Library
Pambungad sa Ikatlong Nephi: Ang Aklat ni Nephi


Pambungad sa Ikatlong Nephi: Ang Aklat ni Nephi

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Sa kanilang pag-aaral ng 3 Nephi, malalaman ng mga estudyante ang tungkol sa mga salita at ginawa ng Tagapagligtas noong Kanyang tatlong araw na ministeryo sa mga Nephita. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na “ang 3 Nephi ay naglalaman ng ilan sa mga nakaaantig at nakahihikayat na scripture passage sa lahat ng banal na kasulatan. Ito ay nagpapatotoo kay Jesucristo, sa Kanyang mga propeta, at sa mga doktrina ng kaligtasan” (“The Savior’s Visit to America,” Ensign, Mayo 1987, 6). Kapag naunawaan ng mga estudyante kung paano nagpakita ng habag si Jesucristo sa mga tao nang “isa-isa,” mas mapahahalagahan nila ang Kanyang pagmamalasakit para sa kanila bilang indibiduwal (tingnan sa 3 Nephi 11:15; 17:21). Maaari silang matuto ng mahahalagang aral mula sa mabubuting halimbawa ng mga taong naghanda na makaharap ang Tagapagligtas. Maaari din silang matuto mula sa hindi mabubuting halimbawa ng mga taong hindi naghanda na makaharap ang Tagapagligtas.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Pinaikli ni Mormon ang mga talaan mula sa malalaking lamina ni Nephi upang buuin ang 3 Nephi. Ang aklat ay ipinangalan kay Nephi, (ang anak ni Nephi), na ang paglilingkod ay tumagal mula noong bago at hanggang sa matapos ang pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga tao. Sa panahon ng matinding kasamaan bago ang pagdalaw ni Jesucristo, si Nephi ay naglingkod “nang may kapangyarihan at dakilang karapatan” (3 Nephi 7:17). Ang kanyang paglilingkod ay pagpapakilala lamang sa ministeryo ni Jesucristo, na ang mga salita at ginawa ay bumubuo sa pangunahing tema ng 3 Nephi. Habang gumagawa si Mormon ng pinaikling ulat mula sa talaan ni Nephi, idinagdag din ni Mormon ang kanyang sariling komentaryo at patotoo (tingnan sa 3 Nephi 5:8–26; 26:6–12; 29–30).

Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?

Layunin ni Mormon na ang mga isinulat sa 3 Nephi ay para sa dalawang pangkat. Una, ipinaliwanag niya na isinulat niya ang mga ito para sa mga inapo ni Lehi (tingnan sa 3 Nephi 26:8). Pangalawa, nagsalita si Mormon sa mga Gentil sa mga huling araw at itinala ang payo ng Panginoon na sila ay magsilapit sa Kanya at maging bahagi ng Kanyang mga pinagtipanang tao (tingnan sa 3 Nephi 30). Binibigyang-diin sa aklat ng 3 Nephi ang paanyayang ito sa malakas na patotoo nito tungkol kay Jesucristo at sa kahalagahan ng mga tipan.

Kailan at saan ito isinulat?

Ang mga orihinal na talaan na ginamit na mapagkukunang materyal para sa aklat ng 3 Nephi ay malamang na isinulat sa pagitan ng 1 B.C. at A.D. 35. Pinaikli ni Mormon ang mga talaang iyon sa pagitan ng A.D. 345 at A.D. 385. Hindi itinala ni Mormon kung nasaan siya nang tipunin niya ang aklat na ito.

Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?

Nakatala sa 3 Nephi ang katuparan ng mga propesiya tungkol sa pagsilang, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 1; 8; 11). Nakatala rito ang tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita na tinukoy ni Elder Jeffrey R. Holland na “ang pinakamahalaga, ang pinakadakilang sandali, sa buong kasaysaynan ng Aklat ni Mormon” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 250). Dalawampu sa tatlumpung kabanata sa 3 Nephi ay naglalaman ng mga turo na ibinigay mismo ng Tagapagligtas sa mga tao (tingnan sa 3 Nephi 9–28).

