Lesson 121
3 Nephi 11:18–41
Pambungad
Pagkatapos lumapit at mahipo ng mga Nephita ang mga bakas ng sugat sa mga kamay, mga paa, at tagiliran ng Tagapagligtas, ipinagkaloob ng Panginoon kay Nephi at sa iba pa ang kapangyarihang magbinyag at magsagawa ng iba pang mga gawain ng priesthood. Sinabihan ng Tagapagligtas ang mga tao na iwasan ang pagtatalu-talo at nangako na magmamana ng kaharian ng Diyos ang mga namumuhay ayon sa Kanyang doktrina.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
3 Nephi 11:18–27
Pinagkalooban ni Jesucristo si Nephi at ang iba pa ng kapangyarihang magbinyag
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Sino ang maaaring magbinyag sa akin? Paano isinasagawa ang pagbibinyag?
Kung nagtuturo ka sa isa o mahigit pang mga estudyante na kamakailan lang sumapi sa Simbahan, maaari mong simulan ang lesson na ito sa paghiling sa kanila na ibahagi ang ilang karanasan nila noong pinag-aaralan nila ang tungkol sa Simbahan. Itanong sa kanila kung pinag-isipan nila ang mga sagot sa mga tanong sa pisara nang magdesisyon silang magpabinyag.
Maaari mo ring simulan ang lesson na ito sa pagsasabi sa mga estudyante na isipin kunwari na isa sa mga kaibigan nila ang nagdesisyong sumapi sa Simbahan kamakailan at itinanong sa kanila ang dalawang tanong na nasa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang isasagot nila sa mga tanong na ito. O maaari mong sabihin sa dalawang estudyante na isadula ang pag-uusap ng isang miyembro ng Simbahan at ng kanyang kaibigan gamit ang mga tanong na ito.
Ipaalala sa mga estudyante na sa nakaraang lesson nalaman nila ang tungkol sa pagpapakita ni Jesucristo sa isang pangkat ng mga Nephita. Inanyayahan sila ni Jesucristo na patunayan nila sa kanilang sarili ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at kabanalan sa pamamagitan ng paghipo sa mga bakas ng sugat sa Kanyang mga kamay, mga paa, at tagiliran. Ipaliwanag na pagkatapos ng pangyayaring ito, kaagad itinuro ng Tagapagligtas sa mga tao ang Kanyang doktrina, at ito ay ang manampalataya sa Kanya, magpabinyag, at tumanggap ng Espiritu Santo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 11:18–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sagot sa tanong na Sino ang maaaring magbinyag sa akin? Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang mga sagot sa ilalim ng tanong na ito. Iba-iba man ang mga gamiting salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang binyag ay dapat isagawa ng isang taong maytaglay ng tamang awtoridad. (Kung ang sagot na ito ay hindi pa nakasulat sa pisara, maaari mong idagdag ito sa listahan ng mga sagot.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa ang katotohanang ito, maaari mong ipaliwanag na maisasagawa lamang ang binyag ng isang taong mayhawak ng katungkulang priest sa Aaronic Priesthood (tingnan sa D at T 20:46) o ng isang taong mayhawak ng Melchizedek Priesthood (tingnan sa D at T 20:38–39; 107:10–11). Bukod pa rito, kailangan niyang kumilos sa ilalim ng pamamahala ng isang priesthood leader na mayhawak ng mga susi ng priesthood na kinakailangan para mabigyang awtorisasyon ang ordenansa (tulad ng bishop, branch president, o mission president).
-
Sa palagay ninyo, bakit iniutos ng Panginoon na isagawa ang ordenansa ng binyag ng isang awtorisadong mayhawak ng priesthood?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 11:23–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sagot sa tanong na Paano isinasagawa ang pagbibinyag? Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng tanong na ito.
-
Ano ang ginagawa sa oras ng pagbibinyag kung ang mga salita sa ordenansa ng binyag ay hindi nabigkas nang tama o kung ang taong binibinyagan ay hindi lubusang nailubog sa tubig? (Ang ordenansa ay isinasagawa muli.) Anong katotohanan ang matututuhan natin mula rito? (Iba-iba man ang mga gamiting salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Kinakailangang isagawa ang binyag sa paraang inihayag ng Panginoon. Maaari mong isulat sa pisara ang pahayag na ito.)
