Pambungad sa Ang Aklat ni Alma
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Sa pag-aaral ng aklat ni Alma, malalaman ng mga estudyante ang tungkol kay Jesuscristo at ang pangangailangan sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli sa plano ng kaligtasan. Malalaman din nila ang tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos na manaig sa huwad na pagkasaserdote, maling doktrina, kasalanan, poot, at apostasiya at umakay sa mga tao na magkaroon ng malaking pagbabago sa puso. Ang mga estudyante ay mapapalakas at mabibigyang-inspirasyon kapag nabasa nila ang mga ginawa nina Alma, Amulek, at ng mga anak ni Mosias bilang mga misyonero, gayon din ang pagbabalik-loob at katapatan ng mga Anti-Nephi-Lehi (ang mga tao ni Ammon). Sa pag-aaral nila ng mga kabanata na nagdedetalye sa digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita, matututuhan nila ang mga alituntunin na gagabay sa pamumuhay nila sa napakahirap na panahong ito at tutulong sa kanila na magtagumpay sa sarili nilang mga digmaan laban sa kaaway.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Tinipon at pinaikli ni Mormon ang mga talaan mula sa malalaking lamina ni Nephi upang buuin ang aklat ni Alma. Ang aklat ay ipinangalan kay Alma, na anak ni Alma, at madalas tawaging Nakababatang Alma. Noong panahong pasimulan ni Haring Mosias ang panunungkulan ng mga hukom sa mga Nephita, si Nakababatang Alma ang naging unang punong hukom at hinalinhan ang kanyang ama bilang mataas na saserdote sa buong Simbahan (tingnan sa Mosias 29:42). Sa huli ay nagbitiw siya sa kanyang katungkulan bilang punong hukom upang lubos na iukol ang kanyang sarili “sa mataas na pagkasaserdote” at “ipahayag ang salita ng Diyos sa mga tao” sa buong lupain ng mga Nephita (Alma 4:20; 5:1). Ginamit ni Mormon ang mga talaan ng paglilingkod ni Alma (tingnan sa Alma 1–44) at ang mga isinulat ng mga anak ni Alma na sina Helaman (tingnan sa Alma 45–62) at Siblon (tingnan sa Alma 63) upang buuin ang aklat ni Alma.
Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?
Hindi sinabi ni Mormon kung para kanino ang aklat ni Alma o kung bakit niya isinulat ang aklat na ito. Gayunman, ang maraming turo ng aklat tungkol sa misyong tumubos ni Jesucristo ay sumuporta sa pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon, na patotohanan “na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan,” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon; tingnan din sa Alma 5; 7; 13; 32–34; 36; 39–42).
Kailan at saan ito isinulat?
Ang mga orihinal na talaan na pinagkunan para sa aklat ni Alma ay maaaring isinulat sa pagitan ng 91 B.C. at 52 B.C. Pinaikli ni Mormon ang mga talaang iyon sa pagitan ng mga A.D. 345 at A.D. 385. Hindi binanggit ni Mormon kung nasaan siya nang tinipon niya ang aklat na ito.
Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?
Bagama’t ang aklat ni Alma ang pinakamahaba sa Aklat ni Mormon, 39 na taon lamang ang saklaw nito—tinatayang 91 B.C. hanggang 52 B.C. Nakatala sa aklat ang unang tagumpay ng gawaing misyonero sa mga Lamanita. Itinatampok din dito ang katapatan ng mga Lamanitang nagbalik-loob sa pagtupad ng kanilang mga tipan (tingnan sa Alma 23:6–7; 24). Bukod pa riyan, kasama sa aklat ni Alma ang mga turo tungkol sa doktrina ng pagkaorden noon pa man at paglilingkod ni Melchizedek (tingnan sa Alma 13); ang kapangyarihan ng salita ng Diyos (tingnan sa Alma 31); paano magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo (tingnan sa Alma 32–34); ang kabigatan ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri (tingnan sa Alma 39); ang kalagayan ng ating mga espiritu pagkatapos ng kamatayan (tingnan sa Alma 40); ang mga doktrina ng pagkabuhay na mag-uli at ng panunumbalik (tingnan sa Alma 40–41); at ang bahaging ginagampanan ng katarungan at awa sa plano ng pagtubos ng Ama sa Langit (tingnan sa Alma 42). Ang aklat na ito ay naglalaman din ng mga tagubilin ng Panginoon hinggil sa pagtatanggol sa sarili at pagbibigay-katwiran sa paglaban sa digmaan (tingnan sa Alma 43:45–47).
