Lesson 108
Helaman 5
Pambungad
Nagpatuloy sa kasamaan ang mga Nephita hanggang sa karamihan sa kanila ay pinili ang kasamaan sa halip na ang kabutihan. Inilaan nina Nephi at Lehi ang sarili sa pangangaral ng salita ng Diyos. Itinuro ng kanilang amang si Helaman na alalahanin ang kanilang Manunubos at gawin Siyang saligan ng kanilang buhay. Matapos turuan ang mga Nephita, nangaral sina Nephi at Lehi sa mga Lamanita, na nagpabilanggo sa kanila. Mahimala silang iniligtas ng Panginoon, at karamihan sa mga Lamanita ay nagsisi at nagbalik-loob sa ebanghelyo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Helaman 5:1–13
Pinayuhan ni Helaman ang kanyang mga anak na sundin ang mga kautusan ng Diyos, ipangaral ang ebanghelyo, at tandaan ang mapanubos na kapangyarihan ni Jesucristo
Bago magklase, maghanda ng anim na piraso ng papel na ididispley. Ang unang papel ay dapat na may nakasulat na pangalan mo. Ang limang iba pa ay dapat maglaman ng mga sumusunod na salita at parirala: Mga magulang, Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Mga propeta, Pagsisisi na humahantong sa kaligtasan, at Pagsunod sa mga kautusan.
Bigyan ang bawat estudyante ng maliit na piraso ng papel. Ipaliwanag na ipapakita mo sandali ang anim na piraso ng papel na may mga salitang nakasulat sa mga ito. Pagkatapos ay isusulat nila nang walang kopya ang mga salitang iyon. Ipakita sa mga estudyante ang mga piraso ng papel nang isa-isa.
Ipasulat sa mga estudyante ang mga salitang naalala nila. Pagkatapos ay ipakitang muli ang anim na papel. Itanong:
-
Madali ba o mahirap tandaan ang mga salita at mga pariralang ito?
-
Ano sa palagay ninyo ang nagawang kaibhan kung sinabi muna sa inyo na kailangan ninyong tandaan ang mga nakasulat sa mga piraso ng papel?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang sinabi niya tungkol sa kahalagahan ng pag-alaala sa mga turo ng ebanghelyo na natanggap natin:
“Kapag hinanap ninyo sa diksyunaryo ang pinakamahalagang salita, alam ba ninyo kung ano iyon? Ito ay ang salitang tandaan. Dahil kayong lahat ay nakipagtipan—alam ninyo ang dapat gawin at paano ito gawin—ang pinakakailangan natin ay makaalala” (“Circles of Exaltation” [mensahe sa CES religious educators, Hunyo 28, 1968], 5, si.lds.org).
Ipaliwanag sa klase na ngayon ay malalaman nila ang tungkol sa dalawang tao na nakagawa ng kaibhan sa buhay ng libu-libong tao dahil natandaan nila ang mga katotohanan at kumilos ayon dito. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang nais ng Panginoon na tandaan nila sa lesson sa araw na ito.
Ibuod ang Helaman 5:1–4. Ipaliwanag na dahil sa kasamaan ng mga tao, nagbitiw si Nephi sa pagiging punong hukom upang maiukol nila ng kanyang kapatid na si Lehi ang kanilang sarili sa pangangaral ng salita ng Diyos.
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference. (Huwag isama ang mga salita sa mga panaklong.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talatang nakalista sa pisara, na hinahanap ang salitang tandaan o pakatandaan. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang salitang ito. Pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang mga talatang ito, na inaalam ang nais ni Helaman na tandaan ng kanyang mga anak. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong isulat ang kanilang mga sagot sa pisara sa tabi ng mga kaugnay na scripture reference.
Para matulungan ang mga estudyante na masuri at maunawaan ang mga talatang ito, itanong ang mga sumusunod:
-
Paano makatutulong sa inyo na piliin na “gawin … ang yaong mabuti” ang pag-alaala sa mabubuting halimbawa ng iba?
