Library
Home-Study Lesson: Mormon 8:12–Eter 3 (Unit 29)


Home-Study Lesson

Mormon 8:12Eter 3 (Unit 29)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Mormon 8:12Eter 3 (unit 29) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Mormon 8:12–41)

Nalaman ng mga estudyante na nakita ni Moroni ang ating panahon at sumulat siya ng propesiya na naglalarawan sa mga kalagayan ng buhay natin ngayon. Nakita nila kung bakit napakahalagang kaloob mula sa Panginoon ang Aklat ni Mormon na gagabay sa kanila sa mga huling araw. Batay sa paglalarawan ni Moroni tungkol sa mga huling araw, nalaman din ng mga estudyante na pananagutin tayo ng Diyos kung paano natin tinrato ang mga maralita at mga nangangailangan.

Day 2 (Mormon 9)

Tinapos ni Moroni ang talaan ng kanyang ama sa paghahayag na kung tayo ay magsisisi at mananalangin sa Diyos, haharap tayo sa Kanya nang walang bahid-dungis. Mula kay Moroni, nalaman ng mga estudyante na ang Diyos ay hindi pabagu-bago, Siya ay gagawa ng mga himala ayon sa pananampalataya ng Kanyang mga anak at kung mananalangin tayo nang may pananampalataya sa Ama sa pangalan ni Jesucristo, bibigyan Niya tayo ng mga pagpapala na tutulong sa atin na maisagawa ang sarili nating kaligtasan.

Day 3 (Eter 1–2)

Nalaman ng mga estudyante na ang aklat ni Eter ay pinaikling tala ni Moroni ng 24 na laminang ginto na natuklasan ng mga tao ni Limhi, tulad ng nakatala sa aklat ni Mosias. Ang mga laminang ito ay talaan ng mga Jaredita, na ginabayan ng Panginoon patungo sa lupang pangako. Sa pag-aaral ng mga karanasan ng mga Jaredita, nalaman ng mga estudyante na kapag kumilos tayo nang may pananampalataya sa iniutos sa atin ng Panginoon, makatatanggap tayo ng karagdagang patnubay mula sa Kanya. Minsan sa paglalakbay patungo sa lupang pangako, pinagsabihan ng Panginoon ang kapatid ni Jared dahil hindi ito nanalangin sa Kanya. Sa pag-aaral ng karanasang ito, nalaman ng mga estudyante ang kahalagahan ng regular na pagdarasal sa Ama sa Langit. Ang naranasang tulong ng kapatid ni Jared mula sa Panginoon sa paggawa ng mga gabara ay nakatulong sa mga estudyante na maunawaan na kapag nanalangin tayo sa Panginoon at ginawa ang ating bahagi sa paglutas ng ating mga problema, makatatanggap tayo ng tulong sa Panginoon.

Day 4 (Eter 3)

Nang sikapin ng kapatid ni Jared na malutas ang problema tungkol sa paglalaan ng liwanag sa mga gabara, ipinakita niya na kapag mapagkumbaba tayong nanalangin sa Panginoon, pagpapalain Niya tayo ayon sa ating pananampalataya at Kanyang kalooban. Nalaman ng mga estudyante na kapag nanampalataya tayo sa Panginoon, mas mapapalapit tayo sa Kanya. Ipinamuhay ng kapatid ni Jared ang mga alituntuning ito, at nakita niya ang espiritung katawan ng Tagapagligtas at isang kamangha-manghang pangitain tungkol sa lahat ng naninirahan sa mundo.

Pambungad

Ang aklat ni Eter ay pinaikling tala ni Moroni ng talaan ng mga Jaredita. Ginawa ng propetang si Eter ang talaang ito sa 24 na laminang ginto, na natuklasan ng isang grupo ng mga tao ni Haring Limhi. Ang sumusunod na ideya sa pagtuturo ay tutulong sa mga estudyante na maunawaan ang ilang alituntunin tungkol sa panalangin na itinuro sa Eter 1.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Eter 1

Dahil sa mga panalangin ng kapatid ni Jared, siya at ang kanyang pamilya at mga kaibigan ay kinaawaan at pinatnubayan

Simulan ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na mag-isip ng isang sitwasyong nangyari sa kanila na talagang kinailangan nilang magdasal para matulungan. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga karanasan o ibahagi ang isa sa sarili mong mga karanasan.

