Library
Home-Study Lesson: 3 Nephi 23–30 (Unit 27)


Home-Study Lesson

3 Nephi 23–30 (Unit 27)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng 3 Nephi 23–30 (unit 27) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (3 Nephi 23)

Patuloy na pinag-aralan ng mga estudyante ang mga salita ni Jesucristo sa mga Nephita. Nalaman nila na iniutos ng Tagapagligtas sa mga tao na masigasig na saliksikin ang mga salita ni Isaias at ng iba pang mga propeta. Nang pagsabihan ng Tagapagligtas ang mga tao sa hindi pagsusulat sa kanilang mga talaan ng kanilang espirituwal na kasaysayan, nalaman ng mga estudyante na kapag nagsusulat tayo ng mga espirituwal na karanasan, inaanyayahan natin ang Panginoon na bigyan tayo ng marami pang paghahayag.

Day 2 (3 Nephi 24–26)

Nang isiping mabuti ng mga estudyante ang mga salita ni Malakias na ibinigay ni Jesucristo sa mga Nephita, sila ay napaalalahanan na sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, Kanyang dadalisayin ang Kanyang mga tao at parurusahan ang masasama. Ang karagdagang pagninilay tungkol sa alituntunin ng ikapu at sa ipinropesiyang pagbabalik ni Elias [Elijah] sa mga huling araw ay nakatulong sa mga estudyante na maunawaan na kung babalik tayo sa Panginoon, Siya ay babalik sa atin at kapag ang ating puso ay bumaling sa ating mga ama, tinutulungan natin ang mundo na maghanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang paliwanag ni Mormon kung bakit hindi niya isinama ang lahat ng itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita ay nakatulong sa mga estudyante na matuklasan na kapag naniniwala tayo sa ipinahayag ng Diyos, inihahanda natin ang ating sarili sa pagtanggap ng mas dakilang paghahayag.

Day 3 (3 Nephi 27)

Habang patuloy na nagdarasal at nag-aayuno ang labindalawang Nephitang disipulo, dinalaw sila ng Tagapagligtas at ipinaliwanag na ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay dapat tawagin sa Kanyang pangalan at nakatatag sa Kanyang ebanghelyo. Mula sa itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, nalaman din ng mga estudyante na ang saligan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay Kanyang ginawa ang kalooban ng Kanyang Ama sa pagsasakatuparan ng Pagbabayad-sala. Sa pagkaunawang ito sa ebanghelyo, natutuhan din ng mga estudyante na kung ipamumuhay natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo, tayo ay makatatayo nang walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos sa huling araw.

Day 4 (3 Nephi 28–30)

Nang ipagkaloob ng nabuhay na mag-uling na si Jesucristo ang mga hangarin ng Kanyang mga Nephitang disipulo, natutuhan ng mga estudyante na pagpapalain tayo ng Panginoon ayon sa ating mabubuting hangarin. Mula sa karanasan ni Mormon ng paghingi sa Panginoon ng karagdagang kaalaman hinggil sa Tatlong Nephita, natutuhan ng mga estudyante na kung hihilingin natin sa Panginoon na makaunawa tayo, tatanggap tayo ng paghahayag. Ang pagtapos ni Mormon ng kanyang ulat tungkol sa ministeryo ng Tagapaglitas sa mga Nephita ay nagturo sa mga estudyante na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang palatandaan na tinutupad na ng Panginoon ang Kanyang tipan sa sambahayan ni Israel at kung lalapit tayo kay Cristo, mabibilang tayo sa Kanyang mga tao.

