Library
Lesson 32: 2 Nephi 12–15


Lesson 32

2 Nephi 12–15

Pambungad

Kinundena ni Isaias ang kasamaan ng mga tao noong panahon niya at ang kasamaan ng maraming tao sa mga huIing araw. Nagbabala siya sa mga tumatawag sa masama na mabuti at sa mabuti na masama. Binigyang-diin din niya ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw, pati na ang kahalagahan ng templo at ng pagiging malinis mula sa mga kasalanan ng mundo. Para sa karagdagang impormasyon tungkol kay Isaias, tingnan ang lesson 21 sa manwal na ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 12–15

Inihayag ni Isaias ang pagkakaiba ng mabubuting Israel sa masamang Israel

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng lesson ngayon, simulan ang klase sa pagpapaalala sa kanila na noong nakaraang lesson nalaman nila ang pagtawag kay Isaias na maging propeta. Ngayon pag-aaralan nila ang tungkol sa mga taong tinuruan niya.

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na noong ilarawan ni Isaias ang mga ginagawa ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon sa kanyang panahon, inilarawan din niya ang ilang tao sa ating panahon. Ipinaliwang ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang aklat ni Isaias ay naglalaman ng maraming propesiya na tila napakaraming katuparan. … Ang katotohanan na magkakaroon ng maraming kahulugan ang marami sa mga propesiyang ito ay malinaw na nagsasaad na mahalagang hingin natin ang paghahayag mula sa Espiritu Santo upang tulungan tayong maipaliwanag ang mga ito” (“Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 8).

Bago magklase, isulat ang sumusunod na chart sa pisara o ihanda ito bilang handout. Mag-iwan ng sapat na puwang para may masulatan ang mga estudyante sa bawat column.

2 Nephi 12:5–12, 17–19; 13:8–9

2 Nephi 13:16–26

Anong mga pag-uugali at gawain ang nagpapakita ng kasamaan ng mga taong ito?

Ano ang mangyayari sa mga taong ito dahil sa kanilang mga kasalanan?

Ipaliwanag na makakatulong sa klase ang chart na ito para mapag-aralang mabuti ang mga nangyari sa mga taong namuhay nang salungat sa kanilang mga tipan.

Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Sabihin sa unang grupo na pag-aralan ang 2 Nephi 12:5–12, 17-19; 13:8–9. Sabihin sa pangalawang grupo na pag-aralan ang 2 Nephi 13:16–26. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talata na ibinigay sa kanila at alamin ang mga sagot sa dalawang tanong na nasa kaliwang column ng chart. Kung nakasulat sa pisara ang chart, sabihin sa isang estudyante sa bawat grupo na isulat ang kanilang mga sagot sa angkop na column. Kung ipinamigay ang chart bilang handout, ipasulat sa mga estudyante ang kanilang mga sagot sa handout.

Ipaliwanag sa pangalawang grupo na nakita ni Isaias ang mga idinudulot ng mararangyang kasuotan at gawi ng kababaihan noong kanyang panahon at sa hinaharap. Inilarawan sa 2 Nephi 13:16–26 ang nakita niya. Bagama’t partikular na tinukoy ni Isaias “ang mga anak na babae ng Sion,” naaakma rin ang mga salita niya sa kalalakihan. (Maaari mong ipaliwanag na ang propesiya sa 2 Nephi 14:1 ay hindi tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa. Tungkol ito sa mga kalalakihang namatay sa digmaan na inilarawan sa 2 Nephi 13:25–26, at naiwang balo ang maraming kababaihan.)

Pagkatapos magkaroon ng sapat na oras na masagot ng mga estudyante ang mga tanong sa chart, itanong:

  • Ano ang mga kasalanang nagawa ng mga taong ito? (Maaaring kasama sa mga sagot ang kapalaluan, pagsamba sa diyus-diyusan, pagiging makamundo, at kayabangan.) Alin sa mga pariralang ito ang naglalahad na nagawa ng mga tao ang mga kasalanang ito? Ano ang mga ibinunga ng mga kasalanang ito?

