Library
Lesson 72: Alma 5:37–62


Lesson 72

Alma 5:37–62

Pambungad

Sa patuloy na pangangaral ni Alma sa Zarahemla, binalaan niya ang mga tao na ang pasiyang makinig o hindi tanggapin ang kanyang mga salita ay may matinding ibubunga o epekto. Ikinumpara rin ni Alma si Jesucristo sa mabuting pastol na tumawag sa kanila at nagnais na maibalik sila sa Kanyang kawan. Hinikayat niya ang kanyang mga tao na magsisi at iwasan ang maruruming bagay ng mundo upang makapagmana sila ng kaharian ng langit.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 5:37–42, 53–62

Binalaan ni Alma ang masasama at inanyayahan ang lahat na makinig sa tinig ng Mabuting Pastol

Kalong ni Jesus ang Isang Korderong Naligaw

Ipakita ang larawang Kalong ni Jesus ang Isang Korderong Naligaw (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 64).

  • Sa anong mga paraan nagiging Mabuting Pastol ang Tagapagligtas?

Matapos makasagot ang ilang estudyante, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

“Noong panahon ni Jesus, kilala ang pastol na taga Palestina sa pangangalaga niya sa kanyang mga tupa. Hindi tulad ng mga makabagong upahang pastol, ang pastol ay palaging naglalakad sa unahan ng kanyang kawan. Inaakay niya ang mga ito. Kilala ng pastol ang bawat isa sa mga tupa at karaniwang may pangalan ang bawat isa sa mga ito. Kilala ng mga tupa ang kanyang tinig at nagtitiwala sa kanya at hindi susunod sa isang estranghero. Kaya, kapag tinawag, lumalapit ang mga tupa sa kanya. (Tingnan sa Juan 10:14, 16.) …

“Ginamit ni Jesus ang karaniwang paglalarawang ito sa Kanyang panahon upang ipahayag na Siya ang Mabuting Pastol, ang Tunay na Pastol. Dahil sa pagmamahal Niya sa Kanyang mga kapatid, handa at kusang iaalay Niya ang Kanyang buhay para sa kanila” (“A Call to the Priesthood: ‘Feed My Sheep,’” Ensign, Mayo 1983, 43; tingnan din sa John R. Lasater, “Shepherds of Israel,” Ensign, Mayo 1988, 74–75).

Tulungan ang mga estudyante na maalala ang konteksto ng Alma 5 sa pagpapaliwanag na si Alma ay humayo upang mangaral sa mga tao ng Zarahemla, na parang “mga tupa na walang pastol” (Alma 5:37). Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang mga hamong hinarap ng mga tao ng Zarahemla at kung ano ang hinikayat ni Alma na gawin nila. Maaari mong rebyuhin sandali sa kanila ang ilang mahahalagang talata mula sa nakaraang lesson, tulad ng Alma 5:14–20, para matulungan ang mga estudyante na maalala ang ilan dito. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang mga tao ng Zarahemla ay nasa isang kakila-kilabot na kalagayan dahil sa kanilang kasamaan (tingnan sa Alma 7:3).

Sabihin sa dalawa o tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 5:37–42. Sabihin sa klase na alamin ang mga paraan na masasabi ng isang tao na siya ay isa sa mga tupa ng Tagapagligtas. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong ang mga sumusunod:

  • Paano natutulad ang mga tao sa mga tupa na nangangailangan ng pastol?

  • Ayon sa Alma 5:37–38, paano naipapakita ng Mabuting pastol ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga tupa? (Patuloy Niyang tinatawag ang mga ito sa Kanyang sariling pangalan.)

  • Ayon sa Alma 5:41, paano natin masasabi na nakikinig tayo sa tinig ng Mabuting Pastol?

  • Ano ang ilang gawain na maaaring magpahiwatig na sinusunod ng isang tao ang Mabuting Pastol?

Matapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson, na naglalarawan sa mga kalalakihan at kababaihan na tapat na sumusunod kay Jesucristo. (Maaari kang maghanda ng kopya ng pahayag na ito para sa bawat estudyante.)

“Kapag pinipili ninyong sundin si Cristo, pinipili ninyong magbago. …

“Ang kalalakihan [at kababaihan] na nagbago dahil kay Cristo ay pamumunuan ni Cristo. …

“Ang kanilang kalooban ay nagpapasakop sa Kanyang kalooban. (Tingnan sa Juan 5:30.)

“Lagi nilang ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa Panginoon. (Tingnan sa Juan 8:29.)

“Hindi lamang sila handang mamatay para sa Panginoon, ngunit, ang mas mahalaga, nais nilang mabuhay para sa Kanya.