Pambungad

Bagama’t maraming mahahalagang alituntunin ang matatagpuan sa 3 Nephi 23–30, ang unang bahagi ng lesson na ito ay nakatuon sa matututuhan ng mga estudyante sa 3 Nephi 24–25 tungkol sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang pangalawang bahagi ng lesson ay nakatuon sa mga alituntunin sa 3 Nephi 27 na makatutulong sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang ibig sabihin ng maging disipulo ni Jesucristo at kung paano sila magiging higit na katulad Niya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 23–26

Ipinaliwanag ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo ang mga banal na kasulatan sa mga Nephita

Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng mga halimbawa ng mga kaganapan na nangangailangan ng maingat at mabuting paghahanda sa loob ng mahabang panahon. (Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang mahabang takbuhan, konsiyerto, o dula-dulaan.) Sabihin sa mga estudyante na ilarawan kung ano ang mangyayari sa isang tao na sumubok na sumali sa mga kaganapang ito nang walang sapat na paghahanda.

Sabihin sa isang estudyante na basahin ang 3 Nephi 24:2, at sabihin sa klase na isipin kung ano sa palagay nila ang kaganapang ipinropesiya ni Malakias. Kapag natukoy ng mga estudyante ang “araw ng kanyang pagparito” bilang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, sabihin sa kanila na markahan ang itinanong ni Malakias: “Sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagparito, at sino ang makapananatili kapag siya ay magpakita?”

Itanong: Bakit mahalagang tanong ito na dapat pag-isipan ng mga taong nabubuhay sa mga huling araw?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, hinggil sa paano nakatutulong sa atin ang pagbabayad ng ikapu na maging handa sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas:

“Sa pagdedesisyon natin ngayon na magbayad ng buong ikapu at sa patuloy na pagsisikap na sundin ito, mapapalakas ang ating pananampalataya at, darating ang panahon na lalambot ang ating mga puso. Dahil sa pagbabagong iyon sa ating puso na dulot ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na higit pa sa pagbibigay ng ating salapi at iba’t ibang bagay, ay nagiging posible na mangako ang Panginoon, sa mga nagbabayad ng buong ikapu, ng proteksyon sa mga huling araw. Makakaasa tayong magiging marapat tayong mabiyayaan ng proteksyon kung mangangako tayo ngayong magbayad ng buong ikapu at patuloy na gagawin ito” (“Kahandaang Espirituwal: Simulan nang Maaga at Magpatuloy,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 40).

Itanong: Ayon kay Pangulong Eyring, paano tumutulong sa atin ang pagbabayad ng ikapu sa paghahanda natin sa pagharap sa Tagapagligtas?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang propesiya ni Malakias hinggil sa pagdating ni Elias [Elijah] sa 3 Nephi 25:5–6. Upang matulungan sila na mas maunawaan kung paano makakaapekto sa kanila ang katuparan ng propesiyang ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paanyaya ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Inaanyayahan ko ang mga kabataan ng Simbahan na matutuhan at maranasan ang Diwa ni Elias. …

“Sa pagtugon ninyo nang may pananampalataya sa paanyayang ito, ang inyong puso ay babaling sa mga ama. Ang mga pangako kina Abraham, Isaac, at Jacob ay matatanim sa inyong puso. … Ang pagmamahal at pasasalamat ninyo sa inyong mga ninuno ay mag-iibayo. Ang inyong patotoo at pananalig sa Tagapagligtas ay lalalim at mananatili. At ipinapangako ko na mapoprotektahan kayo laban sa tumitinding impluwensya ng kaaway. Sa pakikibahagi at pagmamahal ninyo sa banal na gawaing ito, kayo ay pangangalagaan sa inyong kabataan at sa habambuhay” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 26–27).

Itanong: Ano ang mga karanasan ninyo sa paggawa ng family history at ng gawain sa templo na espirituwal na nagpalakas sa inyo?

3 Nephi 27–30

Inihayag ni Jesucristo ang pangalan at mga pangunahing katangian ng Kanyang Simbahan at ipinagkaloob ang mabubuting hangarin ng Kanyang mga disipulo; tinapos ni Mormon ang Kanyang talaan tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (maaari mong gawin ito bago magklase at takpan ito hanggang sa bahaging ito ng lesson). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 58.)

“Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit” (Joseph Smith).

