Home-Study Lesson
2 Nephi 32–Jacob 4 (Unit 9)
Pambungad
Makatutulong ang lesson na ito na maunawaan ng mga estudyante na si Nephi ay nagpatotoo sa misyon ni Jesucristo. Magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi kung paano makatutulong sa kanila ang mga salita ni Jacob para mapaglabanan ang kapalaluan at magamit ang kanilang mga pagpapala mula sa Diyos sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Magkakaroon sila ng pagkakataong gamitin ang mga alituntunin at mga doktrinang natutuhan nila sa Jacob 2 sa pagtalakay sa kahalagahan ng pagsunod sa batas ng kalinisang puri ng Panginoon. Tatalakayin nila ang mga paraan para makahanap sila ng mga pagkakataon na magsalita at magbahagi tungkol kay Jesucristo at sa Pagbabayad-sala.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 32–33
Pinayuhan tayo ni Nephi na hanapin ang patnubay ng Diyos sa pamamagitan ng mga salita ni Jesucristo
Simulan ang lesson sa pagtatanong ng mga sumusunod:
-
Ano ang isa sa mga paborito ninyong isport o aktibidad?
-
Anong mahahalagang kasanayan ang kailangan ninyong praktisin nang madalas upang lalong humusay sa isport o aktibidad na iyon?
-
Ano ang mangyayari kung hindi pinapraktis ng isang tao ang mahahalagang kasanayang iyon?
Sabihin sa klase na may mahahalagang gawain na nag-aanyaya sa Espiritu Santo na bigyan tayo ng patnubay na mula sa ating Ama sa Langit. Isulat sa pisara ang sumusunod na chart o gawin itong handout.
Panalangin |
Pagtanggap ng Patnubay mula sa Espiritu Santo |
Pag-aaral ng Banal na Kasulatan |
---|---|---|
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga gawain sa chart at basahin ang kaugnay na mga scripture reference. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante o hatiin sila sa maliliit na grupo. Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbabahagi kung paano nakatulong ang panalangin, pagtanggap ng patnubay mula sa Espiritu Santo, at pag-aaral ng banal na kasulatan para mapatnubayan sila ng Diyos.
Maaari mo ring ipabahagi sa mga estudyante kung paano sila natulungan ng mga tagubilin ni Elder David A. Bednar tungkol sa utos na manalangin tuwina. Maaari mo ring itanong sa kanila kung mas naging taimtim at madalas ba ang kanilang panalangin nang gawin nila sa loob ng 24 na oras ang natutuhan nila tungkol sa palagiang pagdarasal. (Mga assignment ito mula day 1.)
Jacob 1–2
Pinagsalitaan ni Jacob ang kanyang mga tao dahil sa pagmamahal nila sa kayamanan, kapalaluan, at seksuwal na imoralidad
Isulat sa pisara ang sumusunod na pangungusap: Dahil may mga taong nagtamo nang mas higit na … kaysa sa iba, maaaring matukso sila na maniwala na mas nakahihigit sila kaysa sa iba.
Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng iba pang salita na kukumpleto sa pangungusap na ito. Kabilang sa mga posibleng sagot ang pera, mga kayamanan, kahusayan sa musika, kahusayan sa isport, mga talento, pinag-aralan, katalinuhan, mga pagkakataong umunlad, kaalaman sa ebanghelyo, at mga materyal na bagay. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung ang pahayag na ito, kabilang ang lahat ng mga salitang iminungkahi nila, ay totoo o akma sa kanila.
Ipaalala sa mga estudyante na dahil sa pagmamahal ni Jacob sa kanyang mga tao at sa kanyang pagsunod sa iniuutos ng Panginoon, binalaan niya ang kanyang mga tao sa kanilang mga kahinaan at mga kasalanan. Ipabasa sa mga estudyante ang Jacob 2:12–13 at magmungkahi ng mga paraan upang makumpleto nila ang pahayag na nasa pisara na maglalarawan sa ilan sa mga Nephita sa panahon ng paglilingkod ni Jacob.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Jacob 2:17–21 at hanapin ang mga payo na makatutulong sa kanila na mapaglabanan ang kapalaluan. (Maaaring namarkahan na nila ang mga payo na ito sa kanilang personal na pag-aaral.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga payo na nahanap nila at ipaliwanag kung paano makatutulong ang payo na ito para mapaglabanan nila ang kapalaluan.
Ipaliwanag na ang mga talatang ito ay nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Dapat nating hanapin ang kaharian ng Diyos nang higit sa lahat ng iba pang mga bagay. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila magagamit ang mga pagpapala at oportunidad na ibinigay sa kanila ng Panginoon para maitayo ang kaharian ng Diyos at mapagpala ang buhay ng ibang tao.
