Library
Lesson 21: 1 Nephi 20–22


Lesson 21

1 Nephi 20–22

Pambungad

Sa pagtuturo ni Nephi sa mga miyembro ng kanyang pamilya, nagbasa siya mula sa mga laminang tanso at nagtuon sa mga propesiya ni Isaias tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel. Pagkatapos ay sinagot niya ang mga tanong ng kanyang mga kapatid tungkol sa mga propesiyang iyon. Ipinaliwanag niya na ang mga propesiya ay tuwirang naangkop sa kanilang pamilya. Sa pagtuturo ng mga salita ni Isaias, nagpatotoo si Nephi na titipunin ng Panginoon ang Kanyang mga pinagtipanang tao—na kahit hindi tinutupad ng mga tao ang kanilang mga tipan, mahal sila ng Panginoon at inaanyayahan sila na magsisi at bumalik sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 20

Pinagalitan ng Panginoon ang Kanyang mga tao at inaanyayahan sila na bumalik sa Kanya

Isinusulat ni Isaias ang tungkol sa Pagsilang ni Cristo

Ipakita sa mga estudyante ang larawang Isinusulat ni Isaias ang tungkol sa Pagsilang ni Cristo (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 22). Ipaliwanag na ipinapakita sa larawang ito na nagsusulat ang propetang si Isaias ng propesiya tungkol sa pagsilang ni Jesucristo. Tanungin kung ilan sa kanila ang kilala si Isaias.

Ipaliwanag na si Isaias ay propeta na nakatira sa Jerusalem at nagpropesiya sa mga tao sa pagitan ng 740 B.C. at 701 B.C., hindi pa natatagalan bago umalis si Lehi at ang kanyang pamilya patungo sa lupang pangako. Si Nephi ay nalulugod sa mga salita ni Isaias at ginamit ang mga propesiya ni Isaias para turuan ang kanyang pamilya (tingnan sa 1 Nephi 19:23; 2 Nephi 25:5). Dahil ang mga salita ni Isaias ay patula at puno ng simbolismo, nahihirapan kung minsan ang mga tao na maunawaan ang kanyang mga turo. Gayunman, makatatanggap tayo ng mga pagpapala kapag pinag-aralan natin ang kanyang mga salita at sinikap na maunawaan ang mga ito.

Ipaliwanag na nang magturo si Nephi sa kanyang pamilya, binasa niya ang ilan sa mga salita ni Isaias na nasa mga laminang tanso. Ginawa niya ito upang “lubos [niya] silang mahikayat na maniwala sa Panginoon nilang Manunubos” (1 Nephi 19:23; tingnan din sa talata 24).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 20:1–2. Bago siya magbasa, ipaliwanag na sa talatang ito, kinakausap ni Isaias ang mga taong nabinyagan na hindi naging tapat sa kanilang mga tipan. Maaari mong ipaliwanag ang pariralang “sambahayan ni Israel” na sinasabi ang sumusunod: Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng kasaysayan ni Jacob, na anak ni Isaac at apo ni Abraham. Si Jacob ay binigyan ng pangalang Israel ng Panginoon (tingnan sa Genesis 32:28). Ang mga katagang “sambahayan ni Israel” ay tumutukoy sa mga inapo ni Jacob at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon (tingnan sa Bible Dictionary, “Israel,” at “Israel, Kingdom of”).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 20:3–4, 8. Sabihin sa kanila na maghanap ng mga salita at mga parirala na nagsasaad na hindi naging tapat ang sambahayan ni Israel sa Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Magpakita ng isang metal na mahirap ibaluktot. Itanong sa mga estudyante kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng ang leeg ng isang tao ay parang “litid na bakal” (1 Nephi 20:4). [NO TRANSLATION] Tulad ng bakal na hindi madaling ibaluktot, ang isang taong palalo ay hindi magyuyuko ng kanyang leeg para magpakumbaba. Ang pariralang “litid na bakal” ay nagpapahiwatig na maraming tao sa sambahayan ni Israel ang puno ng kapalaluan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 20:22.

  • Sa inyong palagay, bakit walang kapayapaan ang masasama?

Ipaalala sa mga estudyante na noong ituro ni Nephi ang mga propesiya ni Isaias, hinikayat niya ang kanyang mga kapatid na, “Ihalintulad yaon sa inyong sarili” (1 Nephi 19:24).

  • Paano natutulad ang ilang miyembro ng pamilya ni Nephi sa mga taong sinabihan ni Isaias na magsisi?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 20:14, 16, 20.

