Library
Home-Study Lesson: 1 Nephi 1–6; 9 (Unit 2)


Home-Study Lesson

1 Nephi 1–6; 9 (Unit 2)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at mga alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng 1 Nephi 1–6; 9 (Unit 2) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (1 Nephi 1)

Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa pagpopropesiya ni Lehi sa mga tao at pagbabala sa kanila na magsisi, nalaman nila na nagbibigay ng babala ang mga propeta laban sa paggawa ng kasalanan at nagtuturo ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo. Bukod pa rito, nalaman nila na ang magiliw na awa ng Panginoon ay ibinibigay sa mga taong sumasampalataya sa Kanya.

Day 2 (1 Nephi 2)

Sinunod ni Lehi ang utos ng Panginoon na lisanin ang Jerusalem. Si Lehi ay isang halimbawa ng pagsunod sa alituntunin na kapag tayo ay tapat at masunurin, tutulungan tayo ng Panginoon sa panahong sinusubukan tayo. Nagpakita ng pagsunod si Nephi at nalaman niya na kapag tumawag tayo sa Diyos, mapapalambot Niya ang ating puso na maniwala sa Kanyang mga salita. Nalaman ng mga estudyante na pinagpapala ng Diyos ang mga masunurin at matatapat.

Day 3 (1 Nephi 3–4)

Nang sabihin ni Lehi kay Nephi at sa kanyang mga kapatid na iniuutos sa kanila ng Diyos na bumalik sa Jerusalem at kunin ang mga laminang tanso, tumugon si Nephi sa pagpapatotoo na kung gagawin natin ang iniuutos ng Panginoon, Siya ay maghahanda ng paraan para magawa natin ito. Natuklasan ni Nephi at ng kanyang mga kapatid na mahirap isakatuparan ang iniuutos ng Panginoon. Ang determinasyon ni Nephi na bumalik sa Jerusalem ay nakatulong sa mga estudyante na makita na kapag nananampalataya tayo sa Diyos at nagsisikap na gawin ang iniuutos Niya, kahit hindi natin nakikita ang kahihinatnan nito, papatnubayan Niya tayo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Day 4 (1 Nephi 5–6; 9)

Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa karanasan ni Lehi sa pagsasaliksik sa mga laminang tanso, nalaman nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag sinaliksik natin ang mga banal na kasulatan, mapupuspos tayo ng Banal na Espiritu at makatatanggap ng paghahayag. Kapag nalaman ng mga estudyante ang layunin ni Nephi sa pagsulat ng kanyang talaan, malalaman din nila na ang layunin ng Aklat ni Mormon ay hikayatin ang lahat ng tao na lumapit kay Jesucristo.

Pambungad

Ang lesson sa linggong ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na marebyu at matalakay ang natutuhan nila mula sa halimbawa ng pamilya ni Lehi at mga pagkilos nila nang may pananampalataya. Sa pagtuturo mo ng lesson, bigyang-diin ang matapat na pagsunod ni Nephi sa mga utos ng Panginoon at ang matindi niyang pagnanais na malaman ang katotohanan ng “lahat ng salitang sinabi ng [kanyang] ama” (1 Nephi 2:16). Kapag tinularan ng mga estudyante ang halimbawa ng pagsunod ni Nephi, magkakaroon sila ng sariling patotoo sa ebanghelyo.

Sa iyong pagtuturo, sundin ang payo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Dapat nating muling bigyang-sigla at higit na iprayoridad ang pagtuturo sa Simbahan—sa tahanan, mula sa pulpito, sa ating pulong pang-administratibo, at siyempre, sa klase. Ang inspiradong pagtuturo ay hindi dapat maging isang naglahong kasanayan sa Simbahan kailanman, at dapat nating tiyakin na ang ating paghahangad para dito ay hindi maging isang naglahong kaugalian. …

“… Nawa’y lalo pa nating mapaghusay ang ating pagtuturo sa loob ng ating tahanan at sa loob ng Simbahan at mas pagbutihan pa ang lahat ng pagsisikap natin na magpasigla at magturo” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 25, 27).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 1

Ibinibigay ng Panginoon ang Kanyang magiliw na awa sa matatapat

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang magiliw na awa ng Panginoon ay ibinibigay sa mga taong sumasampalataya sa Kanya. Ipabasa nang mabilis sa mga estudyante ang 1 Nephi 1 at ipatukoy ang talata na nagtuturo ng katotohanang ito (talata 20).

Itanong ang mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na maalala at maibuod ang natutuhan nila sa pag-aaral nila ng 1 Nephi 1–6; 9 sa buong linggo:

  • Mula sa natutuhan ninyo sa mga kabanatang napag-aralan ninyo sa linggong ito, paano ibinigay ng Panginoon ang Kanyang magiliw na awa kay Lehi at sa kanyang pamilya?

  • Anong mga halimbawa ng pagsunod at pananampalataya ang ipinakita ni Lehi at ng kanyang pamilya?

  • Kailan ninyo nakita na nagbigay ang Panginoon ng Kanyang magiliw na awa sa inyo o sa isang taong kilala ninyo?

Maaari mong ikuwento ang isang pagkakataon na kinaawaan ka ng Panginoon at ang iyong pamilya nang manampalataya kayo, o magbahagi ng isang karanasan na nabasa mo sa isang lathalain ng Simbahan. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon sa matatapat sa pag-aaral nila ng Aklat ni Mormon sa buong taon.

1 Nephi 2

Mapapalambot ng Panginoon ang ating puso para maniwala sa Kanyang mga salita

Paalalahanan ang mga estudyante na matapos iutos kay Lehi na lisanin ang Jerusalem kasama ang kanyang pamilya, ang kanyang anak na si Nephi ay nagsikap na malaman at maunawaan ang katotohanan ng mga paghahayag sa kanyang Ama. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 2:16, 19.