  • Binanggit ni Isaias na ang lupain ay “puno … ng mga diyus-diyusan” (2 Nephi 12:8). Ano ang ilang uri ng pagsamba ngayon sa diyus-diyusan?

Bilang bahagi ng talakayang ito, basahin ang sumusunod na payo ni Pangulong Spencer W. Kimball:

“Ang mga makabagong diyus-diyusan o mga huwad na diyos ay maaaring sa uri ng kasuotan, tahanan, negosyo, makina, kotse, bangkang panlibangan, at marami pang ibang materyal na naglilihis sa landas tungo sa pagkadiyos. … Maraming kabinataan ang nagpapasiyang mag-aral sa kolehiyo samantalang dapat ay magmisyon muna sila. Ang diploma, at kayamanan at seguridad na kaakibat nito, ay tila kanais-nais kaya pumapangalawa na lang ang pagmimisyon. … Marami ang inuuna pa ang pangangaso, pangingisda, bakasyon, mga piknik at paglilibang sa araw ng Linggo. Ang iba naman ay dinidiyus ang mga palaro, baseball, football, bullfight, o golf. … Ang isa pang imaheng dinidiyus ng mga tao ay ang kapangyarihan at katanyagan” (The Miracle of Forgiveness [1969], 40–41).

  • Ipinropesiya ni Isaias ang mga taong ipakikita ang kanilang kapalaluan at pagiging makamundo sa kanilang pananamit. Paano natin maiiwasan ang gayong pag-uugali at kalakaran ng mundo?

Sa pisara, isulat ang mga salitang sa aba. Ipaliwanag na ang mga salitang sa aba ay tumutukoy sa pighati at pagdurusa. Kung minsan, ginagamit ng mga sinaunang propeta ang mga salitang ito para bigyang-diin ang mga ibinunga ng kasalanan. (Maaaring maalala ng mga estudyante na inulit-ulit ang mga salitang ito sa 2 Nephi 9:27–38.) Sabihin sa mga estudyante na makinig habang binabasa mo nang malakas ang 2 Nephi 15:18–23. (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan nila ang mga salitang sa aba at ang mga pariralang naglalarawan ng mga gawain at pag-uugali na nagdudulot ng lungkot at dusa. Maaari mo ring ipasulat sa kanila ang kahulugan ng sa aba sa margin sa tabi ng mga talatang ito.)

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng 2 Nephi 15:20?

  • Paano ninyo nakikita ang mga tao na tinatawag ang “masama na mabuti, at [ang] mabuti na masama” sa ating panahon?

Sabihin sa mga estudyante na babasahin na nila ngayon ang tungkol sa isang pangkat ng mga tao na tumupad ng kanilang mga tipan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 14:2–4. Sabihin sa klase na alamin kung paano inilarawan ni Isaias ang pangkat na ito ng mga tao.

  • Anong mga salita o parirala ang nagsasabi na ang pangkat na ito ng mga tao ay naiiba sa iba pang mga pangkat na napag-aralan natin? (Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 14:5–6, at ipahanap ang tatlong lugar na binanggit ni Isaias na magbibigay ng espirituwal na proteksyon. Tiyakin na natukoy at naunawaan ng mga estudyante ang mga salitang pook (tahanan o bahay), pagtitipon (mga lugar para sa kongregasyon, tulad ng mga branch, ward, o stake), at kulandong (templo). Ipaliwanag na ang “ulap at usok kung araw at ng liwanag ng isang nagniningas na apoy kung gabi” ay tumutukoy sa pangangalaga at gabay na natanggap ni Moises at ng kanyang mga tao mula sa Panginoon sa ilang (tingnan sa Exodo 13:21–22). Ang mga salitang ito ay nagpapaalala sa atin ng pangangalaga at gabay na matatanggap natin mula sa Panginoon. Bigyang-diin din na inihalintulad ni Isaias ang templo sa isang mapagsisilungan mula sa init at isang “takbuhan,” o kanlungan, mula sa bagyo at ulan.

