Library
Lesson 137: Mormon 1–2


Lesson 137

Mormon 1–2

Pambungad

Bagama’t lumaki si Mormon sa panahon ng labis na kasamaan, pinili niyang maging matapat. Dahil sa kanyang katapatan, tinawag siya kalaunan na maging tagapag-ingat ng mga sagradong talaan ng mga Nephita. Sa edad na 15, siya ay “dinalaw ng Panginoon” (Mormon 1:15). Nais niyang tulungan ang mga Nephita na magsisi, ngunit dahil hayagan silang naghimagsik, pinagbawalan siya ng Panginoon na mangaral sa kanila. Sa batang edad na ito, siya ay hinirang na maging pinuno ng hukbo ng mga Nephita. Dahil nawala na sa mga Nephita ang kaloob na Espiritu Santo at iba pang mga kaloob ng Diyos, sila ay naiwang mag-isa sa sarili nilang lakas sa kanilang pakikipaglaban sa mga Lamanita.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mormon 1:1–5

Nalaman ni Mormon na ipagkakatiwala sa kanya balang-araw ang mga sagradong talaan ng mga Nephita

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong bago magklase para mapag-isipan na ito ng mga estudyante kapag dumating na sila: Ano ang nadarama ninyo kapag tinatawag kayong Mormon ng mga tao?

Sa simula ng klase, ipasagot sa mga estudyante ang tanong na nasa pisara. Pagkatapos nilang sagutin ang tanong, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Kahit na kung minsan ay ikinalulungkot ko na hindi tinatawag ng mga tao ang simbahang ito sa tamang pangalan nito, natutuwa na rin ako na ang palayaw na ginamit nila ay galing sa isang marangal na tao at sa aklat na nagbigay ng hindi mapapantayang patotoo hinggil sa Manunubos ng daigdig.

“Sinumang makakilala kay Mormon, sa pamamagitan ng pagbabasa at pagninilay ng kanyang mga salita, sinumang makabasa ng napakahalagang koleksyong ito ng kasaysayan na tinipon at iningatan dahil na rin sa malaking tulong na ibinigay niya, ay malalaman na ang salitang Mormon ay hindi salitang sumisira ng pangalan, kundi sumasagisag sa napakalaking kabutihan—kabutihang mula sa Diyos” (“Mormon Should Mean ‘More Good,’” Ensign, Nob. 1990, 52–53).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Mormon 1–2, ipaliwanag na pagkalipas ng 320 taon pagkatapos ng pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita, halos lahat sa lupain ay namumuhay sa kasamaan. Sa panahong ito, isang propetang nagngangalang Amaron na naglilingkod bilang tagapag-ingat ng talaan ang “napilit ng Espiritu Santo [na itago] ang mga talaan na mga banal” (tingnan sa 4 Nephi 1:47–49). Sa panahon ding ito, binisita ni Amaron ang noo’y 10-taong-gulang na batang lalaki na nagngangalang Mormon at tinagubilinan ito tungkol sa kanyang magiging responsibilidad sa mga talaan.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mormon 1:2 at ipahanap ang mga salita at parirala na ginamit ni Amaron para ilarawan si Mormon. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nahanap nila. Isulat ang pangalang Mormon sa pisara, at isulat ang mga sagot nila sa ilalim nito. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang mahinahon ay mapitagan, seryoso, at nag-iisip.

  • Ano sa palagay ninyo ang mga bagay na dapat mahinahon tayo? (Kabilang sa mga sagot ang pangangasiwa at pagtanggap ng sakramento, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, kalinisang-puri, pagsasalita at pagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas.) Bakit dapat maging mahinahon tayo sa mga bagay na ito?

Ipaliwanag na maaaring maging mahinahon ang isang tao at magkaroon din ng kasiyahan at katuwaan. Gayunman, nauunawaan ng isang taong mahinahon kung kailan dapat magkasiyahan at kung kailan dapat maging seryoso.

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “mabilis magmasid”?

