Lesson 12
1 Nephi 8
Pambungad
Sa 1 Nephi 8, ikinuwento ni Lehi ang kanyang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay. Sa pangitain, kumain si Lehi ng bunga ng punungkahoy, na sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos at sa mga pagpapalang maaari nating matanggap sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipinakita kay Lehi ang iba’t ibang grupo ng mga tao. Ang ilan ay nangawala at hindi nakarating sa punungkahoy. Ang iba naman ay nahiya pagkatapos kumain ng bunga ng punungkahoy, at pumunta sa ipinagbabawal na landas at naligaw. Ang iba ay mahigpit na humawak sa gabay na bakal, kumain ng bunga, at nanatiling tapat. May iba pang grupo na piniling hindi hanapin ang punungkahoy ng buhay.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 8:1–18
Nagkaroon ng pangitain si Lehi kung saan kumain siya ng bunga ng punungkahoy ng buhay at inanyayahan ang kanyang pamilya na kumain din nito
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nadama nila na mahal sila ng Ama sa Langit. Sabihin sa kanila na tahimik na isiping mabuti kung paano nakakaapekto ang mga pasiya nila sa pagiging malapit nila sa Diyos at sa pagdama nila ng Kanyang pagmamahal. Matapos silang bigyan ng sapat na oras na makapag-isip, magpatotoo ka na mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa kanila. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng 1 Nephi 8, hikayatin sila na alamin ang mga bagay na gagawin at hindi nila gagawin kung gusto nilang mas mapalapit sa Diyos at lubos na madama ang Kanyang pagmamahal sa kanilang buhay. (Para matulungan ang mga estudyante na makapaghanda para sa lesson na ito, maaari mong ipaawit sa kanila ang “Ang Bakal na Gabay” [Mga Himno, blg. 174] sa simula ng klase.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 8:2. Ipatukoy sa klase ang naranasan ni Lehi pagkatapos makabalik ang kanyang mga anak mula sa Jerusalem at dala ang mga laminang tanso. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 8:5–12.
-
Anong mga bagay ang pinagtuunan sa pangitain ni Lehi? (Ang punungkahoy ng buhay at ang bunga nito.)
-
Anong mga salita o parirala ang ginamit ni Lehi upang ilarawan ang bunga? (Tingnan sa 1 Nephi 8:10–11; maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 11:8–9 para malaman nila kung paano inilarawan ni Nephi ang punungkahoy.)
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Ipaliwanag na madalas gumamit ang Panginoon ng mga pamilyar na bagay bilang mga simbolo para tulungan tayo na maunawaan ang mga walang hanggang katotohanan. Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang sinasagisag ng punungkahoy at ng bunga sa pangitain ni Lehi, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na makinig mabuti at tukuyin ang sinasagisag ng punungkahoy at ng bunga.
“Ang punungkahoy ng buhay ay … ang pag-ibig ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:25). Ang pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay naipahayag nang lubos nang ipagkaloob Niya si Jesus bilang ating Manunubos: ‘Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak’ (Juan 3:16). Ang pagtanggap sa pag-ibig ng Diyos ay pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesus at ang pagpapalaya [kalayaan mula sa kasalanan] at kagalakang dulot nito” (“Lessons from Laman and Lemuel,” Ensign, Nob. 1999, 8).
-
Ayon kay Elder Maxwell, ang punungkahoy ng buhay ay sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos na ipinakita sa atin lalo na sa pamamagitan ng anong kaloob? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakadakilang pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Nang kumain ng bunga ng punungkahoy ng buhay ang mga tao sa pangitain ni Lehi, ang ibig sabihin nito ay tinatanggap nila ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala.)
-
Paano tayo napapalaya mula sa pagkaalipin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at nakadarama ng kagalakan dahil dito?
Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang isa mga alituntuning inilarawan sa 1 Nephi 8:10–12, sabihin sa kanila na tukuyin sa 1 Nephi 8:11 ang mga salitang naglalarawan sa ginawa ni Lehi (“lumapit ako at kumain ng bunga nito”). Pagkatapos ay ipahanap sa kanila ang mga resulta ng kanyang ginawa sa 1 Nephi 8:12 (“pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan”). Maaari mo ring ituro sa mga estudyante na sa 1 Nephi 8:10, inilarawan ni Lehi ang bunga na “kanais-nais upang makapagpaligaya sa tao.” (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan.)
-
Ano ang nadama ni Lehi matapos makakain ng bunga?
-
Paano natin matatanggap ang mga pagpapapala ng Pagbabayad-sala? (Sa pamamagitan ng pagsisisi.)
