Lesson 73
Alma 6–7
Pambungad
Matapos maisaayos ang Simbahan sa Zarahemla, nagtungo si Alma sa lunsod ng Gedeon. Nalaman niya na ang mga tao roon ay mas tapat kaysa sa mga tao sa Zarahemla. Dahil doon, ang kanyang mensahe sa Gedeon ay naiiba sa kanyang mensahe sa Zarahemla. Hinikayat niya ang mga tao na umasa sa Panginoon at sikaping gamitin ang Kanyang Pagbabayad-sala sa kanilang buhay. Pinatotohanan niya na dadalhin ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang kamatayan at ang ating mga kasalanan, at Kanya ring papasanin ang ating mga pasakit, paghihirap, sakit, at mga kahinaan, upang malaman Niya kung paano tayo tutulungan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 6
Isinaayos ni Alma ang Simbahan sa Zarahemla at nagtungo sa Gedeon para mangaral
Bago simulan ang lesson, sabihin sa isang estudyante na maghanda na magbahagi sandali sa klase ng ilang paraan na nadama niyang pinagpala siya dahil sa pagpunta sa simbahan o pagsisimba. Para simulan ang lesson, sabihin sa estudyanteng ito na pumunta sa harapan ng klase at ibahagi ang inihanda niyang sasabihin. Maaari mo ring ibahagi kung paano ka pinagpala dahil sa pagpunta mo sa Simbahan o sa iyong pagsisimba.
Simulan ang Alma 6 na ipinapaliwanag na itinuturo ng kabanatang ito kung paano pinalakas ni Alma at ng iba pang mga lider ng priesthood ang Simbahan sa Zarahemla.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 6:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan sa Zarahemla sa mga taong hindi nakakakilala sa Diyos. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang Simbahan ay itinatag para sa kapakanan ng lahat ng tao. Para matulungan ang mga estudyante kung paano maiimpluwensyahan ng katotohanang ito ang kanilang buhay, itanong:
-
Sa palagay ninyo, paano kaya mapagpapala ng Simbahan ngayon ang mga taong hindi nakikilala ang Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang tao na kailangan na mas makilala pang mabuti ang Diyos. Ang taong ito ay maaaring miyembro ng Simbahan o miyembro ng ibang relihiyon. Patotohanan ang mga pagpapalang natatanggap natin dahil tayo ay mga miyembro ng Simbahan, at hikayatin ang mga estudyante na anyayahan ang iba na ibahagi ang mga pagpapalang iyon.
Alma 7:1–13
Ipinropesiya ni Alma ang pagparito ni Jesucristo
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magkakapartner na talakayin ang mga sagot nila sa sumusunod na tanong:
-
Ano ang ilang mga pangyayari sa hinaharap ang kinasasabikan ninyo?
Pagkatapos ng sapat na oras na matalakay ng magkakapartner ang kanilang sagot sa tanong na ito, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa buong klase. Pagkatapos ay ipaliwanag na matapos maisaayos ni Alma ang Simbahan sa Zarahemla, nagtungo siya sa lunsod ng Gedeon. Sinabi niya sa mga tao roon na sa lahat ng bagay na mangyayari sa hinaharap, isang bagay ang “higit na mahalaga kaysa sa lahat ng ito” (Alma 7:7). Nagturo siya ng mga alituntunin na tutulong sa mga tao na maghanda para sa mga pagpapalang darating dahil sa pangyayaring ito sa hinaharap.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 7:3–6. Sabihin sa klase na alamin ang mga inaasam ni Alma para sa mga tao ng Gedeon. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Alma 7:18–19. Sabihin sa mga estudyante na ilarawan kung ano ang nalaman ni Alma tungkol sa mga tao ng Gedeon ayon sa inspirasyong nadama niya.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 7:7, 9–10 at alamin ang pangyayari na nadama ni Alma na pinakamahalagang malaman ng mga tao.
-
Ayon kay Alma, ano ang “isang bagay na higit na mahalaga” kaysa iba pang bagay na darating? Sa palagay ninyo, bakit pinakamahalagang pangyayari sa lahat ang pagparito ng Tagapagligtas?
-
Sa palagay ninyo, bakit kailangan pang pagsabihan ni Alma na kailangang magsisi ang mga taong naniniwala na at may malakas na pananampalataya?
Ipaliwanag na kasunod niyon ay itinuro ni Alma kung bakit pinakamahalagang pangyayari sa buong kasaysayan ng tao ang pagparito ni Jesucristo. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 7:11–13. Sabihin sa iba pa sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang pinasan o inako ng Tagapagligtas para sa atin.
Ipaliwanag na ang Alma 7:11–13 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang scripture passage na ito sa paraang madali nila itong mahanap.
Gawing mga heading ang mga sagot ng mga estudyante sa itaas ng pisara. Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga pasakit, paghihirap, tukso, sakit, kamatayan, kahinaan (o kawalang-kakayahan), at mga kasalanan.
Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang “lahat ng uri” sa Alma 7:11. Sabihin sa kanila na magbigay ng ilang halimbawa ng bawat kalagayan sa pisara. Habang nagbibigay ng halimbawa ang mga estudyante, isulat ang mga sagot sa ilalim ng kaukulang heading. (Halimbawa, ang kanser ay maaaring ilista sa ilalim ng mga sakit, at ang pisikal na kapansanan ay maaaring ilista sa ilalim ng mga kahinaan.)
