Library
Home-Study Lesson: 3 Nephi 1–11:17 (Unit 24)


Home-Study Lesson

3 Nephi 1–11:17 (Unit 24)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng 3 Nephi 1–11:17 (unit 24) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (3 Nephi 1)

Nang pag-aralan ng mga estudyante ang tungkol sa katuparan ng mga propesiya ni Samuel, ang Lamanita hinggil sa pagsilang ni Jesucristo, nalaman nila na tutuparin ng Panginoon ang lahat ng salita na pinasabi Niya sa Kanyang mga propeta. Mula sa halimbawa ng mga matatapat kahit pinlano ng mga hindi naniniwala na lipulin sila, natutuhan ng mga estudyante na kapag naharap tayo sa mga kasinungalingan ni Satanas, mapipili nating maniwala kay Jesucristo at manatiling tapat. Ang paghihimagsik ng ilang kabataang Lamanita ay nagpakita sa mga estudyante na kung magpapadaig tayo sa tukso, ang ating halimbawa ay magkakaroon ng masamang impluwensya sa pananampalataya at kabutihan ng ibang tao.

Day 2 (3 Nephi 2–5)

Habang pinag-aaralan ang paglayo sa kabutihan ng mga tao, natutuhan ng mga estudyante na kung kalilimutan natin ang mga espirituwal na karanasan na nangyari noon, tayo ay mas madaling matutukso at malilinlang ni Satanas. Nang masuri nila ang mapanlinlang na liham ni Giddianhi kay Laconeo, natuklasan ng mga estudyante kung paano madalas gumamit si Satanas at ang mga sumusunod sa kanya ng panghihibok o labis na papuri, mga hindi totoong pangako, at mga pagbabanta para iligaw ang mga tao. Natutuhan ng mga estudyante mula sa mga Nephita at mga Lamanita na nagtagumpay sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban sa mga tulisan ni Gadianton na kapag espirituwal at temporal nating inihanda ang ating sarili, palalakasin tayo ng Panginoon na makayanan ang mga hamon at pagsubok. Nang mabasa ng mga estudyante ang tungkol sa papuri at pasasalamat ng mga Nephita sa Panginoon dahil sa pagkakaligtas nila, natutuhan nila na ang pasasalamat sa kabutihan at awa ng Diyos sa pagkakaligtas natin mula sa paghihirap ay tumutulong sa atin na manatiling mapagpakumbaba. Ipinakita sa mga pagsisikap ng mga Nephita na ipangaral ang ebanghelyo at sa pahayag ni Mormon tungkol sa kanyang tungkulin na bilang mga disipulo ni Jesucristo, tayo ay may responsibilidad na ituro sa iba ang daan patungo sa buhay na walang hanggan.

Day 3 (3 Nephi 6–10)

Nang mabasa ng mga estudyante kung paano unti-unting naging masama ang mga Nephita at mga Lamanita, nalaman nila na kapag palalo tayo, tinutulutan natin si Satanas na magkaroon ng mas malakas na kapangyarihan na tuksuhin tayo at udyukan na lalong magkasala. Ngunit nakita sa halimbawa ng ilan sa mga tao na mapipili nating maging mapagpakumbaba at tapat anuman ang ating kalagayan. Nang mawasak ang pamahalaan ng mga Nephita, ipinakita ng mga sumunod kay Nephi na kung magsisisi tayo at susundin ang mga tagapaglingkod ng Panginoon, matatamo natin ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay. Matapos ang matinding pagkawasak, narinig ng lahat ng tao sa buong lupain ang tinig ni Jesucristo sa kadiliman na nagsasabing kung lalapit tayo sa Kanya nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, tayo ay Kanyang pagagalingin at bibigyan ng buhay na walang hanggan.

Day 4 (3 Nephi 11:1–17)

Nang pag-aralan ng mga estudyante ang pagpapakilala ng Ama kay Jesucristo, nalaman nila na kadalasang nangungusap ang Espiritu Santo sa ating puso. Nalaman din nila na kapag natutuhan natin kung paano makinig sa tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mauunawaan natin ang sinasabi Niya sa atin. Mula sa tala tungkol sa Tagapagligtas sa simula ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita, nalaman ng mga estudyante na inaanyayahan tayong lahat ni Jesucristo na tumanggap ng personal na patotoo na Siya ang ating Tagapagligtas at kapag tinanggap natin ang patotoong iyan, responsibilidad nating magpatotoo tungkol sa Kanya.