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang isagawa nang wasto ang binyag ayon sa paraang inihayag ng Panginoon?
Para matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng mga katotohanang tinalakay ninyo sa 3 Nephi 11:18–27, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang nadama ninyo noong binyagan kayo? Ano ang ibig sabihin sa inyo ng mabinyagan ng isang taong mayhawak ng tamang awtoridad at nang ayon sa paraang inihayag ng Panginoon?
-
May nasaksihan ba kayong binyag kamakailan? Ano ang nadama ninyo?
Kung may mga estudyante ka na mayhawak ng katungkulang priest sa Aaronic Priesthood, itanong:
-
Paano nakakaimpluwensya sa inyo na alam ninyong may awtoridad kayo na magbinyag? (Maaari mong itanong kung may nakapagbinyag na sa mga estudyante mo sa iyong klase. Kung may nakapagbinyag na, anyayahan sila na ibahagi ang nadama at natutuhan nila sa karanasang ito.)
Maaari mong ibahagi ang sarili mong karanasan at nadarama tungkol sa sagradong ordenansa ng binyag.
3 Nephi 11:28–30
Nagbabala si Jesucristo na ang pagtatalo ay sa diyablo
Isulat sa pisara ang salitang pagtatalo.
-
Ano ang ibig sabihin ng pagtatalo? (Argumento, hindi pagkakasundo, o alitan.)
Sabihin sa mga estudyante na mabilis na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang ilang sitwasyon o aktibidad na maaaring magdulot ng pagtatalo. Matapos ang sapat na oras na makapagsulat ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 11:28–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang ilang bagay na pinagtatalunan ng mga Nephita.
-
Ano ang tila ilan sa mga pinagtatalunan ng mga Nephita? (Ang ordenansa ng binyag [tingnan din sa 3 Nephi 11:22] at ang doktrina ni Cristo.)
-
Ayon sa 3 Nephi 11:29, saan nagmumula ang pagtatalo? (Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang pagtatalo ay hindi sa Diyos, kundi sa diyablo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito 3 Nephi 11:29.)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang iwasan ang pakikipagtalo kapag tinatalakay ang ebanghelyo sa iba? Bakit ang pakikipagtalo ay maling paraan sa pagtuturo ng ebanghelyo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking naunawaan nila na kapag tayo ay nakipagtalo o nakipagdebate sa iba tungkol sa ebanghelyo, ang Espiritu Santo ay hindi mapapasaatin upang tulungan tayong magturo o patotohanan ang katotohanan sa puso ng mga tinuturuan natin.)
Upang mabigyang-diin ang matinding kahihinatnan ng pagtatalo, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 11:29. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “What I Want My Son to Know before He Leaves on His Mission,” Ensign, Mayo 1996, 41).
-
Kailan ninyo nadama na lumisan ang Espiritu ng Panginoon dahil sa pagtatalo? Paano ninyo nalaman na lumisan ang Espiritu?
Ituro ang pahayag ng Tagapagligtas hinggil sa pagtatalo sa 3 Nephi 11:30: “Ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi.”
-
Paano natin “maiwawaksi” ang pagtatalo at alitan? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod: Pagsikapan nating maging mga tagapamayapa [tingnan sa 3 Nephi 12:9]. Maaari nating ipanalangin na magkaroon tayo ng karunungan at pasensya para maiwaksi ang pagtatalo. Maaari nating iwasan ang mga sitwasyon na matutukso tayong makipagtalo sa iba.)
-
Kailan ninyo nadama na napagpala kayo dahil sa inyong pagsisikap na iwasan o iwaksi ang pagtatalo?
-
Paano makatutulong sa inyo ang pag-alaala sa mga turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 11:29–30 kapag nalagay kayo sa isang sitwasyon na may pagtatalo o maaaring magkaroon ng pagtatalo?
