Lesson 56
Mosias 7–8
Pambungad
Tinatayang 80 taon bago naging hari si Mosias na anak ni Haring Benjamin, isang lalaking nagngangalang Zenif ang namuno sa pangkat ng mga Nephita mula sa Zarahemla upang makabalik at mamuhay sa lupain ng Nephi, na itinuturing nila na “lupaing kanilang mana” (tingnan sa Omni 1:27–30). Pinahintulutan ni Haring Mosias ang isang lalaking nagngangalang Ammon na pamunuan ang isang maliit na pangkat patungo sa lupain ng Nephi at alamin ang nangyari sa pangkat ni Zenif. Natuklasan ni Ammon at ng kanyang mga kasama na ang mga inapo ng pangkat ni Zenif ay namumuhay na alipin ng mga Lamanita. Si Limhi na apo ni Zenif ang kanilang hari. Ang pagdating ni Ammon ay nagdala ng pag-asa kay Limhi at sa kanyang mga tao. Tinanong ni Limhi kay Ammon kung maisasalin nito ang mga nakaukit sa 24 na laminang ginto na natuklasan ng kanyang mga tao. Ipinaliwanag ni Ammon na ang hari sa Zarahemla, si Haring Mosias, ay isang tagakita na makapagsasalin ng mga sinaunang talaang iyon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mosias 7
Natagpuan ni Ammon ang lupain ng Lehi–Nephi at nalaman kung paano naging alipin ang mga tao ni Haring Limhi
Isulat sa pisara ang sumusunod: magdalamhati: makadama ng kapighatian o kalungkutan
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit nagdadalamhati ang mga tao?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 7:24 at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa. Ituro ang katagang “lahat ay dahil sa kasamaan.” Ipaliwanag na ang talatang ito ay tumutukoy sa mga kalagayang nangyari dahil masama ang pinili ng isang grupo ng mga tao. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung nagdalamhati na sila noon dahil sa isang sitwasyon na nangyari “dahil sa kasamaan.” Ipaliwanag na pag-aaralan nila sa araw na ito ang Mosias 7–8 para malaman ang tungkol sa isang haring nagngangalang Limhi at ang mga dahilan ng kapighatian ng kanyang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ipinagawa ni Limhi sa kanyang mga tao para makayanan ang kanilang kalungkutan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 7:1. Sabihin sa klase na tukuyin ang dalawang lugar na binanggit sa talatang ito. Kopyahin sa pisara ang unang diagram na kalakip ng lesson na ito, at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa kanilang scripture study journal o notebook. Kapag ginamit mo ang diagram na ito, ipaliwanag na walang opisyal na pahayag ang Simbahan tungkol sa heograpiya ng Aklat ni Mormon maliban sa mga pangyayaring naganap sa mga lupalop ng Amerika.
Paalala: Habang pinag-aaralan nila ang aklat ni Mosias, ang mga estudyante ay magdaragdag pa ng mga detalye sa kanilang mga diagram. Para matiyak na may sapat silang espasyo para maidagdag ang mga detalyeng ito, iguhit sa pisara ang diagram tulad ng ipinakita. Ituro ang ekstrang espasyo bago magsimulang gumuhit ang mga estudyante. (Ang kumpletong diagram ay matatagpuan sa apendiks sa dulo ng manwal na ito.)
Ipaliwanag na noong dumating ang pamilya ni Lehi sa lupang pangako, nanirahan sila sa lupain ng Nephi (kung minsan ay tinutukoy na lupain ng Lehi-Nephi o lupain ng unang mana). Di-nagtagal matapos mamatay si Lehi, iniutos ng Panginoon kay Nephi na tumakas patungo sa ilang, at isama ang lahat ng gustong sumama sa kanya. Ang mga tao ni Nephi ay patuloy na nanirahan sa lupain ng Nephi pero nakahiwalay sa mga sumunod kina Laman at Lemuel. Makalipas ang maraming taon, iniutos ng Panginoon sa isang pangkat ng mga Nephita na umalis sa lupain ng Nephi. Ang pangkat na ito ay nanirahan kalaunan sa isang lupain na tinatawag na Zarahemla, na nasa hilaga ng lupain ng Nephi.
Makalipas ang ilang henerasyon, isang lalaking nagngangalang Zenif ang namuno sa isang pangkat ng mga Nephita patungo sa lupain ng Nephi upang “maangkin ang lupaing kanilang mana” (tingnan sa Omni 1:27–30). Si Zenif ay kabilang sa isa pang pangkat na nabigong maangkin ang lupain sa lugar na iyon (tingnan sa Mosias 9:1–2). Sabihin sa mga estudyante na gumuhit ng arrow mula sa Zarahemla papunta sa lupain ng Nephi at sulatan ito ng “pangkat ng mga Nephita na pinamunuan ni Zenif.” Nilisan ng pangkat na ito ang Zarahemla mga 80 taon bago maging hari si Mosias.