Para maihanda ang mga estudyante na marebyu ang mga itinuro ni Jacob tungkol sa kadalisayang seksuwal, sabihin sa kanila na kunwari ay may nagtanong sa kanila kung bakit naniniwala sila sa pagsunod sa batas ng kalinisang puri. Ipabasa sa mga estudyante ang Jacob 2:28–35 para makatulong sa pagsagot sa tanong na ito. Makatutulong na ipaalala sa kanila na natutuhan nila ang sumusunod na katotohanan bilang bahagi ng kanilang personal na pag-aaral: Ang Panginoon ay nalulugod sa kalinisang puri. Napag-aralan na rin nila ang mga ibubunga ng seksuwal na imoralidad na inilarawan sa mga talatang ito. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nila ipapaliwanag, batay sa Jacob 2:28–35, ang kanilang sagot sa tanong na ito.
Itanong: Ayon sa Jacob 2:27, ano ang “salita ng Panginoon” tungkol sa pagkakaroon ng mahigit sa isang asawa? (Tiyaking malinaw na naunawaan na iniutos ng Panginoon na ang isang lalaki ay dapat magkaroon lamang ng isang asawa.)
Ipaliwanag na may panahon sa kasaysayan ng mundo na iniutos ng Panginoon na mag-asawa nang higit sa isa ang Kanyang mga tao. Halimbawa, ang pag-aasawa nang higit sa isa ay ginawa noong panahon sa Lumang Tipan nina Abraham at Sara (tingnan sa Genesis 16:1–3; D at T 132:34–35, 37) at ng kanilang anak na si Isaac at apong si Jacob (tingnan sa D at T 132:37), at ipinagpatuloy ito noong mga unang ilang taon ng ipinanumbalik na Simbahan, na nagsimula kay Propetang Joseph Smith (tingnan sa D at T 132:32–33, 53). Gayunman, noong 1890, iniutos ng Diyos sa Kanyang propetang si Wilford Woodruff na itigil ang pag-aasawa nang higit sa isa (tingnan sa D at T, Opisyal na Pahayag 1).
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano ikalulugod ng Panginoon at ng iba pa ang pasiya nila na maging dalisay at malinis. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano sila pagpapalain at ang kanilang pamilya ng pagsunod sa batas ng kalinisang puri—ngayon at sa hinaharap. Ipaliwanag kung paano ka napagpala at ang iyong pamilya dahil sinunod ninyo ang batas ng kalinisang puri.
Jacob 3–4
Hinikayat ni Jacob ang kanyang mga tao na magsisi at umasang makababalik sila sa piling ng Diyos
Magdikit ng maliit na larawan ni Jesucristo sa gitna ng pisara, sa isang poster, o sa isang papel. Sa palibot ng larawan, magsulat ng ilang salita na sumasagisag sa mga bagay na maaaring maging dahilan para hindi mapagtuunan ng pansin ng mga tao ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Jacob 4:14. Ipaliwanag na nasa talatang ito ang pariralang “pagtingin nang lampas sa tanda.” Tanungin sila kung ano ang tinutukoy ng “tanda” sa talatang ito. (Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang tanda ay si Cristo” [“Jesus of Nazareth, Savior and King,” Ensign, Dis. 2007, 45].) Matapos magpaliwanag, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 4:14–15.
Itanong: Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng pagtingin nang lampas sa tanda? (Ituon ang ating buhay sa anumang bagay maliban sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Jacob 4:4–12 at alamin ang ilang dahilan kung bakit naniniwala si Jacob kay Jesucristo at bakit sa kanyang palagay ay mahalagang malaman ng iba ang tungkol sa Pagbabayad-sala. Bilang resulta ng talakayang ito, tiyaking malinaw na nauunawaan ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapupuno tayo ng pag-asa at maipagkakasundo ang ating sarili sa Diyos.
Ibahagi ang iyong pasasalamat para sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Magpatotoo na si Jesucristo ang “tanda” na dapat pagtuunan ng ating buhay. Para tapusin ang lesson, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin nila upang maituon ang kanilang buhay sa Tagapagligtas sa mga susunod na araw.
Susunod na Unit (Jacob 5 hanggang Omni)
Itanong sa mga estudyante: Ano ang anti-Cristo? Paano ninyo sasagutin ang isang anti-Cristo? Sa inyong pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa susunod na unit, pansinin ang sinabi at ginawa ni Jacob nang harapin siya ni Serem, isang anti-Cristo. Alamin din ang mga pagpapalang natanggap ni Enos dahil hinanap niya ang Diyos nang buong puso, nanalangin nang buong araw hanggang gumabi. Tingnan ang mga dahilan kung bakit nilisan ng mga Nephita ang lupain ng kanilang unang mana at nakiisa sa mga Mulekita.