“Pumasok sa kanilang tahanan, at ang mga larawang nakasabit sa kanilang mga dingding, mga aklat sa kanilang mga estante, musikang maririnig sa paligid, kanilang mga salita at kilos ay nagpapahayag na sila ay mga Kristiyano.

“Tumatayo sila bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon, at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar. (Tingnan sa Mosias 18:9.)

“Nasa isipan nila si Cristo, dahil umaasa sila sa Kanya sa bawat iniisip nila. (Tingnan sa D at T 6:36.)

“Nasa puso nila si Cristo dahil nasa Kanya ang kanilang pagmamahal magpakailanman. (Tingnan sa Alma 37:36.)

“Halos linggu-linggo ay nakikibahagi sila ng sakramento at pinapatunayan muli sa kanilang Amang Walang Hanggan na handa silang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng Kanyang Anak, lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan. (Tingnan sa Moro. 4:3.)” (“Born of God,” Ensign, Nob. 1985, 5, 6–7).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 5:53–56 at alamin ang mga ugali at mga gawain na dahilan para mahirapan ang isang tao na makinig sa tinig ng Tagapagligtas. Pagkatapos ng ilang minuto, sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga natuklasan. Ipasulat sa kanila ang kanilang mga sagot hanggang sa halos mapuno nila ang buong pisara hangga’t maaari. Sabihin sa kanila na magdagdag ng iba pang mga pag-uugali o kilos na nakikita nila sa kanilang paligid na dahilan para mahirapan ang mga tao na makinig sa tinig ng Tagapagligtas. (Maaaring kasama sa sagot ng mga estudyante ang pagsasantabi [hindi pagpansin] sa mga turo ng Diyos, kapalaluan, kayabangan, paglalagak ng ating puso sa mga kayamanan at mga makamundong bagay, pag-iisip na nakahihigit tayo kaysa iba, pag-uusig sa mga mabubuti, o pagtalikod sa mga maralita at nangangailangan. Maaari mong ituon ang pansin ng mga estudyante sa paulit-ulit na paggamit ni Alma ng salitang magpipilit, na binibigyang-diin na ang mga tao ng Zarahemla ay nagpipilit o patuloy na tinataglay ang masasamang pag-uugali at saloobing ito.)

Burahin ang ilan sa mga sagot ng mga estudyante na nasa gitna ng pisara para magkaroon ng espasyo na mapagsusulatan. Sa espasyong iyan, isulat ang sundin ang tinig ng Mabuting Pastol.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 5:57. Sabihin sa klase na tukuyin ang mga parirala na nagtuturo kung paano tayo dapat tumugon sa masasamang impluwensya. (“Lumabas kayo mula sa masasama,” “magsihiwalay kayo,” at “huwag hipuin ang kanilang maruruming bagay.”) Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan. Ipaliwanag na binibigyang-diin ng mga pariralang ito ang pangangailangang iwasan ang anumang bagay na nagpapasama o nagpapadumi sa ating espiritu. Para matulungan ang mga estudyante kung paano huwag magulumihanan, makaiwas sa masasamang impluwensya, at sumunod sa tinig ng Mabuting Pastol, itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang magagawa ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw para manatiling nakahiwalay sa masasama? (Para mabigyang-diin ang mga sagot ng mga estudyante, maaari kang magbigay ng magandang halimbawa na nakita mo sa isa sa mga estudyante sa klase mo. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magbigay ng magagandang halimbawa na nakita nila sa isa’t isa.)

  • Ayon sa Alma 5:56–57, ano ang mangyayari kapag nagpumilit o nagpatuloy tayo sa kasamaan? (Kung tayo ay magpapatuloy sa kasamaan, hindi natin maririnig ang tinig ng Mabuting Pastol at hindi tayo mapapabilang sa mabubuti.)

Kung may oras pa, bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-isipan ang sumusunod na tanong. Maaari mong sabihin sa kanila na sagutin ang tanong sa notebook o sa scripture study journal.

  • Ano ang ipapagawa sa iyo ng Panginoon para mas matanggap mo ang Kanyang paanyaya na lumapit sa Kanya? (Maaari mong imungkahi na ang maaari nilang isagot ay isang bagay na sa palagay nila ay kailangan nilang pagbutihin, o isang bagay na dapat na nilang ihinto.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 5:58–62 at alamin ang mga pagpapalang ipinangako sa mga taong nagtitipon sa Panginoon at sa Kanyang mga tao. (Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga pagpapalang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Paano ninyo ibubuod ang mga pangako ng Panginoon sa mga nakikinig sa Kanyang tinig? (Iba-iba man ang mga alituntuning imungkahi ng mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na kung susundin natin ang tinig ng Panginoon [ang Mabuting Pastol], tayo ay matitipon sa Kanyang Kaharian. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Anong pag-uugali ang sinikap ninyong taglayin na nakatulong sa inyo na makinig sa tinig ng Mabuting Pastol?

