Library
Lesson 104: Alma 56–58


Lesson 104

Alma 56–58

Pambungad

Nakipaglaban sina Helaman at Kapitan Moroni sa mga Lamanita sa iba’t ibang dako ng lupain. Nagpadala si Helaman ng isang liham kay Moroni na ikinukuwento ang pakikipaglaban ng kanyang hukbo sa mga Lamanita at ipinahayag ang kanyang tiwala sa malaking pananampalataya ng 2,060 kabataang mandirigma na sumapi sa kanyang hukbo. Ikinuwento rin ni Helaman ang ginawa ng kanyang hukbo upang magwagi sa kanilang mga pakikipaglaban at makatanggap ng pag-asa at lakas sa kanilang mga paghihirap.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 56

Nagtagumpay ang mga hukbo nina Antipus at Helaman laban sa pinakamalakas na hukbo ng mga Lamanita

Itanong sa mga estudyante kung nakatanggap na sila ng isang liham o mensahe na nagpalakas sa kanila upang matiis ang isang pagsubok o paghihirap. Ipaliwanag na nakatala sa Alma 56–58 ang nilalaman ng isang sulat, o liham, na isinulat ni Helaman kay Kapitan Moroni noong mahirap na panahon sa digmaan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 59:1–2 at alamin ang reaksyon ni Kapitan Moroni nang mabasa niya ang liham. Hikayatin ang mga estudyante na habang pinag-aaralan nila ang liham ay alamin nila ang mga dahilan kung bakit nagagalak si Kapitan Moroni sa kabila ng mahirap na kalagayan na nararanasan niya.

Ibuod ang Alma 56:2–17 na ipinapaliwanag na pinamumunuan ni Helaman ang isang maliit na hukbo na kinabibilangan ng 2,000 anak ng mga Anti-Nephi-Lehi, o mga tao ni Ammon. Madalas tukuyin ang mga kawal na ito bilang 2,000 kabataang mandirigma. Ang mga magulang ng mga kabataang lalaking ito ay nakipagtipan na hindi na muling hahawak ng sandata o makikidigma. Ang mga kabataang lalaki, na hindi gumawa ng gayong tipan, ay nagboluntaryong ipagtatanggol ang kanilang mga magulang at iba pang mga Nephita nang pagbantaan sila ng hukbo ng mga Lamanita.

Ipaliwanag na pinamunuan ni Helaman ang 2,000 kabataang mandirigma sa lunsod ng Judea upang tulungan ang isang hukbo ng mga Nephita na pinamumunuan ni Antipus. Nakuha ng mga Lamanita ang ilang lunsod ng mga Nephita at nabawasan nang malaki ang hukbo ni Antipus. Nagalak si Antipus nang dumating si Helaman at kanyang mga kawal para tumulong.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 53:17–21 at ipahanap ang mga salita at pariralang naglalarawan sa espirituwal na lakas na idinulot ng mga kabataang lalaking ito sa hukbo. Habang nagbabasa sila, isulat sa pisara ang sumusunod na diagram. Papuntahin ang ilang estudyante sa pisara at ipasulat ang mga salita at pariralang nahanap nila sa ilalim ng heading na “Bago maganap ang digmaan.”

diagram ng mga mandirigma
  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Helaman nang ilarawan niya ang 2,000 kabataang mandirigma na “mga lalaki ng katotohanan at maunawain”? (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang maunawain ay nangangahulugan ng pagiging seryoso, mahinahon, at may disiplina sa sarili.)

  • Paano makatutulong sa atin ang mga katangiang nakalista sa pisara sa pagharap natin sa mga espirituwal na digmaan at iba pang mga pagsubok?

Maikling ibuod ang simula ng unang pagkikipaglaban ng mga kabataang madirigma sa Alma 56:29–43. Ginamit ni Antipus si Helaman at kanyang 2,000 mandirigma bilang pain para mapalabas ang pinakamalakas na hukbo ng mga Lamanita sa lunsod ng Antipara. Iniwan ng marami sa hukbo ng mga Lamanita ang Antipara para tugisin ang hukbo ni Helaman, na nagbigay ng pagkakataon sa hukbo ni Antipus na sundan at salakayin ang mga Lamanita mula sa likuran. Nang abutan ng hukbo ni Antipus ang hukbo ng mga Lamanita, umatake sila ayon sa kanilang plano. Nang tumigil sa pagtugis sa hukbo ni Halaman ang hukbo ng mga Lamanita, hindi malaman ni Helaman kung tangka ng hukbo ng mga Lamanita na mahuli sa bitag ang kanyang mga mandirigma o kung naabutan na ni Antipus ang mga Lamanita at nakikipaglaban na sa mga ito. Kailangang magpasiya si Helaman at kanyang hukbo kung ipagpapatuloy nila ang pagtakas o sasalakayin ang mga Lamanita.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 56:44–48. Ipahanap sa kanila ang mga salita at parirala na nagpapakita ng katibayan kung paano kumilos nang may pananampalataya ang mga kabataang lalaking ito. Sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara ang nahanap nila sa ilalim ng heading na “Sa panahon ng digmaan.”