Outline

3 Nephi 1–5 Tinanggap ni Nephi ang mga talaan mula sa kanyang ama. Ibinigay ang mga palatandaan ng pagsilang ni Cristo, napigilan ang planong lipulin ang mga naniniwala, at maraming tao ang nagbalik-loob. Ang mga Nephita at mga Lamanita ay nagkaisa sa paglaban sa mga tulisan ni Gadianton. Sila ay nagsisi ng kanilang mga kasalanan at kalaunan ay tinalo ang mga tulisan sa pamumuno nina Laconeo at Gidgiddoni. Nagsalita si Mormon tungkol sa kanyang tungkulin bilang disipulo ni Cristo at bilang tagapag-ingat ng talaan.

3 Nephi 6–7 Ang pag-unlad ng mga Nephita ay humantong sa kapalaluan, kasamaan, at lihim na pagsasabwatan. Nawasak ang pamahalaan at ang mga tao ay nahati sa mga lipi. Naglingkod si Nephi nang may dakilang kapangyarihan.

3 Nephi 8–10 Mga unos, pagkawasak, at kadiliman ang tanda ng pagkapako sa krus at kamatayan ng Tagapagligtas. Nagdalamhati ang mga tao sa mga namatay sa pagkawasak. Inanyayahan ng tinig ni Jesucristo ang mga nakaligtas na magsisi at lumapit sa Kanya.

3 Nephi 11–18 Nagpakita si Jesucristo sa mga tao sa templo at isa-isang pinalapit ang mga tao upang mahipo nila ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at mga paa. Humirang Siya ng labindalawang disipulo at binigyan sila ng awtoridad na magsagawa ng mga ordenansa at pangasiwaan ang Simbahan. Itinuro ng Tagapagligtas ang Kanyang doktrina, itinatag ang mga batas ng kabutihan, at ipinaliwanag na Kanyang tinupad ang batas ni Moises. Pinagaling Niya ang mga sakit ng mga tao, nanalangin para sa kanila, at binasbasan ang kanilang mga anak. Pagkatapos pasimulan ang sakramento at magbigay ng karagdagang mga turo, Siya ay lumisan.

3 Nephi 19–26 Ang labindalawang disipulo ay naglingkod sa mga tao, at napuspos sila ng Espiritu Santo. Muling nagpakita si Jesucristo sa pangalawang pagkakataon at nanalangin para sa lahat ng maniniwala sa Kanya. Binasbasan Niya ang sakramento at itinuro kung paano tutuparin ng Ama ang Kanyang tipan sa Israel. Iniutos ng Tagapagligtas sa mga tao na saliksikin ang mga salita ni Isaias at ng lahat ng propeta, at tinagubilinan Niya si Nephi na itala ang katuparan ng mga propesiya na ipinahayag ni Samuel ang Lamanita. Ibinigay niya ang mga salita na sinabi ng Ama kay Malakias at ipinaliwanag ang “lahat ng bagay … mula sa simula hanggang sa panahon na siya ay paparito sa kanyang kaluwalhatian” (3 Nephi 26:3). Pagkatapos ay lumisan Siya.

3 Nephi 27–28 Nagpakita si Jesucristo at tinagubilinan ang labindalawang disipulo na tawagin ang Simbahan sa Kanyang pangalan. Itinatag Niya ang Kanyang ebanghelyo at iniutos sa Kanyang mga disipulo na maging tulad Niya. Ipinagkaloob ni Jesucristo sa labindalawang disipulo ang ayon sa kanilang hangarin.

3 Nephi 29–30 Ipinaliwanag ni Mormon na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay palatandaan na nagsimula nang tipunin ng Diyos ang Israel sa mga huling araw. Pinayuhan ng Panginoon ang mga Gentil na magsisi at maging bahagi ng Kanyang mga pinagtipanang tao.