Library
Lesson 17: 1 Nephi 16


Lesson 17

1 Nephi 16

Pambungad

Matapos maantig ang kanilang puso ng mga salita ni Nephi, sina Laman at Lemuel ay nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon. Ang pamilya ay patuloy na naglakbay sa ilang, at binigyan sila ng Panginoon ng Liahona. Sa pamamagitan nito nagabayan Niya sila sa kanilang paglalakbay. Sa kanilang paglalakbay, dumanas sila ng mga hirap, kabilang na ang pagkabali ng busog ni Nephi, na nagagamit nila nang husto sa pagkuha ng pagkain. Halos lahat sa pamilya—maging si Lehi—ay nagsimulang bumulung-bulong laban sa Panginoon. Pinagsabihan ni Nephi ang kanyang mga kapatid dahil sa kanilang pagrereklamo, gumawa ng bagong busog, at humingi ng payo sa kanyang ama hinggil sa lugar kung saan siya mangangaso.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 16:1−6

Nagsalita si Nephi sa pagbubulong-bulong o pagrereklamo ng kanyang mga kapatid

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na napagsabihan sila dahil sa isang maling bagay na nagawa nila at kung ano ang itinugon at reaksyon nila tungkol dito. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 16:1. Bago siya magbasa, sabihin sa klase na pakinggan ang itinugon nina Laman at Lemuel sa mga itinuro ni Nephi. Ipaalala sa mga estudyante na itinuro ni Nephi na ihihiwalay ang masasama mula sa mabubuti at itatakwil sa harapan ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 15:33–36).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 16:2. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan nila ang pariralang ginamit ni Nephi upang ilarawan ang nagiging reaksyon ng ilang tao kapag nakakarinig ng katotohanan na hindi nila ipinamumuhay.

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “ang may kasalanan ay tumatanggap ng katotohanan nang may kahirapan”? Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “sumusugat sa kanila sa kaibuturan”?

  • Ano ang ilang itinutugon at reaksyon natin kung mahirap tanggapin ang katotohanan?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 16:3–4. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salitang kung at kung magkagayon sa talata 3. Hikayatin sila na alamin ang payo na ibinigay ni Nephi sa kanyang mga kapatid kung paano sila dapat tumugon sa “masasakit na bagay” na sinabi niya. Sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag ang itinuro ni Nephi sa kanyang mga kapatid gamit ang sarili niyang salita.

  • Ayon sa 1 Nephi 16:5, ano ang ginawa ng mga kapatid ni Nephi sa tagubilin niya?

  • Ano ang iminumungkahi sa 1 Nephi 16:5 tungkol sa gagawin natin kapag ang katotohanan ay “sumusugat sa [atin] sa kaibuturan”?

1 Nephi 16:7−33

Ginabayan ng Panginoon ang pamilya ni Lehi sa pamamagitan ng Liahona

Ang Liahona

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 16:9–10. Idispley ang larawang Ang Liahona (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 68). Ituro kung paano inilarawan ng pintor ang Liahona.

  • Sa inyong palagay, paano nakatulong ang ganitong kaloob kay Lehi at sa kanyang pamilya sa kanilang kalagayan?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 16:16–19.

  • Paano nakatulong ang Liahona sa pamilya ni Lehi?

  • Pagkatapos matanggap ng pamilya ni Lehi ang Liahona, naging madali o mahirap ba ang paglalakbay nila? Ano ang sinabi ni Nephi sa 1 Nephi 16:17–19 na susuporta sa inyong sagot?

  • Sa inyong palagay, bakit ang mga matwid na tao, tulad nina Lehi at Nephi, ay dumaranas kung minsan ng pagsubok? (Maaari mong ipaliwanag na marami sa mga pagsubok na dinaranas natin ay hindi palaging resulta ng mga maling pagpili natin. Sa halip, ang mga ito ay pagkakataon na matuto at umunlad bilang bahagi ng ating mortal na paglalakbay.)

Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).

Sabihin sa kalahati ng klase na basahin nang tahimik ang 1 Nephi 16:20–22, at alamin ang naging reaksyon ng ilan sa pamilya ni Lehi nang mabali ang busog ni Nephi. Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na basahing mabuti ang 1 Nephi 16:23–25, 30–32, at alamin ang itinugon at ginawa ni Nephi sa pagsubok na ito at paano ito nakaapekto sa kanyang pamilya. Matapos maibahagi ng bawat grupo ang nalaman nila, itanong:

  • Ano ang matututuhan natin kapag pinaghambing natin ang dalawang tugon o reaksyong ito sa parehong pagsubok?

