Lesson 140
Mormon 7–8:11
Pambungad
Matapos ang huling digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita, sumulat si Mormon sa mga magiging inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon tungkol sa kahalagahan ng pag-alam kung sino sila at kung ano ang dapat nilang gawin upang maligtas. Dama ang malaking pagmamahal para sa mga magiging inapo ng kanyang mga kaaway, itinuro ni Mormon ang kahalagahan ng pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo, upang “higit na mabuti para sa [kanila ang] araw ng paghuhukom” (Mormon 7:10). Matapos pumanaw si Mormon, naiwang mag-isa si Moroni para isulat ang tungkol sa pagkalipol ng kanyang mga tao.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mormon 7
Sa huling patotoo ni Mormon, hinikayat niya ang mga inapo ng mga Lamanita na maniwala kay Jesucristo at sundin ang Kanyang ebanghelyo
Isulat sa pisara ang bilang na 230,000. Itanong sa mga estudyante kung naaalala nila kung paano nauugnay ang bilang na ito sa pagkalipol ng mga Nephita. (Ito ang bilang ng mga Nephita na namatay sa huling digmaan na nakatala sa Mormon 6. Maaari mong ipaliwanag na ang bilang na nakatala sa Mormon 6:10–15 ay tumutukoy lamang sa mga taong nakipaglaban sa digmaan, at hindi sa maraming iba pa na napatay dahil sa digmaan.) Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nakaligtas sila sa matinding digmaan kung saan napatay ang kanilang mga kapamilya at mga kaibigan at nasakop ang kanilang bansa. Bigyan sila ng oras na mapag-isipan kung ano ang sasabihin nila kung susulat sila sa mga inapo ng mga taong pumatay sa kanilang mga mahal sa buhay at sumakop sa kanilang bansa.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 7:1–4 at alamin ang ilan sa mga huling salita ni Mormon sa mga inapo ng mga Lamanita.
-
Ano ang gusto ni Mormon na malaman ng mga inapo ng mga Lamanita?
-
Anong mga katangian ng Tagapagligtas ang makikita ninyo sa mga salita ni Mormon sa kanyang mga kaaway?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na itinuro ni Mormon sa mga inapo ng mga Lamanita ang kinakailangan nilang gawin upang maligtas. May pag-ibig siya sa lahat ng tao, maging sa kanyang mga kaaway.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 7:5, 8, 10 at tukuyin ang itinuro ni Mormon na dapat gawin ng kanyang mga mambabasa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natukoy nila at isulat ang kanilang mga sagot sa pisara. Maaari mong banggitin na ang mga itinuro ni Mormon ay ang gayon ding mga alituntunin ng ebanghelyo na nagligtas sana sa mga Nephita mula sa pagkalipol (tingnan sa Mormon 3:2).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 7:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipagkakaloob ng Panginoon sa lahat ng maniniwala sa Kanya at tatanggap ng Kanyang ebanghelyo. Pagkatapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, hikayatin sila na isulat ang sumusunod na katotohanan sa tabi ng Mormon 7:6–7: Ang Panginoon ay nagkakaloob ng kaligtasan sa lahat, at Kanyang tutubusin ang mga tumatanggap sa mga alituntunin at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo.
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa tanong.
Ipabahagi sa ilang estudyante ang isinulat nila.
Mormon 8:1–11
Matapos pumanaw si Mormon, naiwang mag-isa si Moroni para isulat ang tungkol sa pagkalipol ng kanyang mga tao
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na mag-isa sila sa isang kalagayan na sumubok sa kanilang pananampalataya—marahil sa isang kalagayan kung saan maaaring madali silang makagawa ng isang bagay na mali nang walang sinumang nakakakita sa kanila. Sabihin sa kanila na isipin kung ang kanilang determinasyon na sundin ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga kautusan sa kalagayang iyon ay mas lumakas, hindi nagbago, o humina.
-
Bakit pinipili ng ilang tao na hindi manatiling tapat kapag mag-isa sila sa isang kalagayan na sumusubok sa kanilang pananampalataya?
-
Bakit pinipili ng ilang tao na manatiling tapat sa kalagayan ding ito?
Ipaliwanag na napatay si Mormon matapos ang huling digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita, at ang kanyang anak na si Moroni ay naiwang mag-isa, walang mga kapamilya o sinuman sa kanyang mga tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga salita ni Moroni sa Mormon 8:1–9, at ipahanap sa klase ang mga deskripsyon ng kalagayan ni Moroni. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nahanap nila.
