanila na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang naisip at nadama nila.