  • Ano ang nais ng Panginoon na gawin at sabihin ng Kanyang mga pinagtipanang tao? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pag-alis sa Babilonia at Caldeo ay simbolo ng pagtalikod sa kamunduhan at paglapit sa Panginoon.)

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga tao na nakita nilang lumapit sa Panginoon at iniwan ang kamunduhan. Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang 1 Nephi 20:18, at alamin ang mga pagpapalang ibibigay ng Panginoon sa mga taong lalapit sa Kanya at susundin ang Kanyang mga kautusan.

  • Paano natutulad ang kapayapaan sa isang ilog? Paano natutulad ang kabutihan sa mga alon ng dagat?

Sabihin sa ilang estudyante na ibuod ang mga katotohanang natutuhan nila mula sa 1 Nephi 20. Bagama’t maaaring ibang salita ang gamitin nila, tiyakin na nauunawaan nila na inaanyayahan ng Panginoon ang mga suwail na magsisi at bumalik sa Kanya.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano ito nauugnay sa 1 Nephi 20.

“Gusto ni [Satanas na] madama natin na hindi na tayo mapapatawad (tingnan sa Apocalipsis 12:10). Nais ni Satanas na isipin natin na kapag nagkasala tayo ay lampas na tayo sa ‘hangganang wala nang balikan’—na huli na ang lahat para magbago ng landas. …

“… Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak upang iwasto at mapaglabanan ang mga bunga ng kasalanan. Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak, at hindi Siya kailanman titigil sa pagmamahal at pag-asam para sa atin. …

“Naparito si Cristo para iligtas tayo. Kung namali tayo ng landas, mabibigyan tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ng katiyakan na ang kasalanan ay hindi hangganan kung saan hindi na puwedeng bumalik. Ang ligtas na pagbalik ay posible kung susundin natin ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan. …

“… Palagi na may hangganan ng ligtas na pagbalik; palaging may pag-asa” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 99, 101).

  • Paano natutulad ang mensahe ni Pangulong Uchtdorf sa mensahe ni Isaias?

Magpatotoo na inaanyayahan ng Panginoon ang mga nagkasala na magsisi at bumalik sa Kanya. Tiyakin sa mga estudyante na mahal ng Panginoon ang bawat isa sa atin at palagi tayong inaanyayahan na lumapit sa Kanya. Sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti kung ano ang sasabihin ng Panginoon na iwanan nila upang lubos silang makalapit sa Kanya.

1 Nephi 21:1–17

Nagpropesiya si Isaias na hindi kalilimutan ni Jesucristo ang Kanyang mga pinagtipanang tao

Maikling ibuod ang 1 Nephi 21:1–13 na itinutuon ang pansin ng mga estudyante sa unang dalawang pangungusap sa chapter summary: “Magsisilbing ilaw sa mga Gentil ang Mesiyas at palalayain ang mga bihag” at “Sa kapangyarihan titipunin ang Israel sa mga huling araw.” Ipaliwanag na sa talata 1–13, makikita sa mga salita ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga tao—maging sa mga taong naligaw ng landas at nalimutan Siya.

Sa pisara, isulat ang Mahal tayo ng Panginoon, at hindi Niya tayo kalilimutan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 21:14.

  • Sa inyong palagay, bakit nadarama kung minsan ng mga tao na nalimutan na sila ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 21:15–16. Pagkatapos ay itanong ang ilan o lahat ng mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang itinuturo ni Isaias nang ihalintulad niya ang Tagapagligtas sa isang ina ng isang sanggol?

  • Ano ang ipinahihiwatig ng salitang inanyuan? (Maaari mong ipaliwanag na ang karaniwang naiisip natin sa salitang inanyuan ay ang pag-ukit sa bato o metal sa paraang magiging permanente ito o hindi ito mabubura.)

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng inanyuan o inukit “sa mga palad ng mga kamay” ng Tagapagligtas?

  • Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na malaman na hindi kayo nalilimutan ng Panginoon?

Kapag pinag-isipan ng mga estudyante ang mga tanong na ito at nakinig sa sagot ng isa’t isa, magiging handa silang madama ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo tungkol sa Tagapagligtas. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas. Ipaalala sa mga estudyante na itinuro ni Nephi ang mga propesiya ni Isaias upang hikayatin tayo na maniwala sa Manunubos at tulungan tayo na magkaroon ng pag-asa.

