Lesson 11
1 Nephi 7
Pambungad
Nakapaloob sa 1 Nephi 7 ang mga halimbawa ng katapatan ni Nephi sa Diyos. Sumunod si Nephi nang iutos ng Panginoon sa kanya at sa kanyang mga kapatid na bumalik at hilingin kay Ismael at sa pamilya nito na sumama sila sa ilang upang makapag-asawa sila at magkaroon ng mga anak. Kahit nagalit sina Laman at Lemuel kay Nephi at tinangka siyang patayin, nanatiling tapat si Nephi at sinikap na tulungan sila na maging tapat din.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 7:1–5
Inutos ng Panginoon kay Nephi na bumalik sa Jerusalem para isama si Ismael at ang pamilya nito
Magdispley ng larawan ng isang mag-asawa at ng kanilang mga anak. (Maaari mong gamitin ang larawan ng sarili mong pamilya.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 7:1–2.
-
Ano ang inutos ng Panginoon sa mga anak ni Lehi? Anong katotohanan ang matututuhan natin sa utos na ito? (Tiyaking naunawaan ng mga estudyante na iniuutos ng Panginoon na mag-asawa tayo at magpalaki ng mga anak para sa Kanya.)
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Maaari mong ipaalala sa iyong mga estudyante na ilang araw ang lalakbayin sa ilang bago makabalik si Nephi at ang kanyang mga kapatid sa Jerusalem at hindi ito madali.
-
Bakit mahalaga ang pag-aasawa at pamilya para kay Nephi at sa kanyang mga kapatid na kailangan nilang bumalik sa Jerusalem para kausapin si Ismael at ang pamilya nito?
Bago magpatuloy, maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” o ipabuklat ang kopya ng pagpapahayag sa kanilang scripture study journal.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Sabihin sa mga estudyante na pakinggang mabuti at tukuyin ang ipinahayag ng mga propeta ngayon tungkol sa kahalagahan ng kasal.
“Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 2010, 129).
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa pahayag. Tiyakin na nauunawaan nila na ang pamilya ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana natin. Bigyang-diin na ito ang dahilan kung bakit inutos ng Panginoon kay Nephi at sa kanyang mga kapatid na anyayahan ang pamilya ni Ismael na sumama sa kanila. Ipaliwanag din na ang isa sa pinakamahalagang dahilan sa pagpapakasal ay para magsilang ng mga anak sa mundong ito.
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng magpalaki ng mga anak “para sa Panginoon”? (1 Nephi 7:1).
Matapos sagutin ng mga estudyante ang tanong na ito, hikayatin silang pakinggan ang mga karagdagang ideya habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag mula sa pagpapahayag tungkol sa pamilya. Kung may sarili silang kopya ng pagpapahayag, maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salita at parirala na mahalaga sa kanila.
“Ipinapahayag namin na ang kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa. …
“… Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahalan at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan. Ang mga mag-asawa—ang mga ama at ina—ay pananagutin sa harap ng Diyos sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ito” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” 129).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 7:3–5.
-
Paanong ang nakatala sa 1 Nephi 7:3–5 ay halimbawa ng katotohanan sa 1 Nephi 3:7? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Panginoon ay naghanda ng paraan para kay Nephi at sa kanyang mga kapatid para masunod nila ang kautusan na magpakasal at magkaroon ng mga anak.)
-
Paano makapaghahanda ang mga kabataan ngayon na magpakasal at “magkaroon” ng mga anak sa ebanghelyo?
1 Nephi 7:6–15
Naharap sa paghihimagsik nina Laman at Lemuel, nagpatotoo si Nephi tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon na gabayan sila patungo sa lupang pangako
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 7:6–7.
-
Bakit naghimagsik sina Laman, Lemuel, at ilan sa mga anak ni Ismael noong naglalakbay sila sa ilang?
Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng maaari nilang sabihin kina Laman at Lemuel at sa mga mapaghimagsik na anak ni Ismael para mahimok sila na patuloy na maglakbay patungo sa lupang pangako. Pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 7:8–12, at ipatukoy ang itinanong ni Nephi kina Laman at Lemuel.
-
Anong mga katotohanan ang ipinahayag ni Nephi nang itanong niya ang mga bagay na ito? (Ipinaalala niya sa kanyang mga kapatid ang mga pagpapalang natanggap na nila mula sa Panginoon at ang kapangyarihan ng Panginoon na patuloy silang pagpalain ayon sa kanilang pananampalataya.)
-
Bakit mahalagang maalala natin ang mga katotohanang ito?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 1 Nephi 7:13–15 at tukuyin ang kahihinatnan nina Laman, Lemuel, at ng mga mapaghimagsik na anak ni Ismael kung babalik sila sa Jerusalem.
1 Nephi 7:16–22
Si Nephi ay iniligtas ng Panginoon
Ipaliwanag na matapos ipaalala ni Nephi kina Laman at Lemuel ang pagkasawi na darating sa mga nasa Jerusalem, sila ay nagalit sa kanya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 7:16. Sabihin sa klase na kunwari ay nasa sitwasyon sila ni Nephi.
