Pambungad sa Ang Aklat ni Helaman
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Sa pag-aaral ng aklat ni Helaman, matututo ang mga estudyante mula sa halimbawa at mga turo ng mga dakilang tao na tulad ni Helaman, ng kanyang mga anak na sina Nephi at Lehi, at ni Samuel ang Lamanita, na buong tapang na sinunod ang Panginoon at nagpatotoo sa Kanya. Ipinapakita ng mga paglilingkod ng kalalakihang ito na nagkakaloob ang Diyos ng kapangyarihan upang tulungan ang Kanyang mga tagapaglingkod na magawa ang Kanyang kalooban at mapagpala ng mga gawain ng mabubuti ang maraming tao. Malalaman din ng mga estudyante ang mga mapangwasak na epekto ng kapalaluan, kasamaan, at mga lihim na pagsasabwatan.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Tinipon at pinaikli ni Mormon ang mga talaan mula sa malalaking lamina ni Nephi upang buuin ang aklat ni Helaman. Ang aklat ay ipinangalan kay Helaman, na anak ni Helaman at apo ni Nakababatang Alma. Tinanggap ni Helaman ang mga talaan mula kay Siblon, na kanyang tiyo, at naglingkod si Helaman bilang isang mabuting punong hukom sa mga Nephita. Itinuro niya sa kanyang mga anak na sina Nephi at Lehi na sundin ang mga kautusan at alalahanin ang kanilang Manunubos at gawin Siyang saligan ng kanilang buhay (tingnan sa Helaman 5:9–14). Dahil nahikayat ng mga turong ito at nabalisa sa kasamaan ng mga tao, nangaral ng pagsisisi sina Nephi at Lehi sa mga Nephita at mga Lamanita. Nagbitiw si Nephi sa kanyang tungkulin bilang punong hukom para magawa ito. Matapos magbalik-loob ang libu-libong Lamanita, isang propetang Lamanita na nagngangalang Samuel ang nabigyan ng inspirasyon na mangaral ng pagsisisi at magpropesiya sa mga Nephita. Ang aklat ni Helaman ay binubuo ng mga talaang iningatan noong panahon ng pamumuno at paglilingkod ni Helaman (Helaman 1–3) at ni Nephi (Helaman 4–16). Kabilang sa mga talaan ni Nephi ang mga propesiya at turo ni Samuel ang Lamanita.
Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?
Isinulat ni Mormon ang aklat ni Helaman para sa mga tao sa mga huling araw na tatanggap ng kanyang talaan. Tulad ng kanyang ibang mga pinaikling tala mula sa malalaking lamina ni Nephi, ang aklat ni Helaman ay nagpapatotoo sa kabanalan at sa misyong tumubos ni Jesucristo (tingnan sa Helaman 3:27–30; 5:9–12; 8:13–23; 14:1–29; 16:4–5).
Kailan at saan ito isinulat?
Ang mga orihinal na talaan na pinagkunan para sa aklat ni Helaman ay malamang na isinulat sa pagitan ng 52 B.C. at 1 B.C. Pinaikli ni Mormon ang mga talaang iyon sa pagitan ng mga A.D. 345 at A.D. 385. Hindi itinala ni Mormon kung nasaan siya nang tipunin niya ang aklat na ito.
Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?