  • Bakit mahalaga na nagtanong si Nephi sa kanyang ama kung saan mangangaso, kahit bumulung-bulong o nagreklamo si Lehi? Anong mga alituntunin ang matututuhan natin dito na maipamumuhay natin? (Maaari mong ipaliwanag na sa pagtatanong kay Lehi, si Nephi ay nagpakita ng paggalang sa kanya at nakatulong sa kanya na maalala na bumaling sa Panginoon. Ang paghingi ng payo sa mga magulang at priesthood leader, sa kabila ng kanilang kakulangan, ay isang paraan ng paggalang sa kanila at pananampalataya sa Panginoon.)

  • Ano pang mga alituntunin ang matututuhan natin sa itinugon at ginawa ni Nephi sa paghihirap ng kanyang pamilya? (Kapag nagbahagi ang mga estudyante ng kanilang mga ideya, tiyakin na bigyang-diin na kung gagawin natin ang lahat ng ating makakaya at hihingin din ang payo ng Panginoon, tutulungan Niya tayo sa ating mga problema at pagsubok.)

Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 16:26–29. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga detalye kung paano ginamit ng Panginoon ang Liahona para patnubayan ang pamilya ni Lehi. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagtanggap ng tagubilin ng Panginoon, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang kaibhan ng hindi masigasig na pagsunod sa tagubilin ng Panginoon at pagsunod sa tagubilin ng Panginoon nang may pananampalataya at pagsisikap?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 16:29, Alma 37:6–7, at Alma 37:38–41, at sabihin sa kanila na alamin ang isang alituntunin na itinuro sa tatlong talatang ito.

  • Anong alituntunin ang itinuro sa tatlong talatang ito? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ayon sa mga talatang ito, anong “maliliit na pamamaraan” ang inilaan ng Panginoon na gagabay sa atin?

Isulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara, at malinaw na ipakita na may nawawalang salita o parirala sa bawat tanong. (Maaari mong gawin ito bago magklase.)

  1. Ano ang dalawa o tatlong paraan na ang … ay tulad ng Liahona?

  2. Ano ang ilang bagay na maaaring maging dahilan para hindi natin marinig ang mahahalagang mensahe mula sa … ?

  3. Kailan kayo napagpala sa pagsunod sa tagubilin ng … ?

Hatiin ang klase sa tatlong grupo at magkaroon ng lider sa bawat grupo. Bigyan ang bawat lider ng kopya ng isa sa mga sumusunod na assignment, kung saan ang pag-aaralan ng kanilang grupo ay ang “maliliit na pamamaraan” na ginagamit ng Panginoon para gabayan tayo. (Kung malaki ang iyong klase, maaari mo itong hatiin nang mahigit sa tatlong grupo para mabawasan ang bilang ng miyembro ng bawat grupo. Kung gagawin mo ito, kailangan mong magbigay ng parehong assignment sa isa o mas maraming grupo.)

Group 1: Patriarchal Blessing

Basahin sa grupo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Ang Panginoon na siyang nagbigay ng Liahona para kay Lehi ay nagbibigay rin sa inyo at sa akin ngayon ng isang natatangi at mahalagang kaloob na nagbibigay ng direksyon sa ating buhay, para matukoy ang mga panganib sa ating kaligtasan, at maghanda ng daan, maging ng ligtas na daan—hindi tungo sa isang lupang pangako, kundi sa ating tahanan sa langit. Ang kaloob na tinutukoy ko ay ang inyong patriarchal blessing. …

“… Hindi dapat itupi at itago ang inyong patriarchal blessing. Hindi ito dapat ikuwadro o ipagsabi. Sa halip, dapat itong basahin. Dapat itong mahalin. Dapat itong sundin. Gagabayan kayo ng inyong patriarchal blessing sa pinakamatindi ninyong pagsubok. Gagabayan kayo nito sa mga panganib sa buhay. … Ang inyong patriarchal blessing ay ang inyong personal na Liahona na aakay at gagabay sa inyo” (“Your Patriarchal Blessing: A Liahona of Light,” Ensign, Nob. 1986, 65–66).

