Library
Lesson 114: Helaman 14


Lesson 114

Helaman 14

Pambungad

Sa kanyang patuloy na pangangaral sa mga Nephita sa Zarahemla, ipinaalam ni Samuel ang Lamanita ang mga palatandaan ng pagsilang at kamatayan ni Jesucristo. Ipinaliwanag niya na ipinropesiya niya ang mga palatandaang ito upang tulungan ang mga tao na maniwala kay Jesucristo at mahikayat silang magsisi ng kanilang mga kasalanan. Itinuro niya na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan ay makababalik sa kinaroroonan ng Diyos. Nang sabihin niya sa mga tao na magsisi, ipinangako niya na ang mga nagsipagsisi ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan ngunit ang mga hindi nagsisi ay mawawalay na muli sa Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Helaman 14:1–13

Ipinropesiya ni Samuel ang mga palatandaan na kaugnay ng pagsilang ng Tagapagligtas

Bago magklase, magdrowing ng tatlong arrow sa pisara tulad ng sumusunod. May bahagi sa lesson na maglalagay ka ng mga salita at mga parirala sa palibot ng mga arrow.

arrow

Sabihin sa mga estudyante na alalahanin kung ano ang tinalakay nila sa nakaraang lesson tungkol sa Helaman 13. Kung kailangan nila ng tulong para makaalala, ipaalala sa kanila na pinag-aralan nila ang tungkol sa propetang nagngangalang Samuel. Sabihin sa kanila na ibahagi ang mga detalyeng naaalala nila tungkol sa kanya, tulad ng sino siya, saan siya nagtungo, ano ang itinuro niya, at ang espirituwal na kalagayan ng kanyang mga tinuturuan. Sabihin sa mga estudyante na alalahanin kung paano tinugon ng mga tao ang mensahe ni Samuel. Ipaliwanag na ang Helaman 14 ay karugtong ng mga itinuro ni Samuel.

Ipaliwanag na ipinropesiya ni Samuel ang mga mangyayari sa hinaharap, ang ilan sa mga ito ay magaganap libu-libong milya mula sa Zarahemla. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang pahapyaw ang Helaman 14:1–2 at tukuyin ang isang pangyayari na ipinropesiya ni Samuel (ang pagsilang ni Jesucristo).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Helaman 14:3–6, na inaalam ang mga palatandaan na makikita ng mga Nephita sa panahon ng pagsilang ng Tagapagligtas. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga palatandaang ito sa kanilang banal na kasulatan. Maaari mo ring ituon ang pansin ng mga estudyante sa mga footnote para sa mga talatang ito, na tumutukoy sa katuparan ng mga propesiya ni Samuel.

  • Ano ang kahulugan sa inyo ng pagsilang ng Tagapagligtas?

Basahin nang malakas ang Helaman 14:8–9. Bigyang-diin na mahalagang maniwala sa Tagapagligtas upang matamo ang buhay na walang hanggan. Isulat ang Buhay na Walang Hanggan pagkatapos ng huling arrow sa pisara. Ang ibig sabihin nito ay ipamuhay ang uri ng buhay na ipinamumuhay ng Diyos at mabuhay nang walang hanggan sa Kanyang piling kasama ang ating mga pamilya. Itinuro ni Samuel sa mga Nephita sa Zarahemla ang kailangan nilang gawin upang matanggap ang buhay na walang hanggan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Helaman 14:11–13, na inaalam ang gusto ni Samuel na malaman at gawin ng mga tao. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga bagay na gusto ni Samuel na malaman at gawin ng mga tao.

Sa kaliwa ng unang arrow, isulat ang Kaalaman. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante kung ano ang nakita nila na gusto ni Samuel na malaman ng mga tao. Sabihin sa ilang estudyante na ilista ang mga bagay na ito sa pisara sa ilalim ng salitang Kaalaman. (Dapat kasama sa mga sagot na gusto ni Samuel na malaman ng mga tao ang tungkol sa mga kahatulan ng Diyos para sa mga nagkasala, ang mga kundisyon ng pagsisisi, ang pagparito ni Jesucristo, at ang mga palatandaan na kaugnay ng Kanyang pagparito.)

