Lesson 57
Mosias 9–10
Pambungad
Sa panahon ng pamamahala ni Haring Mosias I, pinamunuan ni Zenif ang isang pangkat ng mga Nephita mula sa Zarahemla upang manirahan kasama ng mga Lamanita sa lupain ng Nephi. Ang Mosias 9–22 ay naglalaman ng isang tala ng mga karanasan ng mga taong ito. Pinayagan ng hari ng mga Lamanita ang mga tao ni Zenif na manirahan kasama nila dahil may lihim siyang balak na alipinin sila. Ang maling tradisyon at pagkapoot ng mga Lamanita sa mga Nephita ay humantong kalaunan sa digmaan. Ang mga tao ni Zenif ay humingi ng lakas sa Panginoon, at naitaboy nila ang mga Lamanita palabas sa kanilang lupain.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mosias 9:1–13
Pinangunahan ni Zenif ang pangkat ng mga Nephita na bumalik sa lupain ng Nephi
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang bagay na gustung-gusto nila noon. Sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi ang tungkol dito. Ipaliwanag na sa araw na ito ay pag-aaralan nila ang tungkol sa isang tao na ginusto nang labis ang isang bagay kaya hindi niya nakita ang mga posibleng resulta ng kanyang hangarin.
Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang diagram ng mga paglalakbay na sinimulan nilang iguhit sa nakaraang lesson. Ipaalala sa kanila na isang lalaking nagngangalang Ammon ang namuno sa isang pangkat ng mga Nephita mula sa Zarahemla at natagpuan si Limhi at ang kanyang mga tao sa lupain ng Nephi. (Maaari mong ipaliwanag na binanggit sa Aklat ni Mormon ang dalawang lalaking may pangalang Ammon. Ang isang lalaki ay pag-aaralan ng mga estudyante sa araw na ito. Ang isang lalaki ay anak ni Mosias na naging dakilang misyonero sa mga Lamanita. Mababasa ng mga estudyante ang tungkol sa kanya sa Mosias 27.) Sabihin sa mga estudyante na buksan ang kanilang banal na kasulatan sa Mosias 7–8 at tingnan ang petsa na makikita sa ibaba ng mga pahina o sa chapter summary (mga 121 B.C.). Sabihin sa kanila na ikumpara ang petsang iyon sa petsa sa Mosias 9 (mga 200 B.C., humigit-kumulang makalipas ang 80 taon). Itanong kung may makapagpapaliwanag kung bakit biglang nabago ang mga petsa.
Ipaliwanag na mula sa Mosias 8 hanggang sa Mosias 9, ang salaysay ay bumalik sa nakalipas na 80 taon para ilahad ang tungkol kay Zenif na lolo ni Haring Limhi. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang paunang salita ni Mormon sa talaan ni Zenif bago ang simula ng Mosias 9. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Mosias 9:1–2.
Sabihin sa mga estudyante na magdagdag sa kanilang diagram ng isa pang arrow na sumasagisag sa paglalakbay ng unang pangkat mula sa Zarahemla patungo sa lupain ng Nephi. Sabihin na kasama si Zenif sa pangkat na ito. Tulad ng makikita sa diagram na nasa pahinang ito, dapat ipakita sa iginuhit na arrow na bumalik din ang pangkat sa Zarahemla. Lagyan ito ng label na “Hinangad ng ilang Nephita na mabawi ang lupain ng Nephi.” (Para sa kumpletong diagram, tingnan ang apendiks sa katapusan ng manwal na ito.)
Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Mosias 9:3–4. Sabihin sa iba pa sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang (1) kung ano ang gustung-gustong makuha ni Zenif at (2) ano ang hindi niya naalala.
-
Ano ang ibig sabihin ng labis na nagpabigla-bigla? (Masyadong masigasig o sobrang interesado na makuha ang isang bagay.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mabagal sa pag-alaala sa Panginoon?
Ipaliwanag na dahil labis na nagpabigla-bigla si Zenif at mabagal sa pag-alaala sa Panginoon, siya ay nakagawa ng pagkakamali. Ipabasa sa mga estudyante ang Mosiah 9:5–7, 10, na inaalam ang pagkakamaling iyon.
-
Ano ang hindi nakita ni Zenif dahil labis siyang nagpabigla-bigla at nagnanais na makuha ang lupain ng Nephi?
-
Anong mga panganib ang dulot ng pagiging labis na pabigla-bigla sa paggawa ng mga desisyon?
-
Ano ang mga panganib ng paggawa ng mga desisyon nang hindi humihingi ng payo sa Panginoon?
