Lesson 74
Alma 8
Pambungad
Matapos tanggapin ng maraming tao ang mensahe ni Alma sa Zarahemla, Gedeon, at Melek, hindi tinanggap ng mga tao sa Ammonihas ang kanyang mensahe at itinaboy siya sa kanilang lunsod. Habang nalulungkot nang labis si Alma dahil sa kasamaan ng mga taong ito, ang anghel na nagpakita noon sa kanya at sa mga anak na lalaki ni Mosias ay nagpakitang muli sa kanya. Pinuri ng anghel si Alma dahil sa kanyang katapatan at iniutos sa kanya na bumalik sa Ammonihas. Matapat na sinunod ni Alma ang mga kautusan ng Panginoon, at tinawag ng Panginoon si Amulek para tulungan siya sa paglilingkod. Buong katapatang sinimulang turuan nina Alma at Amulek ang mga tao sa Ammonihas, na puspos ng Espiritu Santo at kapangyarihang gawin ang gawain ng Panginoon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 8:1–6
Maraming tao sa Melek ang tumanggap ng mensahe ni Alma at nabinyagan
Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang mga kamay kung may kamag-anak o kaibigan sila na nagmisyon para sa Simbahan. Sabihin sa dalawa o tatlong estudyante na magbahagi ng karanasan na ikinuwento sa kanila ng kanilang kamag-anak o kaibigan tungkol sa nararamdaman ng mga missionary kapag tinatanggap ang kanilang mensahe. (Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magkuwento ng mga pagkakataon na pinakinggan sila ng isang tao nang magbahagi sila ng ebanghelyo. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 8:1–5. Ipatukoy sa kanila ang tatlong lunsod kung saan ipinangaral ni Alma ang ebanghelyo. Isulat sa pisara ang mga pangalan ng tatlong lunsod na ito. (Zarahemla, Gedeon, at Melek.)
-
Ano ang mga resulta ng pangangaral ni Alma sa tatlong lunsod na ito? (Maaari mong imungkahi na tingnan ng mga estudyante ang mga chapter summary para sa Alma 6–8 para matulungan silang masagot ang tanong na ito.)
Ipaliwanag na kahit tinanggap ng mga tao sa mga lunsod na ito ang mensahe ni Alma, puno pa rin ng pagsubok ang kanyang paglilingkod bilang misyonero.
Alma 8:7–32
Matapos na hindi tanggapin si Alma sa Ammonihas, iniutos ng Panginoon na bumalik siya roon
Itanong sa mga estudyante kung mayroon ba sa mga kamag-anak o kaibigan nila na naglingkod ng full-time mission ang nakakita o nakakilala ng mga taong hindi tumatanggap ng ebanghelyo. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano tinugon ng kanilang mga kamag-anak o kaibigan ang gayong mga karanasan.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 8:7–14. Hikayatin ang klase na isipin kung ano ang maaaring nadama ni Alma nang pagsikapan niyang maituro ang ebanghelyo sa mga tao ng Ammonihas. Sa pagbabasa ng mga estudyante ng mga talatang ito, sabihin sa kanila na huminto paminsan-minsan para masagot ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
-
Ano ang sinasabi sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pagkatao ni Alma? (Tingnan sa Alma 8:8–10.)
-
Ano kaya ang magiging reaksyon ninyo sa pagtrato kay Alma? (Tingnan sa Alma 8:11–13.)
-
Ano ang pagkakatulad o kaibahan ng reaksyon ni Alma sa maaaring maging reaksyon ninyo sa parehong sitwasyon? (Tingnan sa Alma 8:14. Maaari mong ipaliwanag na ang desisyon ni Alma na ipagpatuloy ang gawain ng Panginoon sa lunsod ng Aaron ay nagpapakita na may pananampalataya siya sa Panginoon at hindi siya sumusuko.)
Ipaliwanag na kahit taos-puso ang panalangin ni Alma para sa mga tao ng Ammonihas (tingnan sa Alma 8:10), hindi kaagad naipagkaloob ang kanyang mga hiniling. (Nagsisi rin kalaunan ang ilan sa mga tao sa Ammonihas. Tingnan sa Alma 14:1.)
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Alam ko na paminsan-minsan, parang hindi sinasagot ang ilan sa pinakataimtim nating mga dalangin. Nagtataka tayo, ‘Bakit?’ Naramdaman ko iyan! Naramdaman ko ang takot at lungkot sa gayong mga sandali. Pero alam ko rin na hinding-hindi binabalewala ang ating mga dalangin. Laging pinahahalagahan ang ating pananampalataya. Alam ko na ang pag-unawa ng isang napakarunong na Ama sa Langit ay mas malawak kaysa atin. Alam man natin ang ating mga problema at sakit sa buhay, alam naman Niya ang imortal nating pag-unlad at potensyal” (“Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 86).
-
Ano ang itinuro ni Elder Nelson na makatutulong sa atin na manampalataya kahit ang ating mabubuting panalangin ay hindi sinasagot kaagad o sa paraang inaasam o inaasahan natin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 8:14–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga nakapapanatag na mensaheng sinabi ng anghel at ang mga utos na maaaring mahirap para kay Alma na sundin.
-
Paano nakapanatag kay Alma ang mga salita ng anghel sa Alma 8:15? Paano makakapanatag sa iyo ang mga salita ng anghel?
-
Bakit maaaring mahirap para kay Alma na maging masunurin sa sitwasyong ito?
