Library
Lesson 146: Eter 4–5


Lesson 146

Eter 4–5

Pambungad

Iniutos ng Panginoon kay Moroni na tatakan ang nakatalang pangitain ng kapatid ni Jared at ipinaliwanag na ang mga nakasulat na ito ay ihahayag kapag nagkaroon ng pananampalataya ang mga tao nang kasinglakas ng pananampalataya ng kapatid ni Jared. Ipinropesiya ni Moroni na tatlong saksi ang magpapatotoo ng katotohanan ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Eter 4:1–7

Itinala at tinatakan ni Moroni ang buong tala ng pangitain ng kapatid ni Jared

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na napakahalaga sa kanila o sa kanilang pamilya na ayaw nilang makuha ito ng maliliit na bata. Bilang halimbawa, maaari kang magdispley o maglarawan ng isang bagay na mahalaga sa iyo.

  • Bakit hindi ninyo hahayaang mahawakan ng isang maliit na bata ang bagay na iyan?

  • Ano ang kailangang matutuhan o gawin ng isang bata bago ninyo siya pagtiwalaang hawakan o gamitin ang bagay na iyan?

Ipaliwanag na ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay napakahalaga sa Panginoon. Nais Niyang ibahagi ang lahat ng ito sa atin, ngunit naghihintay Siya hanggang maging handa tayo na tanggapin ang mga iyon. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Eter 4 sa lesson na ito, hikayatin sila na alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa kanila na maghandang tanggapin ang katotohanan mula sa Panginoon.

Ipabasa sa isang estudyante ang Eter 4:1–5, at sabihin sa klase na alamin ang iniutos ng Panginoon kay Moroni na itala at tatakan.

  • Ano ang iniutos kay Moroni na “tatakan”?

Ipaliwanag na isinama ni Moroni ang talaan ng kapatid ni Jared sa tinatawag na bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara. (Maaari mong ipakita ang chart na may pamagat na Mga Pinagkuhanan ng Aklat ni Mormon, na matatagpuan sa apendiks sa katapusan ng manwal na ito.)

  • Paano inilarawan ni Moroni ang nakita ng kapatid ni Jared? (Tingnan sa Eter 4:4.)

Para matulungan ang mga estudyante na malaman pa ang tungkol sa mga bagay na ipinakita ng Panginoon sa kapatid ni Jared, ipabasa sa kanila nang tahimik ang Eter 3:25–26 at 2 Nephi 27:8–10. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ayon sa Eter 3:25–26, ano ang ipinakita ng Panginoon sa kapatid ni Jared?

  • Ayon sa 2 Nephi 27:10, ano ang nilalaman ng bahaging mahigpit na isinara sa Aklat ni Mormon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 4:6–7. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga kalagayan na dapat mangyari bago ipaaalam ang mga paghahayag na ibinigay sa kapatid ni Jared. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang natukoy nila sa kanilang banal na kasulatan.

  • Anong mga kalagayan ang natukoy ninyo?

  • Anong mga alituntunin tungkol sa pagtanggap ng paghahayag ang matututuhan natin mula sa scripture passage na ito? (Tulungan ang mga estudyante na makita na kapag nagsisi at nanampalataya tayo kay Jesucristo, makatatanggap tayo ng karagdagang paghahayag.)

  • Bakit sa inyong palagay kailangan nating magsisi at maging malinis upang makatanggap ng karagdagang paghahayag?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng “mananampalataya … maging tulad ng kapatid ni Jared” (Eter 4:7), sabihin sa kanila na ilista sa notebook o scripture study journal ang mga paraan na naaalala nila na nagpakita ang kapatid ni Jared ng pananampalataya sa Panginoon. Maaari mong imungkahi na rebyuhin nila ang Eter 1–3 habang ginagawa nila ang listahang ito. Kapag nagkaroon na ng sapat na oras na makapag-isip mabuti at makapagsulat ang mga estudyante, sabihin sa ilang estudyante na basahin ang ilan sa mga halimbawa na nailista nila at ipaliwanag kung bakit ang mga halimbawang iyon ay nakaantig sa kanila.

Ipaalala sa mga estudyante ang mahalagang bagay na naisip nila sa simula ng klase at ang mga kundisyon nila para ipagkatiwala ito sa isang bata. Magpatotoo na sa gayon ding paraan, iniuutos ng Panginoon sa Kanyang mga anak na sundin ang ilang kundisyon bago Niya ihayag ang lahat ng Kanyang katotohanan sa kanila. Iniuutos Niya sa atin na ipakita ang ating espirituwal na kahandaan at pananampalataya.