-
Ano ang madarama ninyo kung kayo ang nasa kalagayan ni Moroni?
Gamit ang mga petsa na nasa ibaba ng mga pahina o sa mga chapter summary, tulungan ang mga estudyante na makita na tinatayang 16 na taon na ang lumipas sa pagitan ng huling mga salitang isinulat ni Mormon at ng panahon na nagsimulang sumulat si Moroni sa mga lamina. Pagkatapos ay ipabasang muli sa mga estudyante ang Mormon 8:1–4 para malaman ang ipinasyang gawin ni Moroni sa kabila ng pag-iisa niya sa loob ng mahabang panahon. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. (Dapat nilang makita na determinado siyang sundin ang kanyang ama at sumulat sa mga lamina.)
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa pagsunod ni Moroni sa kabila ng kanyang kalagayan? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Kahit mag-isa tayo, maaari nating piliing manatiling tapat. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mormon 8:1–4.)
Ituro na si Moroni ay may natatanging misyon. Siya ay “nalabing mag-isa upang isulat ang malungkot na kasaysayan ng pagkalipol ng [kanyang] mga tao” (Mormon 8:3). Bagama’t hindi mararanasan ng mga estudyante ang kalagayan din na iyon, maaaring makaranas sila ng mga kalagayan na mag-isa sila at kailangang manatiling tapat. Maaari din silang makaranas ng mga kalagayan na mag-isa sila kahit kasama nila ang ibang tao—tulad ng mga pagkakataon na kasama nila ang mga taong hindi ipinamumuhay ang mga pamantayang itinatag ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta.
-
Sino ang kilala ninyo na nanatiling tapat kahit mag-isa sila sa mahihirap na kalagayan?
Kapag nasagot na ng mga estudyante ang tanong na ito, ibigay ang ilan o ang lahat ng mga follow-up na tanong na ito:
-
Ano ang ginawa ng taong ito sa kalagayang iyon?
-
Paano napagpala ang taong ito sa pagsunod sa iniutos ng Diyos?
-
Paano nakatulong sa inyo ang mga halimbawang ito?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mormon 8:10–11. Sabihin sa kanila na alamin ang isang paraan na pinalakas ng Panginoon sina Moroni at Mormon sa mahihirap na kalagayang naranasan nila. (Sinugo ng Panginoon ang Tatlong Nephita upang maglingkod kina Mormon at Moroni; tingnan din sa 3 Nephi 28:25–26.) Bigyang-diin na kung tayo ay tapat sa Diyos sa malulungkot o mahihirap na kalagayan, tutulungan Niya tayo na manatiling tapat. Gamitin ang mga sumusunod na tanong para matalakay ang katotohanang ito:
-
Kailan kayo naging masunurin sa isa sa mga kautusan ng Ama sa Langit sa pinakamahirap na kalagayang naranasan ninyo? Paano kayo napagpala sa paggawa nito?
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang maghanda ngayon na maging tapat sa mahihirap na kalagayan sa hinahaharap?
Upang mahikayat ang mga estudyante na manatiling tapat sa mga kalagayan na kailangang manindigan sila nang mag-isa, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Sa buhay natin sa araw-araw, halos walang pagsalang susubukin ang ating pananampalataya. Maaari nating matagpuan ang ating sarili paminsan-minsan na naliligiran ng iba subalit bahagi tayo ng iilan o mag-isa tayong naninindigan sa kung ano ang katanggap-tanggap at hindi. May tapang ba tayong manindigan sa ating mga paniniwala, kahit sa paggawa nito ay kailanganin nating maninindigang mag-isa? … Nawa ay maging matapang tayo at handang manindigan sa paniniwala natin, at kung kailangan nating manindigang mag-isa, nawa ay magawa natin ito nang buong tapang, pinalalakas ng kaalaman na totoong hindi tayo nag-iisa kapag naninindigan tayo sa panig ng ating Ama sa Langit” (“Tapang na Manindigang Mag-isa,” Ensign o Liahona, Nob 2011, 60, 67).
Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng karanasan noong pagpalain ka ng Panginoon sa pagiging tapat sa isang malungkot o mahirap na kalagayan.