Library
Home-Study Lesson: Alma 45–63 (Unit 21)


Home-Study Lesson

Alma 45–63 (Unit 21)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Alma 45–63 (unit 21) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Alma 45–49)

Ipinaliwanag ni Alma sa kanyang anak na si Helaman na ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may munti mang antas ng pagpapahintulot. Sa pagkumpara ng mga pakikipaglaban ng mga Nephita sa sarili nilang pakikibaka, natutuhan ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan: Kapag masigasig tayo sa pagsunod sa mga kautusan tulad ng ginawa ni Kapitan Moroni, palalakasin at pagpapalain tayo ng Diyos. Hangad ni Satanas na wasakin tayo at paunti-unti niya tayong hinihimok na ibaba ang ating mga pamatayan.

Day 2 (Alma 50–52; 54–55)

Bagama’t umunlad ang mga Nephita nang ilang panahon matapos umatras si Amalikeo, nagpatuloy si Moroni na ihanda ang mga tao para sa mga pagsalakay na mangyayari sa hinaharap. Ang halimbawa ng mga Nephita sa mahirap na kalagayang iyon ay nakatulong sa mga estudyante na maunawaan na ang katapatan sa Diyos ay nagdudulot ng kaligayahan, maging sa gitna ng kaguluhan—ngunit ang pagkakahati-hati at kaguluhan ay sumisira ng ating kapayapaan. Natutuhan din ng mga estudyante na kapag nanindigan tayo sa anumang tama, mahahadlangan natin ang masasamang impluwensya na magkaroon ng kapangyarihan sa atin.

Day 3 (Alma 53; 56–58)

Sa ilan sa pinakamahirap na panahon ng digmaan, pinamunuan ni Helaman ang hukbo ng mga kabataang lalaki na nagmula sa mga tao ni Ammon. Ipinakita ng mga kabataang mandirigma na ito na kapag kumilos tayo nang may pananampalataya, makatatanggap tayo ng lakas mula sa Diyos. Natutuhan ng mga estudyante mula sa halimbawa ng magigiting na mandirigmang ito na kung magtitiwala tayo sa Panginoon at susundin Siya nang may kahustuhan, susuportahan Niya tayo sa ating mga pakikipaglaban. Bagama’t nakatanggap sila ng maraming sugat at dumanas ng maraming hirap, ipinakita ng hukbo ng mga Nephita at ng mga kabataang mandirigma na kung babaling tayo sa Diyos sa mga panahong nahihirapan tayo, makatatanggap tayo ng katiyakan na palalakasin Niya ang ating pananampalataya at bibigyan tayo ng pag-asa.

Day 4 (Alma 59–63)

Dahil sa himagsikan na nangyari mismo sa mga Nephita, nakuha sa kanila ang ilang lunsod; ipinakita nito sa mga estudyante na mas madali at mas mabuting manatiling tapat kaysa bumalik sa pananampalataya pagkatapos maligaw ng landas. Inakusahan agad ni Moroni ang punong hukom na si Pahoran ng pagpapabaya sa kanyang mga tungkulin, at natutuhan ng mga estudyante mula sa tugon ni Pahoran na mapipili nating huwag magdamdam sa mga sinabi at ginawa ng ibang tao. Bukod pa rito, natutuhan ng mga estudyante na kapag nagkakaisa tayo sa kabutihan kasama ang iba pang mga tao, mas lumalakas tayo sa ating mga pakikipaglaban sa kasamaan, tulad ng ipinakita nina Moroni at Pahoran.

Pambungad

Dahil saklaw ng lesson na ito ang 19 na kabanata ng aklat ni Alma, hindi mo maituturo o mabibigyang-diin ang lahat ng kontekstong pangkasaysayan at lahat ng doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa buong linggo. Ang mga sumusunod na mungkahi sa pagtuturo ay nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na maipamuhay ang mga katotohanang natutuhan nila sa pag-aaral ng pakikipaglaban ng mga Nephita sa mga digmaan. Mapanalanging pag-aralan ang mga banal na kasulatan para sa lesson na ito para mabigyang-inspirasyon ka na mabigyang-diin ang mga katotohanan na kailangang pagtuunan ng mga estudyante sa oras ng klase.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 45–63

Sa pagtitiwala sa Diyos at pagsunod sa mga inspiradong lider, nadaig ng mga Nephita ang mga Lamanita

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson bago magklase: “Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin kung paano namuhay ang mga disipulo ni Cristo sa panahon ng digmaan” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 7).

Ipabanggit sa mga estudyante ang ilan sa mga digmaan na nilabanan ng bansang tinitirhan nila. Pagkatapos ay ipabanggit sa kanila ang ilan sa mga paghihirap na maaaring naranasan ng mga tao sa panahon ng digmaan.

Itanong: Bakit mahirap na maging disipulo ni Jesucristo sa panahon ng digmaan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga digmaang napag-aralan nila noong isang linggo, tulad ng nakatala sa Alma 45–63. Maaari mo silang hikayatin na mabilis na rebyuhin ang ilan sa mga chapter summary ng Alma 45–63. Ipabanggit sa kanila ang ilan sa mga paghihirap na naranasan ng mga Nephita sa kanilang pakikidigma.

