Lesson 123
3 Nephi 13
Pambungad
Ipinagpatuloy ng Tagapagligtas ang Kanyang sermon sa templo na nasa lupaing Masagana. Binalaan Niya ang mga tao laban sa pagkukunwari at itinuro sa kanila na gumawa ng mabubuting gawa na ikalulugod ng Ama sa Langit. Iniutos din Niya sa mga tao na magtipon ng mga kayamanan sa langit at iniutos sa Kanyang mga disipulo na hanapin muna ang kaharian ng Diyos bago ang kanilang mga temporal na bagay.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
3 Nephi 13:1–18
Binalaan ng Tagapagligtas ang mga Nephita laban sa pagkukunwari at itinuro sa kanila na gumawa ng mabuti na ikalulugod ng Ama sa Langit
Bago magklase, maghanda ng handout ng sumusunod na pagsusuri sa sarili o self-assessment, at gumawa ng kopya para sa bawat estudyante. Kung hindi ito magagawa, maaari mong idikta ang assessment o isulat ito sa pisara.
Upang masimulan ang lesson, sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang self-assessment (sa handout o sa notebook o scripture study journal) sa pagtukoy kung alin sa mga parirala ang pinakamainam na naglalarawan sa kanilang motibo o dahilan sa paglilimos, pagdarasal, at pag-aayuno. Tiyakin sa mga estudyante na hindi mo ipasasabi sa kanila ang kanilang mga sagot. Kapag natapos na ng mga estudyante ang self-assessment, ipaliwanag na ang mga posibleng sagot na nakalista sa ilalim ng paglilimos, pagdarasal, at pag-aayuno ay nagpapakita ng iba’t ibang motibo o dahilan na mayroon tayo sa paggawa ng mga ito o ng iba pang mga gawain na may kaugnayan sa ebanghelyo (halimbawa, ginagawa natin ito dahil sa tungkulin o obligasyon, para pahangain ang ibang mga tao, o bigyang-lugod ang Ama sa Langit).
-
Mahalaga ba ang motibo o dahilan kung bakit gumagawa tayo ng mabuti? Bakit oo o bakit hindi?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na paksa at mga kalakip na scripture reference (maaari mong gawin ito bago magklase):
Ipaliwanag na nakatala sa 3 Nephi 13 kung paano patuloy na tinagubilinan ni Jesucristo ang mga Nephita na nasa templo at itinuro sa kanila ang tungkol sa kahalagahan ng mga motibo ng isang tao sa paglilimos, pagdarasal, at pag-aayuno.
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa tatlong paksa na nakasulat sa pisara. Sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang kaugnay na scripture passage at hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito):
-
Anong babala ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa dapat nating maging motibo kapag ginawa natin ang mga ito?
-
Ayon sa Panginoon, paano natin dapat gawin ang gawaing ito?
Bago magsimula ang mga estudyante, makatutulong na ipaliwanag na ang mapagkunwari ay isang taong nagkukunwaring mabait o isang taong nagsasabing gagawin niya ang isang bagay pero iba naman ang ginagawa niya.
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga sagot na nahanap nila sa dalawang tanong. (Mula sa kanilang pagsasaliksik, dapat matuklasan ng mga estudyante na ang Panginoon ay nagbabala laban sa paggawa ng mabubuting gawa para makita ng mga tao at itinuro na dapat tayong gumawa ng mabubuting gawa para bigyang-lugod ang ating Ama sa Langit.) Upang matulungan ang mga estudyante na lalong mapag-isipan at maipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas, itanong ang mga sumusunod:
-
Paano nakakaapekto ang ating mga motibo sa paggawa ng mabubuting gawa sa paraan ng paggawa natin nito?
-
Ano ang ilang mabubuting motibo na naghihikayat sa isang tao na maglimos, manalangin, o mag-ayuno nang lihim?