  • Ano ang inaasam ni Samuel na gawin ng mga tao matapos matanggap ang kaalamang ito? (Maniwala kay Jesucristo at magsisi ng kanilang mga kasalanan.)

Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng alituntuning nakabatay sa Helaman 14:13. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa ilang estudyante ang isinulat nila. (Ang isang posibleng sagot ay ang paniniwala kay Jesucristo ay humahantong sa pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng pariralang “sa pamamagitan ng kanyang mga kabutihan,” ipaliwanag na ang mga kabutihan ay mga katangian o kilos na nagpapamarapat sa tao na makatanggap ng gantimpala. Upang maging karapat-dapat na tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan, may mga bagay tayo na dapat gawin, tulad ng taos-pusong pagsisisi, pagpapabinyag at pagpapakumpirma, at pagsunod sa mga kautusan. Gayunpaman, natatanggap natin ang kapatawaran dahil sa mga kabutihan ng Tagapagligtas, hindi ng sa atin. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang 2 Nephi 25:23, na isang scripture mastery passage: “Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.” Maaari mo ring ipabasa sa mga estudyante ang Alma 22:14 at Alma 24:10–11.

Tapusin ang diagram sa pisara tulad ng sumusunod:

Knowledge
  • Paano naragdagan ang inyong paniniwala sa Tagapagligtas nang malaman ninyo ang tungkol sa Kanya?

  • Paano kayo nahikayat ng paniniwala ninyo sa Tagapagligtas na magsisi at magsikap na mas maging katulad Niya?

Magpatotoo na tanging sa mga kabutihan lamang ni Jesucristo tayo makatatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at makatatanggap ng buhay na walang hanggan.

Helaman 14:14–31

Ipinropesiya ni Samuel ang mga palatandaan na kaugnay ng kamatayan ng Tagapagligtas

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 14:14. Pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Helaman 14:20–27, at ipahanap ang mga palatandaan na makikita ng mga Nephita sa panahon ng kamatayan ni Jesucristo. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga palatandaang ito. Kapag may sapat na oras na sila para magbasa, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa kanila na ang mga katuparan ng mga palatandaang ito ay nakatala sa 3 Nephi (tingnan sa Helaman 14:20, footnote a).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 14:28–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga dahilan kung bakit nagbibigay ang Panginoon ng mga palatandaan at kababalaghan. Sabihin sa ilang estudyante na ipahayag ang mga dahilang ito sa sarili nilang mga salita. (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang Panginoon ay nagbibigay ng mga palatandaan at mga kababalaghan para tulungan ang mga tao na maniwala sa Kanya.)

  • Ano ang maituturo sa atin ng katotohanang ito tungkol sa mga palatandaan na lilitaw bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga palatandaan at katibayan na ibinigay sa kanila ng Panginoon upang tulungan silang maniwala sa Kanya. Maaari mong hikayatin ang mga studyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan (ngunit ipaalala sa kanila na hindi sila obligadong ibahagi ang mga karanasang napakapersonal o napakapribado). Patotohanan na ang Panginoon ay nagbibigay ng mga palatandaan at nagpapadala ng mga propeta, tulad ni Samuel, sa ating panahon upang hikayatin ang mga tao na maniwala sa Kanya.

Paalala: Dahil maraming scripture passage ang nagbibigay ng babala sa atin na huwag maghanap ng mga palatandaan, maaaring malito ang mga estudyante kapag tinalakay ang tungkol sa mga palatandaan. Tulungan silang maunawaan na may kaibahan ang pagkilala sa mga palatandaan ng pagmamahal ng Diyos at ang paghahangad o paghahanap ng mga palatandaan dahil sa makasariling layunin (tingnan sa Jacob 7:9–14; Alma 30:43–50; D at T 46:9; 63:7–11). Kapag nagbabala ang mga propeta laban sa paghahanap ng mga palatandaan, ang tinutukoy nila ay ang mga taong hindi naniniwala kung hindi pakikitaan ng mga palatandaan at hindi ang mga taong nananampalataya na makakakita ng mga himala ayon sa kagustuhan ng Panginoon.