Pambungad

Ang aktibidad para sa 3 Nephi 1–7 sa lesson na ito ay nagbibigay-diin sa ilan sa mga doktrina at mga alituntunin na makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga aktibidad sa pagtuturo para sa 3 Nephi 8–10 ay maghahanda sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang kanilang patotoo sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan nila ang tungkol sa pagpapakita Niya sa mga inapo ni Lehi sa 3 Nephi 11.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 1–7

Ang mga palatandaan at kababalaghan ay nagpahayag ng pagsilang ni Jesucristo; ang mga tao ay pauli-ulit na naging mabuti at masama hanggang sa bumagsak ang pamahalaan

Magdrowing sa pisara ng linya tulad ng sumusunod:

Larawan
linyang alun-alon

Itanong: Ayon sa napag-aralan ninyo nitong nakalipas na linggo, paano inilalarawan ng linyang ito ang mga Nephita sa 3 Nephi 1–7? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga chapter heading ng 3 Nephi 1–7 upang maipaalala sa kanila kung paano tumataas-bumababa sa kabutihan at sa kasamaan ang mga Nephita mula A.D. 1 hanggang A.D. 33.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan kung ano ang maituturo sa atin ng 3 Nephi 1–7 tungkol sa pagiging tunay na nagbalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, ipabasa nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan. (Kung maaari, magbigay ng kopya para sa bawat estudyante, at sabihin sa kanila na salungguhitan ang mga parirala o mga salita na sa palagay nila ay pinakamainam na naglalarawan sa isang taong nagbalik-loob.)

“Ang pagbabalik-loob ay isang espirituwal at moral na pagbabago. Ang ibig sabihin ng nagbalik-loob ay hindi lamang tinanggap sa isipan si Jesus at ang kanyang mga turo, kundi ito rin ay isang humihikayat na pananampalataya sa kanya at sa kanyang ebanghelyo. … Sa isang taong tunay at lubos na nagbalik-loob, ang hangarin ang mga bagay na salungat sa ebanghelyo ni Jesucristo ay naglaho na. At ang pumalit dito ay pagmamahal sa Diyos, na may matatag at matibay na determinasyon na sundin ang kanyang mga kautusan” (sa Conference Report, Guatemala Area Conference 1977, 8).

Itanong: Anong parirala o mga salita ang sa palagay ninyo ay pinakamainan na naglalarawan sa isang taong nagbalik-loob?

Isulat sa pisara ang sumusunod na chart, o gawin itong handout at ibigay sa mga estudyante:

Mga Paniniwala at Gawain na Humahantong sa Pagbabalik-loob

Mga Paniniwala at Gawain na Nagpapahina sa Pagbabalik-loob

3 Nephi 1:15–23, 27–30

3 Nephi 2:1–3; 3:1–10

3 Nephi 4:7–12, 30–33

3 Nephi 6:13–18; 7:1–5

3 Nephi 7:15–22

Bigyan ang bawat estudyante ng isa sa mga scripture passage mula sa chart. Bigyan ang mga estudyante ng oras na saliksikin ang ibinigay na scripture passage sa kanila para sa mga paniniwala at gawain na humahantong sa pagbabalik-loob o nagpapahina ng pagbabalik-loob. Marami sa mga alituntunin na mahahanap ng mga estudyante ang matatagpuan sa Buod ng Daily Home-Study Lessons para sa day 1–3 sa simula ng lesson na ito. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nahanap nila, isulat sa pisara ang kanilang mga sagot, o hikayatin sila na isulat ang mga ito sa kanilang handout. Tulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga alituntuning nalaman nila sa pagtatanong na tulad ng mga sumusunod hinggil sa isa o dalawang katotohanan na nalaman ng mga estudyante:

  • Paano kayo namuhay o ang isang kakilala ninyo ayon sa katotohanang iyon o ano ang naranasan ninyo sa alituntuning iyon?

  • Batay sa katotohanang nalaman ninyo, ano ang maipapayo ninyo para matulungan ang isang tao na lalo pang magbalik-loob at espirituwal na tumatag?