Isulat sa pisara ang sumusunod: Kung gagawa tayo ng mabubuting gawa upang bigyang-lugod ang Ama sa Langit …
-
Ayon sa 3 Nephi 13:4, 6, 18, anong mga pagpapala ang darating sa mga taong gumagawa ng mabubuting gawa para bigyang-lugod ang Ama sa Langit? (Sa pagsagot ng mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara: Kung gagawa tayo ng mabubuting gawa upang bigyang-lugod ang Ama sa Langit, tayo ay Kanyang gagantimpalaan nang hayagan.)
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin sandali ang kanilang self-assessment at suriin ang kanilang mga motibo sa paglilimos, pagdarasal, at pag-aayuno. Hikayatin sila na pag-isipan kung paano nila maipamumuhay ang mga turo ng Tagapagligtas para mas mapagbuti ang kanilang mga motibo o layunin sa paggawa ng mga ito o ng iba pang gawin, tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagbabayad ng ikapu, at pagtanggap ng sakramento.
3 Nephi 13:19–24
Itinuro ni Jesucristo sa mga tao na magtipon ng mga kayamanan sa langit
Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Mga kayamanan sa Lupa at Mga Kayamanan sa Langit. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa magkakapartner na talakayin ang sagot sa sumusunod na tanong:
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga kayamanan sa lupa at mga kayamanan sa langit?
Pagkatapos matalakay ng magkakapartner ang sagot sa tanong na ito, maaari mong sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot. Maaari kang magbigay ng isang halimbawa mula sa iyong buhay ng isang kayamanan sa lupa (maaari kang magdispley ng isang mahalagang bagay na pag-aari mo) at isang halimbawa ng kayamanan sa langit (maaari kang magdispley ng larawan ng iyong pamilya o magsabi ng kahalagahan ng iyong patotoo). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 13:19–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ng Tagapaglitas tungkol sa paghahanap ng mga kayaman sa lupa at mga kayamanan sa langit.
-
Ayon sa 3 Nephi 13:19–20, paano naiiba ang mga kayamanan sa lupa sa mga kayamanan sa langit?
-
Paano nakagagambala sa atin ang paghahanap ng mga kayamanan sa lupa sa paghahanap natin ng mga kayamanan sa langit? (Maaari mong linawin na hindi itinuro ng Tagapagligtas na ang pera o ari-arian ay masama; sa halip, binigyang-diin Niya ang kahalagahan ng paglalagay ng ating puso sa mga kayamanan sa langit na walang hanggan.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “kung … ang inyong mata ay tapat” sa 3 Nephi 13:22? Paano ninyo maipapakita ang inyong katapatan sa pagtitipon ng mga kayamanan sa langit?
Sabihin sa isang estudyante na isulat ang salitang Diyos sa isang papel at ilagay ito sa isang bahagi ng silid-aralan. Sabihin sa isa pang estudyante na isulat ang salitang Kamunduhan sa isang papel at ilagay ito sa kabilang bahagi ng silid-aralan. Sabihin sa pangatlong estudyante na tumayo sa harap ng klase at humarap sa papel na may nakasulat na Diyos. Pagkatapos ay paharapin ang estudyante sa papel na may nakasulat na Kamunduhan. Sabihin sa estudyante na subukang humarap sa dalawang papel nang sabay. Sabihin sa klase na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 13:24 at isipin kung paano nauugnay ang talatang ito sa pagpipilit ng estudyante na humarap nang sabay sa dalawang papel. Ipaliwanag na ang salitang mammon ay sumasagisag sa kamunduhan o kayamanan.
-
Paano nahahalintulad ang pagsisikap na paglingkuran ang Diyos at mammon sa pagpipilit na humarap nang sabay sa magkabilang dingding?
-
Ano ang ilang halimbawa ng paglilingkod sa Diyos at sa mammon nang sabay?
Patayuin ang klase at paharapin sa papel na may nakasulat na Diyos.
-
Bakit mahalaga para sa inyo na ang Diyos ang inyong panginoon?