Bilang bahagi ng talakayang ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

“Kapag mabilis tayong magmasid, agad tayong tumitingin o nakakapansin at sumusunod. Ang dalawang pangunahing bagay na ito—pagtingin at pagsunod—ay mahalaga sa pagiging mabilis magmasid. At kahanga-hangang halimbawa ng paggamit ng kaloob na ito ang propetang si Mormon. …

“… Ang espirituwal na kaloob na mabilis magmasid ay napakahalaga para sa atin sa mundong tinitirhan natin ngayon at sa hinaharap” (“Quick to Observe,” Ensign, Dis. 2006, 34).

  • Paano makatutulong sa atin ang kakayahang mabilis na makakita at sumunod sa mga payo ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang isang bagay na dapat nilang seryosohin o pagbutihin—isang bagay na dapat nilang gawin nang mas mahinahon. Sabihin din sa kanila na maglista ng mga kautusan mula sa Panginoon na mas masusunod nila kaagad. Hikayatin sila na pagsikapang mas maging mahinahon at mabilis magmasid.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 1:3–5, at sabihin sa klase na alamin ang mga tagubilin ni Amaron kay Mormon.

  • Ano ang ipinapagawa ni Amaron kay Mormon?

  • Bakit sa inyong palagay kailangang maging mahinahon at mabilis magmasid si Mormon upang magawa ang mga responsibilidad na ito?

Mormon 1:6–19

Dahil sa hayagang paghihimagsik ng mga tao, pinagbawalan ng Panginoon si Mormon na mangaral sa kanila

Itanong sa mga estudyante kung nawalan na sila ng isang mahalagang bagay o may kinuhang mahalagang bagay sa kanila. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga karanasang ito.

Ibuod ang Mormon 1:6–12 na ipinapaliwanag na sa kabataan ni Mormon, nasaksihan na niya ang maraming digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Nasaksihan din niya ang paglaganap ng kasamaan sa lahat ng tao sa lupain.

Ipaliwanag na dahil lalo pang tumindi ang kasamaan ng mga Nephita, nawalan sila ng maraming mahahalagang kaloob mula sa Panginoon. Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Sabihin sa unang grupo na basahin nang tahimik ang Mormon 1:13–14, 18 at alamin kung ano ang mga kaloob na kinuha ng Panginoon mula sa mga Nephita. Sabihin sa pangalawang grupo na basahin ang Mormon 1:14, 16–17, 19 at alamin ang mga dahilan kung bakit kinuha ng Panginoon ang mga kaloob na ito sa mga Nephita. Sabihin sa mga estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi sa klase ang nalaman nila.

  • Ayon sa Mormon 1:13–14, ano ang nangyayari kapag naghihimagsik at tumatalikod ang mga tao sa Panginoon? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Maaari mong ibuod ang kanilang mga sagot sa pagsulat ng sumusunod na katotohanan sa pisara: Kapag ang mga tao ay masasama at walang pananampalataya, nawawala sa kanila ang mga espirituwal na kaloob na natanggap nila sa Panginoon at hindi sila nakatatanggap ng patnubay ng Espiritu Santo.)

Bigyang-diin na napakatindi ng paghihimagsik ng mga Nephita. Gayunman, ang alituntuning ito ay naaangkop sa bawat isa sa atin kapag sinusuway natin ang mga kautusan ng Diyos.

  • Alin sa mga kaloob na nakatala sa Mormon 1:13–14, 18 na kapag nawala sa inyo ay labis kayong mahihirapan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 1:15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang naranasan ni Mormon samantalang maraming Nephita ang nawalan ng mga kaloob ng Diyos at ng patnubay ng Espiritu Santo.

  • Sa inyong palagay, bakit nagkaroon ng mga espirituwal na karanasan si Mormon kahit napapaligiran siya ng matinding kasamaan?

Mormon 2:1–15

Pinamunuan ni Mormon ang mga hukbo ng mga Nephita at ikinalungkot ang kanilang kasamaan

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante na edad 15 (o malapit na sa edad 15) ang Mormon 2:1–2. Sabihin sa klase na alamin ang responsibilidad na ibinigay kay Mormon noong siya ay 15 taong gulang (sa kanyang “ikalabing-anim na taon”). Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam para sa isang 15-taong-gulang na bata ang mamuno sa hukbo.

