Library
Lesson 112: Helaman 11–12


Lesson 112

Helaman 11–12

Pambungad

Ang mga kabanata 11 at 12 sa aklat ni Helaman ay naglalaman ng 14 na taon ng kasaysayan ng mga Nephita kung saan ang buhay ng mga tao ay paulit-ulit na kabutihan at kasamaan. Ipinakita sa kasaysayang ito kung gaano kabilis makalimot ang mga tao sa Panginoon at kung paano Niya sila pinaparusahan o kinakastigo upang tulungan silang magsisi at bumalik sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Helaman 11

Ang mga Nephita ay dumanas ng paulit-ulit na kabutihan at kasamaan

Kopyahin ang sumusunod na diagram sa pisara. Ipaliwanag na ang diagram na ito ay naglalarawan ng karaniwang tinatawag na cycle ng kapalaluan o pride cycle.

Righteous Cycle

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang isusulat nila para sa pang-apat na elemento ng cycle. Hayaang talakayin ng mga estudyante ang mga posibleng sagot. Matapos ang kaunting talakayan, isulat ang Pagpapakumbaba at Pagsisisi sa tabi ng numero 4 sa diagram. Ipaliwanag na ang sumusunod na scripture activity ay nagpapakita kung paano dinanas ng mga tao sa aklat ni Mormon ang cycle o paulit-ulit na mga pangyayaring ito. Ipaliwang na karaniwang makikita ang cycle na ito sa malalaking lipunan, ngunit maaari din itong makita sa buhay ng mga pamilya at indibiduwal.

Ipaalala sa mga estudyante na kahit nasabi ni Nephi sa mga tao ang tungkol sa pagkamatay ng kanilang punong hukom, “pinatigas nila ang kanilang mga puso at hindi pinakinggan ang mga salita ng Panginoon” (Helaman 10:13). Sa pagtatapos ng ika-71 taon ng panunungkulan ng mga hukom, ang mga tao ay “nagkahati-hati … laban sa kanilang sarili at nagsimulang patayin ang isa’t isa sa pamamagitan ng espada” (Helaman 10:18).

  • Sa pagkakataong ito, saan sa palagay ninyo naroon ang mga Nephita sa pride cycle?

Bago magklase, idrowing sa pisara ang sumusunod na chart. Huwag isama ang mga salitang naka-italics na nasa ikatlo at ikaapat na column. Kung maaari, gumawa ng kopya ng chart at ibigay sa bawat estudyante. Kung hindi ito posible, sabihin sa kanila na kopyahin ang chart sa kanilang notebook o sa scripture study journal.

Ipakita muna kung paano kumpletuhin ang chart. Kasama ang buong klase, sagutan ang unang linya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 11:1–2. Sabihin sa klase na magbigay ng maikling buod ng kalagayan ng mga tao tulad nang inilarawan sa mga talatang ito. Isulat sa chart ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung saang yugto o mga yugto ng cycle naroon ang mga tao. Isulat sa chart ang kanilang mga sagot.

Kapag alam na ng mga estudyante kung paano kumpletuhin ang chart, bigyan sila ng oras na gawin ito. Maaari mo silang pagawin nang mag-isa, nang may kapartner o grupu-grupo, o bilang isang klase.

Mga taon ng panunungkulan ng mga hukom

Mga talata sa Helaman 11

Deskripsyon ng kalagayan ng mga tao

(Mga) yugto sa cycle

72–73

1–2

Tumindi ang alitan at mga digmaan, at patuloy na naminsala ang lihim na pangkat ng mga tulisan.

2, 3

73–75

3–6

Dahi sa kahilingan ni Nephi sa Panginoon, napalitan ng taggutom ang digmaan, at marami ang nagsimulang mamatay sa gutom.

2, 3

75

7–11

Nagsimulang maalala ng mga tao ang Panginoon at nagpakumbaba sila, at itinaboy ang pangkat ni Gadianton mula sa kanila.

3, 4

76

17–20

Ang mga tao ay nagsaya at pinapurihan ang Diyos. Sila ay mabubuti, at nagsimula silang umunlad na muli.

4, 1

77–79

21–23

Ang kaunlaran at kapayapaan ay naipanumbalik. Kaunti ang alitan, at nalulutas ito sa pamamagitan ng mga paghahayag at pagtuturo ng ebanghelyo.

1

80

24–26

Naging palalo, puno ng galit, at masamang muli ang mga tao. Nagkaroon muli ng pangkat ng mga tulisan sa mga tao, na mga pumapatay at may mga lihim na plano.

2, 3

80–81

27–35

Ang mga tulisan ay gumawa ng napakalaking kapinsalaan at pagwasak, at hindi nakayang lipulin ng mga hukbo ng mga Nephita at mga Lamanita ang masamang pangkat. Ang mga tulisan ay pumatay ng maraming tao at dinalang bihag ang iba sa ilang, pati mga kababaihan at mga bata. Dahil sa mga pagsubok naalala ng mga tao ang Panginoon.

3, 4

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang chart, sabihin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila mula sa aktibidad. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ayon sa Helaman 11:4, bakit ipinagdasal ni Nephi na magkaroon ng taggutom? (Umasa siya na kapag may taggutom maaalala ng mga tao ang Panginoon at magsisisi.)

  • Ano ang dapat sanang ginawa ng mga tao para maiwasan ang yugto sa cycle na “pagdurusa at pagkalipol”?

