Lesson 4
Pahina ng Pamagat, Pambungad, at Patotoo ng mga Saksi
Pambungad
Habang itinuturo mo ang Aklat ni Mormon, matutulungan mo ang iyong mga estudyante na matuklasan ang mga katotohanan na maglalapit sa kanila sa Diyos. Mula sa simula ng aklat, malinaw na ang layunin ng mga sumulat ng Aklat ni Mormon ay ang magpatotoo na si Jesus ang Cristo. Pinagtitibay rin muli ng aklat ang tipan ng Diyos sa sambahayan ni Israel at ipinapakita ang pangangailangan ng lahat ng mga anak ng Diyos na gumawa at tumupad ng mga banal na tipan. Habang mapanalanging pinag-aaralan ng mga estudyante ang Aklat ni Mormon, magkakaroon sila ng mas matibay na patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa Panunumbalik ng Kanyang Simbahan sa mga huling araw. Matututuhan rin nilang mas manampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang mga mungkahi sa pagtuturo ng lesson na ito ay maaaring mangailangan ng mas mahabang oras kaysa sa oras ng iyong klase. Mapanalanging pag-isipan kung aling mga bahagi ang pinakakinakailangan ng iyong klase.
Pahina ng Pamagat
Ipabuklat sa mga estudyante ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon. Ang pahinang ito ay nagsisimula sa mga salitang “Ang Aklat ni Mormon, ulat na isinulat ng kamay ni Mormon sa mga laminang hinango mula sa mga lamina ni Nephi.” Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith kung saan nagmula ang pahina ng pamagat:
“Ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon ay isang literal na pagsasalin, hinango mula sa pinakahuling pahina, sa kaliwang bahagi ng … aklat ng mga lamina, na naglalaman ng mga talang isinalin, … at … ang sinabing pahina ng pamagat ay hindi isang makabagong sulatin sa anumang paraan, na isinulat ko o nino man na nabuhay o nabubuhay sa henerasyong ito” (sa History of the Church, 1:71).
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon. Ipahanap sa kanila ang mga parirala na nagpapahayag ng mga layunin ng Aklat ni Mormon. (Maaari mong bigyan ng ideya ang mga estudyante na ipinahayag ang mga layuning ito bilang mga bagay na “ipakikita” ng Aklat ni Mormon sa nagbabasa nito.) Sabihin sa ilang mga estudyante na isulat sa pisara ang mga nahanap nila. Kapag natapos na sila, muling ipabasa sa mga estudyante ang pangalawang talata, na ipinapalit ang kanilang sariling pangalan sa “mga labi ng sambahayan ni Israel.”
-
Sa pagbabasa ninyo ng Aklat ni Mormon, alin sa mga layunin nito ang natupad na sa inyong buhay? Paano natupad ang mga ito?
-
Paano nakatutulong sa inyo ang kaalaman na ang mga gumagawa ng mga tipan sa Panginoon ay hindi “itatakwil nang habang panahon”?
Sabihin sa mga estudyante na maaaring may mga panahon na nararamdaman nilang sila ay nag-iisa o na sila ay “itinakwil.”
-
Bakit mahalagang malaman na hindi kayo “itatakwil nang habang panahon” sa mga pagkakataong iyon?
-
Paano naging pagpapahayag ng pagmamahal ng Diyos sa inyo ang pangakong ito?
Upang tulungan ang mga estudyante na pahalagahan ang pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Ang pangunahing misyon ng Aklat ni Mormon, tulad ng nakatala sa pahina ng pamagat nito, ay ‘sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.’
“Magkakaroon ng patotoo ang taong tapat na naghahanap ng katotohanan na si Jesus ang Cristo kapag mapanalangin niyang pinagnilayan ang mga inspiradong salita ng Aklat ni Mormon.
“Mahigit kalahati ng lahat ng mga talata sa Aklat ni Mormon ay patungkol sa ating Panginoon. Ang ilang anyo ng pangalan ni Cristo ay binanggit nang mas madalas sa bawat talata sa Aklat ni Mormon kaysa sa Bagong Tipan.
“Binigyan Siya ng mahigit isandaang iba’t ibang pangalan sa Aklat ni Mormon. Ang mga pangalang iyon ay may partikular na kahalagahan sa paglalarawan ng Kanyang likas na kabanalan” (“Come unto Christ,” Ensign, Nob. 1987, 83).
Ibahagi ang iyong patotoo na ang Aklat ni Mormon ay isang saksi na si Jesus ang Cristo.
Pambungad sa Aklat ni Mormon
Magdrowing sa pisara ng larawan ng isang arko (tingnan ang kaakibat na larawan), o gumawa ng model ng isang arko na gawa sa kahoy o sa ibang mga materyal.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Joseph Smith sa pambungad ng Aklat ni Mormon (tingnan sa ikaanim na talata). Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pahayag sa kanilang banal na kasulatan.
-
Ano ang kahalagahan ng saligang bato?
Ipaliwanag na ang saligang bato ay ang batong nasa gitna sa ibabaw ng isang arko. Kapag nagtatayo ng isang arko, itinatayo ang dalawang dulo nang may suporta para hindi gumuho ang mga ito. Ang espasyo sa itaas ng arko ay maingat na sinusukat, at pinuputol ang saligang bato na tamang-tama sa espasyong iyon. Kapag nailagay na ang saligang bato, maitatayo na ang arko nang walang suporta.
-
Ano ang mangyayari sa arko kapag inalis ang saligang bato? (Kung gumamit ka ng modelong arko, ipakita ito sa pamamagitan ng pagtatanggal ng saligang bato.)
