Lesson 63
Mosias 21–22
Pambungad
Pagkatapos ng tatlong beses na kabiguang makalaya sa pang-aalipin ng mga Lamanita, sa wakas ay bumaling sa Panginoon ang mga tao ni Limhi para makalaya sila. Kasunod nito, dumating si Ammon at ang kanyang mga kapatid sa lupain ng Lehi-Nephi. Matapos makipagtipan na paglilingkuran ang Panginoon, ang mga tao ni Limhi ay nakatakas sa pang-aalipin ng mga Lamanita, at dinala sila ni Ammon sa Zarahemla.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mosias 21:1–22
Matapos maghimagsik ang mga tao ni Limhi laban sa mga Lamanita at natalo nang tatlong beses, nagpakumbaba sila sa harapan ng Panginoon at nagsimulang umunlad
Isulat sa pisara ang mga salitang pagkabihag at paglaya.
-
Ano ang naiisip ninyo tungkol sa mga salitang ito?
-
Ano ang mga damdaming naiisip ninyo na naiuugnay sa mga salitang ito?
-
Ano kaya ang kaugnayan ng mga salitang ito sa plano ng kaligtasan?
Ipaliwanag na nakatala sa Mosias 21–24 ang tungkol sa dalawang grupo ng mga tao na nabihag ng mga Lamanita at sa huli ay napalaya ng Panginoon. Sa Mosias 21–22, nabasa natin ang tungkol kay Limhi at sa kanyang mga tao, na nabihag dahil sa kanilang mga kasamaan. Nasasalamin sa pisikal na pagkabihag nila ang espirituwal na pagkabihag na naranasan nila dahil sa kanilang mga kasalanan. Ang tungkol sa pangalawang grupo na nakatala sa Mosias 23–24, ay tatalakayin sa susunod na lesson. Tungkol ito sa mga tao ni Alma, na nakaranas ng pagkabihag at paghihirap pagkatapos nilang mabinyagan. Ang dalawang tala ay nagtuturo ng mahahalagang katotohanan tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon na nagpapalaya sa atin mula sa kasalanan at mga paghihirap. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang kapangyarihan ng Panginoon na nagpapalaya sa atin mula sa kasalanan habang pinag-aaralan nila ang pagkabihag at paglaya ng mga tao sa Mosias 21–22.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 21:2–6. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga salita at mga parirala na naglalarawan sa naranasan ni Limhi at ng kanyang mga tao at ano ang nadama nila tungkol dito. Para mabigyang-diin ang naranasang paghihirap ng mga tao ni Limhi, maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang pariralang “walang paraan upang mapalaya nila ang sarili” sa Mosias 21:5.
-
Anong mga detalye sa Mosias 21:6 ang nagpapakita na hindi pa nagpapakumbaba at bumabaling sa Panginoon ang mga tao?
-
Anong solusyon ang iminungkahi ng mga tao ni Limhi para maibsan ang kanilang mga paghihirap?
Ibuod ang Mosias 21:7–12 na sinasabi sa mga estudyante na nakidigma ang mga tao ni Limhi nang tatlong beses upang makalaya sila sa mga Lamanita, pero natalo sila at maraming napatay sa kanila sa bawat pakikidigmang ito.
-
Ano ang maaaring gawin ng mga tao pagkatapos mabigong mapalaya ang kanilang sarili sa ikatlong pagkakataon?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 21:13–16 para malaman ang ginawa ng mga tao. Itanong ang ilan o lahat ng mga sumusunod:
-
Paano nagbago ang mga tao pagkatapos ng ikatlong pagkatalo nila?
-
Ayon sa Mosias 21:15, bakit mabagal ang Panginoon sa pagdinig sa kanilang mga panalangin?
-
Sa Mosias 11:23–25, ano ang sinabi ni Abinadi sa mga tao na kakailanganing gawin nila bago pakikinggan ng Panginoon ang kanilang mga panalangin na mapalaya?
-
Bagama’t hindi kaagad napalaya ang mga tao mula sa pagkabihag, paano sila pinagpala ng Panginoon nang magsimula silang magsisi? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, hikayatin sila na markahan ang pariralang “unti-unting umunlad” sa Mosias 21:16.)
-
Ano ang itinuturo nito tungkol sa gagawin ng Panginoon kapag nagpakumbaba ang mga tao, nagsimulang magsisi, at humingi ng tulong sa Kanya?
Ibuod ang Mosias 21:16–22 na ipinapaliwanag na sa natitirang panahon na alipin ang mga tao ni Limhi, pinaunlad sila ng Panginoon upang hindi sila magutom. “Wala [ring] kaguluhang namagitan sa mga Lamanita at sa mga tao ni Limhi” (Mosias 21:22).
Sabihin sa mga estudyante na ilahad ang mga alituntuning natutuhan nila mula sa tala ng mga tao ni Limhi. Bagama’t maaaring magbigay ng magkakaibang alituntunin ang mga estudyante, tiyaking naunawaan nila na kapag nagpapakumbaba tayo, nananalangin sa Panginoon, at nagsisisi sa ating mga kasalanan, pakikinggan Niya ang ating mga panalangin at pagagaanin ang bigat ng ating mga kasalanan sa Kanyang takdang panahon. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 21:15–16 o sa kanilang scripture study journal o notebook.)