Ipaalala sa mga estudyante na ang aklat ni Eter ay pinaikling tala ni Moroni ng talaan ng mga Jaredita. Nabuhay si Jared, ang kanyang kapatid, kanilang mga kaibigan, at kanilang mga pamilya sa panahon ng Tore ng Babel (tinatayang 2200 B.C.), noong lituhin o iba-ibahin ng Diyos ang wika ng mga tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 1:33–35, at sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit kailangang manalangin ni Jared at ng kanyang kapatid na tulungan sila. Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “magsumamo ka sa Panginoon” ay “manalangin ka.” Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Anong tulong ang kailangan ni Jared at ng kanyang kapatid mula sa Panginoon?

  • Ano ang ipinahihiwatig sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa nadarama ni Jared sa pananampalataya ng kanyang kapatid?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Eter 1:35–42. Bago sila magbasa, sabihin sa kanila na hanapin ang (1) bawat pagkakataon na nagsumamo ang kapatid ni Jared sa Panginoon at (2) ang bawat pagkakataon na nagpakita ng pagkahabag ang Panginoon sa kapatid ni Jared dahil sa mga panalangin nito. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang magkapartner na magbahagi ng isang halimbawa na kinahabagan ng Panginoon ang kapatid ni Jared at kanyang pamilya dahil sa kanilang patuloy na pananalangin.

Itanong: Anong mga alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa panalangin sa mga talatang ito? (Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang mga alituntuning natukoy nila, bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag patuloy tayong nagsumamo sa Diyos nang may pananampalataya, kahahabagan Niya tayo. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Ipaliwanag sa mga estudyante na mahalagang maalaala na “ang panalangin ay isang gawain kung saan ang kalooban ng Ama at ang kagustuhan ng anak ay nagkakatugma sa isa’t isa. Ang pakay ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos, kundi upang maisiguro sa ating sarili at sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit kinakailangan nating hilingin upang matanggap” (Bible Dictionary, “Prayer”).

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Eter 1:34, 36, 38 at alamin ang hiniling ng kapatid ni Jared sa kanyang mga panalangin. Sabihin sa isang estudyante na ilista ang mga bagay na natukoy ng kanyang mga kaklase sa ilalim ng pariralang “nagsumamo sa Diyos” sa alituntuning isinulat mo sa pisara.

Bigyang-diin na si Jared at ang kanyang kapatid ay may pananampalataya at handang sumunod sa Panginoon. Imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang “tayo ay maging tapat sa Panginoon” sa huling pangungusap ng Eter 1:38.

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Eter 1:35, 37, 40–42 at alamin ang mga partikular na paraan kung paano pinagpala ng Diyos ang kapatid ni Jared at ang kanyang pamilya at mga kaibigan. Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga pagpapalang iyon, ipalista ang mga ito sa isang estudyante sa ilalim ng salitang pagkahabag sa alituntuning isinulat mo sa pisara. Bigyang-diin na ibinigay ng Panginoon sa kapatid ni Jared ang mga pagpapalang ipinagdasal nito.

Isulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara, o gawin itong handout. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang alituntuning nakasulat sa pisara, at talakayin nila ng kanilang mga kapartner ang mga tanong. Ang mga tanong na ito ay makatutulong sa kanila na maunawaan at madama ang kahalagahan ng alituntunin.

Ano sa palagay ninyo ang pagkakaiba ng “pagsamo sa Diyos” sa basta “pagdarasal” lamang?

Kailan ninyo nadama o ng isang taong kilala ninyo ang pagkahabag ng Ama sa Langit bilang sagot sa inyong panalangin?

Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon mula sa itinugon Niya sa mga panalangin ng kapatid ni Jared?