-
Bakit napupuspos ang ating kaluluwa ng “labis na kagalakan” sa pagtanggap ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala?
Magpatotoo ka na ang paglapit kay Jesucristo at pagtanggap sa Kanyang Pagbabayad-sala ay nagdudulot ng kaligayahan at kagalakan. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Kailan nagdulot ng kaligayahan at kagalakan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa inyong buhay? (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi nila kailangang magbahagi ng mga karanasang napakapersonal o napakapribado.)
1 Nephi 8:19–35
Sa kanyang pangitain, nakita ni Lehi ang iba’t ibang grupo ng mga tao at ang kanilang tagumpay o kabiguang makarating sa punungkahoy ng buhay
Idispley ang larawang Panaginip ni Lehi (62620; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 69), at ituro ang mga simbolo na natalakay na ng mga estudyante: ang punungkahoy at ang bunga. Ipaliwanag na sa pangitaing ito, gumamit din ang Panginoon ng iba pang mga simbolo para ituro kay Lehi kung paano lumapit kay Jesucristo at tanggapin ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Itanong sa mga estudyante kung ano pang mga simbolo ang nakikita nila sa larawan. (Kabilang sa mga sagot ang ilog, ang gabay na bakal, ang abu-abo ng kadiliman, at ang malaki at maluwang na gusali.)
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Ipaalala sa mga estudyante na ipinakita rin ng Panginoon kay Nephi ang pangitaing ito. Itinala kalaunan ni Nephi ang mga kahulugan ng iba’t ibang simbolo at imahe sa pangitain (tingnan sa 1 Nephi 11, 12, at 15).
Gawing handout ang sumusunod na chart, o idispley ito sa pisara bago magsimula ang klase. (Iwanang blangko ang kanang column maliban sa mga scripture reference.) Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang ibinigay na mga cross-reference para matukoy ang kahulugan ng bawat isa sa mga bagay na nasa panaginip ni Lehi. Rebyuhin ang unang simbolo, ang punungkahoy na may maputing bunga, kasama ang buong klase. Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang matukoy nang mag-isa ang kahulugan ng natitirang apat na simbolo. (Maaari mong imungkahi na isulat nila ang kanilang mga sagot sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng katugmang mga talata sa 1 Nephi 8.)
Simbolo sa Panaginip ni Lehi |
Mga Kahulugan na Ibinahagi ni Nephi |
---|---|
1 Nephi 8:10–12—Ang punungkahoy na may maputing bunga |
1 Nephi 11:21–25 (Ang pag-ibig ng Diyos; ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo) |
1 Nephi 8:13—Ang ilog ng maruming tubig |
1 Nephi 12:16; 15:26–29 (Karumihan; ang kailaliman ng impiyerno) |
1 Nephi 8:19—Ang gabay na bakal |
1 Nephi 11:25 (Ang salita ng Diyos) |
1 Nephi 8:23—Ang abu-abo ng kadiliman |
1 Nephi 12:17 (Mga tukso ng diyablo) |
1 Nephi 8:26—Ang malaki at maluwang na gusali |
1 Nephi 11:35–36; 12:18 (Ang kapalaluan at walang kabuluhang guni-guni ng sanlibutan) |
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga kahulugang nalaman nila. Para matulungan sila na makita ang kahalagahan ng 1 Nephi 8 sa kanilang buhay, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang dahilan kung bakit mahalaga na pag-aralan nila ang pangitain ni Lehi:
“Maaaring isipin ninyo na ang panaginip o pangitain ni Lehi ay walang mahalagang kahulugan para sa inyo, ngunit may mahalagang kahulugan ito. Kasama kayo rito; lahat tayo ay kasama rito. …
“Nasa panaginip o pangitain ni Lehi … ang lahat ng bagay na kailangan ng isang Banal sa mga Huling Araw upang maunawaan ang pagsubok ng buhay” (“Makita ang Ating mga Sarili sa Panaginip ni Lehi,” Liahona, Ago. 2010, 28).
Sa pag-aaral ng mga estudyante sa natitirang bahagi ng tala tungkol sa pangitain, hikayatin silang maghanap ng mga tao sa pangitain na maaaring kumakatawan sa kanilang sarili. Tiyakin sa kanila na saanman nila nakita ang kanilang sarili sa pangitain, bawat isa sa kanila ay may lakas at kakayahang piliing maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala.