Inilarawan sa aklat ni Helaman ang pabagu-bagong pag-uugali ng mga Nephita na bumabait at pagkatapos ay muling sumasama na mas madalas na nangyari kaysa sa alinmang panahon sa kanilang kasaysayan. Inilalahad ng aklat ang naganap na mga pagtatalo, digmaan, pagpatay, at mga lihim na pagsasabwatan. Sinimulan nitong ilarawan ang masasamang gawain ng mga tulisan ni Gadianton, na naging sanhi ng pagkalipol ng mga Nephita (tingnan sa Helaman 2:13–14). Ang aklat ni Helaman ay kakaiba rin dahil inilalarawan nito ang panahon kung kailan ang “nakararaming bahagi” ng mga Lamanita ay napabalik-loob at “[n]ahigitan nila ang kabutihan ng mga yaong Nephita” (Helaman 6:1). Bukod pa riyan, ipinapakita nito ang kapangyarihang ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga propeta, tulad ng pagbunyag ni Nephi sa naganap na pagpatay sa punong hukom at ang pagtatapat ng kapatid ng hukom (tingnan sa Helaman 8–9) at ang pagtanggap ni Nephi ng kapangyarihang magbuklod mula sa Panginoon at pagkatapos ay paggamit nito para magkaroon ng taggutom at mapatigil ito (tingnan sa Helaman 10–11). Bukod pa rito, upang mapangalagaan ang mga salita ni Samuel, isinama sa aklat na ito ang nag-iisang tala ng sermong ibinigay ng isang propetang Lamanita sa mga Nephita (tingnan sa Helaman 13–15). Sa sermon na ito, ipinropesiya ni Samuel ang mga palatandaan ng pagsilang at kamatayan ni Jesucristo.
Outline
Helaman 1–3 Pinatay ang dalawang punong hukom, sina Pahoran at Pacumeni. Nahadlangan ni Moronihas ang pagsalakay ng mga Lamanita na pinamunuan ni Coriantumer. Napatay si Kiskumen habang tinatangkang patayin si Helaman, ang bagong hirang na punong hukom. Kahit na naipalaganap na ni Gadianton at ng kanyang mga tulisan ang mga lihim na pagsasabwatan, libu-libong tao ang nabinyagan sa Simbahan. Si Nephi ay naging punong hukom pagkamatay ni Helaman.
Helaman 4–6 Sinakop ng mga tumiwalag na Nephita at ng mga Lamanita ang lahat ng lupaing patimog ng mga Nephita, kabilang na ang Zarahemla. Humina ang mga Nephita dahil sa kanilang kasamaan. Ibinigay ni Nephi ang hukumang-luklukan kay Cezoram. Naalala nina Nephi at Lehi ang mga salita ng kanilang ama na si Helaman, at inilan ang kanilang sarili sa pangangaral ng ebanghelyo. Marami sa mga tumiwalag ang nagsisi at bumalik sa mga Nephita. Matapos na mahimalang protektahan ng Panginoon sina Nephi at Lehi sa bilangguan, karamihan sa mga Lamanita ay nagbalik-loob at ibinalik sa mga Nephita ang mga lupain na sinakop nila. Sa panahon ng kasaganaan, dumami ang mga tulisan ni Gadianton. Marami sa mga Nephita ang naging masama na ring tulad nila, at dahil dito naging tiwali ang pamahalaan ng mga Nephita.
Helaman 7–12 Nanalangin si Nephi sa itaas ng tore sa kanyang halamanan at binalaan ang mga tao na magsisi. Binanggit niya ang mga patotoo ng maraming taong nagpropesiya tungkol kay Cristo. Ibinunyag din niya na si Sisoram, ang punong hukom, ay pinatay ng kanyang kapatid na si Seantum. Tinanggap ni Nephi ang kapangyarihang magbuklod at patuloy na ipinangaral ang pagsisisi. Hiniling niya sa Panginoon na palitan ng taggutom ang mga digmaan ng mga Nephita, at dahil sa kanyang mga panalangin bumagsak ang ulan at natapos ang taggutom matapos magsisi ang mga tao. Matapos ang ilang taong pag-unlad at kapayapaan, lumaganap ang alitan at kasamaan sa mga tao. Labis na ikinalungkot ni Mormon ang kahinaan at kahangalan ng mga tao.
Helaman 13–16 Si Samuel ang Lamanita ay nagbabala sa mga Nephita na magsisi, nagpropesiya tungkol sa kanilang pagkalipol, at ibinadya ang mga palatandaan na kaakibat ng pagsilang at pagkamatay ni Jesucristo. Lahat ng naniwala sa kanyang mga salita ay nabinyagan. Gayunman, karamihan sa mga tao ay hindi tinanggap si Samuel at binalewala ang mga palatandaan at kababalaghang ibinigay.