Home-Study Lesson
1 Nephi 7–14 (Unit 3)
Pambungad
Ang pagtutuunan ng lesson sa linggong ito ay ang pangitain ni Lehi sa 1 Nephi 8. Sa pagtuturo mo ng lesson na ito, bigyang-diin ang kagalakang maidudulot sa ating buhay ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at kung paano natin matatanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pamumuhay sa salita ng Diyos. Gagamitin ng mga estudyante ang kanilang banal na kasulatan, mga gabay ng estudyante sa pag-aaral, at scripture study journal sa buong lesson na ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 7
Iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Lehi na bumalik sa Jerusalem para isama si Ismael at ang pamilya nito
Magpakita ng isang larawan ng mag-asawa at kanilang anak—maaaring retrato ng sarili mong pamilya o ng estudyante na hinilingan mong magdala ng retrato.
Itanong sa mga estudyante: Bakit mahalaga ang pamilya sa plano ng Diyos para sa ating kaligtasan?
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin at ibuod ang 1 Nephi 7:1–5. Itanong kung anong mga alituntunin ang natutuhan nila sa mga talatang ito. (Maaaring iba’t ibang alituntunin ang isasagot ng mga estudyante. Binigyang-diin sa manwal ng estudyante ang alituntunin na iniuutos ng Panginoon na mag-asawa tayo at magpalaki ng mga anak para sa Kanya.)
Sa kanilang lesson para sa day 1, binigyan ng assignment ang mga estudyante na humingi sa isang magulang, lider ng Simbahan, o titser ng tatlong mungkahi para makapaghanda sa panahong ito ang mga kabataan sa pag-aasawa at pagpapalaki ng mga anak “para sa Panginoon.” Ipabahagi sa ilang estudyante ang natutuhan nila.
1 Nephi 8
Nakatanggap si Lehi ng pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay
Ipaalala sa mga estudyante na matapos maisama ni Nephi at ng kanyang mga kapatid si Ismael at ang pamilya nito sa ilang, nanaginip si Lehi. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 8:10–13, at ipadrowing sa isa pang estudyante sa pisara o sa isang papel ang inilalarawan sa mga talata. Kung sa palagay mo ay mas angkop para sa iyong klase, ipakita ang larawang Panaginip ni Lehi (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 69) at ipatukoy sa mga estudyante ang iba’t ibang imahe na inilarawan sa mga talata.
Itanong sa mga estudyante: Tungkol sa paglalarawan ni Lehi sa bunga ng punungkahoy, ano ang nakaakit sa inyo rito?
Ipaalala sa kanila na ang bunga ng punungkahoy ay sumasagisag sa “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (1 Nephi 15:36)—ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kung nagpadrowing ka sa estudyante, maaari mong lagyan ng label ang isinasagisag ng prutas.
Itanong sa mga estudyante: Ano ang matututuhan natin sa 1 Nephi 8:10–13 tungkol sa pagtanggap ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala? (Bagama’t maaaring ibang salita ang gamitin ng mga estudyante sa pagsagot, tiyakin na malinaw ang sumusunod na alituntunin: Ang paglapit kay Jesucristo at pagtanggap sa Kanyang Pagbabayad-sala ay nagdudulot ng kaligayahan at kagalakan. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Sa kanilang lesson para sa day 2, pinasagutan sa mga estudyante ang tanong na “Kailan nagdulot ng kaligayahan at kagalakan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa iyong buhay?” Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang kanilang scripture study journal at tahimik na basahin ang kanilang sagot.
Upang matulungan ang mga estudyante na makapagbahagi ng mahahalagang katotohanan at patotoo sa isa’t isa, hikayatin ang ilan sa kanila na basahin o talakayin ang isinulat nila. Maaari ka ring magkuwento tungkol sa isang pagkakataon na nadama mo ang kaligayahan at kagalakan ng Pagbabayad-sala sa iyong buhay.
Ipaliwanag na hindi lamang itinuturo sa pangitain ni Lehi na ang Pagbabayad-sala ay nagdudulot ng malaking kagalakan; ipinapakita rin nito kung ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang 1 Nephi 8:19–26 at idrowing ang iba pang mga simbolo mula sa pangitain ni Lehi, o tukuyin ang iba pang mga simbolo sa larawang Panaginip ni Lehi. Habang idinodrowing o tinutukoy nila ang mga simbolo, sabihin sa kanila na ipaliwanag ang ibig sabihin ng mga ito. (Kung kailangan nila ng tulong, hikayatin sila na gamitin ang chart na kinumpleto nila sa gabay ng estudyante sa pag-aaral.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 8:30. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang gamit ng gabay na bakal—ang salita ng Diyos—sa pangitain ni Lehi?
