Lesson 96
Alma 39
Pambungad
Pinagsabihan ni Alma ang nalihis niyang anak na si Corianton, na tinalikuran ang ministeryo at nakagawa ng mabigat na kasalanang seksuwal. Itinuro sa kanya ni Alma ang kabigatan ng kanyang kasalanan at ipinahayag ang kanyang kalungkutan na nakagawa si Corianton ng gayon kabigat na kasalanan. Iniutos ni Alma kay Corianton na huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng kanyang mga mata at magsisi. (Ang ipinayo ni Alma kay Corianton tungkol sa iba pang mga bagay ay matatagpuan sa kabanata 40–42.)
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 39:1–8
Ipinaliwanag ni Alma sa kanyang anak na si Corianton ang kabigatan ng kasalanang seksuwal
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Bakit may mga kasalanang mas mabigat kaysa sa iba?
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang mga sagot sa tanong na ito. Sabihin na ang mga payo ni Alma na nakatala sa Alma 39 ay makatutulong sa atin na maunawaan ang kabigatan ng ilang partikular na kasalanan.
Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang nakasulat sa bandang itaas ng heading ng kabanata 39. Ipatukoy sa kanila kung sino ang nagsasalita sa kabanatang ito at sino ang kinakausap niya (si Alma ang nagsasalita at kausap ang kanyang anak na si Corianton). Ipaliwanag na sinamahan ni Corianton ang kanyang kapatid na si Siblon at si Alma sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Zoramita, ngunit nakagawa siya ng kasalanan. Ipaliwanag na ang pag-unawa sa nagawang mali ni Corianton ay tutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang mga payo ni Alma sa kanya sa kabanatang ito at sa susunod na tatlong kabanata.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 39:1–5. Sabihin sa klase na alamin ang maling ginawa ni Corianton. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang salitang patutot sa talata 3 ay tumutukoy sa isang imoral na babae o babaeng nagbebenta ng katawan [prostitute].)
-
Ano ang maling ginawa ni Corianton? Alin sa kanyang mga kasalanan ang pinakamabigat? (Seksuwal na imoralidad.)
-
Sa mga Zoramita, ipinagmalaki ni Corianton ang kanyang lakas at karunungan (tingnan sa Alma 39:2). Sa paanong mga paraan humahantong sa mabibigat na kasalanan tulad ng seksuwal na imoralidad ang pagiging palalo o mayabang? Ano ang ilang halimbawa ngayon ng pagyayabang na humahantong sa paggawa ng mga tao ng kasalanang seksuwal? (Habang tinatalakay ng mga estudyante ang mga sagot sa tanong na ito, ipaliwanag na kapag ang tao ay nagyayabang, madalas nilang palabisin ang kanilang lakas, pati na ang kanilang kakayahang labanan ang tukso. Ang ilan sa mga halimbawa nito ngayon ay maagang pakikipagdeyt at pakikipagdeyt sa iisang tao lamang.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 39:5 at alamin kung paano ipinaliwanag ni Alma ang kabigatan ng kasalanang seksuwal. Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang salitang karumal-dumal ay tumutukoy sa isang bagay na makasalanan, masama, o kakila-kilabot.)
-
Ano ang damdamin ng Panginoon tungkol sa kasalanang seksuwal? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan sila na matukoy ang katotohanan na ang kasalanang seksuwal ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon.)
-
Sa inyong palagay, bakit ang pakikipagtalik nang hindi kasal at pangangalunya ay pumapangalawa sa pagpaslang sa kabigatan ng kasalanan?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pamantayan at pangako ng Panginoon na may kaugnayan sa kadalisayan ng puri, ipabasa sa kanila nang tahimik ang unang dalawang talata ng bahaging may pamagat na “Kadalisayan ng Puri” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ipahanap sa kanila ang mga sagot sa sumusunod na tanong habang nagbabasa sila. (Maaari mong isulat sa pisara ang tanong. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga sagot na nahanap nila sa buklet.)