1 Nephi 21:18–26; 22:1–22

Ipinaliwanag ni Nephi ang propesiya ni Isaias tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel

Maglagay ng ilang bagay (tulad ng mga baso) na sama-sama sa isang mesa o upuan. Sabihin sa mga estudyante na ang mga bagay na ito ay kumakatawan sa mga grupo ng mga tao. Ipaliwanag na itinuro ni Nephi na ang Israel ay ikakalat sa lahat ng bansa dahil pinatigas nila ang kanilang mga puso laban sa Tagapagligtas (tingnan sa 1 Nephi 22:1–5). Habang nagsasalita ka, ilipat ang mga bagay sa iba’t ibang panig ng silid. Ipaliwanag na ito ay mahalagang paksa kay Nephi. Ang kanyang pamilya ay kabilang sa ikinalat. Ikinalat sila mula sa Jerusalem, ang kanilang kinalakhang bayan, dahil sa kasamaan ng mga tao na naninirahan doon.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 21:22–23 at 22:6–8. Bago nila basahin ito, ipaliwanag na nakapaloob sa 1 Nephi 21 ang propesiya ni Isaias tungkol sa pagtitipon ng Israel at sa 1 Nephi 22 naman ang mga turo ni Nephi tungkol sa propesiya ni Isaias.

  • Ano ang “kagila-gilalas na gawain” na binanggit sa 1 Nephi 22:7–8? (Ang Panunumbalik ng ebanghelyo.)

  • Paano maihahalintulad ang pagkalong o pagkarga natin sa iba sa ating mga bisig o balikat ang pagbabahagi ng ebanghelyo?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pagkalat at pagtipon ng Israel, maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Bakit ikinalat ang Israel? Malinaw ang sagot; simple; hindi mapag-aalinlanganan. Ikinalat ang ating mga ninunong Israelita dahil hindi nila tinanggap ang ebanghelyo, dinungisan ang priesthood, iniwan ang simbahan, at nilisan ang kaharian. …

“Ano, kung gayon, ang nakapaloob sa pagtitipon ng Israel? Ang pagtitipon ng Israel ay nangyayari sa paniniwala at pagtanggap at pamumuhay ayon sa lahat ng ibinigay noon ng Panginoon sa kanyang sinaunang mga piniling tao. … Ito ay kinapapalooban ng paniniwala sa ebanghelyo, pagsapi sa Simbahan, at pagpasok sa kaharian. … Maaaring nakapaloob din dito ang pagtitipon sa isang itinalagang lugar o lupain para sumamba” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 515).

Basahin ang 1 Nephi 22:9–12. Ipaliwanag na nang banggitin sa mga banal na kasulatan na “ipakikita [ng Panginoon ang] kanyang bisig,” tumutukoy ito sa Panginoon na magpapakita ng Kanyang kapangyarihan.

  • Sa 1 Nephi 22:11, ano ang sinabi ni Nephi na gagawin ng Panginoon sa mga huling araw para maipakita ang Kanyang kapangyarihan?

  • Paano nagpapalaya mula sa pagkabihag at mula sa kadiliman ang pagtitipon ng mga tao sa Simbahan?

Sabihin sa mga estudyante na kunin ang mga bagay na nasa iba’t ibang panig ng silid at dalhin ang mga ito at tipunin sa isang lugar. Ipaliwanag na ang pagtitipon ay maaaring espirituwal at pisikal. Kapag ibinahagi natin ang ebanghelyo sa iba at sila ay nabinyagan at natanggap ang kaloob na Espiritu Santo, sila ay espirituwal na natipon sa Simbahan ng Panginoon. Noong mga unang araw ng Simbahan, hinihiling sa mga bagong miyembro na pisikal na magtipon sa iisang lugar (halimbawa, Kirtland, Ohio; Nauvoo, Illinois; at Salt Lake City, Utah). Ngayon ang mga miyembro ay hinihikayat na itayo ang Simbahan saanman sila naroroon at magtipon sa kanilang mga lokal na branch, ward, at stake.

  • Ayon sa 1 Nephi 22:25, anong mga pagpapala ang darating sa mga tinipon ng Panginoon? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “magkakaroon ng isang kawan”? (Maaari mong ipaliwanag na ang kawan ay isang lugar kung saan ang mga tupa ay pinangangalagaan.) Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “mamamastol”?

Sa ating panahon, iniuutos ng Diyos na tumulong ang lahat ng miyembro ng Simbahan sa pagtitipon ng “kanyang mga anak mula sa apat na sulok ng mundo,” (1 Nephi 22:25). Magpatotoo na nangako ang Panginoon na ipanunumbalik ang ebanghelyo at titipunin ang Israel sa mga huling araw.