  • Ano ang hindi pinag-alinlanganan ng mga kabataang lalaking ito? (Na ililigtas sila ng Diyos.)

  • Bakit hindi sila nag-alinlangan na ililigtas sila ng Diyos?

  • Paano nakatulong sa kanila sa panahon ng digmaan ang mga ugaling taglay na nila bago ang digmaan?

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag kumilos tayo nang may pananampalataya, makatatanggap tayo ng lakas mula sa Diyos. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng katibayan sa katotohanang ito sa pag-aaral nila ng Alma 56.

Ibuod ang Alma 56:49–53 na ipinapaliwanag na natagpuan ng hukbo ni Helaman ang hukbo ni Antipus na nasa mahirap na kalagayan. Si Antipus at ang marami sa iba pang mga pinuno ng hukbo ay napatay na, at malapit nang magapi ang mga pagod at nalilitong mga Nephita.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 56:54–56. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano pinagpala ng Diyos ang mga mandirigma ni Helaman dahil sa kanilang pananampalataya.

  • Sa inyong palagay, paano nakatulong ang mga espirituwal na katangian na nakalista sa pisara sa mga pangyayaring nakatala sa Alma 56:56?

  • Kailan kayo kumilos o ang isang taong kilala ninyo nang may pananampalataya at nakatanggap ng lakas mula sa Diyos sa isang mahirap na kalagayan?

Alma 57

Nabawi ni Helaman at ng kanyang mga kabataang mandirigma ang lunsod ng Cumeni at napangalagaan sa digmaan

Ipaliwanag na ang Alma 57 ay karugtong ng liham ni Helaman kay Kapitan Moroni. Nagsimula ito sa ulat tungkol sa pagbawi ng mga Nephita sa dalawang lunsod mula sa mga Lamanita. Sa panahong ito, nakatanggap si Helaman ng 6,000 kalalakihan na nagpalakas sa kanyang hukbo, kasama ang 60 pang anak ng mga tao ni Ammon. Ang mga Lamanita ay tumanggap din ng dagdag na lakas at patuloy na pinagtitibay ang mga lunsod na nakuha nila.

Ituro na sa isang paglalaban, muntik nang madaig ng mga Lamanita ang mga Nephita (tingnan sa Alma 57:18). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 57:19–22 at alamin ang dahilan kung bakit nanaig pa rin ang mga Nephita.

  • Bakit nanaig ang mga Nephita laban sa mga Lamanita?

  • Sinabi ni Helaman na ang kanyang mga mandirigma ay “sinunod at tinupad gawin ang bawat salita ng pag-uutos nang may kahustuhan” (Alma 57:21). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin nito? Paano nagpapakita ang pagsunod na ito ng kanilang pananampalataya?

Para makaragdag sa mga sagot ng estudyante, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Russell M. Nelson

“May makakaharap [kayo na] mga tao na namimili kung aling mga utos ang susundin at binabalewala ang ibang mga utos na pinili nilang labagin. Ang tawag ko dito ay estilo ng turu-turo sa pagsunod. Hindi uubra ang ganitong pagpili. Hahantong ito sa kalungkutan. Sa paghahandang humarap sa Diyos, sinusunod ng isang tao ang lahat ng Kanyang utos. “Kailangan ng pananampalataya para masunod ang mga ito, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay magpapalakas sa pananampalatayang iyon” (“Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 34).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 57:23–27. Sabihin sa klase na alamin kung paano pinangalagaan ng Panginoon ang mga kabataang mandirigma ni Helaman at kung bakit Niya pinangalagaan sila. Para matulungan ang mga estudyante na matalakay ang nalaman nila, sundan ito ng mga sumusunod na tanong:

  • Tungkol sa kanyang mga mandirigma, sinabi ni Helaman, “Ang kanilang mga pag-iisip ay di matinag.” Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin nito? Bakit kailangan nating panatilihing hindi natitinag ang ating mga pag-iisip kapag nakararanas tayo ng mga pagsubok at problema?

  • Paano ipinakita ng mga mandirigma ni Helaman na “patuloy nilang ibinibigay ang kanilang tiwala sa Diyos”?

Maaaring makatulong na ipaliwanag na sa ilang pagkakataon, ang mabubuti ay magdurusa o mamamatay, tulad ng mga kabataang mandirigma na nagdusa at tulad ng ilan sa hukbo ng mga Nephita na napatay. Gayunman, laging dadakilain ng Diyos ang mga taong dumadakila sa Kanya, at ang mabubuting namatay ay pagpapalain.