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce C. Hafen ng Pitumpu:
“Ang Pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa mga makasalanan” (“Beauty for Ashes: The Atonement of Jesus Christ,” Ensign, Abr. 1990, 7). Maaari mong isulat ang pahayag na ito sa pisara at imungkahing isulat ito ng mga estudyante sa kanilang banal sa kasulatan sa tabi ng Alma 7:11–13.
-
Batay sa nabasa natin sa Alma 7:11–13, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Elder Hafen nang sabihin niya na “ang Pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa mga makasalanan”?
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo ay nagdusa upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan at tulungan tayo na makayanan ang mga pagsubok sa mortalidad.
Upang matulungan ang mga estudyante kung paano sila makakaasa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Pinaglalabanan ba ninyo ang pagkalulong—sa sigarilyo o droga o sugal, o mapanirang salot na pornograpiya sa kasalukuyan? … Nalilito ba kayo sa inyong pagkatao o naghahangad ng pagpapahalaga sa sarili? Kayo ba—o isang mahal ninyo—ay maysakit o malungkot o malapit nang mamatay? Anumang iba pang hakbang ang kailangan ninyong gawin para lutasin ang mga ito, lumapit muna sa ebanghelyo ni Jeuscristo. Magtiwala sa mga pangako ng langit. …
“Ang pag-asang ito sa maawaing katangian ng Diyos ang pinakasentro ng ebanghelyong itinuro ni Cristo. Nagpapatotoo ako na iniaangat tayo ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas di lamang mula sa ating mga pasanin na kasalanan, kundi pati na rin sa ating mga kabiguan at kalungkutan, mga dalamhati at kawalang-pag-asa. [Tingnan sa Alma 7:11–12.] Mula pa noon, ang pagtitiwala sa gayong tulong ay nagbibigay sa atin ng dahilan at paraan para magbago, isang dahilan para magsisi sa mga pagkakasala at sikaping maligtas” (“Mga Sirang Bagay na Aayusin,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 70–71).
-
Paano makatutulong sa atin ang pag-unawa sa Alma 7:11–13 sa pagharap natin sa mga hamon ng buhay?
Para ilarawan ang ilan sa mga paraan upang makatanggap tayo ng lakas at tulong sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, basahin ang mga sumusunod na sitwasyon. Matapos basahin ang bawat isa, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano matutulungan ni Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ang isang tao na nakararanas ng ganoong hamon at pagsubok.
-
Isang dalagita ang naaksidente habang nasa sasakyan na naging sanhi ng pagkaparalisa ng kanyang mga binti.
-
Isang binatilyo ang nahihiya dahil sa mga maling desisyong nagawa niya. Nalulungkot siya at pakiramdam niya ay wala na siyang silbi.
-
Pumanaw ang ama ng isang binatilyo, at lumipat sila ng kanyang ina sa ibang lugar. Napakalungkot niya, at hindi niya alam kung paano magiging maayos muli ang lahat.
Ibahagi ang iyong patotoo sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at ang lawak ng saklaw nito. Pagkatapos ay bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na sagutin sa kanilang notebook o scripture study journal ang isa sa mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase, gawing handout at ibigay sa klase, o basahin nang dahan-dahan ang mga tanong para maisulat ng mga estudyante ang mga ito.)
-
Kailan nakatulong sa iyo o sa isang kakilala mo ang Pagbabayad-sala sa isa sa mga paraan na binanggit sa Alma 7:11–13?
-
Ano ang gagawin mo para makaasa sa Pagbabayad-sala sa pagharap mo sa mga problemang ito?
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila. (Paalalahanan sila na hindi nila kailangang magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)
Alma 7:14–27
Hinikayat ni Alma ang mga tao na patuloy na tahakin ang landas patungo sa kaharian ng Diyos
Para mapaalalahanan ang mga estudyante kung paano inilarawan ni Alma ang espirituwal na kalagayan ng mga tao sa Gedeon, ipabasa nang malakas sa isa sa kanila ang Alma 7:19. Bigyang-diin na ang mga tao ay “nasa landas na patungo sa kaharian ng Diyos.” Ipaliwanag na gusto ni Alma na tulungan sila na manatili sa landas na iyon.
Para matulungan ang mga estudyante na makita na sa pamumuhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo, tinatahak natin ang landas patungo sa kaharian ng Diyos, magdrowing ng landas o daan sa pisara. Sa simula ng daan, isulat ang Mortalidad. Sa katapusan ng daan, isulat ang Kaharian ng Diyos. Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Sabihin sa unang grupo na pag-aralan ang Alma 7:14–16 at ipaaral naman sa pangalawang grupo ang Alma 7:22–24. Sabihin sa mga grupo na alamin ang kailangan nating gawin at dapat nating maging upang matahak ang landas na hahantong sa kaharian ng Diyos.
Pagkatapos ng sapat na oras na nakabasa na ang mga estudyante, papuntahin sa pisara ang ilan sa kanila. Sabihin sa kanila na isulat sa drowing na daan ang mga gawain at katangian na nalaman nila na humahantong sa kaharian ng Diyos. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang kahulugan ng ilan sa mga gawain o katangian na isinulat nila sa drowing na daan. Maaari mo ring sabihin sa kanila na isipin kung paano nila matatahak ang landas o daan na ito sa kanilang buhay. Patotohanan na kapag namumuhay tayo nang tapat, tayo ay “nasa landas na patungo sa kaharian ng Diyos” (Alma 7:19).