  • Paano nakatulong sa inyo ang mga pag-uugaling ito na huwag pansinin ang ilan sa masasamang impluwensyang nakalista sa pisara?

Magpatotoo na kapag nakikinig tayo sa mga salita ng Tagapagligtas, tayo ay mapapabilang sa mabubuti na magtitipon sa kaharian ng Panginoon.

Alma 5:43–52

Ginampanan ni Alma ang kanyang responsibilidad na mangaral ng pagsisisi

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang limang pisikal na pandama (paningin, pandinig, pandama o paghawak, pang-amoy, at panlasa). Maaari ka ring magdala ng ilang bagay na mapaggagamitan ng mga estudyante ng mga pandamang ito.

  • Ano ang isang bagay na natutuhan ninyo mula sa inyong limang pandama?

  • May iba pa pang paraan na malalaman ninyo ang isang bagay nang hindi ninyo ginagamit ang inyong limang pandama?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 5:44–48. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ni Alma na alam niya at kung paano niya ito nalaman.

  • Ayon sa Alma 5:48, ano ang nalaman ni Alma?

  • Ano ang sinabi ni Alma na pinagmulan ng kanyang patotoo?

  • Ano ang ginawa ni Alma upang matanggap ang patotoong ito mula sa Espiritu Santo?

  • Paano makatutulong ang panalangin at pag-aayuno para magkaroon tayo ng patotoo o mapalakas ang patotoo natin sa ebanghelyo?

  • Kailan ninyo nadama na napalakas ang inyong patotoo sa pamamagitan ng panalangin o pag-aayuno?

Magpatotoo na malalaman natin sa ating sarili, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na si Jesucristo ang Manunubos ng sangkatauhan. Para mabigyang-diin na mahalagang maghangad at magtamo ng personal na patotoo na si Jesucristo ang Manunubos ng sangkatauhan, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Ang personal at sariling patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo, lalo na sa banal na buhay at misyon ng Panginoong Jesucristo, ay kinakailangan sa ating buhay na walang hanggan. … Sa madaling salita, ang buhay na walang hanggan ay bunga ng ating sarili at personal na kaalaman tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Banal na Anak. Hindi sapat ang malaman lamang ang tungkol sa kanila. Kailangang magkaroon tayo ng personal at mga espirituwal na karanasan na magpapatatag sa atin. Dumarating ito kapag hinahangad natin ito nang matindi at pinagtutunan ito nang lubos na tulad ng ginagawa ng isang taong gutom na naghananap ng pagkain” (“Feasting at the Lord’s Table,” Ensign, Mayo 1996, 80).

Bigyan ng oras na maisulat ng mga estudyante ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong. Hikayatin din sila na isulat ang gagawin nila para magkaroon ng patotoo o mapalakas ang kanilang patotoo kay Jesucristo. Hikayatin sila na isagawa ang kanilang mga mithiin, kahit abutin pa ito nang “maraming araw” (Alma 5:46).

  • Kailan ninyo nadama na pinatotohanan sa inyo ng Espiritu Santo na si Jesucristo ang Manunubos ng daigdig?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 5:49–52 at alamin ang sinabi ni Alma sa mga tao na kailangan nilang gawin para maging handa sa pagmana ng kaharian ng langit.

  • Bakit mahalaga ang pagsisisi para makapasok sa kaharian ng Diyos?

Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga itinuro ni Alma tungkol sa paghahandang makapasok sa kaharian ng Diyos, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Paano kung bukas na ang dating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagkukulang ang babayaran natin? Ano ang mga patatawarin natin? Anong mga patotoo ang ibibigay natin?

“Kung gagawin natin ang bagay na ito, bakit hindi pa ngayon? Bakit hindi hangarin ang kapayapaan hangga’t maaari pa itong matamo?” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 9).

Tapusin ang lesson sa pagbibigay sa mga estudyate ng oras na mapag-isipan kung ano ang kailangan nilang baguhin sa kanilang buhay upang maging handa na makaharap ang Tagapagligtas at makapasok sa Kanyang kaharian. Hikayatin sila na isulat ang kanilang mga naiisip at nararamdaman para mabasa nilang muli kalaunan ang mga ito at mapaalalahanan na kumilos kaagad sa mga inspirasyong natatanggap nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Alma 5:46–47. “Ang diwa ng paghahayag”

Si Alma ay nakakita ng anghel, ngunit pinatotohanan niya sa Alma 5:46–47 na ang kanyang patotoo sa mapagtubos na misyon ni Jesucristo ay napalakas sa pamamagitan ng Espiritu Santo, matapos ang maraming araw na pag-aayuno at pananalangin. Sinabi ni Pangulong Heber J. Grant, “Maraming tao ang nagsasabi: ‘Kung makakakita lamang ako ng anghel, kung makakarinig lamang ako ng isang anghel na nagpapahayag ng isang bagay, makapaghihikayat iyan sa akin na maging matapat sa lahat ng araw ng buhay ko!’ Ito ay walang epekto sa mga taong ito [sina Laman at Lemuel] na hindi naglilingkod sa Panginoon, at ito ay hindi magkakaroon ng epekto ngayon” (sa Conference Report, Abr. 1924, 159).

