Lesson 97
Alma 40
Pambungad
Noong balaan ni Alma ang kanyang anak na si Corianton tungkol sa mga ibubunga ng kasalanan, itinuro din niya ang tungkol sa kabilang buhay. Ipinaliwanag niya na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli. Itinuro niya ang tungkol sa daigdig ng mga espiritu, kung saan ang mga patay, depende sa mga ginawa nila sa mortalidad, ay maghihintay sa paraiso o sa bilangguan ng mga espiritu hanggang sa pagkabuhay na mag-uli.
Paalala: Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataon na turuan ang isa’t isa. Bago magklase, maghanda ng mga handout na naglalaman ng mga instruksyon para sa mga magkapartner na estudyante. Maging pamilyar sa bawat set ng mga instruksyon para matulungan ang mga estudyante sa paghahanda nila na magturo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 40
Itinuro ni Alma kay Corianton ang tungkol sa daigdig ng mga espiritu at ang pagkabuhay na mag-uli
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong bago magklase:
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay mga missionary sila at nagkaroon sila ng appointment na turuan ang isang taong naghahanap ng mga sagot sa mga tanong na nakasulat sa pisara. Ipaliwanag na ang Alma 40 ay karugtong ng pagtuturo ni Alma sa kanyang anak na si Corianton at naglalaman ng mga sagot sa mga tanong na iyon.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 40:1. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung bakit tinalakay ni Alma ang pagkabuhay na mag-uli sa kanyang anak.
-
Bakit itinuro ni Alma kay Corianton ang tungkol sa pagkabuhay na mag-uli?
-
Kung naaalaala ninyo ang mga ginawa ni Corianton, bakit kaya nag-aalala siya tungkol sa pagkabuhay na mag-uli?
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Bigyan ang bawat magkapartner ng isang numero: 1, 2, o 3. Sabihin sa magkakapartner na kunwari’y mga missionary sila na magkompanyon, na naghahanda na magturo ng isang maikling lesson upang sagutin ang mga tanong sa pisara na katugma ng numerong ibinigay sa kanila. Para matulungan silang maghanda, bigyan sila ng kopya ng mga instruksyon na tugma sa kanilang numero (tingnan sa ibaba). Kapag gumagawa na ang mga estudyante, maaari kang maglibut-libot sa silid para mapakinggan ang pinag-uusapan nila at makatulong kung kinakailangan.
Companionship 1—Alma 40:1–5
Mga tanong: Bakit naging posible na mabubuhay tayong muli pagkatapos nating mamatay? Sino ang mabubuhay na muli?
Maghandang gamitin ang Alma 40:1–5 sa pagsagot sa mga tanong na ito. Sa inyong paghahanda, magpasiya kung aling bahagi ng lesson ang ituturo ng bawat isa sa inyo. Maghandang gawin ang mga sumusunod:
Magbigay ng background o impormasyon para sa scripture passage na naka-assign sa inyo. (Kapag itinuro ninyo ang mga ito mula sa mga banal na kasulatan, ipaliwanag kung sino ang nagsasalita, sino ang kinakausap, at ang iba pang mga kalagayan na maaaring makatulong sa nakikinig na maunawaan ang scripture passage.)
Basahin ang mga talata na sumasagot sa mga tanong. Ipaliwanag kung paano nakatutulong ang mga katotohanan sa mga talatang ito sa pagsagot sa mga tanong. Kapag ginawa ninyo ito, tiyakin na nauunawaan ng lahat na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na muli. Maaari din ninyong imungkahi na isulat ng mga tinuturuan ninyo ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 40:1–5.
Ibahagi kung bakit mahalaga sa inyo ang pangakong pagkabuhay na mag-uli. Maaari din ninyong itanong sa mga tinuturuan mo kung bakit pinasasalamatan nila ang pangakong pagkabuhay na mag-uli.
Patotohanan ang mga katotohanang itinuro ninyo.
Companionship 2—Alma 40:6–14
Mga tanong: Saan tayo pupunta kapag namatay tayo? Ano ang kalagayan doon?
Maghandang gamitin ang Alma 40:6–7, 11–14 sa pagsagot sa mga tanong na ito. Sa inyong paghahanda, magpasiya kung aling bahagi ng lesson ang ituturo ng bawat isa sa inyo. Maghandang gawin ang mga sumusunod:
Magbigay ng background o impormasyon para sa scripture passage na naka-assign sa inyo. (Kapag itinuro ninyo ang mga ito mula sa mga banal na kasulatan, ipaliwanag kung sino ang nagsasalita, sino ang kinakausap, at ang iba pang mga kalagayan na maaaring makatulong sa nakikinig na maunawaan ang scripture passage.)
Basahin ang mga talata na sumasagot sa mga tanong. Ipaliwanag kung paano nakatutulong ang mga katotohanan sa mga talatang ito sa pagsagot sa mga tanong. (Makatutulong na ipaliwanag na nang gamitin ni Alma ang pariralang “labas na kadiliman,” hindi niya tinutukoy ang huling kalalagyan ni Satanas at ng mga isinumpa. Ang tinutukoy niya ay ang kalagayan ng masasama sa pagitan ng panahon ng kanilang kamatayan at sa panahon ng kanilang pagkabuhay na mag-uli. Ngayon tinutukoy natin ang kalagayang ito bilang bilangguan ng mga espiritu.) Kapag binasa ninyo ang mga talatang ito, tiyaking maunawaan ng lahat na sa pagitan ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, ang mga espiritu ng mabubuti ay mananahan sa paraiso at ang mga espiritu ng masasama ay mananahan sa bilangguan. Maaari ninyong imungkahi na isulat ng mga tinuturuan ninyo ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 40:11–14.
