Library
Lesson 133: 3 Nephi 27


Lesson 133

3 Nephi 27

Pambungad

Pagkatapos ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita, ang labindalawang bagong tawag na mga Nephitang disipulo ay sama-samang nagtipon sa taimtim na panalangin at pag-aayuno. Nagpakita sa kanila si Jesucristo at sinagot ang kanilang tanong tungkol sa pangalang dapat nilang ibigay sa Simbahan. Tinuruan Niya sila tungkol sa Kanyang ebanghelyo at iniutos sa kanila na maging tulad Niya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 27:1–12

Itinuro ni Jesucristo sa labindalawang disipulo na dapat taglayin ng Kanyang Simbahan ang Kanyang pangalan

Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-tatatlo o tig-aapat na estudyante. Kung maliit ang iyong klase, pagawin nang mag-isa ang bawat estudyante. Sabihin sa bawat grupo (o indibidwal) na isipin kunwari na magtatatag sila ng isang bagong club o sports team. Sabihin sa bawat grupo na magpasiya kung anong uri ng club o sports team ang gusto nilang itatag, tulad ng science club o football team, at pagkatapos ay papiliin sila ng ipapangalan para sa kanilang organisasyon. Sabihin sa bawat grupo na isulat ang pangalan sa isang papel. Pagkatapos ay kolektahin ang papel ng mga grupo. (Dapat maikli lang ang aktibidad na ito. Hindi ito dapat gumugol ng maraming oras o pagtuunan nang husto na magiging dahilan para hindi na mapagtuunan ang mga doktrina at alituntunin sa 3 Nephi 27.)

Basahin nang malakas ang pangalan sa bawat papel. Matapos mong basahin ang bawat pangalan, sabihin sa klase na hulaan, batay sa pangalan, ang uri ng club o team na iyon.

  • Ano ang ipinapakilala ng pangalan tungkol sa organisasyon at mga miyembro nito?

Ipaliwanag na matapos ang pagdalaw ni Jesucristo sa mga Nephita, ang Kanyang labindalawang Nephitang disipulo ay nagkaisa sa panalangin at pag-aayuno (tingnan sa 3 Nephi 27:1). Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 27:2–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinanong ng mga disipulo at ang isinagot ng Tagapagligtas.

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na ipapangalan sa Kanyang Simbahan?

  • Ano ang mga dahilang ibinigay Niya kung bakit tinawag Niya ang Simbahan sa Kanyang pangalan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang 3 Nephi 27:8–12 at alamin ang paliwanag ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang totoong Simbahan. Habang nag-aaral sila, isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag:

Ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay dapat …

Matapos ang sapat na oras na mapag-aralan ng mga estudyante ang mga talatang ito, itanong sa kanila kung paano nila kukumpletuhin ang pangungusap sa pisara batay sa nabasa nila. Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay dapat tawagin sa Kanyang pangalan at nakatatag sa Kanyang ebanghelyo.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga na nagtataglay ng pangalan ng Tagapagligtas ang Kanyang simbahan?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang Simbahan ay “[itatayo] sa [Kanyang] ebanghelyo”? (3 Nephi 27:10). Sa inyong palagay, bakit mahalagang itayo ang Simbahan sa Kanyang ebanghelyo sa halip na sa mga gawa ng tao?

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap sa notebook o scripture study journal: “Ang pagiging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay mahalaga sa akin dahil …”

3 Nephi 27:13–22

Ipinaliwanag ni Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo at itinuro ang dapat nating gawin para makatayo nang walang kasalanan sa harapan Niya at ng Kanyang Ama

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang nadama nila nang mahuli sila na gumagawa nang masama. (Huwag ipabahagi sa kanila ang mga karanasang ito.) Pagkatapos ay itanong sa kanila kung ano kaya ang pakiramdam kapag nakatayo tayo sa harapan ng Panginoon para hatulan. Hikayatin sila na pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang madarama ninyo sa harapan ng Panginoon kung may kasalanan kayo?

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 27:13–16, at sabihin sa klase na hanapin ang mabuting balita sa mga talatang ito. Sabihin din sa kanila na isipin kung paano nauugnay ang mabuting balitang ito sa araw na tatayo sila sa harapan ng Diyos para hatulan.