Ipaalala sa mga estudyante na kahit hindi tayo nakikipaglaban sa pisikal na digmaan, lahat tayo ay nakikipaglaban sa espirituwal na digmaan. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, na inilarawan ang espirituwal na pakikidigma natin sa kasalukuyan. Maaari mong bigyan ng kopya nito ang bawat estudyante.

“Kabilang kayo sa mga hukbo ng Panginoon sa huling dispensasyon. Hindi ito panahon ng kapayapaan. Naging ganito na mula noong binuo ni Satanas ang kanyang mga hukbo laban sa plano ng ating Ama sa Langit nang bago pa tayo isilang sa mundo. Hindi natin alam ang mga detalye ng labanang iyon. Ngunit alam natin ang isang bunga nito. Si Satanas at kanyang mga tagasunod ay itinaboy sa lupa. At mula sa paglikha kina Adan at Eva nagpatuloy na ang labanang ito. Nakita natin itong mas tumindi. At sinabi sa mga banal na kasulatan na ang digmaang ito ay lalo pang magiging marahas at ang mga espirituwal na mapapahamak na nasa panig ng Panginoon ay darami pa” (“May Sugatan!” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 63).

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa pahayag ni Pangulong Benson na nasa pisara. Sabihin sa kanila na kahit pisikal na digmaan o espirituwal na digmaan ang tinutukoy natin, ang pahayag ay totoo. Ipaliwanag na ang pag-aaral ng tungkol sa buhay ng mga disipulo na nabuhay noong panahon ng mga digmaan sa Aklat ni Mormon ay makatutulong sa atin na magkaroon ng mga katangian na magiging mahalaga sa ating sariling espirituwal na pakikidigma.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na pangalan at scripture reference, o ihanda ang mga ito bilang handout. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga indibiduwal o grupong ito para pag-aralan. Hangga’t maaari ipaaral sa isang estudyante ang bawat tao o grupo.

  1. Moroni—Alma 46:11–21; 48:7–17

  2. Helaman—Alma 48:19–20; 56:2–9; 58:4–12, 32–37

  3. Ang 2,060 kabataang mandirigma—Alma 53:16–22; 56:47–56; 57:19–27

  4. Pahoran—Alma 50:39–40; 51:1–7; 61:1–21

Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na pag-aralan ang maraming banal na kasulatan hangga’t maaari tungkol sa indibiduwal o grupong pinili nila. Sabihin sa kanila na maghandang ituro ang mga sumusunod na ideya sa klase (maaari mong isulat sa pisara ang mga ito o gawing handout):

  • Isang pangyayari mula sa buhay ng tao o grupong ito na nagpapakita na ang mga tao ay mga tunay na disipulo ng Tagapagligtas.

  • Isa o maraming katangian ng tao o grupong ito na tumutulong sa kanila na manatiling magiting sa pakikidigma sa mga Lamanita.

  • Isang alituntunin ng ebanghelyo na matututuhan natin mula sa tao o grupong ito na magpapalakas sa ating mga espirituwal na pakikidigma sa panahong ito.

Mag-aanyaya ng maraming estudyante hangga’t maaari na magbahagi ng natutuhan nila sa klase. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga alituntunin ng ebanghelyo na natutuhan nila.

Maaari mong itanong ang mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang natutuhan nila sa pag-aaral nila ng Alma 45–63:

  • Isipin ang mga katangian ng isang disipulo ni Jesucristo na nakita ninyo sa mga tao na nabuhay sa panahon ng mga digmaan laban sa mga Lamanita. Alin sa mga katangiang ito ang pinakagusto ninyong taglayin sa buhay ninyo? Bakit?

  • Ano ang ilang espirituwal na digmaan na nararanasan natin ngayon? Paano nakatulong sa inyo ang mga halimbawa ng mga disipulong ito ng Tagapagligtas upang magkaroon kayo ng pananampalataya at tapang sa pagharap sa mga digmaang ito?

Maaari kang magbahagi ng isa sa mga paborito mong talata mula sa Alma 45–63. Magpatotoo na ang mga alituntuning natutuhan natin sa mga kabanatang ito ay makatutulong sa atin na maging tunay na disipulo ni Jesucristo sa espirituwal na pakikibaka natin sa mga huling araw.

Susunod na Unit (Helaman 1–9)

Sabihin sa mga estudyante na nakatala sa unang kabanata ng Helaman ang pagkamatay ng tatlong punong hukom. Sabihin sa kanila na hahanapin nila ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong: Paano namatay ang mga punong hukom? Anong himala ang nangyari kina Nephi at Lehi noong sila ay nakabilanggo? Kaninong tinig ang narinig nila? Sabihin sa mga estudyante na nalutas ng propetang si Nephi ang isang pagpaslang sa pamamagitan ng diwa ng propesiya.