Ipaliwanag na bagama’t mabuting malaman ang mga palatandaang makikita ng mga Nephita kaugnay sa kamatayan ng Tagapagligtas, mas mahalagang maunawaan ang itinuro ni Samuel tungkol sa kahalagahan ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo. Idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram, na hindi isinasama ang mga paliwanag. Idagdag ang mga paliwanag kapag kailangan na habang tinatalakay ang Helaman 14:15–19. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang diagram na ito sa notebook o scripture study journal.)

bilog na diagram

Ipaliwanag na ang pariralang “kamatayang espirituwal” ay tumutukoy sa pagkawalay sa kinaroroonan ng Diyos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 14:15–16.

  • Ano ang unang espirituwal na kamatayan, na binanggit sa Helaman 14:16? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, nawalay tayo sa presensya ng Diyos.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 14:17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung paano nila madadaig ang unang kamatayang espirituwal. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Tinubos ni Jesucristo ang buong sangkatauhan mula sa Pagkahulog upang makabalik tayo sa kinaroroonan ng Diyos. Ipaliwanag na babalik ang lahat ng tao sa harapan ng Diyos upang hatulan (tingnan sa 2 Nephi 2:10).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 14:18–19.

  • Ano ang ikalawang kamatayang espirituwal, na binanggit sa Helaman 14:18–19? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang mga hindi magsisisi ay muling mawawalay sa kinaroroonan ng Ama.)

  • Ano ang magagawa natin upang maiwasan ang ikalawang kamatayan na binanggit ni Samuel? (Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Helaman 14:13 at Mormon 7:7–8. Ipaliwanag na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng magsisisi ay makakapanahanan sa kinaroroonan ng Diyos magpakailanman.)

Para mabigyang-diin ang kahalagahan ng kalayaang pumili sa paghahangad natin ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Helaman 14:30–31. Ipahanap sa kanila ang mga salita at parirala tungkol sa kanilang kalayaang pumili. Ipabahagi sa kanila ang mga salita at parirala na nahanap nila. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano sila tinutulungan ng mga salita at pariralang ito na maunawaan ang kahalagahan ng mga pagpiling ginagawa nila araw-araw.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Helaman 14:14–29. Ang propesiya ni Samuel tungkol sa kamatayan ng Tagapagligtas

Ang propesiya ni Samuel tungkol sa kamatayan ni Jesucristo ay isa sa mga detalyadong propesiya na naitala sa mga banal na kasulatan. Nakabalangkas sa sumusunod na chart ang mga bahagi ng propesiyang ito, kasama na ang katuparan nito. (Maaari mong ipaliwanag na ang mga footnote para sa Helaman 14:20–27 ay tumutukoy sa ilang talata na naglalarawan ng mga katuparan ng mga propesiya ni Samuel.)

Ang Propesiya Tungkol sa Kamatayan ng Tagapagligtas

Katuparan

Helaman 14:20, 27

Nagdilim ang araw nang tatlong araw

3 Nephi 8:19–23

Helaman 14:21

Kulog, kidlat, mga lindol

3 Nephi 8:6–7, 12

Helaman 14:22

Nagbitak ang lupa

3 Nephi 8:17–18

Helaman 14:23

Malalakas na unos; maraming bundok ang napatag at ang mga lambak ay naging mga bundok

3 Nephi 8:5–6, 12, 17–18

Helaman 14:24

Nawasak ang mga lansangang-bayan at mga lunsod

3 Nephi 8:8–11, 13–14

Helaman 14:25

Nabuksan ang mga libingan at naglingkod sa mga tao ang mga Banal na nabuhay na mag-uli

3 Nephi 23:9–13

Helaman 14:15–19. Nadaig ng Pagbabayad-sala ang kamatayan

Inilarawan ni Samuel ang Lamanita ang pagkakaiba ng pisikal na kamatayan, unang kamatayang espirituwal, at ng ikalawang kamatayang espirituwal, at kung paano nakatulong sa atin ang Pagbayayad-sala ng Tagapagligtas na madaig ang mga kamatayang ito. Itinuro rin ng mga propeta at iba pang mga lider ng Simbahan ang mga katotohanang ito.

Pisikal na kamatayan. Itinuro ni Elder Earl C. Tingey ng Pitumpu:

“Ang kamatayang pisikal ay paghiwalay ng espiritu sa katawan. Dahil sa Pagkahulog ni Adan, ang lahat ng tao ay daranas ng kamatayang pisikal” (“Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 73).