  • Nagpatotoo ang Tagapagligtas na pumarito Siya sa daigdig upang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama. Ayon sa 3 Nephi 27:14, bakit isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo?

  • Batay sa 3 Nephi 27:13–14, ano ang saligan ng ebanghelyo? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang saligan ng ebanghelyo ay ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Kanyang Ama sa pagsasakatuparan ng Pagbabayad-sala. Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 27:13–14.)

  • Dahil isinakatuparan ng Tagapagligtas ang kalooban ng Kanyang Ama, ano ang mangyayari para sa buong sangkatauhan? (Tayo ay ibabangon sa harapan Niya para hatulan sa ating mga gawa.)

Basahing mabuti ang 3 Nephi 27:16 at alamin ang dapat nating gawin para matanggap ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala at makapaghanda para sa paghuhukom. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Ipasulat sa isang estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara.

  • Ayon sa talatang ito, anong mga pagpapala ang darating sa mga magsisisi, magpapabinyag, at magtitiis hanggang wakas? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Kung tayo ay magsisisi, magpapabinyag, at magtitiis hanggang wakas, wala tayong magiging kasalanan kapag tumayo tayo sa harapan ng Diyos para hatulan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 27:17–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mangyayari sa mga hindi magsisisi o magtitiis hanggang wakas.

  • Mula sa nabasa ninyo, bakit kailangan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

  • Ano ang mabuting balita para sa atin kapag naiisip natin na tatayo tayo sa harapan ng Panginoon para hatulan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Ang ‘mabuting balita’ ay matatakasan ang kamatayan at impiyerno, madaraig ang mga pagkakamali at kasalanan, may pag-asa, may tulong, may kalutasan sa hindi malutas, at magagapi ang kaaway. Ang mabuting balita ay lahat ng libingan ay mawawalan ng laman balang-araw, na lahat ng kaluluwa ay magiging dalisay muli, na lahat ng anak ng Diyos ay muling makababalik sa Ama na nagbigay sa kanila ng buhay” (“Missionary Work and the Atonement,” Ensign, Mar. 2001, 8, 10).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 27:20–21, at sabihin sa klase na alamin ang paanyaya ng Tagapagligtas sa atin.

  • Ano ang paanyaya ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan ang kanilang pagsisikap na tanggapin ang paanyayang ito, sabihin sa kanila na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang notebook o scripture study journal. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase o basahin ang mga ito nang marahan para maisulat ng mga estudyante.)

  • Bakit nais ng Tagapagligtas na magsisi kayo at lumapit sa Kanya?

  • Sa paanong paraan ninyo tinatanggap ang paanyaya ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 27:20–21?

  • Ano ang maaari ninyong gawin ngayon para makapaghanda sa pagharap nang walang bahid-dungis sa Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:40–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang kaalaman kung bakit mabuting balita ang ebanghelyo. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang D at T 76:40–42 sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 27:13.)

Sa simula ng lesson, sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang madarama nila sa harapan ng Panginoon kung may kasalanan sila. Sa bahaging ito ng lesson, sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti kung ano kaya ang madarama nila sa harapan ng Tagapagligtas kung alam nilang nalinis sila sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at pagsunod sa mga alituntunin, kautusan, at ordenansa ng ebanghelyo.

  • Kung makakausap ninyo ang Tagapagligtas sa panahong iyon, ano ang sasabihin ninyo?

  • Batay sa napag-aralan ninyo ngayon, paano ninyo ipapaliwanag sa isang kaibigan ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo?

3 Nephi 27:23–33

Iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na maging tulad Niya

Ibuod ang 3 Nephi 27:23–26 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ng Tagapagligtas ang Kanyang labindalawang Nephitang disipulo at itinuro sa kanila ang kanilang mga responsibilidad. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 27:27 at alamin ang kautusang ibinigay Niya sa mga disipulo para matulungan sila na magampanan ang kanilang mga tungkulin bilang mga hukom ng mga tao.

  • Bakit mahalaga sa mga hukom ng mga tao na maging tulad ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang 3 Nephi 27:21.