Ibuod ang Mosias 9:11–13 na sinasabi sa mga estudyante na pagkaraan ng 12 taon, ang mga tao ni Zenif ay lumakas at umunlad kaya nabalisa ang hari ng mga Lamanita na hindi na niya sila madala sa pagkaalipin, kaya siya ay “nagsimulang galitin ang kanyang mga tao upang sila ay makipaglaban sa mga tao [ni Zenif]” (Mosias 9:13).
Mosias 9:14–10:22
Tinangka ng mga Lamanita na gawing alipin ang mga tao ni Zenif
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita at parirala: gawain sa paaralan, paglaban sa tukso, mga problema sa mga kaibigan, pamumuno, trabaho, di-pagkakasundo sa pamilya, mga sport. (Depende sa mga pangangailangan at interes ng iyong mga estudyante, maaari mong dagdagan ng iba pang bagay ang listahang ito.)
Papuntahin ang isang estudyante sa harapan ng klase at ipaunat ang kanyang mga bisig. Maglagay ng maliliit na bagay, tulad ng mga aklat o bato, sa mga kamay ng estudyante at sabihing hawakan ito nang nakataas ang mga kamay. Ipaliwanag na ang mga bagay ay sumasagisag sa mga hamon na nakasulat sa pisara. Itanong sa klase:
-
Alin sa mga nakasulat na ito ang nais pa ninyong magkaroon kayo ng dagdag na lakas at suporta?
Magdagdag ng isa o dalawa pang bagay sa bawat kamay ng estudyante. Itanong sa klase:
-
Naramdaman ba ninyo na masyado na kayong nabibigatan at nahihirapan at hinangad ninyong sana ay may mas kakayahan o lakas kayo para makayanan ang inyong mga hamon o pagsubok?
Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng klase at suportahan ang mga bisig ng estudyanteng may hawak ng mga bagay. Ipaliwanag na ang nalalabi sa lesson sa araw na ito ay tungkol sa isang pangkat ng mga tao na napagtanto sa kanilang sarili na kailangan nila ng higit na lakas. Sabihin sa mga estudyante na sa buong lesson na ito, aalamin nila ang mga paraan para makatanggap sila ng karagdagang lakas sa kanilang buhay. (Pabalikin na sa kanilang mga upuan ang mga estudyante na nasa harapan ng klase.)
Ipaliwanag na nakatala sa Mosias 9 at 10 na dalawang beses sinalakay ng mga Lamanita si Zenif at ang kanyang mga tao. Isulat sa pisara ang sumusunod na chart, pero huwag isama ang mga sagot sa panaklong. Sabihin sa mga estudyante na babasahin nila ang mga scripture passage sa chart, at hahanapin ang mga sagot sa mga tanong na nasa itaas ng chart. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na gamitin ang mga scripture passage sa unang hanay para mahanap ang mga sagot hinggil kay Zenif at sa kanyang mga tao. Sabihin sa pangalawang grupo na gamitin ang mga scripture passage sa pangalawang hanay para mahanap ang mga sagot hinggil sa mga Lamanita. Ipasulat sa isang estudyante mula sa bawat grupo ang kanilang mga sagot sa pisara kapag nahanap nila ang mga ito.
Ano ang ginawang paghahanda ng mga tao? |
Ano ang ginawa nila para magtiwala sila sa Panginoon? |
Ano ang naging resulta? | |
---|---|---|---|
Si Zenif at ang kanyang mga tao |
Mosias 9:14–16; 10:1–2, 7, 9–10 (Sinandatahan nila ang kanilang sarili at nakidigma.) |
(Nanalangin sila at naalala na iniligtas ng Panginoon ang kanilang mga ninuno.) |
(Pinalakas sila ng Panginoon, at naitaboy nila ang mga Lamanita palabas sa kanilang lupain.) |
Ang mga Lamanita |
(Sinandatahan nila ang kanilang sarili at nakidigma.) |
(Wala. Umasa sila sa sarili nilang lakas.) |
(Ang mga Lamanita ay naitaboy mula sa lupain at marami ang napatay sa kanila.) |
Matapos makumpleto ng mga estudyante ang chart, itanong:
-
Anong mga pagkakatulad at mga pagkakaiba ang nakikita ninyo sa mga tao ni Zenif at sa mga Lamanita sa paghahanda nila sa digmaan?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa paghahambing na ito?
Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Palalakasin tayo ng Panginoon kapag ginawa natin ang lahat ng ating makakaya at magtitiwala sa Kanya.