-
Ano ang mga kabutihan ng pananatiling dalisay ang puri?
Kapag tapos nang magbasa ang mga estudyante at naibahagi na nila ang mga sagot na nahanap nila, ipabasa sa kanila nang tahimik ang natitirang bahagi ng “Kadalisayan ng Puri” at ipahanap sa kanila ang mga sagot sa sumusunod na tanong:
-
Anong mga pamantayan ang ibinigay ng Panginoon sa atin para mapanatiling dalisay ang puri natin?
Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung anong mensahe ang sa palagay nila ay nais ng Panginoon na matutuhan nila mula sa nabasa nila. Patotohanan ang kabigatan ng kasalanang seksuwal at ang mga pagpapalang darating sa pagiging dalisay ng puri.
Ipaliwanag na sa pagpapayo sa kanyang anak tungkol sa sensitibong isyu, ginawa ni Alma ang kanyang tungkulin bilang magulang. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila tutugunin ang mga payo ng kanilang mga magulang o lider ng Simbahan tungkol sa kadalisayan ng puri. Sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang Alma 39:7–8 at alamin ang layunin ni Alma sa pagtuturo kay Corianton ng tungkol sa kabigatan ng kasalanang seksuwal.
-
Ano ang layunin ni Alma sa pagtuturo kay Corianton ng tungkol sa kabigatan ng kanyang kasalanan? (Matulungan si Corianton nang sa gayon ay makakaharap siya sa Diyos nang walang kasalanan.)
-
Ano ang dapat nating gawin kapag may nagsasabi sa atin na dapat tayong magsisi?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit ang mga magulang, tulad ni Alma, ay sasabihan ang kanilang mga anak na magsisi, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang paanyayang magsisi ay nagpapakita ng pagmamahal. … Kung hindi natin aanyayahang magbago ang iba o tayo mismo ay hindi magsisisi, hindi natin nagagawa ang pangunahing obligasyon natin sa sarili at sa isa’t isa. Ang totoo, mas inaalala ng mapangunsinting magulang, ng kaibigang walang pakialam, ng takot na pinuno ng Simbahan ang kanilang sarili kaysa kapakanan at kaligayahan ng mga taong matutulungan nila. Oo, ang panawagang magsisi kung minsan ay itinuturing na hindi pagpaparaya o nakasasakit ng damdamin at maaari ngang ikagalit pa, ngunit sa patnubay ng Espiritu, ang totoo ay nagpapakita ito ng tunay na malasakit” (“Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 39).
Alma 39:9–19
Hinikayat ni Alma si Corianton na magsisi
Para maituro ang ipinayo ni Alma sa kanyang anak tungkol sa kung paano magsisi at bumaling sa Panginoon, isulat ang sumusunod sa pisara: Kabilang sa pagsisisi ang …
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 39:9–13. Pahintuin ang pagbabasa pagkatapos ng bawat talata para itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
Alma 39:9
-
Ano ang ibig sabihin ng “talikuran ang iyong mga kasalanan”? (Itigil ang paggawa nito.)
-
Ano ang kinalaman ng mga pariralang “huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng iyong mga mata” at “pigilin mo ang iyong sarili sa mga bagay na ito” sa pagtalikod sa kasalanan? (Maaaring makatulong na ipaliwanag na sa ating panahon, ang pariralang “pagnanasa ng iyong mga mata” ay tumutukoy sa mga imahe at libangan na malaswa sa anupamang paraan. Upang mabigyang-diin ang panganib ng pornograpiya, sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga payo tungkol sa paksang ito sa pahina 11-12 ng Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaari mo ring ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “pigilin ang iyong sarili” ay kontrolin ang sarili o supilin ang sarili; tingnan sa footnote 9b.)
