Pambungad sa Ang Aklat ni Eter
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang aklat ni Eter, malalaman nila ang tungkol sa mga Jaredita—isang grupo ng mga taong naglakbay patungo sa Western Hemisphere at nanirahan doon nang daan-daang taon bago dumating ang mga tao ni Lehi. Matututuhan ng mga estudyante ang mahahalagang alituntunin tungkol sa panalangin, paghahayag, at ang kaugnayan ng pagsampalataya kay Jesucristo at pagtanggap ng espirituwal na kaalaman. Matututuhan din nila ang tungkol sa tungkuling ginagampanan ng mga propeta sa paghikayat sa mga tao na magsisi at ang mga kinahihinatnan ng mga hindi tumatanggap kay Jesucristo at sa Kanyang mga propeta.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Pinaikli ni Moroni ang aklat na ito mula sa 24 na laminang ginto na tinatawag na mga lamina ni Eter. Ang aklat ay ipinangalan sa propetang si Eter, ang huling propeta ng mga Jaredita at nagtala ng kanilang kasaysayan (tingnan sa Eter 15:33–34). Mga 500 taon bago ginawa ni Moroni ang pagpapaikli ng mga sagradong talaan, natuklasan ng ilan sa mga tao ni Limhi ang mga lamina ni Eter noong hinahanap nila ang lupain ng Zarahemla (tingnan sa Mosias 8:7–11; Eter 1:2). Ipinasa ng mga propetang Nephita at ng mga tagapag-ingat ng talaan ang mga lamina ni Eter hanggang sa mapunta ang mga ito kay Moroni. Ipinahayag ni Moroni na hindi niya isinama ang “ang ika-isandaang bahagi” ng talaan sa kanyang pinaikling tala (Eter 15:33).
Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?
Dahil pinaikli ni Moroni ang mga lamina ni Eter pagkaraang malipol ang mga Jaredita at ang kanyang sariling mga tao, nilayon niya ang aklat na ito para sa mga tao sa ating panahon. Ipinayo ni Moroni sa mga Gentil sa mga huling araw na magsisi, maglingkod sa Diyos, at huwag pahintulutan ang mga lihim na pagsasabwatan (tingnan sa Eter 2:11–12; 8:23). Itinala niya rin ang mga salita ni Jesucristo, nag-aanyaya sa “lahat kayong nasa mga dulo ng mundo” na magsisi, magsilapit sa Kanya, magpabinyag, at tumanggap ng kaalaman na ipinagkait sa sanlibutan dahil sa kawalang-paniniwala (tingnan sa Eter 4:13–18).
Kailan at saan ito isinulat?
Tinapos ni Eter ang talaan ng kanyang mga tao sa panahon ng huling malaking digmaan at pagkatapos ng digmaang ito na pumatay sa lahat ng tao maliban sa dalawang Jaredita—ang kanyang sarili at si Coriantumer (tingnan sa Eter 13:13–14; 15:32–33). Itinago niya ang kanyang mga isinulat “sa isang pamamaraan na natagpuan ito ng mga tauhan ni Limhi” (Eter 15:33; tingnan din sa Mosias 8:7–9). Pinaikli ni Moroni ang talaan ni Eter sa pagitan ng A.D. 400 at A.D. 421 (tingnan sa Mormon 8:3–6; Moroni 10:1). Isinulat ni Moroni na nalipol ang mga Jaredita sa “hilagang bayan [na ito]” (Eter 1:1), na nagpapahiwatig na maaaring naroon siya sa lupain kung saan nalipol ang mga Jaredita nang paikliin niya ang kanilang mga talaan.
Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?
Hindi tulad ng ibang mga aklat sa Aklat ni Mormon, ang aklat ni Eter ay hindi nagtatala ng kasaysayan ng mga inapo ni Lehi. Nakatala sa aklat kung paano nagmula ang mga Jaredita sa Tore ng Babel at naglakbay patungong lupang pangako, kung saan sa huli sila ay nalipol. Ang aklat ni Eter ay pangalawang saksi sa talaan ng mga Nephita na naghahayag na “anumang bansa ang mag-aangkin [ng lupang pangako] ay magsisilbi sa Diyos, o sila ay lilipulin … kapag nahinog na sila sa kasamaan” (Eter 2:9).
Ang pagpapakita ni Jesucristo sa kapatid ni Jared bago Siya isinilang sa mundo ay “kabilang sa pinakadakilang sandali sa nakatalang kasaysayan.” Ang pangyayaring ito ay “nagtatag sa kapatid ni Jared bilang isa sa mga pinakadakilang propeta ng Diyos magpakailanman” (Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 17). Ang ulat ni Moroni tungkol sa pangitain ay nagbigay ng matibay na patotoo tungkol kay Jesucristo at sa mga kasalukuyang turo tungkol sa katangian ng mga espiritung katawan (tingnan sa Eter 3:4–17).
Outline
Eter 1–3 Pinanatili ng Panginoon ang wika ng mga Jaredita sa Tore ng Babel at nangakong aakayin sila patungo sa isang piling lupain at gagawin silang dakilang bansa. Ginabayan Niya sila patungo sa dalampasigan at iniutos sa kanila na gumawa ng mga gabara para sa kanilang paglalakbay patawid sa karagatan. Inihayag ng Panginoon ang Kanyang sarili at ang “lahat ng bagay” (Eter 3:26) sa kapatid ni Jared.
Eter 4–5 Tinatakan ni Moroni ang mga isinulat ng kapatid ni Jared. Itinala niya ang sinabi ni Jesucristo na ihahayag ang mga isinulat na ito sa mga taong mananampalataya sa Kanya. Itinuro ni Moroni na tatlong saksi sa mga huling araw ang makikiisa sa Ama, Anak, at sa Espiritu Santo sa pagpapatotoo sa Aklat ni Mormon.
Eter 6–11 Naglakbay ang mga Jaredita patungo sa lupang pangako. Dumami ang mga tao at nagsimulang kumalat sa buong lupain. May mabubuti at masasamang hari na namahala sa maraming henerasyon. Halos malipol ang mga Jaredita dahil sa mga lihim na pagsasabwatan. Binalaan ng maraming propeta ang mga tao na magsisi, ngunit hindi sila tinanggap ng mga tao.
Eter 12 Itinuro ni Moroni na kailangan ang pananampalataya bago makatanggap ang isang tao ng espirituwal na patunay. Ipinaalam niya sa Panginoon ang kanyang pag-aalala na kukutyain ng mga Gentil sa hinaharap ang kanyang kahinaan sa pagsusulat ng sagradong talaan, at itinala niya ang itinugon ng Panginoon sa kanya. Hinikayat ni Moroni ang mga magbabasa sa mga huling araw na hanapin si Jesucristo.
Eter 13–15 Tinalakay ni Moroni ang propesiya ni Eter tungkol sa Bagong Jerusalem. Matapos itaboy ng mga Jaredita si Eter, sinaksihan at itinala niya ang lubusan nilang pagkalipol.