Pambungad sa Ikaapat na Nephi: Ang Aklat ni Nephi
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng 4 Nephi, matututuhan nila ang tungkol sa mga pagpapalang dumarating sa mga taong nagkakaisa sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pagkatapos ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mga inapo ni Lehi, lahat ng tao sa buong lupain ay nagbalik-loob. Nang sundin nila ang mga kautusan, nagkaroon sila ng kapayapaan, kaunlaran, at kamangha-manghang mga espirituwal na pagpapala. Ipinahayag ni Mormon, “Tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:16). Matututuhan din ng mga estudyante ang mahahalagang aral mula sa unti-unting pagsama ng mga tao.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Tinipon at pinaikli ni Mormon ang mga talaan ng apat na manunulat para mabuo ang aklat ng 4 Nephi. Ang una sa mga ito ay si Nephi, at sa kanya ipinangalan ang aklat. Si Nephi ay anak ni Nephi na isa sa labindalawang disipulong pinili ng Panginoon noong Kanyang ministeryo sa mga inapo ni Lehi (tingnan sa 3 Nephi 11:18–22; 12:1). Ang tatlong iba pang manunulat ay si Amos na anak ni Nephi at sina Amos at Amaron na mga anak ni Amos (tingnan sa 4 Nephi 1:19, 21, 47).
Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?
Hindi sinabi ni Mormon kung para kanino ang aklat ng 4 Nephi, at hindi niya binanggit kung bakit niya isinulat ito. Gayunman, ang aklat na ito ay tumutulong sa mga pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon—ang magpatotoo na si Jesus ang Cristo at ipabatid ang mga tipan ng Panginoon (tingnan sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon). Tumutulong ito sa pamamagitan ng paglalarawan ng mga pagpapalang matatanggap kapag nagsisi ang mga tao, lumapit kay Jesucristo, at nakipagtipan sa Kanya. Nakasaad din dito ang masamang mangyayari kapag hindi tinanggap ng mga tao ang Tagapagligtas at Kanyang ebanghelyo at tinalikuran ang kanilang mga tipan.
Kailan at saan ito isinulat?
Ang mga orihinal na talaan na ginamit bilang mapagkukunang materyal para sa 4 Nephi ay malamang na isinulat sa pagitan ng A.D. 34 at A.D. 321. Pinaikli ni Mormon ang mga talaang iyon sa pagitan ng A.D. 345 at A.D. 385. Hindi binanggit ni Mormon kung nasaan siya nang tipunin niya ang aklat na ito.
Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?
Sa 49 na talata lamang, isinalaysay ng aklat ng 4 Nephi ang nangyari sa loob ng 300 taon—halos one-third ng buong kasaysayan ng mga Nephita na nakatala sa Aklat ni Mormon. Ang kaiklian ng 4 Nephi ay nakaragdag sa lakas nito. Ang pagiging maikli at malinaw nito ay nagtampok sa pagkakaiba ng kabutihan ng mga tao pagkatapos ng ministeryo ng Tagapagligtas sa kanila at ng kanilang kasamaan makalipas ang apat na henerasyon. Ang unang 18 talata ng aklat ay naglalarawan ng mga pagpapalang natamasa ng isang bansa na nakatatag sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga sumunod na talata rito ay nagpapatunay sa kasamaang dulot ng kapalaluan, ipinakita kung paano unti-unting nanghihina ang bansang ito hanggang sa ito ay halos tuluyang masadlak sa kasalanan.
Outline
4 Nephi 1:1–18 Pagkatapos ng ministeryo ni Jesucristo, lahat ng tao sa buong lupain ay nagbalik-loob at nabinyagan. Wala nang pagkakahati-hati sa kanila at hindi na nila tinawag ang kanilang sarili bilang mga Nephita at mga Lamanita. “Nagkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay” sa kanila (4 Nephi 1:3), sila ay nakaranas ng maraming himala, at sila ay umunlad at namuhay sa pagkakaisa at kaligayahan sa loob ng 110 taon.
4 Nephi 1:19–34 Namatay si Nephi, at ang kanyang anak na si Amos ang nag-ingat ng mga talaan. Pagkatapos ay ipinasa ni Amos kalaunan ang mga talaan sa kanyang anak na si Amos. Tinulutan ng maraming tao si Satanas na “[ma]kasilo sa kanilang mga puso” (4 Nephi 1:28). Nagkaroon ng pagkakahati-hati, kapalaluan, at huwad na Simbahan sa mga tao. Nagsimulang usigin ng masasama ang mga miyembro ng totoong Simbahan at ang “mga disipulo ni Jesus na naiwan sa kanila” (4 Nephi 1:30).
4 Nephi 1:35–49 Muling nagkaroon ng pagkakahati-hati sa kanila at tinawag ang kanilang sarili bilang mga Nephita at mga Lamanita. Hayagang naghimagsik ang mga Lamanita laban sa ebanghelyo at bumuo ng mga lihim na pagsasabwatan ni Gadianton. Kalaunan, ang mga Nephita rin ay naging masasama. Namatay si Amos, at ang kapatid nito na si Amaron ang nag-ingat ng mga talaan, at pagkatapos ay hinikayat siya ng Espiritu Santo na itago ang mga ito.