Tukuyin muli ang mga hamon na nakasulat sa pisara, at ipaalala sa mga estudyante ang object lesson.
-
Sa inyong palagay, paano magagamit ang alituntuning ito sa ilan sa mga hamong ito?
Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na halimbawa para matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan kung paano nila magagawa ang kanilang bahagi at magtitiwala sa Panginoon kapag humihingi sila ng lakas:
-
Magkakaroon kayo ng mahalagang test sa paaralan, at gusto ninyong mas mapagbuti ito.
-
Nahihirapan kayong talikuran ang isang masamang gawi, at dama ninyong kulang ang lakas ninyo para magawa ito nang mag-isa.
-
May problema kayo sa inyong pamilya, at tila hindi ninyo makakaya ang matinding emosyong dulot nito nang walang tulong.
Ipabasa muli sa mga estudyante ang unang tatlong linya ng Mosias 9:18. (Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga linyang ito sa kanilang banal na kasulatan.)
-
Kailan ninyo naranasan ang katotohanang inilahad sa mga linyang ito?
Maaari kang magbahagi ng sarili mong karanasan na nagpapakita na handa ang Panginoon na palakasin tayo kapag ginawa natin ang lahat ng ating makakaya at magtitiwala sa Kanya.
Ipaliwanag na bago nakidigma si Zenif at ang kanyang mga tao sa pangalawang pagkakataon, ipinaliwang ni Zenif sa kanyang mga tao kung bakit napopoot ang mga Lamanita sa mga Nephita. Isulat sa pisara ang mga salitang napoot at ginawan ng masama, at tanungin ang mga estudyante kung maipapaliwanag nila ang ibig sabihin ng mga salitang ito. (Ang ibig sabihin ng napoot ay nagalit nang matindi; ang ibig sabihin ng ginawan ng masama ay sinaktan o pinakitunguhan nang hindi makatwiran o hindi tama.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagdaramdam, paghihinanakit, at hindi pagpapatawad ay makakaapekto sa mga susunod na henerasyon, pagpartner-partnerin sila at ipabasa sa kanila ang Mosias 10:12–18. Sabihin sa kanila na alamin ang mga dahilan kung bakit patuloy pa ring kinapootan ng mga inapo nina Laman at Lemuel ang mga inapo ni Nephi.
Matapos basahin ng magkakapartner ang mga talata, sabihin sa kanila na pag-usapan nila ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat ang mga tanong sa pisara habang binabasa ng mga estudyante ang mga naka-assign sa kanila na mga talata, o magbigay ng handout na may mga tanong sa bawat pares ng estudyante.)
-
Bakit matindi ang galit ng mga Lamanita sa mga Nephita?
-
Sino ang nasasaktan kapag nagagalit tayo o ayaw nating magpatawad?
-
Paano nakakaapekto ang galit ng isang tao sa kanyang pamilya, ngayon at sa hinaharap?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Donald L. Hallstrom ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang magagawa natin kapag nagdamdam tayo o nagalit sa isang tao.
“Kung sa palagay ninyo ay nasaktan kayo—ng sinuman (kapamilya, kaibigan, kapwa miyembro ng Simbahan, lider ng Simbahan, kasamahan sa negosyo) o ng anuman (pagkamatay ng mahal sa buhay, problema sa kalusugan, pagkalugi, pang-aabuso, adiksyon)—harapin ang problema nang diretsahan at nang buo ninyong lakas. … At, huwag nang ipagpaliban, bumaling sa Panginoon. Lubos na sumampalataya sa Kanya. Tulutan Siyang makibahagi sa inyong pasanin. Tulutang pagaanin ng Kanyang biyaya ang inyong dalahin. … Huwag hayaang mapinsala ng sitwasyon sa mundo ang inyong espirituwalidad kailanman” (“Bumaling sa Panginoon” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 80).
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang bawat isa sa mga sumusunod na tanong. (Maaari mo silang hikayatin na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang scripture study journal o notebook.)
-
Naramdaman na ba ninyo na nasaktan kayo o nagalit sa isang tao?
-
Kanino kayo hihingi ng tulong para magawa ninyong magpatawad? Paano ninyo maiiwasan ang magdamdam at magalit sa mga darating na panahon?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nagpatawad sila ng isang tao. Anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi kung ano ang pakiramdam ng magpatawad at alisin ang kanilang pagdaramdam o galit. Maaari kang magpatotoo tungkol sa paghingi ng tulong sa Panginoon para mapatawad ang iba.