Library
Home-Study Lesson: 2 Nephi 26–31 (Unit 8)


Home-Study Lesson

2 Nephi 26–31 (Unit 8)

Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng 2 Nephi 26–31 (unit 8) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (2 Nephi 26–27)

Pinag-aralan ng mga estudyante ang mga propesiya ni Nephi tungkol sa mga huling araw. Natutuhan nila na lahat ng ginagawa ng Panginoon ay para sa kapakinabangan ng mundo at mahal ng Panginoon ang lahat ng tao at nag-aanyaya sa lahat na lumapit sa Kanya at makibahagi sa Kanyang ibinibigay na kaligtasan. Nalaman din ng mga estudyante ang katotohanan na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang paraan na maisasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga huling araw. Bukod pa riyan, natutuhan din nila na ang Aklat ni Mormon at ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay magdudulot ng galak at pang-unawa sa mga taong pinag-aaralan at tinatangggap ang mga ito.

Day 2 (2 Nephi 28)

Habang pinag-aralan ang mga babala ni Nephi tungkol sa mga maling turo na laganap sa mga huling araw, nalaman ng mga estudyante na ibubunyag ng Aklat ni Mormon ang mga maling ideya ng diyablo at palalakasin tayo laban sa kanyang masasamang hangarin. Bukod pa riyan, nalaman nila kung paano gumagamit ng maraming taktika si Satanas para maimpluwensyahan tayo, tulad ng pag-udyok sa atin na magalit, pagpapayapa at pagpapakampante sa atin, at labis na pagpuri sa atin.

Day 3 (2 Nephi 29–30)

Natutuhan ng mga estudyante na nagbibigay ang Panginoon ng mga banal na kasulatan upang tipunin ang mga tao sa Kanyang tipan at matutulungan ng Aklat ni Mormon ang lahat ng tao na makilala si Jesucristo at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo. Ipinakita ng Panginoon kay Nephi na maraming tao sa mga huling araw ang hindi tatanggap sa Aklat ni Mormon. Ang mga estudyante ay nagkaroon ng pagkakataong isipin ang tungkol sa sarili nilang buhay at kung paano maiiba ang kanilang komunidad sa Milenyo dahil si Satanas ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa mga puso ng tao, at mananaig ang kabutihan at kapayapaan.

Day 4 (2 Nephi 31)

Ang mga sumusunod na katotohanan tungkol sa doktrina ni Cristo at sa halimbawa ng Tagapagligtas ay binigyang-diin: Isinagawa ni Jesucristo ang lahat ng katwiran o kabutihan sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng kautusan ng Ama, at dapat nating tularan ang halimbawa ni Jesucristo ng pagsunod sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagtanggap ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay sumasaksi sa Ama at sa Anak at naghahatid ng kapatawaran ng mga kasalanan. Kung mamumuhay tayo ayon sa doktrina ni Cristo, matatamo natin ang buhay na walang hanggan.

Pambungad

Ang lesson na ito ay nagbibigay-diin na lahat ng ginagawa ng Ama sa Langit ay para sa kapakanan ng sanlibutan at ang pagmamahal sa Kanyang mga anak ang dahilan nito. Tinalakay rin sa lesson na ito kung paano ibinubunyag ng Aklat ni Mormon ang mga maling turo ni Satanas na laganap sa ating panahon at kung paano magtatamo ng buhay na walang hanggan ang mga taong susunod sa doktrina ni Cristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Itanong sa mga estudyante kung mayroon ba silang naiisip o ideya na nakuha nila sa pag-aaral ng banal na kasulatan na gusto nilang ibahagi sa klase bago mo simulan ang lesson. Hikayatin ang mga estudyante na magtanong ng kahit ano tungkol sa napag-aralan nila. Sabihin sa kanila na isulat ang mga espirituwal na impresyon na natanggap nila habang binabasa at pinagninilyan nila ang mga banal na kasulatan at ang kanilang mga assignment. Ito ay mag-aanyaya ng diwa ng paghahayag sa kanilang buhay.

Sabihin sa mga estudyante na tulungan kang ilista sa pisara o sa kapirasong papel ang ilang sagot sa sumusunod na tanong: Kung alam mo na magwawakas na ang buhay mo sa mundo at may pagkakataon kang sumulat ng isang liham para sa iyong angkan at sa buong mundo, anong mga paksa ang isasama mo sa iyong mensahe?

Sabihin sa estudyante na mabilis na basahin ang 2 Nephi 26–31 at ang kanilang scripture study journal para makita kung anong mga paksa ang tinalakay ni Nephi noong malapit nang magwakas ang kanyang buhay. Ikumpara ang nakita nila sa mga sagot na isinulat nila sa pisara. Ang huling payo ni Nephi ay isinulat para sa atin na nabubuhay sa mga huling araw at naglalaman ng mga palatandaan para tulungan tayong makilala ang katotohanan, maiwasan ang mga panunukso ni Satanas, at masunod ang doktrina ni Jesucristo.

2 Nephi 26

Matapos ipropesiya ni Nephi ang pagkalipol ng kanyang mga tao, ipinropesiya niya ang mga mangyayari sa mga huling araw at inanyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo

Ipabasa sa mga estudyante ang 2 Nephi 26:29–31 at ipahanap ang isa sa mga taktika ni Satanas na sinabi ni Nephi na dapat nating iwasan. Matapos sabihin ng ilang estudyante ang nalaman nila, itanong ang mga sumusunod:

  • Ayon sa 2 Nephi 26:29, ano ang huwad na pagkasaserdote?