-
Ano ang ginagawa ninyo para maalaala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Kung tayo ay … , mawawalan ng kapangyarihan sa atin si Satanas.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 5:12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano nila makukumpleto ang pahayag sa pisara. Iba-iba man ang gamiting mga salita ng mga estudyante, tiyakin na naipahayag nila na kung itatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo, si Satanas ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa atin. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga parirala sa Helaman 5:12 na nagpapahayag ng alituntuning ito. Bigyang-diin na ang Helaman 5:12 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang talatang ito sa paraan na madali nila itong mahahanap.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning itinuro sa talatang ito, bumuo ng isang maliit na tore o bahay mula sa mga bagay (tulad ng mga blocks o aklat), at itanong ang mga sumusunod:
-
Bakit kailangang matibay ang pundasyon ng gusali?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng itayo ang ating saligan o pundasyon kay Jesucristo?
-
Ano ang mga ipinangako sa mga taong itinayo ang kanilang saligan sa “bato na ating Manunubos”?
-
Ano ang magagawa natin para maitayo natin ang ating saligan kay Jesucristo? (Maaari mong itanong sa mga estudyante kung paano naging halimbawa ng mga paraan na maitatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo ang mga katotohanang itinuro sa Helaman 5:6–11.)
Maaari mong ipaliwanag na ang pagtatayo sa saligan ng Tagapagligtas ay hindi makahahadlang sa mga pag-atake ni Satanas ngunit ito ay magbibigay ng lakas para makayanan natin ang mga ito.
-
Kailan ninyo napaglabanan ang tukso o natiis ang mga pagsubok dahil nakatayo ang inyong saligan kay Jesucristo?
Magpatotoo tungkol sa lakas na natanggap mo dahil itinayo mo ang iyong saligan kay Jesucristo. Bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang isang paraan na mas masigasig nilang pagsisikapan na itayo ang kanilang saligan sa kanilang Manunubos.
Helaman 5:14–52
Pinrotektahan ng Panginoon sina Nephi at Lehi sa bilangguan, at maraming Lamanita ang nagbalik-loob
Ibuod ang Helaman 5:14–19 na ipinapaliwanag na itinuro nina Nephi at Lehi ang ebanghelyo nang may dakilang kapangyarihan sa mga Nephita at sa mga Lamanita. Dahil diyan, maraming tumiwalag na mga Nephita ang muling nanampalataya. Sa Zarahemla at sa karatig na lugar, nabinyagan ang 8,000 Lamanita.
Kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa bawat magkapartner na isulat sa isang papel ang chart. Sabihin sa mga magkakapartner na magtulungan na basahin ang mga talatang nakalista sa chart at pagkatapos ay magdrowing ng simpleng larawan o sumulat ng maikling buod tungkol sa inilalarawan ng bawat talata. (Habang kinokopya ng mga estudyante ang chart, sabihin sa kanila na magtira ng espasyo sa ilalim ng bawat scripture reference para sa kanilang mga larawan o buod.)
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na sandaling ipakita at ipaliwanag ang kanilang mga larawan o buod sa isa pang magkapartner na estudyante. Para mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante sa mga talatang ito, itanong ang mga sumusunod:
-
Nang maliliman ng kadiliman ang mga Lamanita, ano ang ipinagawa sa kanila ng tinig? (Tingnan sa Helaman 5:29, 32.)
-
Paano inilarawan ng Helaman 5:30 ang tinig?
-
Kailan ninyo nadama o narinig ang mga pagbulong ng “tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan”?
-
Ano ang itinuro ni Aminadab na gawin ng kanyang mga kapatid para maalis ang kadiliman? (Tingnan sa Helaman 5:41.)
-
Ano ang nangyari nang sundin ng mga Lamanita ang payo ni Aminadab at sumampalataya kay Cristo? (Tingnan sa Helaman 5:43–44.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Helaman 5:44–47, na inaalam ang mga salitang naglalarawan ng ilan sa mga resulta ng pagsisisi.
-
Mula sa mga talatang ito, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa pagsisisi? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo at nagsisi ng ating mga kasalanan, pupuspusin ng Espiritu Santo ang ating mga puso ng kapayapaan at kagalakan.)
Ibuod ang Helaman 5:48–52 na ipinapaliwanag na ang mga Lamanita at mga tumiwalag na Nephita na nakaranas ng himalang ito ay humayo at nagsipaglingkod sa mga tao, at “ang higit na nakararaming bahagi ng mga Lamanita” ay nagbalik-loob sa ebanghelyo.
Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung nararamdaman ba nila ngayon ang kapayapaan at galak sa kanilang buhay. Kung hindi nila nadarama, sabihin sa kanila na pag-isipan ang magagawa nila para maitayo ang kanilang saligan kay Jesucristo at maalis ang mga ulap ng kadiliman na nakapalibot sa kanila.