Ipabasa muli sa mga estudyante ang Mosias 7:1, na inaalam ang gustong malaman ni Mosias. Pagkatapos nilang maibahagi ang nalaman nila, ipabasa sa kanila ang Mosias 7:2–3 upang malaman kung ano ang ginawa ni Mosias para masagot ang bumabagabag sa kanya. Sabihin sa mga estudyante na gumuhit ng pangalawang arrow mula sa Zarahemla papunta sa lupain ng Nephi, sumasagisag sa paglalakbay ng pangkat ng mga naghanap na pinamunuan ni Ammon, at lagyan ito ng angkop na label.
Ibuod ang Mosias 7:4–11 na ipinapaliwanag na natagpuan ni Ammon ang lungsod kung saan naninirahan ang mga inapo ng mga tao ni Zenif, na pinamumunuan ng apo ni Zenif na si Limhi. Nakita ni Limhi ang pangkat ni Ammon sa labas ng mga pader ng lungsod. Dahil inakala niya na sila ang ilan sa masasamang saserdote ng kanyang namatay na ama na si Noe, ipinahuli niya sila sa kanyang mga bantay at ipinakulong (tingnan sa Mosias 21:23). Tinanong niya sila makaraan ang dalawang araw. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 7:12–15 at alamin ang reaksyon ni Limhi nang malaman niya kung sino si Ammon at kung saan siya nanggaling.
-
Bakit napakasaya ni Limhi nang malaman niyang si Ammon ay mula sa lupain ng Zarahemla?
Tukuyin muli ang salitang magdalamhati sa pisara. Ibuod ang Mosias 7:16–19 na ipinapaliwanag na sama-samang tinipon ni Haring Limhi ang kanyang mga tao para ipakilala sa kanila si Ammon, para magsalita sa kanila tungkol sa mga dahilan ng kanilang kalungkutan at kapighatian, at para tulungan sila na malaman kung kanino hihingi ng tulong para maligtas.
Isulat sa pisara ang mga salitang mga dahilan sa ilalim ng kahulugan ng magdalamhati. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 7:20–28. Sabihin sa klase na hanapin ang mga binanggit ni Limhi na naging mga dahilan ng mga paghihirap at kalungkutan ng kanyang mga tao. (Makatutulong na ipaalam sa mga estudyante na ang binanggit na propeta sa Mosias 7:26 ay si Abinadi, na sinunog hanggang sa mamatay sa panahon ng paghahari ng ama ni Limhi na si Noe.) Matapos basahin ang mga talata, sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara sa ilalim ng mga dahilan ang nahanap nila.
-
Ano ang tila pangunahing dahilan ng kalungkutan ng mga taong ito? (Kasamaan, o kasalanan.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 7:29–32. Sabihin sa kanila na pumili ng isang parirala na nagpapakita na naunawaan ni Limhi ang kaugnayan ng mga kasalanan ng mga tao at ang kalungkutan ng mga tao. (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang salitang ipa ay tumutukoy sa mga natirang dumi matapos maihiwalay ang butil mula sa mga tangkay ng trigo. Sa Mosias 7:30, ang ibig sabihin ng “aanihin ang ipa ” ay makakakuha ng isang bagay na walang kuwenta.) Sabihin sa ilang estudyante na basahin at ipaliwanag ang mga pariralang napili nila.
-
Paano nakatutulong sa atin na napag-iisip natin ang mga ibinunga ng ating mga kasalanan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 7:33. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ni Limhi na gawin ng kanyang mga tao.
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula kay Limhi at sa kanyang mga tao tungkol sa epekto ng napag-iisip natin ang ating mga kasalanan at nakadarama tayo ng lungkot dahil dito? (Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga katotohanan mula sa kabanatang ito, tulungan sila na maunawaan na kapag napag-iisip natin ang ating mga kasalanan at nakadarama ng lungkot dahil dito, hahantong ito sa pagbaling natin sa Panginoon para maligtas. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaaan ang alituntuning ito, sabihin sa kanila na kunwari ay may kapamilya sila na labis na nalulungkot dahil sa kanyang mga kasalanan at gustong magsisi at bumaling sa Panginoon pero hindi niya alam kung paano ito gagawin. Patotohanan na ang payo ni Limhi sa kanyang mga tao sa Mosias 7:33 ay nagsasaad ng mga paraan para madaig ang kalungkutan at kapighatian na dulot ng kasalanan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 7:33 at hanapin ang mga parirala na tutulong sa isang tao na malaman kung paano “babaling sa Panginoon.” (Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga pariralang ito.)