-
Paano maihahalintulad sa isang saligang bato ang Aklat ni Mormon kaugnay sa mahalagang bahagi nito sa ipinanumbalik na ebanghelyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson. (Maaari mong gawing handout ang pahayag na ito na maaaring ilagay ng mga estudyante sa kanilang banal na kasulatan. Maaari mo ring ipasulat sa mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Benson sa kanilang banal na kasulatan, sa itaas o sa ibaba ng unang pahina ng pambungad.)
“May tatlong paraan na ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon. Ito ang saligang bato sa ating patotoo kay Cristo. Ito ang saligang bato ng ating doktrina. Ito ang saligang bato ng ating patotoo” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 5).
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano naging saligang bato ng ating patotoo ang Aklat ni Mormon, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Benson:
“Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng patotoo. Tulad ng arko na babagsak kung aalisin ang saligang bato, gayon din naman na ang buong Simbahan ay tatayo o babagsak ayon sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. … Kung totoo ang Aklat ni Mormon … kailangang tanggapin ng tao ang mga ipinahahayag ng Panunumbalik at lahat ng kaakibat nito” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” 6).
-
Paano naimpluwensyahan ng inyong patotoo sa Aklat ni Mormon ang inyong patotoo sa mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo?
-
Paano kayo mas nailapit ng Aklat ni Mormon sa Diyos?
Maaari mong sabihin kung paano napalakas ng Aklat ni Mormon ang iyong patotoo at kung paano ka nito nailapit sa Diyos.
Anyayahan ang mga estudyante na makibahagi sa dula-dulaan. Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay nagbibigay sila ng isang kopya ng Aklat ni Mormon sa isang taong hindi miyembro ng Simbahan. Tulungan silang maghanda sa pagsasadula sa pamamagitan ng paghati sa kanila sa dalawang grupo. Ipabasa sa unang grupo ang talata 2–4 ng pambungad ng Aklat ni Mormon. Ipabasa sa pangalawang grupo ang talata 5–8. Sabihin sa dalawang grupo na maghanap ng mga impormasyon na sa tingin nila ay mahalagang ibahagi kapag nagtuturo tungkol sa Aklat ni Mormon.
Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante para mag-aral at maghanda, papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase para gumanap bilang isang taong hindi miyembro ng Simbahan. Papuntahin din sa harap ng klase ang isang miyembro ng bawat grupo. Ipaliwanag na gaganap ang dalawang estudyante bilang magkompanyon na missionary. Gagamitin nila ang mga materyal na natuklasan ng kanilang mga grupo sa pambungad para turuan ang unang estudyante tungkol sa Aklat ni Mormon.
Pagkatapos ng dula-dulaan, maaari mong tanungin ang klase kung may mga bagay pa silang idadagdag mula sa pambungad na gusto nilang ibahagi kung sila ang napiling magturo sa dula-dulaan.
Maaari mong ipaliwanag na hindi inihahayag ng Aklat ni Mormon na naglalahad ito ng kasaysayan ng lahat ng mga tao na nanirahan noong unang panahon sa Western Hemisphere o kanlurang bahagi ng mundo. Isa lamang itong tala tungkol sa mga inapo ni Lehi (ang mga Nephita at mga Lamanita) at sa mga tao ni Jared. Maaaring may iba pang mga tao na nabuhay sa mga kontinente sa Western Hemisphere bago nangyari, habang nangyayari, at matapos mangyari ang mga kaganapang nakatala sa Aklat ni Mormon.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Moroni 10:3–5.
-
Ayon kay Moroni, paano natin malalaman kung totoo ang Aklat ni Mormon?
Ipabasa sa mga estudyante ang talata 8–9 sa pambungad ng Aklat ni Mormon. Sabihin sa kanila na tukuyin ang tatlong karagdagang katotohanan na malalaman nila na totoo kung tatanggapin nila ang hamon ni Moroni.
Magpatotoo sa mga estudyante na kapag binasa, pinagbulayan, at ipinagdasal natin ang sa Aklat ni Mormon, magpapatotoo ang Espiritu Santo na ito ay totoo, na si Jesus ang Cristo, na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon dito sa lupa.
Mga Patotoo ng Tatlong Saksi at ng Walong Saksi
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na nakita nila na kinuha ng isang tao ang isang mahalagang bagay sa bahay ng kanilang kapit-bahay.
-
Sa paglutas ng isang krimen, bakit mahalaga na magkaroon ng isang saksi?
-
Bakit nakatutulong na magkaroon ng mahigit sa isang saksi?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi.” Sabihin sa kanila na hanapin ang mga pariralang makabuluhan para sa kanila. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang ito.
-
Ano ang mga pariralang minarkahan ninyo? Bakit makabuluhan ang mga ito sa inyo? (Maaari mong sabihin sa klase na ang tinig ng Diyos ang nagpahayag sa Tatlong Saksi na isinalin ang mga lamina sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.)
Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang “Ang Patotoo ng Walong Saksi.” Sabihin sa klase na pakinggan ang mga pagkakaiba ng mga patotoo ng Tatlong Saksi at ng Walong Saksi.
-
Ano ang mga pagkakaibang napansin ninyo?
Ipasulat sa mga estudyante ang kanilang sariling patotoo o damdamin tungkol sa Aklat ni Mormon. Maaari silang sumulat sa kanilang mga scripture study journal o sa isang blankong pahina ng kanilang banal na kasulatan. Maaaring madama ng ilang estudyante na hindi pa nila nalalaman kung totoo ang Aklat ni Mormon. Hikayatin silang hangaring magkaroon ng patotoo ngayong taon.