  • Sa paanong paraan nakatulong kay Mormon ang mga katangiang nabanggit sa Mormon 2:1 bilang isang pinuno ng hukbo?

Ibuod ang Mormon 2:3–9 sa pagsasabi sa mga estudyante na sinalakay ng mga Lamanita nang may malaking pwersa ang mga hukbo ng mga Nephita kaya natakot at umatras ang mga Nephita. Naitaboy sila ng mga Lamanita mula sa iba’t ibang lugar hanggang sa matipon sa iisang lugar ang mga Nephita. Sa huli, nagapi ng hukbo ni Mormon ang mga Lamanita na nagsitakas palayo.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 2:10–15 at alamin ang espirituwal na kalagayan ng mga Nephita matapos ang mga labanang ito.

  • Bakit nalungkot ang mga Nephita? (Tingnan sa Mormon 2:10–13. Nalungkot sila dahil hindi nila napapanatili ang kanilang mga ari-arian. Sa madaling salita, nalungkot lang sila dahil sa mga bunga ng kanilang mga kasalanan, hindi dahil pinagsisihan nila ang kanilang mga ginawa.)

  • Ayon sa Mormon 2:13–14, paano nalaman ni Mormon na ang kalungkutan ng mga tao ay hindi nagpapakita ng tunay na pagsisisi?

Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang pagkakaiba ng “kalungkutan … tungo sa pagsisisi” at “kalungkutan ng mga isinumpa,” isulat sa pisara ang sumusunod:

Ang mga taong nalulungkot tungo sa pagsisisi …

Ang mga taong nalulungkot lamang dahil sa mga ibinunga ng kanilang kasalanan …

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Mormon 2:12–15 at hanapin ang mga katangian ng dalawang pangkat na ito ng mga tao. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Dapat makita sa mga sagot nila ang mga sumusunod na katotohanan:

Ang mga nalulungkot tungo sa pagsisisi ay natatanto ang kabutihan ng Diyos at lumalapit kay Cristo nang may mapagpakumbabang puso.

Ang mga taong nalulungkot lamang dahil sa mga ibinunga ng kanilang kasalanan ay patuloy na naghihimagsik laban sa Diyos.

Ipaliwanag na ginamit ni Mormon ang pariralang “kalungkutan ng mga isinumpa” (Mormon 2:13) upang ilarawan ang kalungkutan ng mga taong nagdusa dahil sa mga ibinunga ng kanilang mga ginawa ngunit ayaw pa ring magsisi. Ang pag-uugaling ito ay hindi humahantong sa kapatawaran at kapayapaan. Humahantong ito sa kapahamakan, ibig sabihin tumitigil ang isang tao sa kanyang pag-unlad patungo sa buhay na walang hanggan.

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung ano ang gagawin nila kapag napag-isip-isip nila na nagkasala sila. Hikayatin sila na lumapit sa Tagapagligtas nang may mapagkumbabang puso upang sila ay mapatawad, makadama ng kapayapaan, at makipagkasundo sa Diyos.

Mormon 2:16–29

Kinuha ni Mormon ang mga lamina at itinala ang kasamaan ng kanyang mga tao

Ibuod ang Mormon 2:16–18 na ipinapaliwanag na habang patuloy ang digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita, nakarating si Mormon sa isang burol na tinatawag na Shim, kung saan itinago ni Amaron ang mga talaan ng mga Nephita. Kinuha niya ang mga lamina ni Nephi at sinimulang itala ang mga nasaksihan niya sa mga tao simula noong bata pa siya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 2:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang paglalarawan ni Mormon sa espirituwal na kalagayan ng mga tao sa kanyang panahon. Ipahanap din sa kanila ang inaasam niya.

  • Paano inilarawan ni Mormon ang mga espirituwal na kalagayan sa kanyang panahon? (“Isang patuloy na tagpo ng kasamaan at mga karumal-dumal na gawain.”)

  • Mula sa natutuhan ninyo tungkol kay Mormon, bakit kaya tiwala siya na siya ay “dadakilain sa huling araw”? (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na nang sabihin ni Mormon ang tungkol sa “dadakilain sa huling araw,” ang tinutukoy niya ang pagkabuhay na mag-uli at pagparoon sa piling ng Diyos upang manatiling kasama Niya magpakailanman.)