-
Sa inyong palagay, paano makabubuti sa atin na maghintay sa Panginoon na palayain tayo mula sa bigat ng ating mga kasalanan?
Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang natutuhan nila, bigyan sila ng ilang minuto na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong at ipasulat ang mga sagot sa kanilang scripture study journal. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong.)
-
Ano ang ginagawa mo para madama ang kapangyarihan ng Panginoon na magpapalaya sa iyo mula sa iyong mga kasalanan?
-
Paano ka “unti-unting umunlad” nang hingin mo ang tulong ng Panginoon?
Mosias 21:23–22:16
Nagtulungan sina Limhi, Ammon, at Gedeon para matulungan ang mga tao na makatakas sa pang-aalipin at makabalik sa Zarahemla
Paalala: Maaari mong ipaalala sa iyong mga estudyante na kabilang sa Mosias 7 at 8 ang tala tungkol sa paghahanap ni Ammon at ng kanyang mga kapatid kay Haring Limhi at sa mga tao nito. Ang susunod na 14 na kabanata, Mosias 9–22, ay naglalahad ng kasaysayan ng mga tao ni Limhi, simula sa nakalipas na 80 taon bago sila natagpuan ni Ammon. Ang kasaysayang ito ay nagtapos sa muling pagsasalaysay ng ilan sa mga pangyayaring tinalakay sa mga nakaraang kabanata. Sa kadahilanang ito, marami sa nilalaman ng Mosias 21:23–30 ay natalakay sa mga lesson tungkol sa Mosias 7–8 at Mosias 18. Para matulungan ang mga estudyante na maalaala ang mga pangyayaring nakatala sa Mosias 21:23–30, makabubuting rebyuhin nang maikli ang buod ng mga paglalakbay sa Mosias 7–24 sa apendiks sa katapusan ng manwal na ito.
Ipaalala sa mga estudyante na natanto ng mga tao ni Limhi na kaya nakaranas sila ng mga paghihirap ay dahil hindi nila tinanggap ang paanyaya ng Panginoon na magsisi (tingnan sa Mosias 12:1–2; 20:21). Sa pagtanggap na nagkasala sila, nagsimulang magsisi at magbalik-loob ang mga tao ni Limhi. Ibahagi ang sumusunod na kahulugan ng pagsisisi:
“[Ang pagsisisi ay] mahalaga sa inyong kaligayahan sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Ang pagsisisi ay higit pa sa pagtanggap ng mga pagkakamali. Ito ay pagbabago ng isipan at puso. … Kasama rito ang pagtalikod sa kasalanan at paghingi ng tawad sa Diyos. Udyok ito ng pagmamahal sa Diyos at taos-pusong paghahangad na sundin ang Kanyang mga utos” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 153).
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 21:32–35. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga salita at mga parirala na nagpapahiwatig na nagsisi si Limhi at ang kanyang mga tao at ibinaling ang kanilang puso sa Panginoon. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salita at mga pariralang ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nahanap nila. (Dapat kabilang sa mga sagot nila ang nakipagtipan si Limhi at marami sa kanyang mga tao na paglilingkuran ang Diyos at susundin ang Kanyang mga kautusan, na nais nilang magpabinyag, at handa silang maglingkod sa Diyos nang buong puso nila.)
Ang mga sumusunod na aktibidad ay tutulong sa mga estudyante na makita na tinulungan ng Panginoon ang mga tao ni Limhi na makalaya sa pang-aalipin nang tuparin nila ang kanilang tipan na paglilingkuran Siya at susundin ang Kanyang mga kautusan. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong at scripture reference bago magklase:
Hatiin ang mga estudyante sa tatlong grupo. Sabihin sa bawat grupo na maghandang sagutin ang isa sa mga tanong na nasa pisara sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga kalakip na scripture passage. Pagkaraan ng ilang minuto, sabihin sa isang estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi ang mga sagot na inihanda nila. Tamang pagkakataon din ito para ipadagdag sa mga estudyante ang “pagtakas ng mga tao ni Limhi” sa kanilang diagram ng buod ng mga paglalakbay sa Mosias 7–24. (Para sa kumpletong diagram, tingnan ang apendiks sa katapusan ng manwal na ito.) Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na tingnan ang bookmark ng Aklat ni Mormon para matukoy kung ano ang mangyayari kalaunan sa mga tao ni Limhi (tingnan sa Mosias 22:13–14).
Ipaliwanag na bagama’t maaaring hindi natin kailangang maghangad ng kalayaan mula sa pisikal na pagkaalipin tulad ng mga tao ni Limhi, kailangan nating lahat ang kalayaan mula sa kasalanan.
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa Mosias 21–22 na magbibigay ng lakas ng loob sa sinumang nangangailangan na maranasan ang kapangyarihan ng Panginoon na nagpapalaya sa atin mula sa kasalanan?
Tapusin ang lesson na pinatototohanan ang kapangyarihan ng Panginoon na nagpapalaya sa atin mula sa ating kasalanan. Bigyang-diin na kapag nagpapakumbaba tayo, nananalangin sa Panginoon, at nagsisisi sa ating mga kasalanan, pakikinggan Niya ang ating mga panalangin at pagagaanin ang bigat ng ating mga kasalanan sa Kanyang takdang panahon.