-
Ano ang madarama ninyo kung kayo ang nasa sitwasyon ni Nephi? Ano ang gagawin ninyo?
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Ituro na ang ginawa ni Nephi sa sitwasyong ito ay nagdasal para humingi ng tulong. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang panalangin ni Nephi sa 1 Nephi 7:17–18.
-
Ano ang ipinagdasal ni Nephi? Ano ang nakita ninyong mahalaga sa kanyang panalangin?
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, tiyaking nakita nila na hiniling ni Nephi na maligtas siya “alinsunod sa [kanyang] pananampalataya.” Ituro din na nang ipagdasal niyang maligtas siya mula sa kanyang mga kapatid, hiniling niya sa Diyos na palakasin siya upang malutas niya ang problema. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagdarasal nang may pananampalataya ay pagdarasal nang may pagtitiwala sa Panginoon at kahandaang kumilos at sumunod. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Si Nephi ay halimbawa ng isang taong nakaalam, nakaunawa, at umasa sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Tagapagligtas. … Pansinin ang panalangin ni Nephi sa talata 17: ‘O Panginoon, alinsunod sa pananampalataya ko na nasa sa inyo, loobin ninyong maligtas ako mula sa mga kamay ng mga kapatid ko; oo, maging bigyan ninyo ako ng lakas upang malagot ko ang mga lubid na ito na gumagapos sa akin’ (idinagdag ang pagbibigay-diin).
“… Lalong kawili-wili para sa akin na hindi ipinagdasal ni Nephi … na mabago ang nangyayari sa kanya. Sa halip, nagdasal siya na palakasin siya para mabago niya ang kanyang sitwasyon. At naniniwala ako na nagdasal siya sa ganitong paraan dahil alam niya, naunawaan, at naranasan ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas” (“In the Strength of the Lord” [mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University, Okt. 23, 2001], 4, speeches.byu.edu).
Ibahagi ang iyong patotoo na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ayon sa ating pananampalataya. Bigyang-diin na sa sitwasyong ito, kaagad sinagot ng Diyos ang panalangin ni Nephi. Gayunman, hindi palaging nasasagot sa ganitong paraan ang mga panalangin. Sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin sa Kanyang sariling panahon, sa Kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa Kanyang kalooban. Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng panalangin sa pagtatanong sa kanila ng sumusunod:
-
Kailan kayo nanalangin nang may pananampalataya at tumanggap ng lakas o tulong mula sa Panginoon, nasagot man ito kaagad o naghintay pa kayo ng ilang panahon? (Maaari ka ring magbahagi ng iyong karanasan tungkol sa alituntuning ito.)
Sabihin sa mga estudyante na matapos makawala sa pagkakagapos si Nephi, tinangka siyang saktang muli ng kanyang mga kapatid. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 7:19–20.
-
Sino ang nakakumbinsi kina Laman at Lemuel na tumigil sa pagtatangkang patayin si Nephi?
Ituro na madalas masagot ang ating mga panalangin at madalas matugunan ang ating mga pangangailangan sa pamamagitan ng katapatan at kabutihan ng iba. Sa pag-aaral ng iyong klase sa natitirang mga talata ng 1 Nephi 7, sabihin sa mga estudyante na pansinin kung paano pinakitunguhan ni Nephi ang kanyang mga kapatid, sa kabila ng lahat ng ginawa nila sa kanya. Sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong at huwag sabihin ang kanilang mga sagot:
-
Ano ang ginawa ninyo nang may magtangkang saktan kayo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 7:21. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang sinabi ni Nephi tungkol sa pagpapatawad.
-
Ano ang ibig sabihin ng tahasang nagpatawad? (Kung hindi sigurado ang mga estudyante, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang tahasan ay pagiging matapat at walang paliguy-ligoy.)
-
Ano ang ipinayo ni Nephi na gawin ng kanyang mga kapatid? Bakit mahalaga ang payo na ito?
Magpatotoo na ang paghingi ng tawad at pagpapatawad sa iba ay nagdudulot ng pagkakaisa at kapayapaan. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga sitwasyon sa kanilang pamilya na nangangailangan ng pagpapatawad.
-
Bakit napakahalaga ng pagpapatawad sa ating pamilya?
-
Isipin ang isang pagkakataon na nagpatawad kayo ng isang kapamilya o pinatawad kayo ng inyong kapamilya. Paano ito nakakaimpluwensya sa pagsasamahan at sa damdaming namamayani sa inyong tahanan?
Tapusin ang lesson na ipinapaalala sa mga estudyante na inutos ng Panginoon kay Nephi at sa kanyang mga kapatid na magsipag-asawa at magkaroon ng pamilya at ito rin ang iniuutos ng Panginoon ngayon. Magpatotoo rin na sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin at binibigyan tayo ng lakas na makayanan ang ating mga problema ayon sa ating pananampalataya sa Kanya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nila magagamit ang isa sa mga alituntunin na napag-aralan nila sa lesson sa araw na ito para matulungan ang kanilang pamilya.