Maaaring may maibigay na magagandang sagot sa tanong na ito ang mga estudyante. Tiyakin na natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan ng pagpapakumbaba at pagsisisi, maiiwasan natin ang kapalaluan at pagkawasak. Bigyang-diin na nalampasan sana ng mga Nephita ang pangalawa at pangatlong yugto sa cycle. Sana ay namuhay sila nang mabuti at patuloy na nagpakumbaba, kaagad na nagsisisi sa tuwing nagkakasala. Kung namuhay sila sa ganitong paraan, maaaring makaranas pa rin sila ng ilang pagsubok, ngunit hindi nila kailangang danasin ang matinding pagdurusa at pagkalipol na resulta ng kanilang kasamaan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 11:36–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at pakinggan ang pagbabago na naganap sa maikling panahon.

  • Matapos alalahanin ang Panginoon gaano katagal bago naging “nahihinog na muli para sa pagkalipol” ang mga Nephita? (Apat na taon.)

  • Anong yugto ng pride cycle ang inilarawan sa katapusan ng Helaman 11?

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin at isipin ang mga partikular na pangyayari na nakita nila ang cycle na ito sa kanilang sariling buhay o sa buhay ng mga kakilala nila. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para maiwasan ang pangalawa at pangatlong yugto ng cycle. Hikayatin sila na isulat ang mga ideyang maiisip nila habang nagbulay-bulay sila.

Helaman 12

Ipinaliwanag ni Mormon kung bakit pinarurusahan ng Panginoon ang mga tao.

Isulat sa pisara ang sumusunod: “At sa gayon natin mamamasdan …” Ipaliwanag na ginamit ni Mormon ang pariralang ito upang ipahiwatig ang mga aral na dapat matutuhan mula sa mga ulat na ito na kanyang itinala.

  • Batay sa Helaman 11, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 12:1, at sabihin sa klase na alamin kung paano kinumpleto ni Mormon ang pahayag na ito.

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng pariralang “ang kahinaan ng mga puso ng mga anak ng tao”?

  • Ano ang nakakatulong sa inyong puso na manatiling tapat sa Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-aralan ang Helaman 12:2–3, at alamin kung ano pa ang ibang mga aral na nais ni Mormon na matutuhan natin sa kasaysayang ito ng mga Nephita. Ipaalala sa mga estudyante na madalas gamitin ni Mormon ang mga pariralang tulad ng “at makikita natin” (talata 2) at “sa gayon nakikita natin” (talata 3) kapag nagbabahagi siya ng mga katotohanang matutuhan natin mula sa mga tala sa mga banal na kasulatan.

  • Sa sarili ninyong mga salita, anong mga aral ang gusto ni Mormon na matutuhan natin? (Maaaring magbigay ng mga sagot ang mga estudyante ng tulad ng sumusunod: Kung hindi tayo maingat, baka malimutan natin ang Panginoon kapag umunlad na tayo; pinarurusahan ng Panginoon ang Kanyang mga tao upang mapukaw sila sa pag-alaala sa Kanya.)

  • Sa palagay ninyo bakit kaya nakakalimutan kung minsan ng mga tao ang Panginoon kapag umunlad o umasenso na sila?

  • Sa palagay ninyo bakit kailangan kung minsan na parusahan ang mga tao para maalaala nila ang Panginoon? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang parusahan o kastiguhin ay pahirapan o pagdusahin ang mga tao para maitama sila.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Sa anong mga paraan tayo maaaring pinaparusahan ng Panginoon ngayon?

Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang banal na pagpaparusa ay may tatlong layunin: (1) hikayatin tayong magsisi, (2) dalisayin at pabanalin tayo, at (3) minsan, upang itama ang direksyon ng buhay natin sa alam ng Diyos na mas mabuting landas” (“Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 98).

  • Paano naging katibayan ng Kanyang pagmamahal ang pagpaparusa ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 12:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga ugali ng mga tao na nagiging dahilan para mahirapan silang alalahanin ang Diyos. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na inilarawan ni Mormon ang mga taong ayaw magabayan ng Panginoon na mga “hindi nakahihigit kaysa sa alabok ng lupa” (Helaman 12:7). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 12:7–8.

  • Bakit maituturing ang gayong mga tao na “hindi nakahihigit kaysa sa alabok ng lupa”? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi itinuturo ni Mormon na mas mahalaga pa sa Ama sa Langit ang alabok ng lupa kaysa sa mga tao. Sa halip, binibigyang-diin niya na ang alabok ay laging sumusunod sa utos ng Diyos, ngunit ang mga tao ay madalas hindi sumunod.)

Ibuod ang Helaman 12:9–22 na binabanggit na sa mga talatang ito ipinaalala sa atin ni Mormon ang dakilang kapangyarihan ng Panginoon—na mauutusan ng Panginoon ang mga elemento na gumalaw o magbago at maitatakwil Niya ang masamang tao mula sa Kanyang harapan. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Helaman 12:23–26, at hanapin ang katibayan na nagpapakita na mas mahalaga tayo kaysa sa alabok ng lupa. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o pariralang mahalaga sa kanila.

  • Ano ang ipagkakaloob sa atin kapag nagsisi at nakinig tayo sa tinig ng Panginoon?

  • Paano ito nagpapatunay na mahalaga tayo sa Diyos?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na di-kumpletong pahayag. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng konklusyon sa lesson ngayon sa pamamagitan ng pagkumpleto ng mga pahayag na ito sa notebook o sa scripture study journal.

At sa gayon ay nakikita ko sa Helaman 11–12 na …

At samakatwid ako ay …

Magpatotoo na kapag inalala natin ang Panginoon, nakinig sa Kanyang tinig, at nagsisi, ipinakikita natin ang ating kapakumbabaan at katapatan sa Kanya. Bilang kapalit nito, tinutupad Niya ang Kanyang pangako na pagpapalain at pauunlarin tayo, at pagkakalooban kalaunan ng buhay na walang hanggan.