Hatiin ang mga estudyante sa dalawang grupo. Ipaliwanag na ang bawat grupo ay may iba’t ibang hahanapin sa pagbabasa nila ng 1 Nephi 8:21–33.
Sabihin sa group 1 na alamin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Bago magklase, isulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara o gawing handout.)
-
Anong mga hadlang ang nakaharap ng mga tao sa pangitain ni Lehi?
-
Ano ang sinasagisag ng mga hadlang na ito?
-
Ano ang sinasagisag ng mga hadlang na ito sa panahon ngayon?
-
Anong mga alituntuntunin ang nakikita ninyo sa mga talatang ito?
Sabihin sa group 2 na alamin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Bago magklase, isulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara o gawing handout.)
-
Ano ang nakatulong sa mga tao para makarating sa punungkahoy at makakain ng bunga?
-
Sa paanong paraan ang gabay na bakal ay tulad ng salita ng Diyos?
-
Paano nakatutulong ang salita ng Diyos para madaig natin ang mga hadlang sa landas patungo sa buhay na walang hanggan?
-
Anong mga alituntuntunin ang nakikita ninyo sa mga talatang ito?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 8:21–33. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante ng group 1 na ibahagi ang mga sagot nila sa mga tanong na ibinigay sa kanila. Sabihin din sa kanila na ibahagi ang mga alituntuning nakita nila sa mga talatang ito. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang kapalaluan, kamunduhan, at pagpapadaig sa tukso ay makahahadlang sa atin sa pagtatamo ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano nakasasagabal ang mga hadlang na ito sa kanilang espirituwal na pag-unlad.
Sabihin sa mga estudyante ng group 2 na ibahagi ang mga sagot nila sa mga tanong na ibinigay sa kanila. Pagkatapos matalakay ang mga sagot nila, sabihin din sa kanila na ibahagi ang mga alituntuning nakita nila sa 1 Nephi 8:21–33. Maaaring kasama sa mga alituntuning natukoy nila ang sumusunod:
Kung hahawak tayo nang mahigpit sa salita ng Diyos, tutulungan tayo nito na madaig ang tukso at ang mga impluwensya ng mundo.
Ang paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos ay tutulong sa atin na mas mapalapit sa Panginoon at matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala.
-
Sa 1 Nephi 8:24 at 30, anong mga salita ang naglalarawan sa pagsisikap ng mga tao na mahigpit na humawak at makarating sa punungkahoy?
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “nagpatuloy sa paglalakad”?
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng kumapit at patuloy na mahigpit na humawak sa salita ng Diyos?
-
Bakit kailangan nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw?
Pagkatapos talakayin ang mga tanong na ito, maaari mong ituro na sa pangitain, may mga tao, tulad nina Laman at Lemuel, na hindi kumain ng bunga (tingnan sa 1 Nephi 8:22–23, 35–38). Ipinapakita nito na ayaw nilang magsisi at tanggapin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. May mga tao namang matapos makakain ng bunga ay nagsilayo at nangawala (tingnan sa 1 Nephi 8:25, 28). Ito ay nagpapaalala sa atin na matapos nating matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala, kailangan nating maging masigasig at tapat, nagsisisi ng ating mga kasalanan at nagsisikap na tuparin ang ating mga tipan. Hikayatin ang mga estudyante na tularan ang halimbawa ng mga taong kumain ng bunga at nanatili sa punungkahoy (tingnan sa 1 Nephi 8:33).
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano pinagpala ang kanilang buhay ng mga alituntunin sa pangitain ni Lehi, sabihin sa kanila na sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang notebook o scripture study journal:
-
Kailan ka ginabayan o tinulungan ng salita ng Diyos na mapaglabanan ang tukso, kapalaluan, o kamunduhan?
-
Kailan mo nadama ang pagmamahal ng Diyos sa pagbabasa o pakikinig sa Kanyang salita?
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.
Hikayatin ang mga estudyante na isabuhay ang natutuhan at nadama nila habang pinag-aaralan nila ang 1 Nephi 8 sa pamamagitan ng pagtatakda ng mithiin na simulan o patuloy na pagsikapang makasanayan ang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Ibahagi sa iyong mga estudyante ang mga pagpapalang dumating sa iyong buhay dahil sa regular mong pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Tinutukoy ang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay, sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang larawan ni Cristo at ng punungkahoy [ay] lubos na magkaugnay. … Sa pinakasimula ng Aklat ni Mormon … inilarawan si Cristo bilang pinagmumulan ng buhay na walang hanggan at kagalakan, ang buhay na katibayan ng pag-ibig ng Diyos, at ang paraan upang maisakatuparan ng Diyos ang kanyang tipan sa sambahayan ni Israel at sa katunayan sa buong sangkatauhan, ibinabalik sila sa lahat ng kanilang mga walang hanggang pangako” (Christ and the New Covenant [1997], 160, 162).