Kapag natapos na ang oras ng mga estudyante sa pagtalakay ng mga tanong na ito, maaari mo silang anyayahan na magbahagi ng isang karanasan na natalakay nila sa kani-kanyang grupo o magbahagi ng mga ideya mula sa natalakay nila.

Magpatotoo na mahal tayo ng Ama sa Langit at nais Niyang pagpalain tayo kapag palagi tayong nananalangin sa Kanya. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila ipamumuhay ang alituntunin sa pisara. Halimbawa, maaari silang magtakda ng mithiin na manalangin nang mas regular o pumili ng isang paraan para maging mas taimtim at taos-puso ang kanilang mga panalangin. Maaari mo silang bigyan ng oras na maisulat sa kanilang scripture study journal ang nais nilang gawin.

Ipaliwanag na ang pag-aaral ng tungkol sa mga panalangin ng kapatid ni Jared ay magbibigay sa atin ng karagdagang kaalaman hinggil sa pagmamahal sa atin ng Panginoon at sa mga pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng panalangin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 1:43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang karagdagang pagpapala na ipinangako ng Diyos kay Jared at sa kanyang kapatid. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, bigyang-diin na hindi nanalangin ang kapatid ni Jared para sa pagpapala na maging dakilang bansa ang kanyang mga inapo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan sa kanilang banal na kasulatan ang parirala sa huling pangungusap ng Eter 1:43 na nagsasaad kung bakit sinagot ng Diyos ang panalangin ng kapatid ni Jared sa ganitong paraan: “dahil sa mahabang panahong ito ay nagsumamo ka sa akin.”

Itanong: Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa kabutihang-loob ng Panginoon kay Jared at sa kanyang kapatid, tulad ng nakatala sa Eter 1:43?

May mga alituntuning matututuhan mula sa banal na kasulatang ito. Ang isang mahalagang alituntunin ay: Kung tayo ay palaging mananalangin sa Diyos nang may pananampalataya, makatatanggap tayo ng mga pagpapala nang higit pa sa hiniling natin.

Itanong: Kailan ninyo naranasan na totoo ang alituntuning ito? May kakilala ba kayo na may ganitong karanasan, o may maiisip ba kayo na isang tao sa banal na kasulatan na nakaranas nito? (Sabihin sa mga estudyante na bibigyan mo sila ng sapat na oras para makaisip ng mga halimbawa bago mo sila tawagin. Maaari ka ring magbigay ng isang halimbawa mula sa iyong buhay.)

Para tapusin ang lesson na ito, magpatotoo na naririnig at sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin. Siya ay puspos ng karunungan at habag at nais na pagpalain ang Kanyang mga anak. Nalulugod Siya kapag taos-puso at palagi tayong nagdarasal sa Kanya. Hikayatin ang mga estudyante na pagsikapang manalangin nang may mas malakas na pananampalataya. Hikayatin sila na alalahanin na ang Ama sa Langit ay puspos ng habag at sasagutin Niya ang kanilang mga panalangin ayon sa alam Niya na magdadala ng pinakamalalaking pagpapala sa kanilang buhay.

Susunod na Unit (Eter 4–12)

Sa susunod na unit, marami pang malalaman ang mga estudyante tungkol sa mga Jaredita. Bagama’t binalaan ng mga propeta ang mga Jaredita na huwag maghirang ng mga hari, ginawa pa rin ito ng mga tao, at dinala ng mga hari ang mga tao sa pagkabihag. Karaniwan na sa mga taong naghahangad ng kapangyarihan sa mundo ang paggamit ng mga lihim na pakikipagsabwatan upang maisulong pa nila ang kanilang mga makasariling hangarin. Itinala ni Moroni ang maraming kamangha-manghang bagay na nagawa dahil sa malaking pananampalataya ng ilang tao. Itinuro niya na ang mga magpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos at mananampalataya sa Kanya ay tatanggap ng Kanyang biyaya na tutulong sa kanila na madaig ang kanilang mga kahinaan.