Ang unang espirituwal na kamatayan. Ang espirituwal na kamatayan ay ang “[pagkatakwil] mula sa harapan ng Panginoon” (Alma 42:9).

Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang pisikal na kamatayan at ang espirituwal na kamatayan ay bunga ng Pagkahulog nina Adan at Eva:

“Ang una nating mga magulang, sina Adan at Eva, ay sumuway sa Diyos. Sa pagkain ng ipinagbabawal na prutas, sila ay naging mortal. Dahil dito, sila at lahat ng kanilang mga inapo ay napailalim sa mortal at espirituwal na kamatayan (mortal na kamatayan, paghihiwalay ng katawan sa espiritu; at espirituwal na kamatayan, pagkawalay ng espiritu sa presensya ng Diyos at kamatayan sa mga bagay na nauukol sa espiritu)” (“The True Way of Life and Salvation,” Ensign, Mayo 1978, 6).

Ang espirituwal na kamatayan ay nagsimula sa mundo dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva. Dahil isinilang tayo sa mundong makasalanan, kinamulatan na natin ang kalagayang ito—nawalay tayo sa harapan ng Diyos. Tinukoy ni Samuel ang Lamanita ang kalagayang ito na “unang kamatayan (Helaman 14:16).

Itinuro ni Samuel ang Lamanita na madadaig ng lahat ng anak ng Ama sa Langit na nabuhay sa mortalidad ang pisikal at espirituwal na kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Helaman 14:17). Maraming iba pang mga banal na kasulatan ang nagpapatotoo sa katotohanang ito (tingnan sa 2 Nephi 2:9–10; 9:15, 22, 38; Alma 11:43–44; 12:12–15, 24; 42:23; 3 Nephi 26:4–5).

Ang ikalawa ay ang espirituwal na kamatayan. Ang ikalawang kamatayan ay isang tunay o huling espirituwal na kamatayan—maitaboy sa presensya ng Diyos magpakailanman dahil sa kasalanang hindi napagsisihan.

Naglaan din ang Tagapagligtas ng tulong para madaig ang ikalawang espirituwal na kamatayang ito. Siya ay nagdusa para sa ating mga kasalanan upang mabigyan Niya tayo ng pagkakataong magsisi. Ngunit sa lahat ng hindi magsisisi, ay “sasapit sa kanilang muli ang kamatayang espirituwal, oo, ang ikalawang kamatayan, sapagkat sila ay muling inihiwalay sa mga bagay na nauukol sa kabutihan” (Helaman 14:18). Nangangahulugan ito na hindi mananatili ang taong hindi nagsisi ng kanyang mga kasalanan sa harapan ng Diyos matapos siyang dalhin sa Kanya para hatulan.

Inilarawan ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kalagayang ito:

“Kung ang pisikal na kamatayan ay dumating bago maitama ang nagawang pagkakamali, ang pagkakataon na magsisi ay nawala na. Sa gayon, ‘ang [tunay na] tibo ng kamatayan ay kasalanan.’ (I Cor. 15:56.)

“Maging ang Tagapagligtas ay hindi tayo maililigtas sa ating mga kasalanan. Tutubusin Niya tayo mula sa ating mga kasalanan, kung magsisisi tayo. Responsibilidad natin ang ating sariling espirituwal na kaligtasan o kamatayan. (Tingnan sa Rom. 8:13–14; Hel. 14:18; D at T 29:41–45.)” (“Doors of Death,” Ensign, Mayo 1992, 73).

Helaman 14:18–19. Ang banal na kaloob na pagsisisi

Pinatotohanan ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kagalakang dumarating sa pamamagitan ng pagsisisi:

“Kinikilala ko nang may pasasalamat at pinatototohanan na ang hindi maarok na pagdurusa, kamatayan at Pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoon ay “isasakatuparan ang hinihingi ng pagsisisi” (Helaman 14:18). Ang banal na kaloob na pagsisisi ay susi sa kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Sa mga salita ng Tagapagligtas at may lubos na pagpapakumbaba at pagmamahal, inaanyayahan ko ang lahat na ‘mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit’ (Mateo 4:17). Alam ko na sa pagtanggap sa paanyayang ito, makakamtan ninyo ang kagalakan ngayon at magpakailanman” (“Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 41).