  • Kailan ninyo nadama ang pagmamahal o patnubay ng Tagapagligtas sa inyong tahanan o sa simbahan?

  • Kailan kayo nakahanap ng espirituwal na kaginhawahan o proteksyon sa templo?

  • Anong klaseng mga tao ang mananahan sa mga tahanan at sasamba sa mga simbahan at templo na inilarawan sa mga talata 5–6?

  • Ano ang magagawa natin para maging lugar na pananggalang ang ating mga tahanan o mga ward at branch laban sa mundo?

Ibuod ang mga kabanata 12–15 na ipinapaliwanag na sa mga kabanatang ito natutuhan natin na kapag tumutupad tayo sa ating mga tipan, nagkakaroon tayo ng mga pagpapala at espirituwal na proteksyon, ngunit kapag nilalabag natin ang mga tipan, nawawala sa atin ang pangangalaga ng Panginoon. Tiyakin sa mga estudyante na maaari din nilang magawa sa sariling buhay nila ang kapaligirang inilarawan sa 2 Nephi 14:5–6.

2 Nephi 12:1–5; 15:26

Ipinropesiya ni Isaias na ang mga templo at ang Simbahan ng Panginoon ay itatatag sa mga huling araw

Idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram ng bundok at templo:

bundok at templo
  • Ano ang ilang pagkakatulad ng bundok at templo? (Maaaring isama sa sagot na parehong maganda at maringal ang mga ito at naghihikayat sa atin na tumingin sa langit.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 12:2–5, at ipahanap ang ipinangako ng Diyos na itatatag o itatayo sa mga huling araw at kung paano nito mapagpapala ang buhay ng mga tao.

  • Ano ang tinutukoy ng mga salitang “bundok ng Panginoon”? (Partikular na tinutukoy nito ang Salt Lake temple, ngunit maaari din itong tumukoy sa iba pang mga templo na itinatag ng Panginoon sa mga huling araw.)

  • Anong mga pagpapala ang darating mula sa “bahay ng Panginoon” sa mga huling araw? (Isang alituntunin na maaaring tukuyin ng mga estudyante ay nagtatag ang Diyos ng mga templo upang ituro sa atin ang Kanyang mga pamamaraan at tulungan tayong lumakad sa Kanyang mga landas [tingnan sa 2 Nephi 12:3].)

  • Paano tayo natutulungan ng mga templo na lumakad sa mga landas ng Panginoon?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa kahalagahan ng mga templo:

“Ang kakaiba at magagandang gusaling ito, at ang mga ordenansang isinasagawa rito, ay sumasagisag sa pinakamataas na antas ng ating pagsamba. Ang mga ordenansang ito ay naging pinakamahalagang pagpapahayag ng ating relihiyon. Hinihimok ko ang ating mga tao sa lahat ng dako, nang buong kasigasigan, na mamuhay nang marapat upang magkaroon ng temple recommend, na makakuha nito at ituring itong isang katangi-tanging pag-aari, at mas sikaping makapunta sa bahay ng Panginoon at makabahagi sa espiritu at mga pagpapalang naroon” (“Of Missions, Temples, and Stewardship,” Ensign, Nob. 1995, 53).

  • Paano tayo matutulungan ng mga templo na iwasan ang mga ibinunga ng mga kasamaan na inilarawan sa 2 Nephi 12–15? (Maaaring kasama sa mga sagot ang mga sumusunod: Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo ay nagpapatibay sa atin at sa ating pamilya laban sa kasamaan. Ang regular na pagpunta sa templo ay nagpapaalala sa atin tungkol sa Tagapagligtas, sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at sa mga tipang ginawa natin. Kapag tayo ay namuhay nang karapat-dapat na magkaroon ng temple recommend, may pag-asa tayong makatanggap ng buhay na walang hanggan. Ang pag-asang iyan ang naghihikayat sa ating patuloy na mamuhay nang matwid.)