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga parirala na pinakamakabuluhan sa kanila. Sabihin sa bawat estudyante na ipaliwanag ang kahulugan ng pariralang napili niya at (1) ilahad ito gamit ang sarili niyang mga salita o (2) magbigay ng mga halimbawa ng mga ginagawa o mga ugali ng isang taong nagsisikap na ipamuhay ang alituntunin na isinaad ng parirala.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung mayroon silang mga kasalanan na hindi pa napagsisihan na nagdudulot ng lungkot at hinagpis sa kanila at sa mga mahal nila sa buhay. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:
-
Paano ninyo maipamumuhay ngayon ang Mosias 7:33?
Magpatotoo na kapag bumaling tayo sa Panginoon nang ating buong puso at isipan, ililigtas Niya tayo mula sa mga pagdadalamhati na nagmumula sa ating mga kasalanan.
Mosias 8
Nalaman ni Ammon ang tungkol sa 24 na laminang ginto at sinabi kay Limhi ang tungkol sa isang tagakita na makapagsasalin ng mga nakaukit dito
Magpapunta ng dalawang estudyante sa harap ng klase. Piringan ang isang estudyante, at pagkatapos ay maglagay sa sahig ng mga aklat, mga piraso ng papel, o iba pang mga bagay na hindi makasasakit sa gitna ng silid. Sabihin sa pangalawang estudyante na magbigay ng instruksyon para matulungan ang unang estudyante na makalakad sa silid nang hindi nasasagi ang alinman sa mga bagay na nasa sahig. Pagkatapos ay piringan ang pangalawang estudyante. Ayusin muli ang mga bagay sa sahig, at sabihin sa unang estudyante na siya naman ang magbigay ng instruksyon. Sa pagkakataong ito, ang nakapiring na estudyante ay sasadyaing hindi sundin ang mga instruksyon. (Kausapin ang estudyanteng ito bago magklase, at sabihin sa kanya na huwag pansinin o sundin ang mga instruksyon.)
-
Ano ang kahalagahan ng pakikinig sa isang tao na nakakakita ng mga bagay na hindi natin nakikita?
Ibuod ang Mosias 8:5–12 na ipinapaliwanag na nagsugo noon ng mga tao si Limhi para humingi ng tulong sa Zarahemla bago dumating si Ammon. Ang pangkat ay nagpagala-gala sa ilang, at sa halip na matagpuan ang Zarahemla, natagpuan nila ang mga labi ng isang sibilisasyong nalipol. Doon ay natagpuan nila ang 24 na laminang ginto na may mga nakaukit sa mga ito. (Maaari mong ipaliwanag na ang mga guho na natuklasan ng mga tao ni Limhi ay ang tanging natira sa sibilisasyon ng mga Jaredita. Ang talaan ng mga Jaredita, na hinango mula sa 24 na laminang ginto, ay isinama sa Aklat ni Mormon bilang aklat ni Eter.) Idagdag ang paglalakbay na ito sa diagram sa pisara, tulad ng makikita sa larawan sa pahinang ito. Sabihin sa mga estudyante na idagdag din ito sa kanilang diagram. Ipaliwanag na gusto ni Haring Limhi na maunawaan ang mga nakaukit sa 24 na lamina. Tinanong niya si Ammon kung may kilala ito na makapagsasalin ng mga ito.
Ipabasa sa isang estudyante ang sagot ni Ammon sa Mosias 8:13–15. Sabihin sa klase na alamin ang itinawag ni Ammon sa isang taong may kapangyarihang magsalin ng mga talaang iyon. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 8:16–19 at alamin ang iba pang mga kakayahan ng isang tagakita. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Naglalaan ang Panginoon ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag para tulungan ang mga tao.
-
Ilan ang tagakita natin sa mundo ngayon? (Labinlima—mga miyembro ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol.)
-
Ano ang ilang bagay na ipinaalam sa atin ng mga propeta, tagakita, at mga tagapaghayag? (Kung nahihirapan ang mga estudyante na sagutin ito, itanong kung ano ang ipinaalam ng mga tagakita tungkol sa mga paksang tulad ng pag-aasawa at pamilya, edukasyon, libangan at media, o seksuwal na kadalisayan.)
-
Paano napagpala ng mga propeta, tagakita, at mga tagapaghayag ngayon ang inyong buhay?
Maaari mong ikuwento kung paano napagpala ang iyong buhay ng mga propeta, tagakita, at mga tagapaghayag. Sabihin sa mga estudyante na basahin at isiping mabuti ang isa sa mga huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya ng isang miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sundin ang payo sa mensaheng iyon.