  • Bakit naaakit ang iba na gumamit ng huwad na pagkasaserdote?

  • Ano ang inaasahan ng Panginoon na maging motibasyon natin sa paglilingkod sa Simbahan? Sino ang kilala ninyo na mabuting halimbawa nito?

Basahing muli ang 2 Nephi 26:23–28, 33 at day 1, assignment 3. Itanong: Ano ang naghihikayat sa Panginoon na gumawa at maglingkod?

Matapos sumagot ang ilang estudyante, itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Anong mga parirala sa 2 Nephi 26:23–28, 33 ang nagtuturo sa atin na mahal ng Panginoon ang lahat ng tao at nag-aanyaya sa lahat na lumapit sa Kanya at makibahagi sa Kanyang ibinibigay na kaligtasan at lahat ng ginagawa ng Panginoon ay para sa kapakanan ng sanlibutan?

  • Bakit mahalaga na matuto tayong mahikayat ng pagmamahal sa kapwa sa halip ng kasakiman o paghahangad na makatanggap ng papuri ng iba?

  • Sa palagay ninyo, paano tayo mas magiging mapagkawanggawa, mapagmahal, at mas magtataglay ng mga katangian ni Cristo sa mga paglilingkod natin sa Simbahan?

2 Nephi 28

Nagbabala si Nephi laban sa mga panlilinlang ni Satanas

Sabihin sa mga estudyante na sa 2 Nephi 28, patuloy na ibinunyag ni Nephi ang mga maling ideya na itinuro ng diyablo. Pag-aralang muli ang “mali at palalo at mga hangal na doktrina” na inilarawan sa 2 Nephi 28:3–9, at itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod na tanong. Maaari nilang isama ang mga sagot na isinulat nila sa kanilang scripture study journal noong nakaraang linggo.

  • Ano ang ibig sabihin ng “pagsamantalahan ang isa dahil sa kanyang mga salita”? (2 Nephi 28:8). (Maaaring ibilang sa mga halimbawa ang panlalait at pagsasabi nang mali at labis-labis sa sinabi ng iba.)

  • Sa anong mga paraan nagagawa ng mga tao ngayon na “humukay ng hukay” (2 Nephi 28:8) para sa kanilang kapwa?

  • Ano ang panganib ng pagtatangkang ikubli ang mga kasalanan mula sa Panginoon o panatilihin ang ating mga gawain sa dilim? (Tingnan sa 2 Nephi 28:9.)

  • Anong maling turo sa 2 Nephi 28:3–9 ang sa palagay ninyo ay lubos na nakakapinsala sa mga kabataan ngayon? Bakit sa palagay ninyo ay nakakapinsala ito? Paano naaakit ang mga kabataan sa maling turong iyon? (Tingnan sa day 2, assignment 1.)

Basahing muli ang 2 Nephi 28:20–23 at ang kuwento ni Pangulong Boyd K. Packer tungkol sa mga espirituwal na buwaya mula sa day 2 lesson. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang mga warning sign o babala na idinrowing nila sa kanilang scripture study journal (day 2, assignment 5) na naglalarawan ng mga espirituwal na panganib na sa palagay ninyo ay kailangang mabalaan ang mga kabataan ngayon.

Itanong: Sa lahat ng bagay na maaaring isulat ni Nephi sa pagtapos niya ng kanyang talaan, sa palagay ninyo bakit niya isinulat ang tungkol sa mga panlilinlang at taktika ni Satanas? (Maaari kang magpatotoo na makatatanggap tayo ng tulong at lakas na paglabanan ang mga taktika ni Satanas kapag pinag-aralan natin nang mabuti ang Aklat ni Mormon.)

2 Nephi 31

Itinuro ni Nephi kung paano nagbigay ng perpektong halimbawa sa atin ang Tagapagligtas

Gumuhit ng isang simpleng larawan ng isang daan na karugtong ng isang pasukan. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 2 Nephi 31:17–18 at alamin kung paano ginamit ni Nephi ang larawang ito ng landas at pasukan para bigyang-diin ang tanging paraan na makalalapit tayo kay Jesucristo. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang sinasagisag ng pasukan at landas? (Ang pasukan ay sumasagisag sa pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo.)

  • Sa natutuhan ninyo sa inyong personal na pag-aaral ng 2 Nephi 31, bakit tinukoy ang pagtanggap ng Espiritu Santo bilang “pagbibinyag ng apoy”? (Tingnan sa 2 Nephi 31:13; tingnan din sa talata 17.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 31:19–21. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang kailangan nating gawin matapos tayong makapasok sa “pasukan.” Matapos sabihin ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong ang mga sumusunod:

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ni Nephi nang isulat niya ang, “Ito ang doktrina ni Cristo”? (2 Nephi 31:21).

  • Iniisip ang inyong pinag-aralan ngayon, ano sa palagay ninyo ang gusto ng Ama sa Langit na gawin ninyo para makalakad kayo sa makipot at makitid na landas? (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiin bilang sagot sa tanong na ito.)

Susunod na Unit (2 Nephi 32Jacob 4)

Gusto mo bang kumain? Sa susunod na unit, pag-aaralan ninyo kung paano “magpakabusog sa mga salita ni Cristo” (2 Nephi 32:3). Paano maitutuwid ng isang propeta ang mga tao na nagsisimula nang maimpluwensyahan ng pagmamahal sa kayamanan o ng mga kalalakihang lumalabag sa batas ng kalinisang-puri? Alamin kung paano hinarap ni Jacob ang mga problemang ito.