  • Paano kayo nabigyan ng inspirasyon at pagpapala ng templo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 15:26. Ipatukoy sa klase ang pariralang nagsasaad na “magtataas” ang Panginoon ng isang bagay upang tipunin ang mga tao sa mga huling araw. Ipaliwanag na ang salitang sagisag ay tumutukoy sa watawat, bandila, o bandera na ginagamit bilang palatandaan o senyas para magtipun-tipon, lalo na sa digmaan.

  • Ano ang “sagisag sa mga bansa” na ipinropesiya ni Isaias?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

“Ang sagisag na iyan [ay] ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ipinanumbalik sa huling pagkakataon, hindi na kailanman wawasaking muli o ibibigay sa ibang tao. Ito ang pinakadakilang pangyayari sa mundo mula nang araw na ang Manunubos ay itaas sa krus at isagawa ang walang katapusan at walang-hanggang pagbabayad-sala. Ito ay mahalaga sa sangkatauhan nang higit pa sa anumang naganap mula sa araw na iyon” (Doctrines of Salvation, 3 tomo [1954–56], 3:254–55).

  • Sa anong mga paraan naging “sagisag sa mga bansa” Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa buhay ninyo dahil naging miyembro kayo ng Simbahan?

  • Isipin ang lahat ng pagpapalang natanggap ninyo at ang mga katotohanang nalaman ninyo bilang miyembro ng Simbahan. Ano ang isang katotohanan na maibabahagi ninyo sa iba na maaaring makatulong sa kanila na magtipon sa “sagisag sa mga bansa”?

Magpatotoo na binigyan tayo ng Panginoon ng malaking tulong upang mamuhay nang matagumpay sa mga huling araw. Pagpapalain at pababanalin Niya ang mga nagpasiyang lumapit sa Kanya. Kapag tayo ay gumawa at tumupad ng mga tipan sa Kanya, tutulungan Niya tayo na mamuhay ayon sa Kanyang pamamaraan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

2 Nephi 12:2–5. “Ang bundok na kinatitirikan ng bahay ng Panginoon”

Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang 2 Nephi 12:2–5 ay tumutukoy sa Salt Lake Temple:

“Simula nang ilaan ang Salt Lake Temple, inunawa na namin ang banal na kasulatang iyon ni Isaias … na tinutukoy ang sagradong bahay na ito ng Panginoon. At sa lugar na ito, mula noong mailaan ito, tunay na sinabi ng dumaraming mga tao sa lahat ng panig ng mundo, ‘Halina kayo, at tayo’y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Diyos ni Jacob, upang maturuan Niya tayo ng Kanyang mga daan, para mangagsilakad tayo sa Kanyang mga landas.’” (“Sagisag sa mga Bansa, Ilaw ng Sanlibutan,” Ensign, Nob. 2003, 82).

2 Nephi 13:16–24. “Mga Anak na Babae ng Sion”

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang babala ni Isaias sa “mga anak na babae ng Sion” ay ukol sa kalalakihan at maging sa kababaihan:

“Ang mga pamantayang ipinahayag ng mga General Authority ng Simbahan ay dapat manamit nang disente ang kababaihan, at maging ang kalalakihan. Tinuturuan sila ng wastong asal at kadisentehan sa lahat ng oras. Sa aking palagay, hindi maganda ang iisipin ng iba tungkol sa ‘mga anak na babae ng Sion’ kapag hindi sila disenteng manamit. Bukod pa rito, ang pahayag na ito ay ukol sa kalalakihan at maging sa kababaihan. Ang Panginoon ay nagbigay ng mga kautusan sa sinaunang Israel na dapat takpan ng kalalakihan at kababaihan ang kanilang katawan at sundin ang batas ng kalinisang-puri sa lahat ng oras” (Answers to Gospel Questions, comp. Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 5:174).

Pansinin na ang propesiyang ito ay isang halimbawa ng dualismo. Angkop ito sa mga tao ng panahon ni Isaias at angkop din sa mga tao ngayon.