  • Anong mga pagkakatulad ang nakikita ninyo sa pakikipaglaban ng mga kabataang mandirigma sa kanilang mga kaaway at sa ating pakikipaglaban sa kaaway o kasamaan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ngayo’y lumalaban tayo sa isang digmaan [na] sa maraming paraan ay mas delikado … kaysa sa digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Ang ating kalaban ay tuso at maparaan. Kalaban natin si Lucifer, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, ang kaaway ng lahat ng mabuti at tama at banal. …

“… Literal nating ipinaglalaban ang kaluluwa ng mga tao. Walang patawad at malupit ang kaaway. Napakabilis niyang tumangay ng mga bihag [hanggang sa kawalang-hanggan]. At mukhang hindi siya titigil.

“[Bagama’t] lubos ang pasalamat namin sa maraming miyembro ng Simbahan na gumagawa ng mga dakilang bagay sa pakikidigma para sa katotohanan at katwiran, tapat kong sinasabi sa inyo na hindi pa rin ito sapat. Kailangan namin ng dagdag na tulong. … Kailangan namin kayo. Gaya ng 2,000 kabataang mandirigma ni Helaman, kayo man ay … maaari ding pagkalooban ng kapangyarihang itayo at ipagtanggol ang Kanyang kaharian. Kailangan namin kayo na gumawa ng mga banal na tipan, tulad ng ginawa nila. Kailangan namin kayo na maging lubos na masunurin at tapat, tulad nila” (“Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 46–47).

Isulat sa pisara ang sumusunod: Kung magtitiwala tayo sa Panginoon at susundin Siya nang may kahustuhan, …

  • Batay sa nabasa ninyo tungkol sa mga mandirigma ni Helaman, paano ninyo kukumpletuhin ang pangungusap na ito? (Kumpletuhin ang pangungusap sa pisara ayon sa sinabi ng mga estudyante. Halimbawa, maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan: Kung magtitiwala tayo sa Panginoon at susundin Siya nang may kahustuhan, susuportahan Niya tayo sa ating mga pakikipaglaban.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na sumunod sila nang may kahustuhan o ang isang taong kilala nila sa isang mahirap na sitwasyon sa paaralan, tahanan, o sa isang pagtitipon. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Tanungin sila kung paano sila tinulungan ng Panginoon sa sitwasyong iyon.

Bigyan ang mga estudyante ng oras na maisulat sa notebook o scripture study journal ang gagawin nila para masunod ang mga utos ng Diyos “nang may kahustuhan” (Alma 57:21) at “patuloy nilang ibinibigay ang kanilang tiwala sa Diyos” (Alma 57:27).

Alma 58

Nagtiwala ang mga kawal na Nephita na pangangalagaan sila ng Diyos sa kanilang paghihirap

Ipaliwanag na ang Alma 58 ay naglalaman ng katapusan ng liham ni Helaman kay Kapitan Moroni. Ikinuwento ni Helaman kung paano naranasan ng mga hukbo ng mga Nephita ang mahihirap na kalagayan na lalo pang nagpatindi sa hindi mabuting sitwasyon nila. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 58:2, 6–9 at ipahanap sa klase ang mahihirap na sitwasyong iyon (kawalan ng pagkain, kawalan ng dagdag na mandirigma, takot na mapatay sila ng kanilang mga kaaway).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 58:10–12 at hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Isulat sa pisara ang mga tanong bago magklase. Basahin ang mga tanong sa klase bago nila basahin ang scripture passage, at talakayin ang mga ito pagkatapos nilang magbasa. Makatutulong ito sa mga estudyante na mapagtuunan ang ginawa ng hukbo ni Helaman sa mahirap na kalagayang ito.)

Ano ang ginawa ng mga Nephita nang maharap sila sa mahirap na kalagayang ito?

Paano tumugon ang Panginoon sa kanilang mga taimtim na pagsamo at panalangin?

Paano nakatulong ang ibinigay na katiyakan ng Panginoon kay Helaman at sa kanyang hukbo?

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang katotohanang natutuhan nila mula sa Alma 58:10–12. (Maaaring gumamit ng iba-ibang salita ang mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung magsusumamo tayo sa Diyos sa panahong nahihirapan tayo, makatatanggap tayo ng katiyakan na palalakasin Niya ang ating pananampalataya at bibigyan tayo ng pag-asa.)

  • Kailan kayo pinagkalooban ng Panginoon ng kapayapaan at katiyakan sa isang mahirap na kalagayan?

Ipaliwanag na nakatala sa natitirang bahagi ng Alma 58 ang matagumpay na pagsisikap ng mga Nephita na mabawi ang mga lunsod na nasakop ng mga Lamanita (tingnan sa Alma 58:31). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 58:39–40.

  • Paano ipinakita ng mga kabataang mandirigma ni Helaman ang kanilang pananampalataya sa Diyos, sa kabila ng “maraming sugat” na natanggap nila?

  • Sa pagharap ninyo sa mga hamon sa buhay, paano nakatulong sa inyo ang pagtulad sa halimbawa ng mga anak ni Helaman?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga alituntuning itinuro sa lesson na ito.