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith kung bakit ang patotoo ng Espiritu Santo ay maaaring mas matindi pa kaysa sa pagdalaw ng anghel:

“Si Cristo ay … nagpahayag na ang mga pagpapakita ng … isang anghel, ng isang nabuhay na muling nilalang, ay hindi mag-iiwan ng impresyon … na natatanggap natin sa pamamagitan ng paghahayag ng Espiritu Santo. Ang personal na mga pagdalaw ay maaaring malimutan sa paglipas ng panahon, ngunit ang patnubay na ito ng Espiritu Santo ay napapanibago at nagpapatuloy, araw-araw, taun-taon, kung mamumuhay tayo nang karapat-dapat dito” (Doctrines of Salvation, ed. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:44).

Ipinaliwanag ng sumusunod na pahayag mula sa Tapat sa Pananampalataya kung paano nangyayari ang tunay na pagbabalik-loob:

“Ang pagbabalik-loob ay isang proseso, hindi isang pangyayari. Nagbabalik-loob kayo dahil sa inyong mga matwid na pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas. Kasama sa mga pagsisikap na ito ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi sa kasalanan, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas sa pananampalataya.

“Bagama’t mahimala at nagpapabago ng buhay ang pagbabalik-loob, isa itong payapang himala. Hindi nagpapabalik-loob ang mga pagbisita ng mga anghel at iba pang kagila-gilalas na pangyayari. Kahit si Alma, na nakakita ng isang anghel, ay nagbalik-loob lamang nang siya ay ‘nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw’ para sa pagpapatotoo sa katotohanan (Alma 5:46). At itinuro ni Pablo, na nakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, na ‘wala[ng] sinoman [ang] makapagsasabi [na] si Jesus ay Panginoon kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo’ (I Mga Taga Corinto 12:3)” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 108).

Alma 5:57. “Lumabas kayo mula sa masasama, at humiwalay”

Tinalakay ni Elder David R. Stone ng Pitumpu kung paanong ang mga pamamaraang ginamit sa pagtatayo ng Manhattan New York Temple ay isang halimbawa ng paraan ng pag-alis ng sarili mula sa impluwensya ng mundo:

“Napakaraming tao sa mundo ang gumaya sa sinaunang Babilonia sa pamumuhay sa sarili nilang paraan, at pagsunod sa isang diyos na ‘ang larawan ay kahalintulad ng daigdig’ [D at T 1:16].

“Isa sa pinakamalalaking hamon sa atin ay ang mabuhay sa mundong iyon pero kahit paano ay hindi maging makamundo. Kailangan nating lumikha ng Sion sa gitna ng Babilonia. …

“Dahil bahagi ako sa pagtatayo ng Manhattan temple, nagkaroon ako ng pagkakataong makapasok nang madalas sa templo bago ito inilaan. Masarap umupo sa silid selestiyal, at lubos na tahimik doon, wala ni kaunting ingay na maririnig mula sa labas sa abalang mga lansangan ng New York. Paanong nangyari na napakatahimik sa loob ng templo, samantalang ilang yarda lang ang layo ng ingay at kaguluhan ng lungsod?

“Ang sagot ay nasa pagkakatayo ng templo. Itinayo ang templo sa loob ng mga dingding ng isang gusali, at ang mga dingding sa loob ng templo ay konektado sa mga dingding sa labas sa iilang hugpungan lamang. Sa gayong paraan nilimitahan ng templo (Sion) ang mga epekto ng Babilonia, o ng mundo.

“May matututuhan tayong aral mula rito. Malilikha natin ang tunay na Sion sa ating paligid sa pamamagitan ng paglimita sa tindi ng impluwensya ng Babilonia sa ating buhay. …

“Saanman tayo naroon, saanmang lungsod tayo nakatira, maitatayo natin ang sarili nating Sion, sa pamamagitan ng mga alituntunin ng kahariang selestiyal, at hangaring maging dalisay ang puso. …

“Hindi tayo kailangang maging parang mga papet sa mga kamay ng kultura ng lugar at panahon. Maaari tayong magpakatapang, at tahakin ang landas ng Panginoon, at sundan ang Kanyang mga yapak” (“Sion sa Gitna ng Babilonia,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 90–93).