  • Paano nakatulong sa inyo ang halimbawa ng kabutihan ni Mormon? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Dapat maipahayag sa mga sagot nila ang sumusunod na alituntunin: Mapipili nating mamuhay nang mabuti kahit sa lipunang puno ng kasamaan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Kailan ninyo nakita ang inyong mga kaibigan o kapamilya na matatag sa pagsunod sa kalooban o kagustuhan ng Diyos kahit ang mga nasa paligid nila ay sumusuway sa Diyos?

Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang isang aspeto ng kanilang buhay na mas patatatagin nila para sa paggawa ng tama. Ipasulat sa notebook o scripture study journal ang sasabihin at gagawin nila kapag sinubukan sila sa aspetong iyon. Magpatotoo na, tulad ni Mormon, mapipili nating mamuhay nang mabuti at tutulungan tayo ng Panginoon na maging matatag sa anumang bagay na tama, kahit masama ang pinipili ng mga tao sa paligid natin.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mormon 1:1. “Ako, si Mormon”

Ang sumusunod na tala ay nagtatampok sa buhay at paglilingkod ni Mormon:

  1. Ang pangalan ng kanyang ama ay Mormon (tingnan sa Mormon 1:5).

  2. Siya ay ipinangalan sa lupain ng Mormon, kung saan itinatag ni Alma ang Simbahan (tingnan sa 3 Nephi 5:12).

  3. Ang ipinangalan niya sa kanyang anak ay Moroni (tingnan sa Mormon 6:6).

  4. Siya ay tunay na inapo Lehi (tingnan sa 3 Nephi 5:20).

  5. Siya ay dinalaw ng Tagapagligtas (tingnan sa Mormon 1:15).

  6. Siya ay disipulo ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 5:13).

  7. Siya ang pinuno ng mga hukbo ng mga Nephita (tingnan sa Mormon 2:1).

  8. Nagsulat siya alinsunod sa kalooban ng Diyos (tingnan sa 3 Nephi 5:14).

  9. Nasaksihan niya ang pagbagsak ng mga Nephita (tingnan sa Mormon 2:18–19; 3:16; 6:8–22).

Mormon 2:13–15. Kalungkutan tungo sa pagsisisi

Nagdalamhati si Mormon para sa kanyang mga tao dahil nakita niya na “ang kanilang kalungkutan ay hindi tungo sa pagsisisi” at nalalaman niya na “hindi sila laging pahihintulutan ng Panginoon na lumigaya sa kasalanan” (Mormon 2:13). Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Kung walang pagsisisi ay wala ring kapatawaran, at kung walang kapatawaran lahat ng pagpapala ng kawalang-hanggan ay nanganganib na mawala” (The Miracle of Forgiveness [1969], 117).

Itinuro ni Elder Bruce D. Porter ng Pitumpu ang kahalagahan ng pagkalungkot tungo sa pagsisisi:

“Ang ibig sabihin ng bagbag na puso at nagsisising espiritu ay dumanas ng ‘kalumbayang mula sa Diyos [na] gumagawa ng pagsisisi’ (II Mga Taga Corinto 7:10). Dumarating ito kapag napakasidhi ng pagnanais nating malinis mula sa kasalanan kaya ang puso natin ay nagdadalamhati at nais nating makadama ng kapayapaan sa piling ng ating Ama sa Langit. Yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu ay handang gawin ang anuman at lahat ng ipinagagawa ng Diyos sa kanila nang walang pagtutol o hinanakit. Tumitigil tayo sa paggawa ng mga bagay ayon sa ating pamamaraan at sa halip ay natututo tayong gawin ang mga iyon ayon sa pamamaraan ng Diyos. Sa gayong kundisyon ng pagsuko, magkakaroon ng bisa ang Pagbabayad-sala at magaganap ang tunay na pagsisisi. Sa gayon ay daranas ang nagsisisi ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, na magpupuspos sa kanila ng kapayapaan ng konsiyensya at galak sa muling pakikipagkasundo sa Diyos” (“Isang Bagbag na Puso at Nagsisising Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 32).