Iangkop ang tanong sa pisara para maging tungkol ito sa patriarchal blessing. Bilang grupo, sagutin at pag-usapan ang mga tanong na iyon. Mag-assign ng isang tao sa iyong grupo na magbabahagi sa klase ng natutuhan ng inyong grupo. Pagkatapos ay hilingin sa isang tao sa iyong grupo na ibahagi ang kanyang karanasan para sa tanong 3.

Group 2: Ang mga Banal na Kasulatan at mga Salita ng mga Propeta sa mga Huling Araw

Basahin sa grupo ang sumusunod na pahayag ni Elder W. Rolfe Kerr ng Pitumpu:

“Ang mga salita ni Cristo ay maaaring magsilbing personal na Liahona ng bawat isa sa atin, na nagtuturo sa atin ng daan. Huwag tayong tamarin dahil sa madali ang daan. Mapanampalataya nating isaisip at isapuso ang mga salita ni Cristo ayon sa pagkakatala nito sa banal na kasulatan at pagkakabanggit dito ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag. Mapanampalataya at masigasig tayong magpakabusog sa mga salita ni Cristo, dahil ang mga salita ni Cristo ang ating espirituwal na Liahona na nagsasabi sa atin ng lahat ng bagay na dapat nating gawin” (“Mga Salita ni Cristo—Espirituwal Nating Liahona,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 37).

Iangkop ang tanong sa pisara para maging tungkol ito sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Bilang grupo, sagutin at pag-usapan ang mga tanong na iyon. Mag-assign ng isang tao sa iyong grupo na magbabahagi sa klase ng natutuhan ng inyong grupo. Pagkatapos ay hilingin sa isang tao sa iyong grupo na ibahagi ang kanyang karanasan para sa tanong 3.

Group 3: Ang Espiritu Santo

Basahin sa grupo ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Sa pagsisikap nating iayon sa kabutihan ang ating pag-uugali at pagkilos, ang Espiritu Santo ang siyang parang Liahona natin ngayon katulad noong panahon ni Lehi at ng kanyang pamilya. Ang mismong mga bagay na nagpagalaw sa Liahona para kay Lehi ang mismong mag-aanyaya sa Espiritu Santo sa ating buhay. At mismong ang mga bagay na nagpahinto sa paggalaw ng Liahona noon ang siya ring nagiging sanhi ng paglayo natin sa Espiritu Santo ngayon” (“Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 30).

Iangkop ang tanong sa pisara para maging tungkol ito sa Espiritu Santo. Bilang grupo, sagutin at pag-usapan ang mga tanong na iyon. Mag-assign ng isang tao sa iyong grupo na magbabahagi sa klase ng natutuhan ng inyong grupo. Pagkatapos ay hilingin sa isang tao sa iyong grupo na ibahagi ang kanyang karanasan para sa tanong 3.

Paalala sa titser: Pagkatapos ng mga anim o walong minuto, sabihin sa bawat grupo na ituro sa klase ang natutuhan nila mula sa napag-usapan nila. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal o notebook ang isang pangyayari na ginabayan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan. Maaari mong ibahagi ang isang pagkakataon na ginabayan ka ng Panginoon sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

1 Nephi 16:10. Personal na Liahona

Inihalintulad ni Pangulong Spencer W. Kimball ang ating konsiyensya sa Liahona:

“Dapat ninyong malaman na mayroon kayong parang kompas, gaya ng Liahona, sa pagkatao ninyo. Bawat bata ay binigyan nito. Kapag walong taong gulang na siya, alam na niya ang mabuti at masama, kung naturuan siyang mabuti ng kanyang mga magulang. Kung babalewalain niya ang Liahona sa kanyang pagkatao, sa huli’y baka hindi na ito bumulong pa sa kanya. Pero kung aalalahanin natin na bawat isa sa atin ay may bagay na iyon na magtutuwid sa atin, hindi maliligaw ang ating barko at ang paghihirap ay hindi mangyayari at hindi mababali ang mga busog at hindi dadaing para sa pagkain ang pamilya—kung makikinig tayo sa mga dikta ng sarili nating Liahona, na tinatawag nating konsiyensya” (“Our Own Liahona,” Ensign, Nob. 1976, 79).