-
Sa pag-aaral ninyo ng 1 Nephi 8, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kahalagahan ng salita ng Diyos?
-
Anong mga parirala sa 1 Nephi 8:30 ang nagsasabi ng kailangan nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala?
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “[m]agpatuloy [kayo] sa [inyong] paglalakad, patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal”?
Isulat sa pisara ang dalawang iba pang alituntunin ng ebanghelyo na napag-aralan nila sa gabay ng estudyante sa pag-aaral: Kung hahawak tayo nang mahigpit sa salita ng Diyos, tutulungan tayo nito na mapaglabanan ang tukso at ang mga impluwensya ng mundo. Ang paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos ay tutulong sa atin na mas mapalapit sa Panginoon at matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na sila ay mga missionary at may pagkakataong patotohanan ang kahalagahan ng pag-aaral ng salita ng Diyos at pamumuhay ayon sa mga alituntunin nito. Sabihin sa kanila na ibahagi kung ano ang sasabihin nila, batay sa sarili nilang mga karanasan. Maaari mong ibahagi ang iyong nadarama sa kapangyarihan ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa pagtulong sa iyo na mas mapalapit sa Tagapagligtas.
1 Nephi 10–14
Dahil sa kanyang pananampalataya at pagsusumigasig, si Nephi ay nakatanggap ng personal na paghahayag tungkol sa mga bagay na itinuro ng kanyang ama at tungkol sa maraming iba pang mga bagay
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 10:17, 19. Ipatukoy sa klase ang mga pagpapala na darating kapag masigasig nating hinahanap ang patnubay ng Panginoon. Sabihin sa isa o dalawang estudyante na ibahagi kung ano sa palagay niya ang ibig sabihin ng “masigasig na humahanap.” (Sa kanilang day 3 lesson, ipinasulat sa kanila ang ibig sabihin nito sa kanilang gabay ng estudyante sa pag-aaral.)
Ibuod ang 1 Nephi 11–14 na sinasabing nakatanggap si Nephi ng personal na paghahayag dahil masigasig niyang hinanap ang Panginoon. Nakita niya ang ministeryo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo (1 Nephi 11), ang pagkalipol ng kanyang mga tao sa hinaharap dahil sa kanilang kapalaluan at kasamaan (1 Nephi 12), ang pagdayo at paninirahan ng mga sinaunang gentil sa lupang pangako at ang panunumbalik ng malilinaw at mahahalagang katotohanan (1 Nephi 13), at ang pakikipaglaban ng mabubuting tao sa gawain ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan sa mga huling araw (1 Nephi 14).
Paalala: Para maihanda ang sumusunod na aktibidad, maaari mong rebyuhin ang mga kaugnay na lesson sa manwal na ito at ang mga materyal sa gabay ng estudyante sa pag-aaral para sa day 4 ng unit na ito.
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga kabanata sa 1 Nephi 11–14 at gawin ang sumusunod. (Maaari mong ipagawa ito sa pisara o sa isang papel.)
-
Isulat ang chapter summary na napili.
-
Isulat ang isa sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuro sa kabanatang iyon. (Maaari nilang gamitin ang isang alituntunin na namarkahan sa gabay sa pag-aaral o ang natukoy nila.)
-
Isulat kung paano naaangkop ang alituntuning iyon sa atin ngayon.
Pagkatapos ng sapat na oras na makapaghanda, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo sa mga alituntuning natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng 1 Nephi 7–14 sa linggong ito.
Bago pauwiin ang iyong klase, alalahanin na kolektahin ang kanilang scripture study journal at i-follow-up ang anumang assignment na ibinigay sa kanila.
Susunod na Unit (1 Nephi 15–19)
Sa susunod na unit, pag-aaralan pa ng mga estudyante ang tungkol sa mga pagsubok kay Lehi at sa kanyang mga tao sa patuloy nilang paglalakbay sa ilang at paglalayag papunta sa lupang pangako. Isipin kung gaano sila namangha nang magising sila isang umaga at nakita ang isang “bola na kahanga-hanga ang pagkakagawa”—ang Liahona. Paano gumagalaw o gumagana ang Liahona, at paano sila ginabayan nito? Bakit pinagsabihan ni Nephi ang kanyang mga kapatid noong nakasakay sila sa sasakyang-dagat? Paano inilarawan ni Nephi ang lupang pangako?