-
Batay sa mga salita ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 13:24, paano ninyo masasabi kung ang Diyos ang inyong panginoon? (Bagama’t makapagbibigay ng maraming tamang sagot ang mga estudyante, tiyakin na natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Upang ang Diyos ang maging panginoon natin, dapat natin Siyang mahalin at paglingkuran nang higit sa mga bagay ng daigdig.)
Habang nakatayo ang mga estudyante, basahin ang mga halimbawa sa ibaba at sabihin sa kanila na humarap sa bahagi ng silid na sumasagisag sa panginoon na sa palagay nila ay pinaglilingkuran ng tao—Diyos o Kamunduhan (mammon). Sabihin sa klase na ipaliwanag kung bakit doon sila humarap. (Maaari mong iakma ang mga halimbawang ito para matugunan ang mga pangangailangan at interes ng mga estudyanteng tinuturuan mo.)
-
Hindi tinanggap ng isang binata ang isang trabaho na may pasok tuwing Linggo at sa halip ay pinili ang isang trabahong may mababang sweldo na walang pasok tuwing Linggo at makadadalo siya sa mga pulong sa Simbahan.
-
Isang dalagita ang madalas na nagpipilit sa kanyang mga magulang na ibili siya ng bagong damit. Ang damit na gusto niya ay hindi kayang bilhin ng kanyang pamilya.
-
Isang binata ang regular na nagbabayad ng kanyang ikapu mula sa sweldo niya sa trabaho. Pero ginagamit niya ang natitira niyang sweldo sa pagbili ng mga bagay na paglilibangan niya, pati ng ilang hindi angkop na pelikula at kanta, at walang naipon para sa kanyang misyon o pag-aaral.
-
Isang dalaga ang madalas gamitin ang kaunting halaga mula sa kanyang sweldo sa pagbili ng mga munting regalo para maipakita ang kanyang pagmamahal sa iba.
Pagkatapos ng aktibidad, paupuin ang mga estudyante, at itanong sa kanila ang mga sumusunod:
-
Batay sa inyong karanasan, bakit maaaring mahirap na palaging mahalin at paglingkuran ang Diyos kaysa sa mga bagay ng mundo? Bakit sulit na pagsikapan ang unahin ang Diyos?
3 Nephi 13:25–34
Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang labindalawang disipulo na hanapin muna ang kaharian ng Diyos bago ang mga temporal na bagay
Ibuod ang 3 Nephi 13:25–31 sa pagsasabi sa mga estudyante na iniutos ni Jesucristo sa Kanyang labindalawang disipulo na huwag silang mag-alala kung ano ang kanilang kakanin o isusuot. Ipaliwanag na bagama’t ang mga turong ito ay tuwirang ibinigay sa labindalawang disipulo, ang mga kalakip na alituntunin ay maiaangkop sa lahat ng tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 13:32–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung paano binigyang-kapanatagan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo hinggil sa kanilang mga temporal na pangangailangan.
-
Paano nakatutulong sa atin na nauunawaan natin na alam ng Diyos ang ating mga pangangailangan?
-
Ayon sa 3 Nephi 13:33, ano ang ipinangako ni Jesucristo sa mga taong inuuna ang Diyos at ang Kanyang kaharian sa kanilang buhay? (Bagama’t maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, tiyakin na natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung hahanapin muna natin ang kaharian ng Diyos, tutulungan Niya tayo sa ating mga pangangailangan. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang madarama ninyo kapag inuna ng isang malapit na kaibigan o mga kapamilya ang inyong interes at pangangailangan kaysa sa sarili niyang mga interes at pangangailangan? Ano ang ipinahihiwatig natin sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas kapag inuuna natin sila kaysa sa ating mga temporal na pangangailangan at interes?
Sabihin sa mga estudyante na magsulat sa notebook o scripture study journal ng isang mithiin hinggil sa isang bagay na maaari nilang gawin para mas unahin nila nang lubos ang Diyos sa kanilang buhay. Maaari mong tapusin ang lesson na nagpapatotoo sa mga pagpapalang dumating sa iyong buhay dahil sa iyong pagsisikap na unahin ang Diyos at ang Kanyang kaharian sa iyong buhay.