Eter 4:8–19

Itinuro ng Panginoon kung ano ang dapat nating gawin upang tumanggap ng dagdag na paghahayag

Itaas ang isang piraso ng tela. Ipaliwanag na itinuro ng Panginoon ang mga alituntunin na makatutulong sa atin na tumanggap ng paghahayag. Nang ituro Niya ang mga alituntuning ito, tinukoy Niya ang isang tabing. Ang tabing ay isang kurtina o isang tela na ginagamit para takpan o itago ang isang bagay.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 4:15 at hanapin ang pariralang may salitang tabing.

  • Anong uri ng tabing ang tinutukoy ng Panginoon? (Ang “tabing ng kawalang-paniniwala.”) Sa paanong paraan maitutulad ang kawalang-paniniwala sa isang tabing?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “pupunitin ang tabing na yaon ng kawalang-paniniwala”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 4:8, at sa isa pang estudyante ang Eter 4:11, at sa isa pa ang Eter 4:15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang nakahahadlang sa atin sa pagtanggap ng paghahayag at ano ang makatutulong sa atin para “[mapunit] ang tabing na yaon ng kawalang-paniniwala” at makatanggap ng marami pang paghahayag.

  • Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ng “kakalaban sa salita ng Panginoon”? (Eter 4:8).

  • Ayon sa Eter 4:8, anong kakaharapin natin kapag kinalaban natin ang salita ng Panginoon?

  • Ayon sa Eter 4:11, ano ang isang pagpapala na matatanggap natin kapag naniwala tayo sa mga salita ng Panginoon?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag:

Kapag naniwala tayo sa salita ng Panginoon, …

Ipakumpleto sa mga estudyante ang pahayag na ito batay sa natutuhan nila sa mga talatang ito. Bagama’t maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag naniniwala tayo sa salita ng Panginoon, bibiyayaan tayo ng Panginoon ng mga karagdagang paghahayag. Isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mo ring hikayatin ang mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Eter 4:11.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, itanong:

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang maniwala sa mga katotohanang natanggap na natin bago tayo bigyan ng Panginoon ng mga karagdagang katotohanan?

Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang mga sumusunod na halimbawa na nagpapakita ng pananampalataya sa salita ng Panginoon: personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan; pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo; pagsunod sa mga lokal na lider ng Simbahan; pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa simbahan at seminary; pagsunod sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw.

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano humantong ang pagpapakita nila ng paniniwala sa salita ng Panginoon sa isa mga paraang ito sa pagtanggap nila ng mga karagdagang paghahayag. Hikayatin ang ilang estudyante na ibahagi ang naranasan nila.

Patingnan muli ang nakasulat na mga halimbawa sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang mga halimbawang iyon habang tahimik nilang pinag-iisipang mabuti kung gaano nila ipinakita ang kanilang paniniwala sa salita ng Diyos. Imungkahi na sa bawat halimbawa, i-rate nila ang kanilang sarili sa scale na 1 hanggang 10, na ang rating na 10 ang pinakamataas, ibig sabihin ang bagay na ito ang nagawa nila nang mabuti. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang isang paraan na mas maipapakita nila ang kanilang pananampalataya sa tagubilin na natanggap na nila mula Panginoon. Patotohanan ang alituntunin na isinulat mo sa pisara, at hikayatin ang mga estudyante na sikaping makamtan ang mga mithiing isinulat nila.

Burahin ang pariralang “naniwala tayo sa salita ng Panginoon” sa pisara. Ipaliwanag na ang Panginoon ay nagturo ng mga karagdagang alituntunin tungkol sa pagtanggap ng paghahayag. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 4:13–15 at alamin ang iba pang mga bagay na maaari nilang gawin upang makatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon.

Kapag natapos na ang oras ng pagbabasa ng mga estudyante, sabihin sa kanila na magmungkahi ng mga paraan para makumpleto ang pahayag. Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga sumusunod na alituntunin: Kapag lumapit tayo sa Panginoon, bibiyayaan tayo ng Panginoon ng mga karagdagang paghahayag. Kapag nanalangin tayo nang may pagpapakumbaba, bibiyayaan tayo ng Panginoon ng mga karagdagang paghahayag.

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga alituntuning ito, maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng magsilapit sa Panginoon? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang pag-aaral ng Kanyang mga salita, pagbaling ng ating puso sa Kanya, pagsisisi, at pagtulad at pagsunod sa Kanya.)

  • Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu? (Ang maging mapagkumbaba, nagsisisi, at masunurin sa kalooban ng Panginoon.) Bakit kinakailangan ang mga ugaling ito kapag nagdarasal tayo na patuloy na mabigyan ng paghahayag mula sa Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila magagamit ang mga alituntuning ito sa kanilang pagsisikap na makatanggap ng paghahayag.

Ibuod ang Eter 4:17–19 na ipinapaliwanag na ipinahayag ng Panginoon na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay magiging palatandaan na nagsimula na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Inanyayahan Niya rin ang lahat ng tao na magsisi at lumapit sa Kanya.