Tanungin sa mga estudyante: Bagama’t hindi nagreklamo si Nephi, anong katibayan ang mababasa sa 1 Nephi 2:16 na ang paglisan sa Jerusalem ay mahirap din para sa kanya? (Isinulat ni Nephi na nagdasal siya na makaunawa at pinalambot ng Panginoon ang kanyang puso. Ipinahihiwatig nito na ang paglisan sa Jerusalem ay hindi madali para sa kanya, kaya tinulungan siya ng Panginoon na matanggap ito.)

Itanong: Anong katibayan ang nakita ninyo na bagama’t masunurin sa Panginoon si Lehi at ang kanyang pamilya, ang buhay ay hindi naging madali para sa kanila? (Tingnan sa 1 Nephi 2:4, 11.)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga naisip nila tungkol sa mga pagnanais ni Nephi at sa ginawa niya na humantong sa pagtanggap niya sa mga utos ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ng kanyang ama.

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila sa kanilang scripture study journal para sa day 2, assignment 4: Magbahagi ng isang pangyayari na, gaya ni Nephi, ay nagsumamo ka sa Ama sa Langit at nakaranas ng paglambot ng iyong puso sa pamamagitan ng Espiritu o ng isang pagkakataon na nakatanggap ka ng patotoo tungkol sa isang bagay na sinabi ng Panginoon.

Ibahagi ang iyong sariling patotoo na kapag tumatawag tayo sa Diyos, mapapalambot Niya ang ating puso para maniwala sa Kanyang mga salita.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin na katulad ng ginawa ni Nephi para mapalakas ang kanilang patotoo at magkaroon ng katiyakan. Bigyan sila ng pagkakataon na maibahagi ang kanilang mga ideya kung gusto nila. Hikayatin sila na kumilos ayon sa kanilang mga naiisip at impresyon.

1 Nephi 3–4

Ang Panginoon ay maghahanda ng paraan kapag tapat nating sinunod ang Kanyang mga kautusan

Pagpartnerin ang mga estudyante. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: 1 Nephi 3:6–7 at 1 Nephi 4:6–13. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga scripture passage at pag-usapan nila ng kanilang kapartner ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa inyong palagay, ano ang mahalaga sa pahayag ni Nephi na “Gayunman, ako ay yumaon”? (1 Nephi 4:7).

  • Paano nakatulong ang pananampalataya ni Nephi sa pagkuha niya ng mga laminang tanso?

Pagkatapos pag-usapan ng magkakapartner ang kanilang mga ideya, ipaliwanag na maaaring may ipagawa sa atin ang Panginoon, tulad ng ginawa Niya kay Nephi at sa kanyang mga kapatid, nang hindi agad sinasabi kung bakit, kailan, o paano natin ito gagawin. Nalaman lamang ni Nephi kung bakit, kailan, at paano siya tutulungan ng Panginoon pagkatapos niyang hayaang gabayan siya ng Espiritu at pagkatapos niyang magpasiya na humayo nang may pananampalataya. Magpatotoo na kapag sumasampalataya tayo sa Diyos at ninanais na gawin ang iniuutos Niya, kahit hindi natin nakikita ang kahihinatnan nito, papatnubayan Niya tayo sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo.

Kapag may oras pa, maaari mong tanungin ang mga estudyante kung may tanong sila o kung gusto nilang magbahagi ng mga ideya mula sa kanilang pag-aaral ng 1 Nephi 5–6; 9 sa day 4. Halimbawa, maaari mong ipabahagi sa kanila ang isinagot nila sa assignment 4, kung saan ay ipinasulat sa kanila ang tungkol sa isang pagkakataon na sinaliksik nila ang mga banal na kasulatan at nadama ang Espiritu ng Panginoon.

Tapusin ang lesson na ipinapabasa nang malakas (o ipinapabigkas nang walang kopya) sa isang estudyante ang scripture mastery passage na 1 Nephi 3:7. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Anong alituntunin ang itinuturo sa 1 Nephi 3:7 hinggil sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang alituntunin na kung nagnanais tayong gawin ang iniuutos ng Panginoon, Siya ay maghahanda ng paraan para magawa natin ito.)

  • Ayon sa nabasa ninyo sa 1 Nephi 1–6 and 9, ano ang naging resulta ng pagsunod nina Lehi at Nephi sa utos ng Diyos?

  • Kailan naghanda ng paraan ang Panginoon para matulungan kayo na masunod ang isang kautusan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang isang aspeto kung saan mas lubos nilang maipapakita ang kanilang pagsunod sa Diyos. Maaari mong tapusin ang lesson na nagpapatotoo sa mga pagpapalang dumating sa iyong buhay dahil sa iyong pagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Panginoon.

Susunod na Unit (1 Nephi 7–14)

Sa susunod na unit, pag-aaralan ng mga estudyante ang mga pangitain nina Lehi at Nephi. Ang mga pangitain nina Lehi at Nephi tungkol sa punungkahoy ng buhay ay angkop sa ating mga buhay ngayon. Ang tala ni Nephi tungkol sa kanyang pangitain ay kinapapalooban ng paglalarawan ng pagsilang, ministeryo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo; ang pagkatuklas at kolonisasyon ng mga Gentil sa Amerika; at ang pagkawala ng mahahalagang katotohanan mula sa Biblia at ang pagpapanumbalik nito sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon. Nagtapos ang tala ni Nephi tungkol sa kanyang pangitain sa paglalarawan sa Panunumbalik ng ebanghelyo.