Ang sumusunod na chart ay nagbibigay ng mga karagdagang detalye tungkol sa nalaman ni Nephi mula sa pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay:
Simbolo mula sa Panaginip ni Lehi (1 Nephi 8) |
Kahulugang Ibinigay kay Nephi (1 Nephi 11–12) |
---|---|
1 Nephi 8:10–12—Ang punungkahoy na may maputing bunga |
1 Nephi 11:21–25 (Ang pag-ibig ng Diyos; ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo) |
1 Nephi 8:13—Ang ilog ng maruming tubig |
1 Nephi 12:16 (Karumihan; ang kailaliman ng impiyerno) |
1 Nephi 8:19—Ang gabay na bakal |
1 Nephi 11:25 (Ang salita ng Diyos) |
1 Nephi 8:23—Ang abu-abo ng kadiliman |
1 Nephi 12:17 (Mga tukso ng diyablo) |
1 Nephi 8:26—Ang malaki at maluwang na gusali |
1 Nephi 11:35–36; 12:18 (Ang kapalaluan at walang kabuluhang guni-guni ng sanlibutan) |
1 Nephi 8:21–23—Mga taong nagsimula sa landas patungo sa punungkahoy ngunit naligaw dahil sa abu-abo ng kadiliman |
Nakita ni Nephi ang mga sumusunod na uri ng mga tao sa kanyang pangitain:
|
1 Nephi 8:24–25, 28—Mga taong nakarating sa punungkahoy (at natikman ang bunga) dahil sa paghawak sa gabay na bakal ngunit nangawala nang sila ay kutyain ng mga tao sa malaki at maluwang na gusali | |
1 Nephi 8:26–27, 31–33—Mga taong mas ginusto ang malaki at maluwang na gusali kaysa sa punungkahoy at bunga nito | |
1 Nephi 8:30, 33—Mga taong nagsihawak sa gabay na bakal, kumain ng bunga, at hindi nangawala |
1 Nephi 15:24, 36 (Mga taong mahigpit na humawak sa salita ng Diyos, napaglabanan ang mga tukso ng kaaway, at natamo ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos) |
1 Nephi 8:19. Mga pagpapala ng paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson ang tungkol sa mga pagpapala na dulot ng paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos:
“Nakita [ni Lehi] na kung kakapit nang mahigpit ang mga tao sa gabay na bakal na iyon, hindi sila mahuhulog sa maruruming ilog, lalayo sa mga ipinagbabawal na landas, titigil sa paggala sa di-kilalang mga daan na patungo sa kapahamakan. … Hindi lamang tayo aakayin ng salita ng Diyos sa bungang kanais-nais sa lahat, kundi sa salita ng Diyos at sa pamamagitan nito matatagpuan natin ang lakas na labanan ang tukso, lakas na hadlangan ang gawain ni Satanas at ng kanyang mga kampon. … Ang salita ng Diyos, ayon sa mababasa sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng mga buhay na propeta, at sa personal na paghahayag, ay may kapangyarihang patatagin ang mga Banal at protektahan sila ng Espiritu upang malabanan nila ang kasamaan, makapanangan sila sa mabuti, at makadama ng kagalakan sa buhay na ito” (“The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 80.)
1 Nephi 8:26–27. “Malaki at maluwang na gusali”
Ang malaki at maluwang na gusali ay sumasalungat at kumakalaban sa punungkahoy ng buhay, na sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos at sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Inihambing ni Glenn L. Pace ng Pitumpu ang mga pamantayan ng Diyos sa mga ugali ng mga tao sa malaki at maluwang na gusali:
“Sa inyo na unti-unting lumalapit sa malaki at maluwang na gusaling iyon, gusto kong linawin sa inyo na ang mga tao sa gusaling iyon ay walang anumang maibibigay kundi panandalian, at pansamatalang kasiyahan na may kasamang kalungkutan at pagdurusang panghabambuhay. Ang mga kautusang sinusunod ninyo ay hindi ibinigay ng isang malupit na Diyos para hadlangan kayo na magkaroon ng kasiyahan, kundi ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na gusto kayong maging masaya habang nabubuhay kayo sa mundong ito gayon din sa kabilang buhay” (“They’re Not Really Happy,” Ensign, Nob. 1987, 40).