Maaari kang magbahagi ng isang pangyayari kung saan nadama mong pinagpala ka dahil sa iyong pagsisikap na iwasan o iwaksi ang pagtatalo. Upang mahikayat ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila sa 3 Nephi 11:28–30, sabihin sa kanila na tingnan muli ang kanilang listahan ng mga sitwasyon o aktibidad kung saan maaaring madali silang matuksong makipagtalo. Sabihin sa kanila na magtakda at magsulat ng isang mithiin kung paano nila iiwasan o iwawaksi ang pagtatalo sa sitwasyon o aktibidad na inilista nila.
3 Nephi 11:31–41
Ipinahayag ni Jesucristo ang Kanyang doktrina
Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng 3 Nephi 11:31–41, isulat sa pisara ang sumusunod:
Sabihin sa mga estudyante na maikling ikuwento sa isang kaklase ang isang bagay na ginawa nila kamakailan na humantong sa mabuting resulta at ipaliwanag kung ano ang resultang iyon. Maaari mo ring sabihin sa kanila na magkuwento ng isang bagay na ginawa o nakita nila na humantong sa masamang resulta. (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang bagay na hindi angkop o napakapersonal.)
Basahin nang malakas ang 3 Nephi 11:31 sa klase. Ipaliwanag na ang natitirang bahagi ng 3 Nephi 11 ay naglalaman ng paghahayag ni Jesucristo ng Kanyang doktrina sa mga tao ni Nephi. Nakatala rin dito ang mga ibubunga ng pagtanggap o hindi pagtanggap ng Kanyang doktrina.
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: 3 Nephi 11:32–34; 3 Nephi 11:35–36; 3 Nephi 11:37–38; 3 Nephi 11:39–40. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa bawat magkapartner na pag-aralan ang isa sa mga scripture passage. Sabihin sa kanila na tukuyin ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa mga ginagawa at mga kahihinatnan nito. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na ikumpara ang mga turong ito sa pang-apat na saligan ng pananampalataya.)
Matapos magkaroon ng sapat na oras na makapag-aral ang mga estudyante, tawagin ang ilan sa kanila na ibahagi ang mga gawa at mga kahihinatnan na nakita nila sa mga talata na naka-assign sa kanila. Sabihin sa kanila na isulat ang kanilang mga sagot sa pisara sa ilalim ng Gawa o Kahihinatnan. Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng tungkol sa bawat scripture passage, itanong ang mga katugmang tanong sa ibaba:
Para sa magkapartner na naka-assign sa 3 Nephi 11:32–34, itanong:
-
Paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo na maniwala kay Jesucristo at sa Ama sa Langit? (Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.) Kailan nagpatotoo sa inyo ang Espiritu Santo tungkol sa realidad at pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
Para sa magkapartner na naka-assign sa 3 Nephi 11:35–36, itanong:
-
Ayon sa mga talatang ito, paano nag-aanyaya ng impluwensya ng Espiritu Santo sa inyong buhay ang desisyon ninyong maniwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Para sa magkapartner na naka-assign sa 3 Nephi 11:37–38, itanong:
-
Ano ang nakita ninyong pagkakatulad sa 3 Nephi 11:37 at 3 Nephi 11:38?
-
Ano ang mabubuting katangian ng isang maliit na bata? Sa inyong palagay, bakit mahalagang “maging katulad ng isang maliit na bata”?
Para sa magkapartner na naka-assign sa 3 Nephi 11:39–40, itanong:
-
Paano binigyang-diin ng mga turo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito ang kahalagahan ng pagpiling sundin o hindi sundin ang Kanyang doktrina?
Ipabuod sa mga estudyante ang mahahalagang gawa na itinuro ni Jesucristo na dapat nating gawin upang makapasok sa kaharian ng langit. Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estududyante, ngunit dapat masabi nila ang sumusunod na katotohanan: Upang makapasok sa kaharian ng langit, dapat tayong manampalataya kay Jesucristo, magpabinyag, at tumanggap ng Espiritu Santo. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo sa katotohanang ito. Hikayatin ang mga estudyante na mamuhay ayon sa doktrina ni Jesucristo upang mamana nila ang kaharian ng Diyos. Maaari mo rin silang paalalahanan na pagsikapan nilang magawa ang kanilang mithiin na iwasan at iwaksi ang pagtatalo.