  • Ano ang iniutos ng Tagapagligtas na gawin ng mga tao?

  • Ano ang kaugnayan ng paggawa ng mga gawain ng Tagapagligtas at pagiging tulad Niya?

Kapag tinalakay ng mga estudyante ang sagot sa tanong na ito, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Inaasahan ng Panginoon na gagawin ng Kanyang mga disipulo ang Kanyang mga gawain at magiging tulad Niya.

  • Ano ang ilang paraan na magiging tulad tayo ng Tagapagligtas? Ano ang ilang gawain na magagawa natin kapag tinularan natin ang Kanyang halimbawa?

  • Sa paanong paraan kayo napagpala nang sikapin ninyong tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas?

Tapusin ang klase sa pagpapatotoo sa mga pagpapalang dumarating kapag nagsisikap tayo na maging tulad ni Jesucristo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

3 Nephi 27:8. Ang pangalan ng Simbahan

Sinabi ng Unang Panguluhan:

“Ang paggamit ng inihayag na pangalan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (D at T 115:4), ay lalong mahalaga sa responsibilidad natin na ipahayag ang pangalan ng Tagapagligtas sa buong mundo. Alinsunod dito, hinihiling namin na kapag tinukoy natin ang Simbahan gamitin natin ang buong pangalan nito hangga’t maaari” (First Presidency letter, Peb. 23, 2001).

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee:

“Nang ihayag niya [ng Panginoon] ang pangalang itatawag sa Simbahan, malinaw ang sinabi niya. Sinabi niya, ‘Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.’ (D at T 115:4.)

“Ang katagang ang ay mahalaga: hindi lamang basta Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sapagkat ang sabihing ‘Ang Simbahan’ ay nagpapakilala rito bilang nag-iisang totoong simbahan sa balat ng lupa. Hindi niya sinabing Simbahang Mormon; hindi niya sinabing Simbahang LDS, kundi sa isang malinaw, matatag, at maliwanag na pahayag, ‘maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw’” (“The Way to Eternal Life,” Ensign, Nob. 1971, 13).

3 Nephi 27:13–21. Ang ebanghelyo ni Jesucristo

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith ang pangunahing mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo:

“Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 58).

Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang ibig sabihin ng katagang ebanghelyo ay ‘mabuting balita.’ Ang mabuting balita ay ang Panginoong Jesucristo at ang Kanyang mensahe ng kaligtasan. Itinulad ni Jesus ang ebanghelyo sa Kanyang misyon at ministeryo sa mortalidad. Sa pagpapahayag ng Kanyang misyon, sinabi ni Jesus:

“‘Ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.

“‘At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus.’ [3 Nephi 27:13–14.]

“Alam natin ang mortal na misyon ng Tagapagligtas bilang Pagbabayad-sala.

“Kabilang sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas ang lahat ng iba pang bagay na ginawa Niya—ang Kanyang mga turo, pagmamahal, [pagtutuon] sa mga ordenansa, mga huwaran sa panalangin, pagtitiyaga, at iba pa. Siya ang ating Huwaran, na itinulad din Niya sa ebanghelyo sa pagpapahayag ng Kanyang misyon. ‘Ito ang aking ebanghelyo,’ wika Niya, ‘… sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin.’ [3 Nephi 27:21.] Sa gayon, ang pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig, apoy, at ng Espiritu Santo, pagtitipon ng mga hinirang, at pagtitiis hanggang wakas ay pawang bahagi ng ebanghelyo” (“Matatandang Misyonero at ang Ebanghelyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 81).

3 Nephi 27:27. Pagiging katulad ni Jesucristo

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:

“Pinakadakila at pinakamapalad at pinakamasaya ang taong ang buhay ay halos natutulad kay Cristo. Walang kinalaman dito ang kayamanan, kapangyarihan, o katanyagang natamo sa mundo. Ang tanging tunay na sukatan ng kadakilaan, kabanalan, at kagalakan ay kung gaano kalapit nating matutularan ang pamumuhay ng Panginoong Jesucristo. Siya ang tamang daan, lubos na katotohanan, at saganang buhay” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations” [BYU devotional address, Dis. 10, 1974], 1, speeches.byu.edu).