Outline
Alma 1–3 Pinasimulan ni Nehor ang huwad na pagkasaserdote sa mga Nephita. Pinamunuan ni Alma ang mabubuting Nephita sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban kay Amlici at sa mga tagasunod nito, na umanib sa isang hukbo ng mga Lamanita. Matapos hadlangan ang tangka ni Amlici na maging hari at wasakin ang Simbahan, natalo ng mga Nephita ang isa pang hukbo ng mga Lamanita.
Alma 4–16 Nagbitiw si Alma bilang punong hukom. Naglakabay siya sa buong lupain ng mga Nephita upang labanan ang kapalaluan at kasamaan sa pamamagitan ng pangangaral ng salita ng Diyos. Sumama si Amulek kay Alma, at itinuro nila ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang Pagkabuhay na Mag-uli, at ang pangangailangang manampalataya sa Panginoon at magsisi. Si Zisrom ay nagbalik-loob at nabinyagan.
Alma 17–28 Ipinangaral ng mga anak ni Mosias at ng iba pa ang salita ng Diyos sa mga Lamanita sa lupain ng Nephi. Libu-libo ang nagbalik-loob sa Panginoon. Ibinaon ng mga nagbalik-loob ang kanilang mga sandata ng digmaan at nagtungo sa mga Nephita at nanirahang kasama nila. Maraming namatay sa matinding digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita.
Alma 29–42 Ninais ni Alma na makapagdala ng mga kaluluwa tungo sa pagsisisi. Nalito niya si Korihor na isang anti-Cristo. Sa pagtuturo sa mga Zoramita, isang pangkat ng mga tumiwalag na Nephita, inihalintulad ni Alma ang salita ng Diyos sa isang binhi na kailangang pangalagaan ng pananampalataya. Nagpatotoo si Amulek tungkol sa Pagbabayad-sala at itinuro sa mga Zoramita na manampalataya tungo sa pagsisisi. Si Alma ay nagpayo at nagpatotoo sa bawat anak niya na sina Helaman, Siblon, at Corianton. Ipinagkatiwala ni Alma ang mga sagradong talaan kay Helaman. Itinuro niya ang tungkol sa daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng mortal na buhay, pagkabuhay na mag-uli, at ang bahagi ng katarungan at awa sa plano ng Diyos.
Alma 43–45 Dahil sa naudyukang magalit ng mga tumiwalag na Nephita, sinalakay ng mga Lamanita ang mga Nephita para makidigma. Pinamunuan ni Moroni ang mga Nephita at nagtagumpay laban sa hukbo ni Zerahemnas. Kinausap at binasbasan ni Alma si Helaman, ipinropesiya ang pagkalipol ng mga Nephita, at nilisan ang lupain.
Alma 46–63 Pinamunuan nina Moroni, Lehi, Tiankum, Helaman, at Pahoran ang mga Nephita at nagtagumpay laban sa mga hukbo ng mga Lamanita na pinamumunuan nina Amalikeo at Amoron. Napigilan din nina Moroni at Pahoran ang paghihimagsik ng mga tumiwalag na Nephita na kilala bilang mga king-men. Tinanggap ni Siblon ang mga talaan ng mga Nephita at ibinigay ang mga ito kalaunan sa anak ni Helaman na si Helaman. Tinalo ng hukbo ni Moronihas ang mga Lamanita sa isa pang digmaan.