Ibahagi kung paano nakaimpluwensya sa pagpapasiyang ginagawa ninyo sa buhay na ito ang pagkaunawa mo sa katotohanang ito. Maaari din ninyong itanong sa mga tinuturuan ninyo kung paano nakatulong sa kanila ang pagkaunawa nila tungkol sa kabilang buhay.
Patotohanan ang mga katotohanang itinuro ninyo.
Companionship 3—Alma 40:21–26
Mga tanong: Ano ang pagkabuhay na mag-uli? Ano ang pagkakaiba ng ating nabuhay na muling katawan sa ating mortal na katawan? Ano ang gagawin natin pagkatapos nating mabuhay na muli?
Maghandang gamitin ang Alma 40:21–26 sa pagsagot sa mga tanong na ito. Sa inyong paghahanda, magpasiya kung aling bahagi ng lesson ang ituturo ng bawat isa sa inyo. Maghandang gawin ang mga sumusunod:
Magbigay ng background o impormasyon para sa scripture passage na naka-assign sa inyo. (Kapag itinuro ninyo ang mga ito mula sa mga banal na kasulatan, ipaliwanag kung sino ang nagsasalita, sino ang kinakausap, at ang iba pang mga kalagayan na maaaring makatulong sa nakikinig na maunawaan ang scripture passage.)
Basahin ang mga talata na sumasagot sa mga tanong. Ipaliwanag kung paano nakatutulong ang mga katotohanan sa mga talatang ito sa pagsagot sa mga tanong. (Sa paghahanda ninyong magturo, makatutulong na alam ninyo na ang salitang kaluluwa sa mga talatang ito ay tumutukoy sa espiritu ng tao.) Tiyakin na nauunawaan ng lahat na ang pagkabuhay na mag-uli ay ang pagsasamang muli ng ating espiritu at katawan, at manunumbalik ang lahat ng bagay sa kanilang wasto at ganap na anyo. Maaari ninyong imungkahi na isulat ng mga tinuturuan ninyo ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 40:21–23.
Ibahagi kung bakit nagpapasalamat kayo na nalaman ninyo na balang-araw ang inyong katawan at espiritu ay manunumbalik sa kanilang wasto at ganap na anyo. Maaari din ninyong ipaliwanag kung paano nakaapekto sa mga pasiya ninyo ang inyong kaalaman na balang-araw ay tatayo kayo sa harapan ng Diyos at hahatulan. Sabihin sa mga tinuturuan ninyo na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa mga doktrina ng pagkabuhay na mag-uli at huling paghuhukom.
Patotohanan ang mga katotohanang itinuro ninyo.
Matapos maihanda ng mga estudyante ang sagot sa mga tanong na naka-assign sa kanila, hatiin sila sa maliliit na grupo para makapagturo sila sa isa’t isa na parang missonary. Dapat may tatlong magkompanyon sa bawat grupo, na bawat magkompanyon ay naghanda ng mga sagot sa magkakaibang set ng mga tanong. (Kung maliit ang klase, paturuin ang bawat magkompanyon sa buong klase.) Hikayatin ang mga estudyante na maging natural sa kanilang sarili kapag nagtuturo sila at natututo sa iba habang nagdudula-dulaan. Tiyakin sa kanila na bibigyan sila at ang mga tinuturuan nila ng inspirasyon ng Espiritu Santo kung tapat sila sa kanilang pagtuturo at ginagawa. Makinig habang nagtuturo sila sa isa’t isa, at magbigay ng mga ideya kapag nahikayat ng Espiritu Santo.
Pagkatapos magturo sa isa’t isa ang mga estudyante sa kanilang grupo, maaari mong itanong sa klase ang ilan sa mga sumusunod:
-
Ano ang natutuhan ninyo nang maghanda kayong sagutin ang mga tanong na naka-assign sa inyo? Ano ang natutuhan ninyo nang turuan kayo ng iba pang mga magkompanyon?
-
Batid natin na nahirapan si Corianton na sundin ang batas ng kalinisang-puri, paano kaya makatutulong sa kanya ang pag-unawa sa mangyayari sa kabilang buhay para mapaglabanan niya ang mga tuksong darating?
-
Bakit mahalaga sa inyo ang mga katotohanang natalakay natin ngayon?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 40:25–26 at alamin ang pagkakaiba ng huling kalagayan ng mabubuti at ng huling kalagayan ng masasama. Pagkatapos nilang ilarawan ang nalaman nila, sabihin sa kanila na ibahagi kung paano makaiimpluwensya ang scripture passage na ito sa kanilang pangakong ipamuhay ang ebanghelyo. Maaari mo ring ibahagi ang sagot mo sa tanong ding iyon. Magpatotoo na ginawang posible ni Jesucristo na matamo natin ang mga pagpapala ng pagkabuhay na mag-uli.