Ipaliwanag na tulad ng ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita na ang sentro ng Kanyang ebanghelyo ay ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang saligan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay Kanyang ginawa ang kalooban ng Kanyang Ama sa pagsasakatuparan ng Pagbabayad-sala.

Ipabasa nang mabilis sa mga estudyante ang 3 Nephi 27 at ipatukoy ang mga talata kung saan nakitang itinuro ng Tagapagligtas ang doktrinang ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga talatang natukoy nila.

Ipaliwanag na ang 3 Nephi 27:16–20 ay naglalaman ng mga itinuro ng Tagapagligtas kung paano natin maaanyayahan ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay. Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Kung tayo ay … , tayo ay. … Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 27:20 at hanapin ang mga salita o parirala na magagamit nila para mapunan ang mga patlang sa pisara. Itanong: Paano makatutulong sa atin ang pagsunod sa alituntuning ito na maging mga tunay na disipulo ni Jesucristo?

Ipaliwanag sa klase na ang pinakamahirap at pinakasukdulan sa ating pagiging disipulo ay matatagpuan sa 3 Nephi 27:21, 27. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang mga talatang ito. Kapag nabasa na nila, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Inaasahan ng Panginoong Jesucristo na gagawin ng Kanyang mga disipulo ang Kanyang mga gawain at magiging tulad Niya. …

Itanong sa mga estudyante kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag na ito, batay sa nabasa nila sa 3 Nephi 27:27. (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara tulad ng sumusunod: Inaasahan ng Panginoong Jesucristo na gagawin ng Kanyang mga disipulo ang Kanyang mga gawain at magiging tulad Niya.) Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

“Isipin natin ang ilan sa mga bagay na ginawa ni Jesus na maaari nating tularan.

“1. Si Jesus ay ‘naglilibot na gumagawa ng mabuti.’ [Mga Gawa 10:38.] Makagagawa tayong lahat ng kabutihan araw-araw—para sa kapamilya, kaibigan, o kahit sa isang di-kilala—kung hahanapin natin ang mga pagkakataong iyon.

“2. Si Jesus ang Mabuting Pastol na nagbantay sa Kanyang mga tupa at nagmalasakit sa mga naligaw. Maaari nating hanapin ang mga taong malungkot o di-gaanong aktibo at kaibiganin sila.

“3. Nahabag si Jesus sa marami, pati na sa kawawang ketongin. Maaari din tayong magkaroon ng habag. Pinaaalalahanan tayo sa Aklat ni Mormon na ‘makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati.’ [Mosias 18:9.]

“4. Nagpatotoo si Jesus tungkol sa Kanyang banal na misyon at sa dakilang gawain ng Kanyang Ama. Tayo naman ay maaaring ‘tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon.’ [Mosias 18:9.]” (“Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 21).

Pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magkapartner o grupo na magsulat ng dalawa o tatlong paraan na magagawa nila sa kanilang buhay ang apat na mungkahi ni Pangulong Faust.

Kapag natapos na sila, sabihin sa bawat magkapartner o grupo na paisa-isang ibahagi ang mga ideya na kanilang isinulat. Sa pisara, isulat ang kanilang mga ideya kung paano natin magagawa ang mga gawain ng Tagapagligtas at magiging higit na katulad Niya. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na mangako sa kanilang sarili na gagawin ang isa o dalawa sa mga ideya na ito sa darating na linggo. Magpatotoo na lahat tayo ay magiging tulad ng Tagapagligtas kung mananampalataya tayo sa Kanya.

Susunod na Unit (4 Nephi 1Mormon 8)

Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa pag-aaral nila ng susunod na unit: Paano nagiging masama ang tao mula sa pagiging payapa at maunlad? Paano humantong sa lubos na kasamaan ang mga Nephita mula sa pagiging pinakamaunlad at pinakamasasayang tao na nabuhay sa mundo? Ano ang mga huling salita ni Mormon?