Eter 5

Ipinahayag ni Moroni na makikita at patototohanan ng tatlong saksi ang mga lamina

Ipakita ang larawang Isinasalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 92). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 5:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung ano kaya ang pakiramdam ni Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon at sa pagkabatid na ang pahayag na ito ay isinulat nang tuwiran sa kanya ni Moroni mahigit 1,400 taon na ang nakalilipas.

Isinasalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon
  • Ano ang sinabi ni Moroni tungkol sa mga lamina na kanyang “tinatakan”?

  • Ayon sa Eter 5:2–3, ano ang pribilehiyo ni Joseph na gawin sa mga lamina?

Itanong sa mga estudyante kung mapapangalanan nila ang Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon at maaalala ang mga naranasan ng mga ito. (Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante, ipabasa sa kanila ang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” sa mga unang pahina ng Aklat ni Mormon.) Maaari mong ipaliwanag na bukod pa sa Tatlong Saksi, may iba pang nagpatotoo sa katotohanan ng mga laminang ginto, kabilang na ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos (tingnan sa Eter 5:4), si Moroni (tingnan sa Eter 5:6), si Joseph Smith, at ang Walong Saksi.

  • Sa paanong mga paraan kayo magiging saksi ng Aklat ni Mormon kahit hindi ninyo nakita ang mga lamina? Paano makaiimpluwensya sa ibang tao ang inyong patotoo sa Aklat ni Mormon?

Para tapusin ang lesson na ito, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Eter 5. Ang Patotoo ng Tatlong Saksi

Sinabi ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

“Bilang batang lalaki sa Pagkasaserdoteng Aaron, ay nakatanggap ako ng personal na pagpapatibay sa kahanga-hangang patotoo ng Tatlong Saksi hinggil sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Ang pangulo ng istaka ko noon ay si Pangulong Henry D. Moyle at ang kanyang ama ay si James H. Moyle. Kapag tag-araw ay dinadalaw ni Brother James H. Moyle ang kanyang mag-anak, at sumasamba siyang kasama namin sa aming maliit na [ward] sa timog-silangan ng Salt Lake Valley.

“Isang araw ng Linggo, si Brother James H. Moyle ay nagbahagi sa amin ng isang kakaibang karanasan. Noong binata pa siya pumasok siya sa University of Michigan upang mag-aral ng abogasiya. Nang papatapos na siya sa pag-aaral, sinabi sa kanya ng kanyang ama , na ang isa sa mga saksi ng Aklat ni Mormon, na si David Whitmer, ay buhay pa. Iminungkahi ng ama sa kanyang anak na sa pagbabalik niya sa Salt Lake City ay dalawin niya mismo si David Whitmer. Ang layon ni Brother Moyle ay tanungin siya tungkol sa kanyang patotoo hinggil sa mga gintong lamina at Aklat ni Mormon.

“Sa kanyang pagdalaw ay sinabi ni Brother Moyle kay David Whitmer: ‘Ginoo, matanda na po kayo at ako’y bata pa. Pinag-aaralan ko po ang tungkol sa mga saksi at patotoo. Sana’y sabihin ninyo sa akin ang totoo hinggil sa patotoo n’yo bilang isa sa mga saksi ng Aklat ni Mormon.’ Sa gayo’y sinabi ni David Whitmer sa binatang ito, ‘Oo, nahawakan ko ang mga gintong lamina, at ipinakita iyon sa amin ng isang anghel. Ang patotoo ko sa Aklat ni Mormon ay tunay.’ Si David Whitmer ay hindi na nagbalik sa Simbahan, subalit hindi niya kailanman itinatwa ang kanyang patotoo tungkol sa pagdalaw ng anghel, ang paghawak sa mga gintong lamina, o ang katotohanan ng Aklat ni Mormon. Nang marinig ko ang kahanga-hangang karanasang ito mula mismo sa mga labi ni Brother Moyle, nagkaroon ito ng malakas at nagpapatibay na impluwensya sa aking tumitibay na patotoo. Dahil narinig ko ito, nadama kong may pananagutan ako sa pagkatanggap ng makapangyarihang patotoo na ito” (“Tumitibay na Patotoo,” Liahona, Ene. 2001, 54).

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

“Kailanma’y hindi itinatwa ng Tatlong Saksi ang patotoo nila sa Aklat ni Mormon. Hindi nila maatim dahil alam nilang totoo ito. Nagsakripisyo sila at nagpakahirap nang higit pa sa alam ng karamihan. Gayon din ang patotoo ni Oliver Cowdery tungkol sa banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon noong naghihingalo na siya. … Ang patuloy nilang pagpapatunay sa nakita at narinig nila sa kamangha-manghang karanasang iyon, sa matagal nilang pagkakawalay sa Simbahan at kay Joseph, ang higit na nagpapalakas sa kanilang patotoo” (“Isang Tumatagal na Patotoo sa Misyon ni Propetang Joseph,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 90).