3 Nephi 8–11:17

Malaki at matinding pagkawasak ang tanda ng kamatayan ni Jesucristo; pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, dinalaw Niya ang mga inapo ni Lehi

Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang mga pangyayari sa 3 Nephi 8 at ibahagi sa klase ang anumang naramdaman o impresyon niya habang pinag-aaralan niya ang kabanatang ito nitong nakaraang linggo. Ipabasa sa isang estudyante ang 3 Nephi 8:20–23. Sabihin sa klase na ipaliwanag kung bakit ang palatandaang inilarawan sa mga talatang ito ay angkop na palatandaan ng pagkamatay ni Jesucristo. Para mabigyang-diin ang kadiliman na naranasan ng mga Nephita, maaari mong gamitin ang sumusunod na aktibidad:

Bigyan ang bawat estudyante ng flashlight, at patayin ang mga ilaw sa silid. (Kung wala kang sapat na flashlight, kailangang maghiraman ang mga estudyante.) Sabihin sa mga estudyante na buksan ang kanilang flashlight at sabihin sa ilan sa kanila na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 9:13–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga katotohanang nalaman ng mga tao tungkol kay Jesucristo habang nararanasan nila ang kadiliman matapos ang Kanyang kamatayan. Buksan muli ang mga ilaw, at ibuod ang mga katotohanang natukoy ng mga estudyante at isulat ang mga ito sa pisara. Bigyang-diin ang mga sumusunod na alituntunin: Si Jesucristo ang liwanag at buhay ng mundo. Kung lalapit tayo kay Cristo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, tayo ay Kanyang tatanggapin, pagagalingin, at bibigyan ng buhay na walang hanggan.

Ibuod ang 3 Nephi 11:1–7 na ipinapaliwanag na ang mga taong nakaligtas sa pagkawasak ay nagtipon sa templo sa lupaing Masagana.

Ipakita ang larawang Nagtuturo si Jesus sa Kanlurang Bahagi ng Mundo (62380; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 82) o Pinagagaling ni Jesus ang mga Nephita (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 83). Sabihin sa mga estudyante na ilarawan sa isipan ang 3 Nephi 11:8–17 habang binabasa mo ito sa kanila. Huminto paminsan-minsan sa iyong pagbabasa, at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nadarama nila habang inilalarawan nila sa kanilang isipan ang pangyayaring ito, lalo na ang “isa-isang” paglapit ng mga Nephita sa Tagapagligtas, tulad ng nakatala sa 3 Nephi 11:15.

Matapos basahin ang 3 Nephi 11:8–17, itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod. Hikayatin sila na tahimik na pag-isipang mabuti ang mga tanong bago nila sagutin ito. (Tiyaking maglaan ng sapat na oras para masagot ng mga estudyante ang mga tanong na ito para hindi sila magmadali sa pag-iisip at pagbabahagi ng kanilang nadama at patotoo.)

  • Kung kasama kayo ng mga Nephita at nagkaroon kayo ng pagkakataong mahipo ang mga sugat ng Tagapagligtas, ano ang sasabihin ninyo sa Kanya?

  • Nang ipakilala ni Jesucristo ang Kanyang sarili sa mga Nephita, bakit sa inyong palagay napakahalaga na binigyan-diin Niya ang “mapait na saro”? (3 Nephi 11:11).

  • Ano ang “mapait na saro” na tinukoy ni Jesucristo? (Tingnan sa D at T 19:16–19.)

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa liwanag na dumating sa iyong buhay nang sundin mo Siya. (Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang damdaming nadama nila sa lesson na ito at isulat ang mga ito sa kanilang sariling journal pag-uwi sa kanilang tahanan.)

Susunod na Unit (3 Nephi 11:18–16:20)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong sa pag-aaral nila ng susunod na unit: May itinuturing ba akong kaaway? Kung gayon, paano ko pinapakitunguhan ang mga taong ito? Anong mga katangian ang nadama ng Diyos na mahalaga sa aking buhay? Makatwiran ba na husgahan ang ibang tao? Mahahanap ng mga estudyante ang mga sagot sa mga tanong na ito sa pag-aaral nila ng mga salita ng Tagapagligtas sa unit 25.

Print