Ipabasa sa mga estudyante ang Alma 8:18 at ipahanap ang salita na naglalarawan kung paano tumugon si Alma sa utos ng Panginoon na bumalik siya sa lunsod ng Ammonihas. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang salitang mabilis.)
-
Ano ang nalaman natin tungkol kay Alma sa mabilis niyang pagbalik sa Ammonihas?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano makatutulong sa atin ang mabilis na pagsunod sa Panginoon:
“Gaano man kalaki ang pananampalataya natin ngayon sa pagsunod sa Diyos, kailangan pa rin nating patuloy na palakasin ito at sariwain ito palagi. Magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pagpapasiya ngayon na mas mabilis na sumunod at mas determinadong magtiis. Ang pagkatutong magsimula nang maaga at magpatuloy ang mga susi sa espirituwal na paghahanda. …
“… Ibinigay sa atin ng mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang lahat ng tulong na maibibigay Nila para makapasa sa pagsubok na ito ng buhay. Ngunit kailangan tayong magpasiyang sumunod at gawin ito. Pinatatatag natin ang pananampalataya para makapasa sa mga pagsubok ng pagsunod sa paglipas ng panahon at sa mga pagpili natin sa araw-araw. Maaari tayong magpasiya ngayon na gawin kaagad ang anumang hilingin sa atin ng Diyos. At maaari tayong magpasiya na maging matatag sa maliliit na pagsubok ng pagsunod na nagpapatatag sa pananampalataya na tutulong sa atin sa gitna ng malalaking pagsubok, na tiyak na darating” (“Kahandaang Espirituwal: Simulan nang Maaga at Magpatuloy,” Liahona Nob. 2005, 38, 40).
-
Ayon kay Pangulong Eyring, ano ang nangyayari sa pananampalataya natin kapag ipinasya nating mabilis na sumunod sa Panginoon?
-
Kailan ninyo nadama na lumakas ang pananampalataya ninyo sa Panginoon dahil sa inyong mabilis at patuloy na pagsunod?
Para sa bawat isa sa mga sumusunod na sitwasyon, itanong sa mga estudyante kung paano sila mapagpapala ng mabilis na pagsunod:
-
Nang paalis na ang isang dalagita para pumasok sa paaralan, sinabihan siya ng kanyang ina na magsuot nang mas disenteng damit.
-
Nang interbyuhin ng kanyang bishop, nahikayat ang isang bagong priest na makamit ang Gantimpala para sa Tungkulin Sa Diyos.
-
Nadama ng dalawang missionary habang nagpaplano sila na bisitahin ang isang di-gaanong aktibong pamilya, na ang ina ay hindi miyembro ng Simbahan.
Ipaliwanag na pinagpala ng Panginoon si Alma dahil sa mabilis niyang pagsunod. Papuntahin ang tatlong estudyante sa harapan ng klase para isadula ang pag-uusap nina Alma at Amulek sa Alma 8:19–26. Ipabasa sa isang estudyante ang mga sinabi ni Alma, sa pangalawang estudyante ang mga sinabi ni Amulek, at sa pangatlong estudyante ang salaysay ng istorya. Hikayatin ang mga estudyante na madamdaming basahin ang kanilang bahagi na parang sila sina Alma at Amulek.
Pagkatapos ng pagsasadula, itanong:
-
Paano pinagpala ng Panginoon si Alma sa pagiging masunurin?
-
Paano naipakita sa pag-uusap nina Alma at Amulek na narinig at sinagot ng Panginoon ang mga panalangin ni Alma? (Tingnan sa Alma 8:10.)
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Alma? (Maaaring magmungkahi ang mga estudyante ng iba’t ibang alituntunin. Isang posibleng sagot ay kapag sinusunod natin kaagad ang sinasabi ng Panginoon, tutulungan Niya tayo na masunod natin ang Kanyang mga kautusan.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 8:27–32 at ipahanap ang karagdagang katibayan na kung tayo ay matapat at masigasig, tutulungan tayo ng Panginoon na masunod natin ang Kanyang mga kautusan.
-
Anong mga hamon ang hinarap nina Alma at Amulek nang simulan nilang turuan ang mga tao? (Tingnan sa Alma 8:28–29. Ang mga tao ay lalong naging masama, at iniutos ng Panginoon kina Alma at Amulek na sabihan sila na magsisi.)
-
Paano tinulungan ng Panginoon sina Alma at Amulek? (Tingnan sa Alma 8:30–31. Napuspos sila ng Espiritu Santo at pinagkalooban ng kapangyarihan mula sa langit upang proteksyunan sila. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang paglalarawan sa mga pagpapalang ito sa kanilang banal na kasulatan.)
-
Kailan ninyo nadama na tinulungan kayo ng Panginoon dahil sa inyong katapatan at sigasig?
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter sa kanilang notebook o scripture study journal:
“Talagang ikinalulugod ng Panginoon, higit sa anupamang bagay, ang matibay na determinasyong sundin ang kanyang payo” (“Commitment to God,” Ensign, Nob. 1982, 58).
Pagkatapos ay bigyan sila ng ilang minuto na maisulat ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:
-
Ano ang gagawin mo ngayon para ipakita sa Ama sa Langit na susundin mo kaagad ang Kanyang payo at paglilingkuran siya nang tapat at masigasig?
Patotohanan ang mga pagpapalang dumarating kapag tapat nating sinusunod ang payo ng Panginoon. Maaari mo ring bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang kanilang mga patotoo sa katotohanang ito.