-
Ano ang ilang paraan na makokontrol ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw ang kanilang sarili sa mga bagay na may kinalaman sa kadalisayan ng puri at maiwasan ang pagsunod sa pagnanasa ng kanilang mga mata? (Para matulungan ang mga estudyante na matalakay ang sagot sa tanong na ito nang mas detalyado, maaari mong ilarawan ang ilang sitwasyon na nauugnay sa kultura at mga kalagayan ng iyong mga estudyante. Halimbawa, maaari mong sabihin ang ganito: Isang dalagitang Banal sa mga Huling Araw ang nagpasiyang “pigilin ang kanyang sarili,” ngunit pagkatapos ay inanyayahan siya ng isang binatilyong hinahangaan niya sa isang di-angkop na party. Ano ang isasagot niya?)
Sabihin na ang Alma 39:9 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang scripture passage na ito sa kanilang banal na kasulatan para madali nila itong mahanap.
Alma 39:10
-
Paano tayo matutulungan ng paghahangad ng espirituwal na pangangalaga—maaaring mula sa mga magulang, lider ng Simbahan, kapatid, o mga mapagkakatiwalaang kaibigan—sa ating pagsisisi?
Alma 39:11
-
Ano ang ibig sabihin ng “huwag pahintulutan ang iyong sarili na maakay”? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pahintulutan ay payagan.)
-
Ano ang ilan sa mga “walang halaga o hangal” na bagay na nakikita ninyo ngayon na umaakay sa mga tao palayo sa kabutihan?
Alma 39:12
-
Ano ang ibig sabihin ng tumigil sa kasamaan? (Iwasan ang kasalanan.)
Alma 39:13
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagsisisi ay “itinutuon ang puso at kalooban sa Diyos” (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi”). Sa mga banal na kasulatan, ang pariralang “bumaling sa Panginoon” ay karaniwang nagpapahiwatig ng pagsisisi.
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “bumaling sa Panginoon nang buo mong pag-iisip, kakayahan at lakas”?
Ipaalala sa mga estudyante na sa misyon sa mga Zoramita, ang inasal ni Coriaton ay naging dahilan para hindi maniwala ang ilang tao sa mga salita ni Alma (tingnan sa Alma 39:11).
-
Kapag nakaapekto ang ating mga kasalanan sa iba, ano ang dapat nating gawin bilang bahagi ng ating pagsisisi? (Aminin o ipagtapat ang ating mga pagkakamali sa mga nasaktan natin at sikaping maituwid ito.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kabilang sa pagsisisi ang pagkilala at pagtalikod sa ating mga kasalanan at pagbaling sa Panginoon nang buo nating pag-iisip, kakayahan, at lakas. Maaari mong imungkahi na isulat ng mga estudyante ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 39:13. Sabihin sa mga estudyante na magsulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng tungkol sa nadarama nila na gusto ng Panginoon na gawin nila upang mas lubos nilang maibaling ang kanilang puso at kalooban sa Kanya.
Para mabigyang-diin ang bahagi ng Tagapagligtas sa proseso ng pagsisisi, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 39:15–16, 19. Ipahanap sa klase ang isang parirala na inulit nang tatlong beses sa mga talatang ito. (Ang parirala ay “masayang balita,” na maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ay “mabuting balita.”)
-
Anong “masayang balita” ang itinuro ni Alma sa kanyang anak? (Kabilang sa mga sagot na dapat maibigay ng mga estudyante ay ang katotohanang pumarito si Jesucristo upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan. Maaari mong isulat ito sa pisara.)
-
Bakit ang pagparito ni Jesucristo ay mabuting balita para kay Corianton? (Kapag nasagot na ng mga estudyante ang tanong na ito, maaari mong sabihin sa kanila na nagsisi kalaunan si Corianton ng kanyang mga kasalanan at bumalik sa pagiging misyonero [tingnan sa Alma 49:30].)
Maaari mong ibahagi sa klase kung paano naging “masayang balita” para sa iyo o sa mga taong kilala mo ang mensahe ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Idagdag ang iyong patotoo hinggil sa mga alituntunin na natalakay ng klase mula sa Alma 39. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang mga pahiwatig na pangalagaan ang kanilang kadalisayan at bumaling sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisisi na maaaring natanggap nila habang itinuturo ang lesson.