  • Sa inyong palagay, ano ang madarama ng mga natipon (mga nabinyagan) sa mga taong nagtipon sa kanila (mga taong nagbahagi sa kanila ng ebanghelyo)?

  • Ano ang maaari ninyong gawin para maibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba?

Ipaalala sa mga estudyante na itinuro ni Nephi ang mga propesiya ni Isaias upang tulungan ang mga miyembro ng kanyang pamilya na magkaroon ng mas malaking pananalig at pag-asa kay Jesucristo. Ang mga propesiya ni Isaias at patotoo ni Nephi ay makatutulong sa atin sa gayon ding paraan. Magpatotoo na hindi tayo malilimutan ni Jesucristo at sinisikap Niyang tipunin tayo.

Pagrebyu ng 1 Nephi

Magkaroon ng oras na rebyuhin ang 1 Nephi sa pagtatanong sa mga estudyante kung ano ang naaalala nila na natutuhan nila sa seminary at sa kanilang personal na pag-aaral sa taong ito. Maaari mo silang hikayatin na rebyuhin ang mga chapter summary sa 1 Nephi. Sabihin sa kanila na maghanda na magbahagi ng isang bagay mula sa aklat ng 1 Nephi na nagbigay ng inspirasyon sa kanila o nagpalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang naisip at nadama nila. Maaari mo ring ibahagi ang sarili mong mga karanasan kung paano napagpala ng mga turo sa 1 Nephi ang iyong buhay.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

1 Nephi 21:15–16. Si Jesucristo ay hindi makalilimot

Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang patotoo sa mga katotohanan sa 1 Nephi 21:15–16:

“Ang matalinghagang talatang ito ay nagbigay ng isa pang paalala tungkol sa tungkuling magligtas ni Cristo, iyon ay ang pagiging magulang na nangangalaga at tumutubos sa mga anak sa Sion. Pinapanatag niya ang kanyang mga tao at nagpapakita ng awa kapag sila ay nahihirapan, tulad ng gagawin ng sinumang mapagmahal na ama o ina sa isang anak, ngunit, gaya ng ipinaalala sa atin ni Nephi sa pamamagitan ni Isaias, higit pa ito sa magagawa ng sinumang mortal na ama at ina. Bagama’t maaaring malimutan ng isang ina ang kanyang pinasususong anak (na maaaring hindi naiisip ng sinumang magulang na maaaring mangyari), hindi malilimutan ni Cristo ang mga anak na kanyang tinubos o ang tipang kanyang ginawa sa kanila para sa kaligtasan sa Sion” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 84).

1 Nephi 22:6–9. “Isang makapangyarihang bansa” at “kagila-gilalas na gawain”

Itinuro ni Elder Mark E. Petersen ng Korum ng Labindalawang Apostol na sa 1 Nephi 22:7, ang pariralang “makapangyarihang bansa sa mga Gentil” ay tumutukoy sa Estados Unidos ng Amerika (tingnan sa “The Great Prologue” [mensaheng ibinigay sa Brigham Young University, Set. 29, 1974], 4, speeches.byu.edu).

Sa 1 Nephi 22:8, tinukoy ni Nephi ang “kagila-gilalas na gawain sa mga Gentil” sa mga huling araw. Kabilang sa dakilang gawaing ito ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng mga susi ng priesthood na kailangan para madala ang mga tipan ng Diyos sa “lahat ng lahi ng mundo” (1 Nephi 22:9).

Ang mga pangyayaring inilarawan sa 1 Nephi 22:7 ay mangyayari bago ang nakatala sa 1 Nephi 22:8–9. Noong unang bahagi ng 1800s, halos lahat ng bansa sa mundo ay sapilitang pinasasapi ang mga tao sa mga kanilang itinakdang relihiyon. Ang ebanghelyo ay maipanunumbalik lamang sa isang bansa na may kalayaan sa relihiyon na itinatag sa pamamagitan ng batas at malayang ipinatutupad. Kabilang sa Unang Pag-amyenda sa Konstitusyon ng Estados Unidos ay ang pagpapahayag ng kalayaan sa relihiyon. Ang pag-amyendang ito at ang iba pa ay pinagtibay noong Disyembre 15, 1791, na naging dahilan para maitatag ang kalayaang panrelihiyon sa makabagong mundo. Si Joseph Smith ay isinilang noong Disyembre, 1805, 14 na taon lamang ang lumipas matapos pagtibayin ang mga pag-amyendang ito sa Konstitusyon ng Estados Unidos.