Lesson 9
1 Nephi 5
Pambungad
Habang naghihintay ang asawa ni Lehi na si Saria sa pagbabalik ng kanyang mga anak mula sa Jerusalem, natakot siya na nasawi sila sa pagkuha ng mga laminang tanso. Nang makabalik sila nang ligtas at dala ang mga laminang tanso, mas lumakas ang patotoo ni Saria na pinapatnubayan at pinangangalagaan ng Diyos ang kanyang pamilya. Sinaliksik ni Lehi ang mga laminang tanso at nalaman na magiging napakahalaga nito sa kanyang pamilya. Nang basahin niya ang mga ito, siya ay napuspos ng Banal na Espiritu, at nagpropesiya siya na ang mga banal na kasulatan na nilalaman nito ay pangangalagaan para sa kanyang mga inapo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 5:1–9
Ang mga anak ni Lehi ay nakabalik nang ligtas sa kanilang pamilya sa ilang
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 5:1–3. Sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit nagsimulang dumaing o magreklamo si Saria.
-
Ano ang mga idinadaing o inirereklamo ni Saria? (Kabilang sa maaaring maging sagot ay isang mapangitaing tao si Lehi, inilayo niya ang pamilya sa lupaing kanilang mana, at gumawa ng mga pagpapasiya na maaaring humantong sa pagkasawi ng kanilang mga anak at ng kanilang sarili sa ilang.)
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nagreklamo sila tungkol sa isang sitwasyon kahit hindi nila nalalaman ang buong pangyayari.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 5:4–6. Sabihin sa klase na pagtuunan ng pansin ang paraan ng pagtugon ni Lehi sa mga daing o reklamo ni Saria.
-
Ano ang hinangaan ninyo sa pagtugon ni Lehi sa pagrereklamo ni Saria? (Maaari mong ipaliwanag na tumugon si Lehi nang may patotoo at tiwala sa Panginoon sa halip nang may takot o pag-aalinlangan. Hindi siya tumugon nang pagalit o naiinis.)
-
Ano ang matututuhan natin sa pagtugon ni Lehi kay Saria?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 5:7–9.
-
Ano ang natutuhan ni Saria sa karanasang ito?
1 Nephi 5:10–22
Sinaliksik ni Lehi ang mga laminang tanso
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung may anumang bagay sa kanilang buhay na handa silang pagsakripisyuhan para lamang makuha o matamo ito.
Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang 1 Nephi 3–4 at banggitin ang mga sakripisyong ginawa ng pamilya ni Lehi para makuha ang mga laminang tanso. (Nanganib ang buhay ni Nephi at ng kanyang mga kapatid, isinakripisyo ang kanilang kayamanan, at naglakbay nang malayo.)
-
Sa inyong palagay, bakit kinakailangan ang mga sakripisyong iyon?
Ipaliwanag na matapos mag-alay ng mga haing susunugin at magpasalamat ang pamilya sa Panginoon, kaagad sinimulan ni Lehi ang pagbabasa sa mga lamina. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 5:11–16. Sabihin sa klase na alamin ang natuklasan ni Lehi sa mga laminang tanso. Maaari mong ilista sa pisara ang kanilang nalaman.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 5:10. Ipahanap sa kanila ang salitang naglalarawan sa pagbasa ni Lehi ng mga banal na kasulatan. (“Sinaliksik niya ang mga yaon.”) Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner sila para talakayin ang sumusunod na tanong:
-
Ano ang kaibhan ng pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan sa pagbabasa lamang ng mga ito? (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na magkuwento ng mga karanasan nila sa pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan.)
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapag sinabi kong ‘pag-aralan,’ higit pa ito sa pagbabasa. Kung minsa’y magandang basahin ang isang aklat sa banal na kasulatan sa takdang haba ng panahon para maunawaan ang buong mensahe nito, ngunit sa pagbabalik-loob, mas mahalaga dapat ang oras ninyo sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan kaysa sa dami ng nabasa ninyo sa oras na iyon. Kung minsa’y nawawari kong nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, at muling binabasa ang talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo. Sa ganitong pag-aaral, maaaring ilang kabanata o talata lang ang mabasa ninyo sa kalahating oras, pero bibigyan ninyo ng puwang sa inyong puso ang salita ng Diyos, at kakausapin Niya kayo. Alalahanin ang paglalarawan ni Alma nang madama niya ito: ‘Sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap sa akin’ [Alma 32:28]” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 11–12).
Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti ang kanilang sariling pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ipasulat sa kanilang scripture study journal o notebook ang magagandang paraan ng pagsasaliksik nila ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos nilang magsulat, sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nila mas mapagbubuti pa ang pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan. Papiliin sila ng isang paraan na mapagbubuti pa nila ang pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan. Hikayatin sila na isulat ang mithiing ito sa kanilang scripture study journal. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na sabihin nila ang kanilang mithiin sa isang tao (halimbawa, sa iyo, sa kanilang magulang, o iba pang estudyante) na magpapaalala ng kanilang mithiin at maghihikayat sa kanila na magawa ito.
Ipaliwanag na pinagpala ng Panginoon si Lehi dahil sa pagsasaliksik niya ng mga banal na kasulatan. Para matulungan ang mga estudyante na malaman ang mga pagpapalang ito, ipabasa sa kanila nang tahimik ang 1 Nephi 5:16–20.
-
Paano nakaimpluwensya kay Lehi ang pagsasaliksik sa mga laminang tanso?
Bigyang-diin na habang sinasaliksik ni Lehi ang mga laminang tanso, siya ay napuspos ng Banal na Espiritu, at nakatanggap ng paghahayag “hinggil sa kanyang mga binhi” (kanyang mga inapo). Tiyakin sa mga estudyante na kapag sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan, tayo ay mapupuspos ng Banal na Espiritu at makatatanggap ng paghahayag. Gayon din, kapag ibinigay natin ang ating oras at lakas sa pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan tulad ng ginawa ni Lehi, makatatanggap tayo ng lakas na sundin ang mga kautusan ng Diyos.
-
Paano kayo napagpala sa pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan?
-
Kailan ninyo nadama ang Banal na Espiritu sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag, kung saan nagpatotoo si Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga pagpapala ng pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan:
“Kapag nais nating kausapin ang Diyos, nagdarasal tayo. At kapag gusto nating kausapin Niya tayo, sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan; dahil ang Kanyang mga salita ay inihahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Sa gayon ay tuturuan Niya tayo habang nakikinig tayo sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu.
“Kung hindi ninyo narinig ang Kanyang tinig nitong mga nakalipas na araw, tingnan sa bagong pananaw ang mga banal na kasulatan at muli itong pakinggan. Ang mga ito ang nangangalaga sa ating espirituwalidad” (“Mga Banal na Kasulatan: Ang Kapangyarihan ng Diyos sa Ating Ikaliligtas,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 26–27).
Basahin nang malakas ang 1 Nephi 5:21–22, at sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumunod sa pagbasa sa kanilang banal na kasulatan. Sa iyong pagbabasa, bigyang-diin ang mga salitang ito: “Anupa’t ito ay naaayon sa karunungan ng Panginoon na dapat naming dalhin ang mga yaon, habang kami ay naglalakbay sa ilang.”
-
Bakit makabubuti para sa atin na dalhin ang mga banal na kasulatan sa ating mga paglalakbay?
-
Sa paanong paraan natin madadala ang mga banal na kasulatan?
Bigyang-diin na nakuha ni Lehi at ng kanyang pamilya ang mga laminang tanso dahil nagsakripisyo sila nang malaki. Kung wala ang mga banal na kasulatan, hindi magtatagumpay si Lehi at ang kanyang pamilya sa kanilang paglalakbay. Hikayatin ang mga estudyante na dalhin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan habang naglalakbay sila sa buhay na ito.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang tungkol sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na regular na nagbabasa ng mga banal na kasulatan na hikayatin ang kanyang mga kaklase at magpatotoo sa kanila. Hikayatin ang mga estudyante na kaugalian nilang mag-ukol ng oras sa pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan araw-araw.
Paalala: Ang haba ng lesson na ito ay maaring magbigay ng oras para sa scripture mastery activity mula sa nakaraang lesson.